Chereads / Love and Switch (Tagalog) / Chapter 8 - Kabanata - VIII : Charlotte's True Feelings

Chapter 8 - Kabanata - VIII : Charlotte's True Feelings

NAIWAN ako sa loob ng opisina, pinag-over time kasi ako ni Sir Henry. Natapos ko naman agad ang mga pinapagawa niya sa akin. Paglabas ko ng HR derpartmen laking gulat ko nang makita si Mr. Valdez sa hallway, parang may inaabangan?

"P-President? Hindi pa po kayo umuuwi?" magalang kong tanong.

Humakbang siya pasulong saka humarap sa akin, napaatras ako't napasandal sa pader. Nakalapat ang kamay ni Mr Valdez sa pader na humaharang sa katawan ko. Kinakabahan ako sa sitwasyon naming ito. Nakatitig siya sa akin nang deretso samantalang hindi ko magawang titigan ang seryoso niyang mukha. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko, gusto ko siyang itulak pa layo subalit, lalo pa niyang nilapit ang mukha niya sa mukha ko. Amoy ko ang matapang niyang pabango, nakakapanghina.

"Magkita tayo sa Linggo, may sasabihin ako sa 'yo, bawal kang tumanggi, naintindihan mo? Linggo ng umaga sa Greenbelt park, huwag mo akong paghintayin nang matagal."

Gumuguhit sa tenga ko bawat katagang binibigkas niya. Amoy ko ang mabango niyang hininga dumadampi sa pisngi ko, teka! Niyaya ba niya ako sa isang d-date? Gusto kong tumanggi ang kaso, nakatitig siya nang seryoso sa mga mata ko. Hindi ko siya magawang tanggihan.

"O-Opo, President…" mahina at tipid kong tugon.

"Mabuti, tara isababay na kita pauwi," nakangiti niyang paanyaya sa akin.

Nasa likod niya ako, sinusundan siyang maglakad. Ang lapat ng balikat ni Mr. Valdez, lalaking-lalaki ang tindig. Iniisip ko ngayon paano si ate? Ah! Teka, Linggo? Wala kami sa sarili naming katawan ng araw na iyon! Paano 'yan? ibig sabihin ako ang makikipag-date kay Mr. Valdez?!

"Carmen, ang bagal mong maglakad, gusto mo buhatin na kita?" maloko niyang ngisi nang lingunin niya ako.

"S-Sorry! Hindi na po kailangan, maglalakad ako mag-isa," nahihiya kong sagot.

Bahagya siyang natawa sa inasal ko, ang gwapo ng dating niya. Kaso, tiyak lagot ako nito kay ate. Matapos niya akong ihatid sa bahay, nakita ko agad si Ate Carmen nakasulyap sa bintana. Nagpaalam ako kay Mr. Valdez at nagpasalamat sa paghatid sa akin. Nang makapasok ako sa loob ng bahay, sinalubong agad ako ng kilay ni ate. Halatang galit siya nang makita kami ni Mr. Valdez. Kakaiba talaga kapag nakita mong sinusungitan ka ng sarili mong katawan, ang weird ng dating.

"Uhm… hinatid ako ni Mr. Valdez, sinabay niya ako pauwi, kasi late na at—"

"Wala ba siyang ginawa sa 'yo?" sabat ni ate, hindi pa naman ako natatapos sa sasabihin ko.

"W-Wala naman ate…"

"Mabuti kung gano'n." Tumalikod siya saka nagtungo sa kusina.

Nagluto pala siya ng hapunan, halatang hindi pa siya kumakain, hinihintay siguro ako. Nang maupo kami sa hapagkainan, habang kumakain mahinahon kong binanggit ang tungkol sa date namin ni Mr. Valdez.

"A-Ate, may date nga pala kami," mahina kong sabi, habang sumasandok ng kanina sa mangkok.

"Date? Nino?" tipid niyang tanong.

"Ni Mr. Valdez, niyaya kasi niya ako, sa Linggo?" alanganin kong tugon.

Bigla niyang nabitawan ang kutsara, saka tinitigan ako nang masama.

"Paki ulit mo nga?"

Ramdam ko ang pag-init ng paligid, balot ng itim na awra si ate, hindi niya nagustuhan ang sinabi ko, alam kong ganito ang magiging reaksyon niya.

"H-Hindi na kasi ako nakatanggi pa, s-sabi niya magkita raw kami sa Greenbelt park sa Linggo."

Lalong umusok ang magkabilang tainga ni Ate Carmen. Buong gabi niya akong senermonan, sabog ang dalawang tenga ko sa lakas nang boses niya. Sa huli, wala ring nagawa si ate kundi mag-isip ng dahilan upang hindi ako makapunta sa Linggo.

***

HUWEBES nang umaga, luwa ang mata ko sa puyat dahil sa buong gabing sermon ni Ate. Nangingitim ang ilalim ng mata ko, walang buhay akong pumasok sa school. Agad akong binati ni Aleyah pansin niya ang pagiging matamlay ko. Dumating si Ervine, pansin din niya ang maitim na linyang gumuguhit sa ilalim ng mata ko. Naupo siya sa katabing silya saka nagtanong.

"Ayos ka lang ba?" may pag-aalala sa tanong niya.

Hiniga ko ang ulo ko sa desk, saka siya sinagot nang mahina at inaantok na tinig.

"H-Hindi, m-may date kasi kami," inaantok kong sagot, ramdam kong bumigat ang mga mata ko, bahagya akong napapikit sa antok nang—

"Ano? Date?!" napasigaw si Ervine nang malakas.

Narindi ang tenga ko sa ginawa niyang pagsigaw. Namulat ako't palinga-linga sa paligid, akala ko kung ano nang nangyari.

"Hindi mo naman kailangan sumigaw Ervine," saway ko sa kanya, biglang lumapit si Aleyah saka naupo sa ibabaw ng desk ko.

"Okay ka lang ba? sino bang kausap mo? At ano'ng date? Puyat ka ba?" tuloy-tuloy na tanong ni Aleyah.

Napatingin ako kay Ervine, nakatingin lang siya sa pisara, muli akong napatingin kay Aleyah. Ako lang ba? o talagang hindi nila—

"Hoy! Ang weird mo na talaga, Charlotte magpatingin ka na nga sa doktor!" Umalis si Aleyah saka bumalik sa upuan niya. Tumunog ang bell, hudyat na magsisimula na ang klase. Napatitig ako kay Ervine, sumulyap siya sa akin nang may seryoso at matalim na tingin.

"Bakit?" tipid niyang tanong.

"W-Wala naman…" Binaling kong muli ang tingin sa harap.

Nakapagtataka talaga, biglang nag-iba ang pakiramdam ko, nilalamig ako at parang babagsak, biglang nagdalawa ang paningin ko't—

***

NAGISING akong nakahiga sa kama, nasa loob ako ng clinic? A-ano'ng nangyari sa akin? Pinilit kong bumangon nang mapansin ko sa tabi si Ervine.

"Gising ka na pala, kumusta ang pakiramdam mo?" nag-aalala niyang tanong.

Nasandal ako sa malambot na unan sa likod.

"Medyo nahihilo lang, a-ano'ng nangyari sa akin?" nanghihina kong sagot.

Tumayo si Ervine saka inabot sa akin ang isang maliit na bote. Isang magic potion? Kulay berde ang likidong nasa loob. "P-para saan 'yan?" tanong ko.

"Medicine potion, mabisa itong gamot sa sakit, tulad ng lagnat." Tinabihan niya ako, saka nilapat ang palad sa noo ko.

"Maiinit ka, hindi mo alam na may lagnat ka? Nawalan ka ng malay kanina sa loob ng classroom," malumanay niyang paliwanag.

Hindi ko alam kung ang nadarama kong init ay dahil sa lagnat ko o dahil sa kamay ni Ervine na nakalapat sa noo ko. Magkalapit ang aming mukha, dama ko ang init na umaakyat sa ulo ko't nagiging sanhi ng pamumula ng pisngi ko.

"Mukhang, malala nga ang lagnat mo, Charlotte. Tinawagan na ng nurse ang ate mo, mamaya parating na iyon para sunduin ka. Magpahinga ka nang mabuti, upang bumalik ang lakas mo, kumain ka ng prutas at uminom ng maraming tubig."

Para siyang nanay ko kung mag-alala, pero aminado akong kinikilig ako sa pag-aalalang ginagawa niya para sa akin. Sobrang saya ng puso ko sa tuwing pinapakitaan niya ako ng kabutihan. Bigla kong napansin ang suot kong kwintas may gumuguhit na kulay pulang liwanag.

"A-Ang kwintas mo!" Agad napansin ito ni Ervine.

Agad kong tinakpan gamit ang dalawa kong kamay. Nahiya ako't hindi ko siya magawang tingnan. Tahimik lang ako, hindi ko alam kung ano'ng itutugon sa kanya. Narinig kong humakbang siya pasulong kaya napalingon ako. Nakaharap siya sa pinto, nakahawak sa busol, bago tuluyang umalis nagsalita siya sa pinakamalamig na tinig.

"Sinabi ko naman sa 'yo, huwang kang ma—"

"Ano bang masama kung magustuhan kita?!" pabigla kong sigaw.

Hindi ko napigilan ang sarili ko. Bigla lang lumabas sa bibig ko ang mga katagang iyon. Ang sakit, may kung anong kirot sa puso ko, kanina lang masaya ako sa pag-aalala niya. Ngayong naging malamig na naman ang pakikitungo niya, nasasaktan ako kapag ganyan siya.

"Hindi ako ang taong inaakala mo ay ako!" Nilingon niya ako nang may malungkot na tingin, tinig na kay lamig, bumabalot sa buo kong katawan.

Napayakap ako sa sarili, maging ang mga palad at talampakan ko'y nilalamig. Lumabas si Ervine kasabay nito ang pagpasok sa loob ng nurse.

"Woh! parang naitodo ko ata ang aircon, malamig ba, Charlotte? Pasensya na." Pinatay ng nurse ang aircon, umiling lang ako bilang tugon sa kanya.

Muling nagtanong ang nurse nang mapansin ang namumuong luha sa magkabilang gilid ng akin mga mata.

"Ayos ka lang ba? siguro dahil iyan sa sakit mo, debale parating na ang ate mo. Siya nga pala, sinong kausap mo kanina? Narinig kong nagsasalita ka?" taka niyang tanong habang nakaupo sa silya may sinusulatan ako ng reseta.

"Ah, kaklase ko po si Ervine Morales," sagot ko sabay punas sa luhang namuo sa saking mga mata.

Hawak ko ang medicine potion, iinumin ko mamaya sa bahay. Nang bigla akong tanungin ng nurse.

"Ervine? Ngayon ko lang yata narinig ang pangalang iyan, teka bago lang ba siya rito sa school? Parang wala naman sa class record n'yo ang pangalan niya, hmm…" napaisip ang nurse, pinilit inaalala ang pangalan ni Ervine.

"Wala talaga akong maalala, siguro nagha-hallucinate ka lang dahil sa lagnat mo, Charlotte. Mabuti pa magpahinga kana, tapos mamaya kumain ka't uminom ng gamot."

"Teka po, sino pong nagdala sa akin dito kanina?"

"Si Aleyah, kasama ang dalawa mo pang kaklase."

Humarap sa kabinet ang nurse naghanap ng gamot na ibibigay sa akin. Habang ako, tulala sa pagtataka. Ngayon ko lang lubos naunawaan, ni minsan hindi nila napansin ang presensya ni Ervine sa classroom. Kaya napatanong si Aleyah kaninang umaga kung sinong kausap ko? kaya hindi ko maalala nang husto si Ervine noon.

Kailan ko lang ba siya napansin? Noong nabangga niya ako sa Baclaran. Tama! No'ng araw na iyon doon ko lang siya lubusang napansin. At silang lahat, hindi nila ramdam ang presensya ni Ervine. Sino ba siyang talaga? Hindi naman siya multo dahil nahahawakan ko siya. Isang tao lang makakapagsabi sa akin ng katotohanan, si Switch!