Chereads / Love and Switch (Tagalog) / Chapter 12 - Kabanata - XII : Ervine and Charlotte's Magical Night

Chapter 12 - Kabanata - XII : Ervine and Charlotte's Magical Night

PAGKAALIS ni Switch dumeretso ako sa kuwarto ni Ervine para tingnan kung gising na siya. Pagbukas ko ng pinto tumbad sa mukha ko si Ervine na lumulutang sa ere. Gising na siya't nakaupo't nakalutang sa kawalan.

"E-ervine?!" gulat kong sigaw.

"Charlotte, nandito ka pa pala." Lumapit siya sa akin saka inabot ang isang bote ng potion?

"P-para saan 'tong potion?"

"Inumin mo, 'Levetation Potion' 'yan. Makakalutang at makakalipad ka sa kawalan kapag ininom mo 'yan gaya ng ginagawa ko ngayon."

Sinunod ko ang sinabi niya, ininom ko ang potion mayamaya bigla ko na lang naramdaman na parang gumaan ang katawan ko? nakalutang ang mga paa ko't hindi ko na naapakan ang sahig. Hinawakan ako ng Erivne sa kamay saka inalalayang magpalutang-lutang sa ere.

"Ano masaya ba?" nakangiti niyang tanong.

"Ah—eh, O-oo! Ngayon ko lang naranasan 'to, ganito pala ang lumutang sa ere! Ang cool!"

Dahan-dahan lang ang pagkilos namin, masikip sa loob ng kuwarto niya para lumipad kaya nagpaikot-ikot na lang kami dito. Sandaling nahinto si Ervine, may kinuha sa loob ng aparador niya.

"Ano naman 'yan?" usisa ko.

"Manuod ka na lang."

Isang mahabang kahon na gawa sa kahoy, binuksan niya ito saka inilabas ang magic wand? Namangha ako nang makita ko ito, kakaiba ang desenyo. May nakaukit na kakaibang sulat sa kahoy.

"Regalo ito sa akin ni mamita no'ng una akong nag-aral ng witch craft. Charlotte, tingnan mo 'to!"

Itinapat niya ang magic wand sa pader saka may binigkas na magic spell, "Hellelus Bopilus!"

Lumuwanag ang dulo ng magic wand, isang nakasisilaw na liwanag ang bumalot sa loob ng kuwarto. Sandali akong napapikit sa sobrang liwanag, pagmulat ko ng mga mata ko isang nakakatuwang malaking bula ang nasa harapan ko.

"Wow! Ang gandang bula at napakalaki?!"

"Tara, papasok tayo sa loob!"

Hinawakan niya ang kamay ko't hinatak papunta sa loob ng malaking bula. May konting basa akong naramdaman. Pagkapasok namin sa loob nakakamangha! Parang may mga bahag-hari na kumukulay sa bilog na magic bula.

"Hindi pa rito nagtatapos, kumapit ka sa akin nang mabuti at bubuksan ko ang 'Vacume Portal' ibang portal 'to, hindi tulad sa mga ordinaryong portal. Dito kusa tayong hihigupin papunta sa lugar na gusto nating puntahan. Ano handa kana?"

"P-Pero, okay lang ba na gamitin mo 'yan? Baka magalit si Switch?"

"Huwag kang mag-alala, sa itaas lang naman tayo pupunta at hindi sa malayo."

"Sa itaas?"

Muli niyang kinampay ang magic wand at binigkas ang isa pang magic spell. Hindi ito tulad sa naunang magic spell na binibigkas kapag binubuksan nila ang lagusan patungo sa mahiwang tahanan nila.

"Orea ilaihya vacumus nepertum openum!!"

Pagkalitaw pa lang ng vacume portal mabilis kami nitong hinigop paloob. Napahawak ako nang mahigpit sa baywang ni Ervine, dama kong niyapos niya ako nang mahigpit sa kanyang bisig. Sa mga oras na ito pati ang puso ko, tinatangay rin ng lalaking nakayapos sa akin, napapikit na lamang ako.

"Charlotte, tingnan mo!"

"W-wow!" sambit ko nang imulat ko ang aking mga mata.

Nakalutang kami sa langit at dahil gabi na—kitang-kita ang mga ilaw sa mga gusali at kabahayan! Ang ganda nila! Parang mga bituin na kumikislap sa kalupaan. Biglang umihip ang malamig na hangin, nanunuot sa balat ko ang ginaw. Nang bigla kong maramdaman ang mainit na telang tumakip sa balikat ko.

"T-Teka, saan galing ang kumot na 'yan?" taka kong tanong.

"Mabilis kong hinablot kanina, alam ko kasing malamig sa labas lalo na't gabi na."

"Lagi mo ba 'tong ginagawa? Parang sanay na sanay kana, eh."

Bahagya siyang natawa, habang dahan-dahan kaming lumulutang at lumilibot sa kalawakan. Nakakabilib kasi hindi kami tinatangay nang malakas na hangin kahit nasa loob kami ng magic bula.

"Madalas kong gawin 'to lalo na kapag, nag-iisa ako at nalulungkot. Sasakay lang ako sa magic bula tapos pagmamasdan ang magandang tanawin sa ibaba mula rito sa itaas. Nakakapanatag ng kalooban."

Sa mga sandaling ito, nakita ko ang naiibang side ni Ervine. Kahit may dinadala siyang mabigat na sumpa nananatiling matatag siya kahit… mabigat pa rin sa loob niya ang pagpapatawad.

"Salamat nga pala, Charlotte!" Bigla niyang itinuon ang mga mata niya sa mukha ko.

"S-Salamat saan?" nauutal kong tanong habang hinahawi ang nakalaylay na buhok ko.

Ang bilis nang tibok ng puso ko ngayon, kahit malamig ang hangin nararamdaman ko ang init na umaangat sa buo kong katawan. Parang gustong sumabog ng dibdib ko sa sobrang hiya.

"Salamat dahil sinamahan mo ako ngayong gabi. Alam kong sinabi na ni mamita ang tungkol sa sumpang nakapaloob sa akin. Haharapin ko na ang kapalaran ko, susubukan kong… puntahan ang mga magulang ko. Hindi nila ako kilala at hindi rin nila alam na nabubuhay ako."

"Ervine…" Nakaramdam ako ng lungkot sa paligid.

Damang-dama ko ang nadarama niyang sakit. Kahit sinabi niyang susubukan niya, alam kong mahihirapan siya. Kaya ang ginawa ko, hinawakan ko ang kamay niya nang mahigpit.

"Tutulungan kita! Sasamahan kita! Sabihin mo lang kung kailan…"

Seryoso kaming nagkatitigan na dalawa, ramdam ko ang malapad niyang palad na nakapatong sa balikat ko. Hindi na siya nagsalita gano'n din ako. Magkasalo kami sa iisang kumot nakaupo sa loob ng magic bula habang pinagmamasdan ang mga liwanag sa kalupaan. Nang biglang naramdaman kong parang may tumarak sa dibdib ko at—

Nang magising ako, nasa loob na ako ng sarili naming bahay. Dali-dali akong tumingin sa orasan, pasado alas-dose na nang hating gabi? Kinapa ko ang katawan ko—nagkapalit na pala kami ng kaluluwa ni ate!