KINABUKASAN balik kami ni ate sa orihinal naming katawan. Matapos ang klase ko nagtungo ako sa magic shop nina Switch. Naroon si Ervine nag-aayos ng paninda nila, mukhang maayos na ang lagay niya.
"Ervine! Kumusta?!" bati ko pagkapasok sa loob ng magic shop.
"Ikaw pala, wala dito sa mamita nagtungo sa Alemeth!"
"A-Alemeth?" Tinabihan ko siya habang pinagmamasdan siyang magpunas ng mga ibabaw.
"Ang Alemeth ay ang mahiwagang mundo ng mga witch, warlock at iba pang nilalang na may taglay na kapangyarihan. Doon kumukuha ng mga sangkap sa paggawa ng magic potion si mamita. Isang beses pa lang ako nakapunta roon bawal kasi ang mga tulad nating ordinaryong tao sa mundo nila."
Lumabas kami ng magic shop saka isinara ni Ervine ang roll-up door. Habang naglalakad kami papunta sa bahay nila nabanggit ni Ervine ang plano niya ngayong araw.
"Sarado muna ang shop dahil aalis din ako, gusto mong sumama?" pag-aaya niya.
Nagkaroon ako ng hinala kung saan siya pupunta pero hindi ako sigurado, tumango na lamang ako bilang tugon. Pagkarating namin sa loob ng mahiwagang bahay nila kaagad kinuha ni Ervine ang magic wand niya saka ito ikinumpas sa hangin. Lumitaw ang magic portal na hindi ko alam kung saan patungo.
"Salamat sa pagsama mo, kailangan ko talaga ng tulong!" Isang malungkot na tingin ang itinuon sa akin ni Ervine.
"Huwag kang mag-alala, anuman ang mangyari, hinding-hindi kita iiwan!"
Bago tuluyang pumasok sa loob ng portal isinukbit ni Ervine ang maliit na pouch sa kanyang bulsa saka iniabot ang kamay niya sa kamay ko. Magkahawak kama kaming pumasok sa loob ng portal.
***
"PITONG taong gulang ako no'ng ipagtapat sa akin ni mamita ang katotohanan tungkol sa aking mga magulang. Simula noon wala na akong ginawa kundi hanapin. Inaral ako ang lahat ng tinuro sa aking mahika ni mamita, nang kaya ko nang gumawa ng magic portal, hinanap ko sila. Gamit ang 'Magic Mirror' na 'to, madali ko silang natagpuan. Isa itong magic item na nanganagilangan lang ng hibla ng buhok. Sa pamamagitan nito nalaman ko kung sino ang aking tunay na mga magulang. Nang matagpuan ko sila, hindi ako nagpakita o nagpakilala. Pinagmasdan ko lang sila mula sa malayo, kinuhanan ng larawan. Nanikip ang dibdib ko't hindi ako makahinga ng mga sandaling iyon, halo-halong imosyon ang nadarama ko. Doon pinagtapat ni mamita ang sumpang taglay ko, sinumpa ako ni Switch no'ng sanggol pa lang ako upang mabuhay. Kapalit ng buhay ko ang kalayaan kung umibig, magkaroon ng emosyon. Kaya simula no'n tinago ko na ang presensya ko bilang tao. Umiinom ako ng 'Presence Potion' upang itago ang sarili ko sa mga tao."
Tahimik kong pinapakinggan si Ervine. Nang makarating kami sa tapat ng gate ng isang malaki at magarang bahay.
***
NASA labas kami ng gate, ako itong kinakabahan para sa kanya. Walang nakakaalam kung ano'ng mangyayari ngayong araw na ito.
"Hoy mga bata ano'ng ginagawa n'yo diyan sa tapat ng gate?" sigaw ng matankad na lalaki, payat at magara ang suot, nilapitan niya kami saka binigyan ng pera.
"Oh, hetong limos umalis na kayo rito nakakasagabal kayo sa daan!" masungit na sabi ng lalaki.
Ibinalik ni Ervine ang pera saka nagsalita. "Hindi po kami nanlilimos, nais ko lang po sana…" bigla siyang natigil sa sasabihin niya, hindi siguro niya masabi ang tunay niyang pakay.
"A-Ano po kasi—"
"Charlotte?! Ikaw ba 'yan?!"
Biglang may sumigaw sa loob ng gate.
Naudlot ang pagsasalita ko nang lumabas ang isang babae kasing edad ko at pamilyar ang hitsura niya.
"Anita? I-ikaw pala, teka dito ka nakatira?" gulat kong tanong.
Hindi ko lubos akaliang makikita ko ang kaklase ko no'ng elementary si Anita Gonzales.
"Oo, pumasok muna kayo sa loob. Papa, naging kaklase ko po siya no'ng elementary, si Charlotte po!" Pinakilala ako ni Anita sa kanyang papa, hindi ko lubos akalain na taga rito pala sila.
"Pasensya na akala ko kasi mga pulubi kayo, sige pasok kayo mga bata."
Hindi naman kami mukhang pulubi ni Ervine, maayos naman ang suot namin ewan ko ba kung bakit napagkamalan kaming pulubi. Tahimik si Ervine natetensyon ata siya sa pagpasok namin sa loob ng bahay.
"Ba't nga pala kayo napadaan dito? Taga-Parañaque ka 'di ba? Nakarating ka rito sa Baguio, namamasyal ba kayo?" tanong ni Anita.
"G-Gano'n na nga, kasama ko ang ate ko nasa hotel siya ngayon. Siya nga pala si Ervine kaibigan ko." Pinakilala ko si Ervine sa kanila, nagsinungaling naman ako na kasama ko si ate.
"Hi! Boyfriend mo, Charlotte?" kumakaway na sambit ni Anita.
"H-Hindi ah!" agad na depensa ni Ervine.
Biglang natawa si Anita sa kakatuwang asal ni Ervine. Habang nagkakasiyahan kami sa kuwentuhan biglang dumating ang isang magandang babae baka, nanay ni Anita?
"Siya pala ang tita ko, si Tita Lucy. Tita si Charlotte po kaklase ko no'ng elementary kasama ang kaibigan niya si Ervine."
Pinakilala kami ni Anita sa tita niya, akala ko nanay niya. Magalang ko namang binati ang tita niya, nang mapansin ko si Ervine. Nanginginig ang buong katawan, halos hindi makatingin sa tita ni Anita.
"Okay lang ba ang kasama mo, hija?" nag-aalalang tanong ni Tita Lucy.
Pinagpapawisan nang malamig si Ervine, kinakabahan ako baka biglang mag-collapse si Ervine at himataying muli.
"O-Okay lang po ako, huwag po kayo mag-alala!" nangangatal na sambit ni Ervine.
Nanginginig ang labi niya't napansandal sa balikat ko, kinakapos siya ng hininga. Halatang hindi siya okay, lalong lumakas ang kaba ko.
"Naku mukhang may sakita ata ang kaibigan mo, Charlotte! Gusto mo ihiga muna natin siya sa guess room upang makapagpahinga?" alok ni Anita.
Pasalamat talaga ako at dito nakatira si Anita, mabait siya't maalalahanin.
"Maraming salamat, Anita."
Inakay ko si Ervine, sinamahan ako ni Anita at ng tita niya papunta sa guess room upang ihiga pansamantala si Ervine.
Habang naglalakad, akay-akay si Ervine bumulong siya sa tainga ko. "S-Siya a-ang m-mama ko…" mahina niyang bulong.
Sumagi sa isip kong magkamukha nga sila, kung gano'n si Tita Lucy ang mama ni Ervine? Pinsan niya si Anita. Tadhana nga naman, hindi kami gano'n ka-close ni Anita no'ng elementary kaya wala ako masyadong alam tungkol sa kanya. Hindi ko lubos akalaing tita pala niya ang mama ni Ervine.
"Charlotte, kunin mo 'tong calm potion. Ipainom mo sa akin 'yan kapag lumala ang nararamdaman ko, baka matapon ang laman niyan kapag ako ang mayhawak."
"Oo sige." Kinuha ko ang calm potion na ibinigay niya.