Chereads / Love and Switch (Tagalog) / Chapter 15 - Kabanata - XV : Fixing a Broken Past

Chapter 15 - Kabanata - XV : Fixing a Broken Past

NANG makarating kami sa loob ng guess room, ipinahiga ko si Ervine sa kama, lumabas si Anita upang kumuha ng maiinom. Naiwan kaming tatlo sa loob, lumapit si Tita Lucy at tinabihan si Ervine, hindi niya alam na nasa harap niya ang sanggol na iniwan niya noon sa bangketa, wala ba siyang nararamdamang lukso ng dugo?

"T-Tita, maraming salamat po sa kabutihan n'yo," pasasalamat ko.

"Walang anuman, mukhang hindi ata sanay mamasyal 'tong kaibigan mo. Pagod lang 'yan konting pahinga tapos makakauwi rin kayo mamaya," aniya.

Nakalihis ang tingin si Ervine hindi niya magawang tingnan mata sa mata si Tita Lucy. Napangiti si Tita Lucy saka hinawakan ang kamay ni Ervine. Nagulat kami sa ginawa ng ginang, napapikit pa ito saka nagsalita.

"Alam mo, no'ng makita kita kanina hindi ko alam kung bakit parang pamilyar ang mukha mo? Naalala ko tuloy ang namayapa kong anak," malungkot na litanya ni Tita Lucy.

Batid kong ang tinutukoy niya ay si Ervine. Subalit, namayapa? Hindi ba niya alam na buhay ang anak niya? Maraming katanungan ang gusto kong maliwanagan ngayon.

"Uhm, a-ano pong nangyari sa anak n'yong lalaki—"

"Pa'no mo nalamang lalaki ang anak ko?" sabat ni Tita Lucy.

Nadulas ako sa sinabi ko. Wala pa nga pala siyang binabanggit kung lalaki o babae ang anak niya. Tumayo si Tita Lucy, lumabas sandali nang makabalik may bit-bit na siyang larawan. Pinakita niya ito sa amin, larawan ito no'ng buntis pa siya kasama ang asawa niya.

"Nabuntis ako sa dati kong nobyo, nalaman ko sa araw mismo ng kasal namin ng asawa ko. Tinago ko iyon dahil ayaw kong magkagulo pero, walang lihim na hindi nabubunyag. Nang malaman niyang hindi kanya ang dinadala kong bata, pinagbantaan niya akong papatayin niya ang bata sa oras na buhayin ko ito. Wala akong nagawa, kaya no'ng pinanganak ko ang anak kong lalaki iniwan ko siya sa bangketa. Nanalangin na sana may makatagpo sa kanya, arugain siya't mahalin."

May luha sa mga mata ni Tita Lucy, napatakip siya ng bibig gamit ang kamay. Sinulyapan ko si Ervine, nakatagilid siya't nakatalukbong ng kumot. Ramdam ko ang bigat sa mga naririnig niya mula mismo sa kanyang ina. Walang kaalam-alam si Tita Lucy na nasa tabi n'ya lang ang iniwan niyang anak sa bangketa.

"N-Nagsisisi k aba?" biglang nagsalita si Ervine, nanginginig ang boses niya.

"Oo naman! Sising-sisi ako! Kung bibigyan lang ako ng pagkakataon gusto ko siyang makasama ngayon din. Kung naging malakas lang ako noon, ipaglalaban ko siya para hindi kami magkahiwalay! Pero, naging mahina ako! Hanggang sa hiwalayan ako ng asawa ko't ipinagpalit niya ako sa iba. Binalikan ako ni Jaime, ang ama ng anak kong lalaki. Nagsama kaming muli at nabiyayaan ng isang anak na babae."

Maaaring ang lalaki sa larawan ni Ervine ang tunay niyang ama. Siguro no'ng natagpuan niya ang mga ito magkasama na silang muli at ngayon may kapatid na siyang babae.

"Hindi mo man lang sinubukang hanapin siya?" Tiningnan niya ng masama si Tita Lucy.

Napabangon siya sa kama, nanginginig ang buong katawan, nilapitan ko siya't hinimas ang likod. Sinusubukan ko siyang pakalmahin, alam kong darating sa puntong magiging sobrang emosyonal siya, ito ang dahilan kaya niya ako sinama, upang pigilan siya.

"Hinanap ko siya! Pero, walang nakakita sa anak ko. Nawalan na ako ng pag-asa! Alam kong walang kapatawaran ang ginawa ko! Kung alam n'yo lang walang araw na hindi ko siya inisip. Kinikilabutan ako sa tuwing maalala ko ang kahinaan ko noon!"

Hindi napigilan ni Tita Lucy ang sarili niya't tuluyan na siyang umiyak, umiyak nang walang humpay. Bumalik si Anita, nakita niya ang tita niyang nakaluhod at umiiyak. Agad niyang nilapag ang dala-dalang inumin at pilit pinapakalma ang kanyang Tita Lucy.

"Tita, ano pong nangyari sa inyo?" nag-aalalang tanong ni Anita.

"O-Okay lang ako, pasensya na medyo nadala lang ako sa usapan natin. Ang mabuti pa magpapahinta muna ako sa kuwarto ko, maiwan ko muna kayo."

"Sandali lang po!" Nagulat ako nang biglang pigilan ni Ervine si Tita Lucy sa pag-alis.

"M-may kailangan ka pa ba?" Natigil si Tita Lucy saka niya hinawakan ang kamay ni Ervine.

Biglang pumasok sa loob ang isang batang babae, sa tingin ko nasa walong taong gulang. Yumakap ito sa bisig ng kanyang tinawag na mama.

"Lea! Nakauwi kana pala."

"Namitas po kami ni papa ng strawberries, dinalhan po kita mama."

"Mukhang may bisita tayo!" Biglang dumating ang isang matangkad na lalaki.

"Tito Jaime, si Charlotte po at si Ervine, kaklase ko po si Charlotte no'ng elementary!" pakilala ni Anita.

Napansin ko sa mga mata ni Ervine ang mga namumuong luha sa kanyang mga mata. Maging ako, masasaktan kung makikita ko ang mommy at daddy ko sa harapan ko. Magkakasama ang pamilya niya samantalang siya…

"U-Uuwi na po kami, masyado na po kaming nagtagal dito." Umalis sa kama si Ervine saka hinawkan ang kamay ko.

"Aalis na kayo? Osige, ipapahatid ko kayo kay Anita sa gate."

"Kuya, kuya! Heto po, para po sa inyo pinitas ko po ang mga 'yan!" Masayang iniabot ng batang si Lea ang isang maliit na basket puno ng strawberries.

"Salamat…" mahinang sagot ni Ervine.

Hinatid kami ni Anita sa tapat ng gate at nagpaalam sa kanya. Hindi pa man kami nakakalayo sa bahay nila nang makarinig kami ng isang tinig.

"Sandali!!" Tumatakbong hinabol kami ni Tita Lucy.

"Para ito sa inyong dalawa, kunin n'yo." Binigyan niya kami ng munting regalo.

Pares ng balabal? Napakaganda ng tela, malambot at ang sarap sa balat. Noon pa man gusto ko nang magkaroon ng ganitong balabal sa leeg.

"Uhm, Ervine, heto kunin mo." Maliban sa balabal may ibinigay ito kay Ervine.

"Hindi ko alam kung bakit pero, pakiramdam ko talaga pamilyar ang iyong mukha. Hindi ko maiwasang isipin ang anak ko sa 'yo… nararapat lang na parusahan ako ng langit sa ginawa ko! Pero, kung may pagkakataon, gusto ko siyang mayakap nang mahigpit. Sasabihin ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal! Kahit ipagtabuyan niya ako yayakapin ko pa rin siya nang mahigpit at hihingi ng kapatawaran sa lahat ng kasalanan ko sa kanya." Muling napuno ng mga luha ang mga mata ni Tita Lucy.

Lumapit sa kanya si Ervine saka pinahiran ang mga luhang dumadaloy sa kanyang pisngi. Isang senserong ngii ang ibinigay ni Ervine sa kanyang ina.

"Kung nasaan man siya, siguradong pinapatawad na niya kayo! Huwag na po kayong mag-alala… siguradong masaya rin siya kung nasaan siya ngayon dahil ramdam niya ang pagmamahal n'yo…"

Isang mahigpit na yakap ang ginawa ni Tita Lucy kay Ervine, nakakaiyak na eksena. Hindi ko napigilan ang sarili kong hindi maluha. Inilagay ng kanyang ina ang isang pocket watch sa isang kamay ni Ervine. Nang buksan niya ito may larawan, larawan ng kanyang ina, ama at kapatid.