ISANG HAPON ay sinadya ni Michelle na magpahuli ng uwi dahil inaabangan niya si Gray na lumabas ng office nito, sa harapan na siya ng Airlines naghintay. Sinigurado niyang mapapansin siya nito. Nagpalit siya kanina ng red dress na binili nila ni Liza the other day, spaghetti strap 'yon na above the knee na tinernuhan ng black stiletto. Inayusan din siya ng buhok ng kaibigan at siya na ang naglagay ng make up on her own since nakapanood siya ng make up tutorial sa youtube last time—kinapalan niya ang red lipstick niya para mas attractive at kissable siya tingnan.
Napangiti siya sa kanyang sarili dahil napapalingon ang mga co-employees niya sa Airlines, may nagtataka at nagugulat sa bagong look niya, may ilan pang mga kalalakihan ang lumalapit sa kanya para makipagkilala. Well, marami talagang nababago ang pag-aayos, make ups at damit sa isang tao.
Oplan: Seducing my boss step one: Have Confidence.
Oplan: Seducing my boss step two: Dress in a flattering fashion.
Matiyaga siyang naghintay para sa paglabas ni Gray mula sa opisina nito, nakailang tanggi na siya sa offer ng mga kalalakihang co-employees niya para ihatid siya—na alam niyang kaya lang nagpapaka-gentleman ang mga ungas dahil nakita siyang maganda at sexy.
Saglit ay inilabas niya ang maliit na salamin sa loob ng purse para tingnan kung maayos pa ba ang kanyang hitsura at nang makita niyang mukha pa naman siyang fresh ay napangiti siya, sana lang ay bago pa malusaw ang make up niya ay dumaan na si Gray.
At nagningning ang kanyang mga mata nang makita na niya ang kulay abo na magarang sasakyan ng binata, kumabog nang mabilis ang puso. Huminga siya nang malalim saka siya nagsimulang maglakad para magpapansin nito o sana pala nagsuot ng christmas lights para mapansin siya agad ng binata.
Feel na feel niya ang kanyang five inches black stiletto, fitted and sexy na red dress at ang pagsayaw ng kanyang balakang. Ni-research pa niya sa internet kagabi kung paano maglakad ng sexy. Tiyak kapag nalaman ng pamilya niya ang ginagawa niyang 'to ay pagtatawanan siya o puwede ring i-cheer siya, knowing her family na atat na atat nang magka-dyowa siya!
Ngunit epic fail dahil natapilok siya sa paglalakad nang lagpasan lang siya ng sasakyan ng binata. Halos magwala ang puso niya at magsisisigaw na bumalik ito at pansinin siya. Nauwi yata sa wala ang efforts niya, ang paggastos niya sa pagbili ng new sets of make ups, dress at shoes at ang dalawang oras na pag-aaral niyang maglakad ng sexy at panunood ng makeup tutorials.
Mabilis siyang umupo sa isang bench at tinanggal ang isang sapatos niya, baka mamaya mamaga ang kanang paa niya dahil sa pagkatapilok niya kaya hinilot niya agad—nang may marinig siyang bumusina sa harapan niya, at nang mag-angat siya ng tingin ay kumabog ang puso niya.
"G-Gray? Este Sir Gray?" gulat na sambit niya.
"Hi! Nakita kitang natapilok kanina, are you okay?" anito.
Hindi niya napigilang mapangiti. Nag-alala ba ito sa kanya kaya siya binalikan? Ilusyonada! "I-I'm okay, medyo masakit lang 'yong right ankle ko." Aniya.
Lumabas ito sa sasakyan nito saka lumapit sa kanya, muling nagwala ang mga paru-paro sa kanyang sikmura. Kinalma niya ang kanyang puso ngunit mas lalo siyang kinabahan sa mga titig nitong tila tinutunaw ang kanyang mga buto dahil sa taas-baba nitong pagsipat sa kanyang hitsura.
"Are you going somewhere?" nagtatakang tanong nito.
"Ahm," saglit siyang napaisip, hindi naman na kasi niya naisip ang itinerary nila if ever, e. "Sa Mall, manonood ng movie." Mabilis na sagot niya.
"May hinihintay kang sundo?" tanong nito na mabilis niyang ikinailing. "Then, I can take you there; dadaan din kasi ako ng Mall dahil magkikita kami ng friends ko." Anito.
"Sina Tycho at Troy?" aniya.
Nagtatakang tumango ito. "Oh yeah, I forgot, kilala mo nga pala kami, so, siguro kilala mo din si Grant?" mabilis naman siyang tumango. "I'm really sorry, masyado siguro akong focus no'ng junior high sa studies and band, kaya hindi na kita napansin."
"It's okay." Nakangiting sabi niya. "Parang hindi ko na nga nakikita dito si Grant e, is he somewhere very far?"
"Nag-aral din siya ng masters degree sa States pero nasa Manila ang company nila, kaming tatlo nina Tycho at Troy ang naiwan dito kasi nandito ang mga buhay namin."
Nagulat siya nang yumukod ito sa harapan niya at hindi pa man siya nito nahahawakan ay pakiramdam niya ay nag-init ang buong katawan niya; his scent, gorgeousness and warmth, gusto na yata niyang mahimatay.
"My mom was a registerd Physical therapist before, kaso naging business woman dahil naimpluwensyahan ni daddy," nakangiting sabi nito. "And care for foot massage?" tanong nito, na mabilis niyang tinanguan—sana ay hindi siya nagmukhang atat. At nang hawakan nito ang kanang paa niya ay para siyang na-ground, pero ito 'yong masarap na klase. Napapikit siya sa sobrang soothing nang masahe nito, ang gaan ng kamay nito pero napi-press nito nang mabuti ang nananakit na ankle niya, dagdag pa na nakapalambot ng kamay nito sa balat niya.
Hindi niya napigilang kiligin kaya mabilis siyang nagmulat ng mga mata—panaginip lamang ba ang lahat nang nangyayari sa kanya ngayon? Ang boss-slash-crush-slash-dream guy niya ay hinihilot ang paa niya? Gusto niyang kurutin ang sarili niya para mapatunayang totoo ang nangyayaring ito kaso hindi na pala kailangan dahil ramdam niya 'yon dahil sa power massage ni Gray, umo-okay na ang pakiramdam niya.
"How's it?" tanong ni Gray sa kanya. Nakatitig na pala ito sa kanya.
"S-salamat Sir, naabala ko pa tuloy kayo."
"It's okay to help, 'yan ang sabi ng mom ko." Nakangiting sabi nito.
"Feeling ko okay na 'yong paa ko, e." nakangiting sabi niya. "Puwede din po pala kayong maging PT."
"Thanks," nakangiting sabi nito, nagulat pa siya nang isuot nito sa paa niya ang sapatos bago siya tinulungang tumayo. "Pupunta ka ba ng Mall para manuod ng movie? O may ka-date kang katatagpuin doon?"
Mabilis siyang umiling-iling. "Ako lang po talaga, sir." Pinagbuksan siya nito ng pintuan. "Thanks." Ngumiting umiling naman ito sa kanya.
Halos mapasigaw siya ng yes sa sobrang success ng plano niya; hindi lang siya napansin nito kundi may body contact pa sila dagdag pa na nakasakay na nga siya sa kotse nito ay makakasama pa niya itong magpunta ng mall. Ang swerte nga naman talaga niya, oh!
"I am really sorry for not remembering anything about you during junior high, Michelle. Kaya babawi ako sa 'yo." Nakangiting sabi nito.
Bigla naman tuloy bumagsak ang kasiyahan niya—so he is just doing her a favor dahil hindi siya maalala nito no'ng junior high.
"Salamat, pero hindi mo naman kailangang bumawi, okay lang, lahat naman tayo nakakalimot, e."
"Pero hindi mo naman ako nakalimutan, e."
Kasi nga naging crush kita noon—at bumalik uli ang paghanga ko sa 'yo! "Medyo matandain lang ako sa mga tao at pangalan." Ngumiti naman ito sa kanya.
Nakita niyang may naka-display itong larawan sa itaas na bahagi ng air vent ng sasakyan nito; ang binata 'yon na may stubbles pa. Sobrang hot nito sa gano'ng hitsura pero kahit ano pa yata ang hitsura nito o maging ermitanyo pa ay guwapo pa rin at siguro ang mga kasama nito sa larawan na ginang ay ang mommy nito at ang ex-President.
"By the way, you look good today," puri nito sa kanya, kaya muntik na siyang napangiti nang maluwang.
Tipid lang kunwari siyang ngumiti sa lalaki. "Salamat, ikaw din." Aniya.
"Thanks." Sabi din nito. Ngayon lang niya napansin na mahahaba din pala ang pilikmata ng binata at sobrang kinis ng mukha, as in, takot yatang tumubo ang butlig sa mukha nito. "Yes?" anitong nakatingin na rin pala sa kanya.
Kumabog ang puso niya dahil nahuli siyang nakatitig dito. "W-Wala naman, gano'n ka pa rin tulad no'ng high school, pero mas gumuwapo ka na at nag-matured." Pagtatapat niya.
"You think so?" nakangiting sabi nito. "Sabi kasi nina Tycho at Troy mukha pa rin daw akong totoy, sa amin kasi ako ang mas bata sa kanila, nasa thirties na sila, magthi-thirty pa lang kasi ako." Anito.
"Ikaw ang pinaka-guwapo sa inyong apat at ikaw ang pinaka-head turner no'ng high school tayo." Puri niya.
Oplan: Seducing my boss step three: Make an eye contact.
Sinalubong niya ang mga titig nito at kahit halos sumabog na ang dibdib niya sa bilis ng kabog ng puso niya ay hindi siya bumitiw sa pagkakatitig.
"Thanks for those compliments, Michelle." Nakangiting sabi nito.
Ngumiti din siya dito. "Nagba-banda pa rin ba kayo ng mga kaibigan mo?" curious na tanong niya.
"Minsan na lang e, busy na rin kasi kami sa kani-kanyang work," sagot nito. "Ikaw, ano'ng pinagkakaabalahan mo aside from your work?"
"Nagbabasa ako ng romantic novels," nakangiting kuwento niya.
"Mahilig din akong magbasa ng mga romantic novels before," anito, "Grant's mom is a romance writer and my mom is a fan, so, kapag nagbabasa si mom, pinapabasa din niya ako, pamtanggal daw ng stress pero busy na kasi ngayon kaya wala ng time magbasa," anito.
"Wow! Hindi ko alam na writer ang mom ni Grant." Nakangiting sabi niya. Bigla tuloy siyang na-excite. "What is her penname and available books in the market?"
"Her penname is Marie Antoinette and she already has hundreds of books available in the market under Precious Angels Publishing."
Napapalakpak siya sa kasiyahan. "I wanna read one!" aniya, kapag hindi na siya busy sa kanyang misyon sa binata ay bibili siya ng libro ni Marie Antoinette.
"Yeah, she's a very awesome writer." Nakangiting puri ni Gray.
Napangiti din siyang tumango. Saka hindi rin niya maisip na ang very manly na si Gray ay nagbabasa ng mga romantic novels. Ang cute talaga nito at pareho pa talaga sila ng hilig.
"I also love baking and baby sitting with my nephews." Dagdag pa niya. Gusto niyang ipaalam dito na ready na siyang lumugar sa tahimik.
"Baking? I love cookies and cakes!" nakangiting sabi nito. "Kaso parang ayaw sa akin ng baking kaya sa pagluluto lang ako nahilig. At tiyak na mainggit ang mom ko kapag nakarinig siya ng tungkol sa mga bata, gusto na kasi nila akong ipakasal para magka-apo na sila, e."
"Kung gusto mo, turuan kitang mag-bake kapag may time ka, madali lang naman e," para-paraang sabi niya na nakangiting tinanguan naman nito. "Ang dami pala nating pagkakapareho, sir." Aniya. Saka siya ngumiti dito. "I also love cookies and cakes tapos pinipilit na rin ako ng parents ko na makipag-boyfriend dahil baka daw matuyuan na daw ako ng egg cell—" napa-preno siya sa kanyang sinasabi dahil bigla siyang nahiya sa sinabi niya. Nakita niyang napangiti si Gray sa sinabi niya.
"It's okay, go ahead." Pagpapatuloy nito sa kuwento niya.
"Ayon po, feeling kasi nila tatandang dalaga ako tulad ng tita ko."