Chapter 11 - 11

DAHIL NAGING abala si Gray sa mga kaibigan at sa mga gawain nito sa Airlines sa mga nakalipas na araw ay hindi ito nakausap at nakita ni Michelle, kaya babawi siya para sa araw na ito!

Paglabas niya sa comfort room ay dumiretso na siya kusina kung saan naroon ang binata, napangiti siya nang makita niyang nakasuot na ito ng apron na spongebob, nakahanda na rin noon ang lahat ng mga magagamit nila sa pagbe-bake at mga ingredients.

Nang maramdaman yata nitong nakatitig siya dito ay mabilis itong bumaling sa kanya. "Why?" tila nahihiyang tanong nito nang mahulaan nito na sa apron siya nakatingin. First time niya itong makita na na-conscious sa hitsura nito. "H-Hindi ba bagay sa akin?"

"Bagay na bagay sa 'yo." Nakangiting sabi niya at nag-thumbs up sa binata.

Napangiti ito. Naglakad ito para kunin ang isa pang apron na may Patrick print saka ito lumapit sa kanya, aabutin na sana niya ang apron pero nagulat siya nang si Gray na mismo ang nagsuot n'yon sa kanya.

Bumilis ang kabog ng puso niya nang maramdaman niya ang mainit na hininga nito sa kanyang pisngi. Ang lakas ng epekto nito kahit simpleng pagkakabit lang ng apron sa kanya.

"'Ayan okay na," anito, pero hindi pa rin siya nakakagalaw sa kinatatayuan niya, pilit kasi niyang pinapakalma ang sarili dahil nanginginig ang buong kalamnan niya.

Nang ramdam niyang umayos na ang pakiramdam niya ay nagsimula na sila sa kanilang baking lesson, nagsimula na nilang i-mix ang mga ingredients; one cup butter softened, one cup white sugar, one cup packed brown sugar, two eggs, two teaspoon vanilla extract, three cups all-purpose flour, one teaspoon baking soda, two teaspoons hot water, one half teaspoon salt, two cups semi-sweet chocolate chips and one cup chopped walnuts—they're going to bake a chocolate chip cookies for his mom and later a diabetes-friendly cookies for his dad.

Siya ang taga-instruct sa binata at ito naman ang taga-halo ng mga ingredients sa bowl. Tuwang-tuwa ito habang ginagawa nito ang mga sinasabi niya, para itong bata dahil ang babaw ng kaligayahan nito, kung tutuusin ay maaari naman itong mag-aral na lang sa youtube kung papaano mag-bake, kung sabagay, mas maganda pa rin kapag live tutorial—at syempre pa, siya ang magtuturo.

Preheat oven to 350°F (175°C). Cream together the butter, white sugar and brown sugar until smooth. Beat the eggs one at a time then stir in the vanilla. Dissolve baking soda in hot water. Add to batter along with salt. Stir in flour, chocolate chips and nuts. Drop by large spoonfuls onto ungreased pans and bake for ten minutes in the preheated over or until egdes are nicely brown.

After more or less two hours ay okay na ang dalawang magkaibang cookies na ginawa nila para sa parents ni Gray; a chocolate chip cookies for his mom and almond-chocolate-cherry cookies for his dad, iba lang ang ginamit na sugar at kaunti lang din ang chocolates para sa daddy nito; it has a good nutritional fact at bantay nila ang diabetic exchange ng b-in-ake nila. Inihiwalay na nila sa dalawang cookie jars ang para sa mommy at daddy nito.

Magkasabay nilang tinikman ang mga cookies na ginawa nila at napangiti sila sa isa't isa. "The egdes were so crispy and the middle part was chewy, I loved it!" nakangiting sabi ni Gray sa chocolate chip, saka nito sunod na tinikman ang almond-chocolate cherry cookies. "Hmf, it's yummy!"

Tumango-tango naman siya sa binata. "Pwede ka na," nakangiting sabi niya.

"Pwede nang mag-asawa?" nakangiting pagpapatuloy nito.

"Oo, ang bilis mo naman palang matuto, e." nakangiting sabi niya.

"Magaling lang ang teacher ko," nakangiti ding sabi nito. "Saka hindi pa ako pwedeng mag-asawa, hindi ko pa natatagpuan 'yong Ms. Right ko."

"Walang problema, hindi mo naman na kailangang hanapin kasi nandito na ako." bulong niya sa sarili.

"Ano 'yon, Chell?" tanong ni Gray, na narinig yata ang pagbulong-bulong niya.

Natawa siya dito saka umiling. "Ang sabi ko, tiyak matutuwa ang mga magulang mo nito. Kaya hanapin mo na rin ang Ms. Right mo."

"Saka na lang kapag hindi na busy sa work." Nakangiting sabi nito.

"Oh, baka takot ka lang magmahal uli?" aniya, na ikinatigil nito sa pagsasalita. Mabilis naman siyang nagsisi sa katabilan ng dila niya. "Sorry."

Mabilis itong umiling. "You're right, baka nga takot lang uli ako magmahal kasi takot akong maiwanan." Pag-amin nito saka lumungkot ang mukha nito. "Ako ang hinahabol nila sa una—pero kapag bumigay na ang puso ko, saka naman ako iniiwan."

She gently tapped his shoulder. "I so feel you, Gray, I mean, sir Gray, alam mo bang iniwanan din ako ng dalawang naging boyfriends ko at take note sa mismong kaarawan ko pa, hindi na sila nahiya sa akin, 'no? Oo, nainis ako sa kanila at iniyakan sila pero life must go on, ika-nga."

Tumango ito sa kanya. "Eversince nag-break kami ng girlfriend ko, two years ago, sa two years relationship namin dahil nahihirapan siya sa LDR—sa States ako at siya sa Europe. She was a college classmate na nagpunta rin ng States para kumuha ng masters degree, pagkatapos ay nagtayo ng sarili niyang negosyo pero hindi naglaon ay lumipat din sa Europe dahil sa family niya. She was my third and last girlfriend, na inakala kong makakatuluyan ko na in the future, pero siguro nga, hindi kami para sa isa't isa dahil sa huli ay nagpakasal siya sa iba."

"Naniniwala din akong hindi kayo para sa isa't isa." Mabilis niyang dagdag. Kasi nga para tayo sa isa't isa! Kung hihimay-himayin mo nang mabuti, crush na crush kita no'ng high school tapos bigla tayong pinaglayo ng tadhana at after more than a decade ay muling magtatagpo.

Nakita niyang nagtatakang napatitig si Gray sa kanya marahil ay dahil sa mabilis na pag-segunda niya sa sinabi nito, kaya mabilis niyang dinipensahan ang kanyang sarili.

"I-I mean, kailangan mo nang hanapin si Ms. Right kaysa ma-stuck ka sa past relationship mo." Nauutal na depensa niya.

"Ikaw ba?"

"Nahanap ko na siya!" mabilis na sagot niya, may gulat factor pa nga ang sagot niyang 'yon sa kaharap na binata. "A-Ang ibig kong sabihin ay hinahanap ko na siya, feeling ko nga malapit ko na siyang makilala o baka nga nakilala ko na pala siya," nakangiting sabi niya. "At nasa harapan ko na." dagdag niya na halos pabulong na lang.

"I like your attitude, so optimistic."

"I like you too, I mean, I like my attitude too, hindi masyadong bitter sa love, sakto lang." nakangiting sabi niya. Muntik pa siyang madulas.

Ngumiti naman ito sa kanya. "So, what do you wanna do next?"

"Hmm... How about a movie?"

"Oops!" saglit itong natahimik bago muling nagsalita. "I don't watch movies and I don't have any movies with me."

"Ha?" nagtatakang tanong niya. Ito lang ang taong nakilala niyang ayaw sa movies? Ang weird naman. "Bakit?"

Nag-alinlangan itong sabihin pero sa huli ay nagsalita din ito. "My ex-girlfriend was a movie fanatic and whenever I watch movies, lagi ko siyang naaalala, kaya itinigil ko na."

"So, hindi ka pa nakakapag-move on sa kanya?"

"I don't know." Kibit-balikat nitong sagot. "Siguro kung makikita ko siya ngayon, makakapag-hello ako sa kanya—sign ba 'yon nang nakapag-move on na?"

Tipid siyang umiling. "Hindi ka pa totally nakaka-move on." Konklusyon niya. May kung anong kumurot sa puso niya dahil sa napagtanto. Nagseselos na ba siya sa lagay na 'yon? Kailangan ko siyang tulungang makapag-move on para wala na akong harang na makapasok sa puso niya! "Kung pupunta ba ako dito sa condo mo at magdadala ng movies next time, papapasukin mo ba ako?" nakangiting tanong niya.

"Why not?"

"Promise 'yan, ha!" nakangiting sabi niya, tumango naman ang binata.

Naputol ang pag-uusap nila nang mag-ring ang phone nito, narinig niyang nabanggit nito ang pangalang Tycho, nagpaalam ito para sagutin ang tawag pero sinabi nitong kumain lang daw siya at feel at home. At bilang isang masunurin 'future girlfriend' ay nagpaka-feel at home na nga siya; selfie anywhere, pati picture frame ng binata ay nakipag-selfie siya at kung anu-ano pa, saka siya nauhaw.

Nagtungo siya sa malaki at sosyaling ref nito at binuksan 'yon—at halos lumuwa ang kanyang mga mata nang makita niya ang laman ng ref nito—ang daming sweets and chocolates, fruits, softdrinks and beer in cans, milks, yoghurts at marami pang iba—punong-puno ang ref nito!

Hindi halata sa katawan nito na mahilig ito sa matatamis dahil fit pa rin ito. Saka wala naman itong maid, so ibig din sabihin ay ito rin ang namamalengke ng mga food stocks nito? Sabagay nasabi din naman nito last time sa kanya na ito din ang nagluluto ng pagkain nito.

Kumuha siya doon ng coke in can saka isinara ang ref. Bubuksan na sana niya ang can nang may maisip siyang ideya. Actually, napanood lang niya ang eksenang gusto niyang gayahin sa isang romantic korean series sa TV. Kumuha pa siya ng isang coke in can saka niya sabay na inalog ang dalawa at inilagay 'yon sa tabi ng cookies na kinakain nila ni Gray kanina.

Oplan: Seducing my boss step six: Play game together.

Napangiti siya sa kanyang iniisip. Saglit pa ay bumalik rin agad si Gray sa kusina.

"Si Tycho, nagbalita lang tungkol sa love life ni Grant," nakangiting imporma nito.

"So, si Grant na at 'yong employee niya?" nakangiting tanong niya. Nang tumango ito at ngumiti ay parang nabuhayan siya ng loob para ipagpatuloy ang kanyang operasyong akitin ito.

"Well, love is really magical and very mysterious, you'll never know—in love ka na pala." Nakangiting sabi nito.

Mabilis naman siyang tumango. "Gano'n ka ba sa mga naging exes mo?"

Umiling ito. "They liked me first then I fell in love tapos iniiwan. Ikaw?"

"Parang male version lang kita e, ako din kasi, niligawan nila, pinakilig, sinagot ko sila, pero iniwan din sa huli." Baka tayo ang gamot ng isa't isa!

"Kaya siguro tayo magkasundo." Nakangiting sabi nito. "Saka gusto ko din talaga bumawi sa 'yo sa mga alaalang hindi ko maaalala during junior high. Naging fan ka ba ng band namin?"

"Yes!" mabilis na sagot niya. "I was a big fan and admirer of your band." And of course... you!