Chereads / Love and Switch (Tagalog) / Chapter 11 - Kabanata - XI : Ervine's Past

Chapter 11 - Kabanata - XI : Ervine's Past

AKWARD na sitwasyon, kaharap ni Mr. Valdez ang dark witch na si Switch. Ito ang una nilang pagkikita narito kami ngayon sa magic shop nila.

"So nalaman na pala ng poging lalaking 'to ang sekreto n'yo?" napatingin si Switch sa dereksyon ko kung saan nakatayo ako katabi si Ervine na nag-aayos ng mga paninda.

Nasa normal kaming katawan ngayong araw, sinama namin dito si Mr. Valdez dahil gusto niyang makilala si Switch.

"Ikaw pala ang sinasabi nilang mangkukulam, ba't hindi mo na lang kasi tanggalin ang sumpang ginawa mo sa kanila?" seryosong litanya ni Mr. Valdez.

Ngayon pa lang sila nagkita pero kung makipag-usap siya kay Switch parang matagal na silang magkakilala.

"Hay! Talaga bang sinabi n'yo rito kay mr. pogi ang lahat?" Inikot ni Switch ang mata niya't binaling sa amin ni ate.

"Magkano bang gusto mo? babayaran ko!" Aktong dudukot ng salapi si Mr. Valdez nang bigla siyang sitahin ni Switch.

"Mukhang hindi mo naiintindihan mr. rich boy, hindi nabibili ng pera ang pag-ibig ng tao! Naintindihan mo?"

"Kung gano'n kailangan ko lang mahalin si Carmen at gano'n din siya sa akin upang mawala ang sumpa at bumalik na siya sa dating katawan?"

"Oi! Oi! Nangangarap ka Alejandro!" sabat ni ate habang hinihimas si Misha, himala't gusto siya ng alagang pusa ni Ervine.

"Ito na bang si mr. rich boy ang forever mo, bouncy boobs?" asar ni Switch kay ate.

Tuwang-tuwa talaga siya sa tuwing inaasar niya si Ate. Sa gitna ng asaran nila napansin kong tahimik si Ervine. Nakasandal siya sa isang tabi at mukhang kinakapos ng hininga. Agad ko siya nilapitan nag-alala ako sa kanya nang makitang nanghihina siya't napapakapit sa kanyang dibdib parang may kumikirot sa loob niya.

"E-Ervine? Ayos ka lang ba? a-ano'ng nangyayari sa'yo?"

Agad ko siyang inakay sa aking braso. Tinawag ko kaagad ang atensyon nilang lahat upang tulungan si Ervine.

"Ano'ng nangyari sa bubwit? Ayos lang ba siya?" nag-aalalang tanong ni Ate Carmen.

Lumapit si Switch ikinumpas ang kamay sa hangin saka binanggit ang mga katagang—

"Orea, ilaih, majika, nepetrum, portalum!!"

Gumuhit sa hangin ang mahika ni Switch, gumawa ito ng isang portal. Inutusan ni Switch na bitbitin si Ervine papasok sa loob ng portal. Tinulungan ako ni Mr. Valdez, siya ang kumarga sa nanghihinang si Ervine. Natatakot ako sana walang mangyaring masama sa kanya.

Pumasok kaming lahat sa loob ng portal, isinara ni Switch ang kanyang magic shop upang pagtuunan ng pansin ang nanghihinang si Ervine. Nang makarating kami sa loob ng tahanan nila agad inutos ni Switch na dalhin si Ervine sa kuwarto agad naman kaming sumunod sa kanya. Inihiga ni Mr. Valdez si Ervine sa kama, nakahawak sa dibdib si Ervine na parang namimilipit sa sakit. Magkahalong takot at pag-aalala ang nararamdaman ko ngayon, tinabihan ko siya't pilit na pinapakalma.

"Ervine," bulong ko.

Hinawakan ko ang kamay niya, ramdam ko ang panlalamig nito. Lumapit si Switch may dalang potion? Hindi ko maiwasang magtanong.

"Para saan ang potion na 'yan?"

Binuksan niya ang takip ng potion, kulay pula ito at may matamis na amoy parang candy. Hinawakan ni Switch ang ulo ni Ervine, inilagay niya ang laman ng potion sa bibig saka inilapat ang labi niya sa labi ni Ervine, para ipainom dito ang potion. Matapos maubos ang laman ng potion naging panatag ang lagay ni Ervine.

Bumalik ang init sa palad niya, hindi na siya mukhang nahihirapan. Mahimbing na nakatulog si Ervine, wala na ang sakit na iniinda niya kanina.

"Kumusta ang bubwit? Ayos na ba siya ngayon?" nag-aalalang tanong ni ate kay Switch.

"Oo, huwag kayong mag-alala palagi itong nangyayari sa kanya." Tumayo si Switch, bakas sa mukha niya ang pag-aalala sa anak-anakan.

"Pinainom ko na siya ng "Calm Potion", isa itong magic potion na nakapagpapakalma ng katawan ng tao lalo na't kapag nakakaramdam sila ng matinding sakit—hindi sa katawan kundi sa spiritual."

"A-Ano'ng ibig mong sabihin?" pagtataka kong tanong.

"Ang sakit na nararamdaman niya wala sa katawan, ito ay sakit dulot ng kanyang nakaraan."

"Matagal na akong nahihiwagahan sa kanya, ano bang mayroon sa kanya?"

Tumaas ang boses ko sa sobrang pag-aalala, hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari kay Ervine. Gusto kong malaman ang tungkol sa kanya!

Nakatayo sa harap ng pinto si Switch, sumenyas siyang sumunod sa kanya. Tumango ako bilang tugon, lumabas kaming lahat sa loob ng kuwarto ni Ervine. Bago tuluyang makalabas sa loob ng kuwarto napansin ko ang isang larawan. Kinuha ko ito saka pinagmasdang mabuti.

Larawan ng may edad na lalaki at babae, magkahiwalay na larawang pinagdikit. Kahawig ni Ervine ang babae—hindi kaya?

"Mga magulang niya 'yan, palihim niyang kinuhanan ang mama at papa niya saka pinagdikita ang larawan sa isang picture frame."

Nagulat ako nang biglang magsalita si Switch, kinuha niya ang larawan saka binalik kung saan ito nakapatong kanina. Nalungkot ako nang marinig ko ang tungkol sa larawan siguradong nanabik din siya sa kanyang tunay na mga magulang. Ibig sabihin buhay pa at alam ni Ervine kung sino ang tunay niyang mga magulan.

"B-Bakit hindi siya magpakilala sa mga magulang n'ya? Malay natin hinahanap din siya ng mga ito?"

"Sinabihan ko na siya noon subalit, si Ervine na mismo ang ayaw magpakilala sa kanila. Para sa kanya patay na ang mga magulang niya, normal lang naman na magalit siya sa mga taong nagtapon sa kanya sa bangketa, 'di ba?" dismayadong tugon ni Switch.

Hindi ko siya masisisi talagang masakit ang ginawang pag-iwan sa kanya sa bangketa ng kanyang tunay na mga magulang.

Nalungkot ako sa narinig ko mula kay Switch. Lumabas kami ng kuwarto saka nagtungo sa mahabang lamesa at doon pinagtapat ni Switch ang tunay na pagkatao ni Ervine. Hinainan kami ni Switch ng tsaa at cookies habang kumakain tahimik kaming nakinig sa kwento niya.

Matapos ikwento ni Switch ang tungkol sa pagkatao ni Ervine, namuo ang luha sa mga mata ko hindi ko napigilan ang sarili kong maiyak sa malungkot na katotohanan sa pagkatao ni Ervine. Si Ervine Morales, gamit ang ibinigay na pangalan ni Switch ay sinumpa mismo ni Switch! Noong natagpuan niya ang sanggol sa bangketa, nag-aagaw buhay ito dahil sa lamig at pagkagutom.

Upang mabigyan ng karampatang lunas ang sanggol ginamit ni Switch ang kanyang mahika upang iligtas ang sanggol na si Ervine. Wala nang choice si Switch kundi gumamit ng malakas na mahika dahil mamatay ang sanggol kapag hindi niya ito ginamit. Subalit may karampatang kaparusahan ang ginawa niya dahil sa paggamit nito. Dinugtungan niya kasi ang buhay ng sanggol na dapat sana ay wala na mundong ibabaw.

Isang sumpa ang inilagay niya sa katawan ng sanggol, sumpa na mabubuhay ito at magiging matapang at matatag paglaki. Kapalit ng buhay na ibinigay ni Switch ay ang puso ni Ervine, hindi siya maaring umibig. Kapag umibig siya maninikip ang dibdib niya, mamimilipit ang puso hanggang sa bawian siya ng buhay.

Ito ang dahilan kaya itinatago ni Ervine ang presensya niya sa mga tao, ayaw niyang maging malapit kahit kanino. Gumagamit si Ervine ng 'Presence Potion' sa oras na uminom ka nito maglalaho ang presensya mo at hindi kana mapapansin ng mga taong nakapaligid sa 'yo.

Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakikita ng mga kaklase ko sa school, maging sa loob ng magic shop tago ang presensya niya. Madalas si Switch ang humaharap sa mga tao at si Ervine taga-linis at taga-ayos lamang sa magic shop. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi siya kilala ng mga tao sa school. Ngayon alam ko na, kaya ba sinabi n'ya na hindi ako maaring mainlab sa kanya? Kung gano'n bakit kumikirot ang puso niya?

"So in love na ang batang bubwit?" biglang sumingit si Ate Carmen.

Nakapamewang na tumayo saka sumandal sa pader habang nakatingin kay Switch.

"Tingin ko simula no'ng makilala niya kayong dalawa nagkaroon na siya ng pakiramdam sa paligid, nabuksan ang puso niyang nakakulong—walang pakiramdam! Lalo na nang makilala niya si Charlotte, malaking bahagi ang pagdating mo sa buhay ni Ervine."

"M-May pag-asa pa bang matanggal ang sumpa sa puso ni Ervine?" nahihiya kong tanong.

Nakayuko ako't nilalamon ng kaba sa kinauupuan ko. Curious ako sa sasabihin ni Switch, gusto kong malaman kung—

"Oi! Lottie don't tell me may gusto ka sa bubwit na 'yon?" Nakataas ang kilay ni Ate nang pansinin niya ako.

Ang bilis nang tibok ng puso ko ngayon, maliban sa pag-aalala ko kay Ervine, may kung ano'ng mabigat sa loob ko na gustong kumawala.

"Mawawala ang sumpa kung kusang mabubuksan ang puso niya sa tunay na pagmamahal, change of hearts ika nga. Bukal sa loob na pagbabago at pagpapatawad, sa oras na mapatawad niya ang taong kinamumuhian niya, mawawala agad ang sumpa!"

"Ang bigat naman! Hindi gano'n kadaling magpatawad lalo na kung malaki ang naging kasalanan ng isang tao sa 'yo!" mariin kong pahayag.

"Alam ko! kaya nga, hanggang ngayon… si Ervine, nabubuhay pa rin sa puot at galit! Hindi niya mapatawad ang mga magulang niya na siyang nang-iwan sa kanya sa bangketa!"

"Puro ka pag-ibig! Change of hearts, act of true love, true love's kiss? Wala tayo sa fairy tale books! Hindi totoo ang true love! Walang gano'n!" pagdidiin ni ate.

"Ang bitter mo, ampalaya ka ba?" pilosopong sagot ni Switch sa nagmamataray kong Ate.

"Mahalaga ang pag-ibig, paano na alng ang mundo kung wala nito? Puro kasamaan na lang ang mangingibabaw sa puso ng mga tao." Lahat kami ay natahimik sa sinabi ni Switch.

Nagpaiwan ako sa bahay nina Switch, nauna nang umuwi sina ate hinatid siya ni Mr. Valdez. Gusto ko pang bantayan si Ervine kahit saglit. Pagkaalis nila siya na mang paalam sa akin ni Switch.

"Titingnan ko lang magic shop, ikaw na muna ang bahala kay Ervine. Kapag nagising siya sabihin mo kung nasaan ako, babalik din ako kaagad."

"O-Okay po, ako na po muna ang titingin sa kanya."