Chereads / Fulfilled Duties (Tagalog) / Chapter 4 - Chapter 4

Chapter 4 - Chapter 4

DEBORAH'S POV

"Bakit gan'yan ka? Hindi nakakasawang kasama maghapon. Puro tawanan, may kasamang asaran, pero sa dulo'y—"

Nahinto ang aking pagkanta nang may dumaang palaka sa may paanan ko habang naliligo ako sa banyo.

"Hoy, palaka!" sigaw ko rito. "Sinisilipan mo ba ako?" Hindi ako pinansin ng palaka at dire-diretsong nagsuot sa butas na labasan ng tubig.

"Basta kapag narito tayo sa school, gusto ko na nasa tabi lang kita. Ako na ang bahala sa iyo pagkatapos. I'll do my duty as well as your Byeongyun."

Napailing ako't napanguso. "Ayaw niyang may feeling nagmamay-ari sa kaniya pero ano iyong 'your Byeongyun' na sinasabi niya? Tunog akin siya ah," bulong ko sa aking sarili habang nagsa-shampoo.

"I told you already na ako na ang makikita mo, makakausap mo, at makikita mo araw-araw dito sa school."

"Let's see, midget. But don't you believe in the saying na kung sino ang una mong naka-bonding sa unang araw mo sa school ay siya na rin ang magiging kasama mo the rest of the school year?"

"Teka lang, Deborah! Ano'ng meron at bigla mong naisip iyon? Itigil mo iyan!" pasigaw kong paalala sa aking sarili saka nagbuhos ng tubig.

"Mexico! Ano ba'ng ipinagsisisigaw mo riyan? Para kang baliw!" rinig kong sigaw ng aking ina.

"Mama naman! Deborah! Deborah po ang itawag ninyo sa akin!" pasigaw kong tugon sa kaniya saka kinuskos ang aking mukha gamit ang aking kamay.

"Ewan ko sa iyong bata ka! Bilisan mo na riyan at ako'y taeng-tae na!"

"Opo, patapos na po ako!"

Paglabas ko ng banyo habang nakatapis lamang ng tuwalya ay naabutan ko si Mama na nagluluto sa kusina na malapit lamang kung nasaan ang banyo.

"Mama, mapagkakatiwalaan ba ang mga lalaki?" tanong ko sa kaniya na alam kong ikakukunot ng kaniyang noo. Pagharap niya sa aki'y hindi ako nagkamali.

Agad niyang ibinaba ang kaniyang hawak na sandok doon sa kawaling may pinakukuluang karne ng baboy saka niya ako binalingan ng tingin.

"Hindi lahat," sagot niya. "Bakit? Ano'ng meron at itinatanong mo sa akin iyan? Hindi ba't dapat ay alam mo na ang sagot sa iyong tanong?"

"Wala lang po," tugon ko. "Pero Mama, hindi naman magkakapareho ang mga lalaki, 'di ba? Pero lahat po sila ay nagiging walang kuwenta sa kani-kanilang natatanging paraan. Pasok ka na sa banyo, Ma. Puwede ka nang tumae," sabi ko pa bago tuluyang umalis sa harap ng banyo at nagtungo sa aking kuwarto.

"Kung anu-ano na namang sinasabi mo," naiiling pa niyang turan.

Maya-maya pa'y muli kong narinig ang boses ni Mama.

"Hoy, Mexico! Kumain ka muna bago ka pumasok, ha? Malapit ng maluto iyong Adobo," sigaw niya mula sa banyo na agad ko namang sinang-ayunan.

Mexico, Mexico! Ang kulit ni Mama. Sabi na kasing Deborah! Deborah ang pangalan ko!

Matapos kong kumain at mag-ayos bilang paghahanda sa pagpasok ay agad na rin akong umalis sa bahay. Habang nasa daan ay bigla kong naalala ang assignment na nakalimutan kong sagutan kanina.

Sa pagmamadali ko pa ay nakalimutan ko na ring mag-tap ng ID sa may gate kaya't agad akong hinarang noong guard.

"Miss, nasaan ang ID mo?"

Nang mapagtanto kong hindi ko rin suot ang aking ID ay agad kong hinalungkat ang aking dalang bag.

"Saglit lang po," sabi ko habang patuloy sa paghahanap ng aking ID na hindi ko naman sigurado kung naiwanan ko ba sa bahay o naiwala ko na.

"Hindi ka puwedeng pumasok nang wala ang iyong ID," ulit pa noong guard.

"Hala! Mukhang hindi ko dala ang aking ID!" nag-aalala kong usal matapos kong masiguradong wala nga sa akin ang aking ID.

"Hindi ka puwedeng—"

Naputol ang sasabihin noong guard nang may biglang tumunog doon sa monitor, senyales na may nag-tapped ng ID.

Paglingon ko'y nakita ko ang aking mukha sa monitor, kasunod ng mukha ng isang lalaki.

"Byeongyun?" agad kong sambit nang makita ko siya sa aking likuran habang hawak ang aking ID.

"Ako nga, Mexico," nakangiti niyang sagot. Pagpaling niya sa guard ay agad niya ring sinabing, "She dropped her ID earlier. Luckily, I found it. Can we go now?"

Pagtango noong guard ay agad akong hinila ni Byeongyun papasok.

"H-hoy, t-teka lang! Teka lang!" Bahagya kong hinila ang aking braso dahilan para itigil niya ang kaniyang paghila sa akin.

"Bakit nasa iyo ang ID ko?" agad kong tanong nang lungunin niya ako.

"Nahulog mo nga kanina habang nasa daan ka," sagot niya.

Agad kong pinagkrus ang aking mga braso saka siya tiningnang mabuti.

"Hindi ako naniniwala," sabi ko.

"Bakit? Iyon ang totoo," aniya saka namulsa.

"Sigurado ka?"

"I'm telling you the truth, Mexico."

"Huwag mo akong tawaging Mexico. It's Deborah. Now tell me, bakit nga nasa iyo ang ID ko?"

Ilang segundo niyang akong tinitigan bago siya ngumiti nang ubod ng lapad. Sabi niya, "Okay. Nahulog mo ito kahapon habang nasa CR tayo. Dagdag pa niya, "Mahirap ka sigurong lokohin, ano?" Saglit akong natahimik dahil sa kaniyang sinabi.

Mahirap akong lokohin? Hindi ko alam. Niloko na ako noon kaya't hindi ko masasabi kung madali ba akong lokohin o hindi.

"Mexico? Ang layo na yata ng lipad ng isip mo?"

"Tse! Huwag mo nga akong tawaging Mexico! Deborah, okay? Deborah!" singhal ko sa kaniya nang matigil ang aking pag-iisip. "Akin na nga iyan!" Agad ko siyang nilapitan saka kinuha ang aking ID na hawak-hawak pa niya.

"Wae andwae?" Why not? tanong niya. "Mexico is your second name. It's actually part of your name."

"H-hindi tayo c-close para... para tawagin mo ako sa second name ko! Tse! D'yan ka na nga!" naiinis kong sabi saka siya iniwanan.

"Ya!" Hey! sigaw niya pero hindi ko na siya pinansin pa. "Anong klaseng close pa ang gusto mo, ha? Hey, midget! Sandali lang, Mexico!"

Nang makarating kami sa classroom ay agad kong inilabas iyong worksheet ko saka nag-focus sa pagsasagot. Ngunit mukhang hindi yata maayos ang takbo ng aking utak ngayon.

Ilang minuto na lang ay malapit nang magsimula ang klase ngunit ayaw pa rin makisama ng aking utak.

"Ayaw ko nang mag-isip!" iritable kong sambit sabay pabagsak kong ibinaba ang aking ballpen sa table ko.

Inalis ko rin pansamantala ang suot-suot kong eye glasses at minasahe paikot ang aking sintido. Pero hindi iyon sapat para mawala ang sakit ng ulo ko dahil sa Mathematics na ito.

"What's with the face, midget?" tanong ng katabi ko na kasalukuyang nagbabasa ng libro.

"Huwag mo akong bubwisitin ha. Sinasabi ko sa iyo!" banta ko sa kaniya saka sumubsob sa table ko. "Bakit kasi may Mathematics ang AB Psychology, tsk!"

Ibinaba naman niya ang kaniyang libro saka pumihit paharap sa akin. "Let me see," sabi niya sabay kuha ng papel ko.

"Ah. Ito iyong assignment natin. Symbolic form. This is easy," aniya saka kinuha ang hawak kong ballpen. "Let p represent, a poodle is a cat."

Tinitigan ko siya habang binabasa niya iyong given question sa papel ko.

"The given in number 6 is, a poodle is not a cat, so the answer should be... it should be not p (~p)," sabi pa niya. "Oh, you're done! Thanks to me."

"Midget?"

"Hey, midget?"

"Mexico!"

"Oh, ano 'yon? May sinasabi ka?" gulantang kong tugon sa kaniya matapos niyang kalampagin nang pagkalakas-lakas ang table ko.

Nginitian naman niya ako nang nakakaloko.

"Kanina ka pa lutang. Nagu-guwapuhan ka sa akin, ano?"

Pagkasabi niya noo'y ngumisi siya sa akin dahilan para mag-isang linya ang mga mata at bibig ko.

"Naninigarilyo ka, 'di ba? Umamin ka. Nahuli kita noong isang araw," sabi ko.

"Yeah."

"Nag-iinom ka rin ba?"

"Yes."

"Tapos may tattoo ka pa," sabi ko pa sabay turo sa magkabila niyang braso.

"So?"

"In short, hindi ako nagu-guwapuhan sa mga adik na katulad mo!"

Agad na nagsalubong ang mga kilay niya dahil sa aking sinabi.

"A-ako? This face?" aniya sabay turo sa mukha niya. "Itong mukha na ito? Mukha ba itong adik?"

Pinagkrus ko ang aking nga braso saka siya tinitigan.

Hindi naman siya mukhang adik katulad ng sinabi ko. Guwapo talaga si Byeongyun na may itsurang bad boy. Kung tutuusin ay puwede siyang maging isang Korean Drama actor, model, o isang KPop group member dahil sa kaniyang itsura. Matangos ang ilong, maliit ang mukha, at bukod sa tangkad niyang anim na talampakan ay kulay labanos rin ang kaniyang balat. Makinis siya at talagang may panama kung itatabi mo kay Kim Taehyung ng sikat na KPop group na BTS o kaya naman ay kay Cha Eunwoo ng ASTRO.

Inirapan ko na lang siya saka ko sinabing, "Oo! Ang kapal naman ng mukha mong sabihing nagu-guwapuhan ako sa iyo!"

Agad ko na ring inagaw sa kaniya iyong ballpen at papel ko na nakapagpasimangot lalo sa kaniya.

"Aish jinjja!" Tsk seriously!

Isang tanong pa ang muli kong naisip.

"Byeongyun?" tawag ko sa kaniya.

"Mwo? Mwo?" Halata sa boses niya ang inis.

"Retokado ka ba?"

Nanlaki ang kaniyang mga singkiting mata nang marinig niya ang aking tanong.

"M-mworaguyeo? Ya!" W-what did you say? Hey! bulyaw niya sa akin. "Napakabastos ng bibig mo!"

"Nan keunyang muleobwa! Wae?" I'm just asking! Why?

"Jamkkanman. Hangukeo hal jal ala?" Hold on. You can speak Korean?

"Jom." A little bit.

"Ah, teka! Saglit! Balik tayo sa tanong mo. Anong sinabi mo? Kung retokado ako? Ako?"

"Tanong lang naman—"

Natigil ako nang bigla niyang hawakan ang parehas kong kamay at ilagay iyon sa magkabilang pisngi niya.

"Hindi ako retokado, Mexico. Natural kong itsura iyan!" aniya saka niya inilagay ang kanan kong kamay sa ilong niya. "Kahit pisilin mo iyan, walang mababali o madudurog na kung ano sa mukha ko dahil hindi peke iyan."

Dahil sa ginawa niya'y napatitig ako sa kaniya. Masyado siyang malapit sa akin kaya kitang-kita ko ang bawat detalye ng kaniyang mukha... mukhang Goliath.

"Oo na, sige na! Hindi ka na peke!" sabi ko sabay bawi sa kaniya ng mga kamay ko.

Sumimangot naman siya. "Lapastangan ang iyong bibig. Nag-iinom at naninigarilyo lang ako pero hindi ako adik. May tattoo lang din ako pero hindi ako retokado!" naiinis pa niyang sabi. Palihim naman akong natawa dahil doon.

"Buwan na ba ng Wika? Kung makalapastangan ka naman," reklamo ko naman.

Nilingon niya ako. "Sariling wika ay mahalin, pati ako ay idamay mo na rin," aniya na nakapagpabungisngis sa akin.

King ina! Para siyang hilaw na makata!

"King ina! Ano iyon? Saan mo natutunan iyon?" natatawa kong tanong sa kaniya.

"I just saw it on Facebook last night. Ikaw, saan mo natutunang magmura, ha?" sambit niya saka pinitik ang aking noo.

"Aray naman!" Habang hawak ang aking noo ay akin pang sinabi, "Kay Watt. Narinig ko lang. Ang cute kasi pakinggan."

"Cute?" hindi makapaniwalang tanong pa niya.

Nagulat na lang ako nang bigla niyang batuhin ng nilukot na papel si Watt sa may bandang likuran namin.

"King ina! Sinong bumato sa akin?" bulalas ni Watt nang matamaan siya noong papel na ibinato sa kaniya ni Byeongyun.

Habang hawak ang kaniyang telepono ay iginala niya ang kaniyang paningin sa loob ng classroom.

Hindi lang ako ang nagpigil sa pagtawa dahil halos lahat ng nakakita sa reaksyon ni Watt ngayon ay talagang matatawa.

"Ako, bro," walang ganang sabi ni Byeongyun. "Sorry, mali ang pagkakabato ko. Hindi nagdiretso sa basurahan." Sumimangot na lamang si Watt pagkatapos.

"Siraulo!" pabulong kong sabi kay Byeongyun pero sinamaan lang niya ako ng tingin.

"Ikaw!" aniya sabay amba ng isang panibagong pitik sa aking noo. Dahil doo'y napapikit na lang ako. "Kung anu-anong natutunan mo!"

Nang maramdaman kong hindi niya naman ako pinitik sa noo ay agad na rin akong nagmulat. Doo'y nakita ko siyang bumalik sa kaniyang pagbabasa.

"O daebak! Jinjja gomawo Goliath!" Awesome! Thank you so much, Goliath! ngiting-ngiti ko namang sabi sa kaniya nang makita kong may sagot na pala iyong assignment ko.

Pagkatapos ng huling klase namin sa umaga ay may apat na oras kaming bakante bago ang huling klase sa hapon.

Bumuntong-hininga ako nang maisip kong masyadong mahaba ang apat na oras para walang gawin.

"Baka masinghot mo na ako, Mexico."

Agad na nalukot ang aking mukha nang marinig ko na naman ang mapang-asar na boses ni Byeongyun.

"Deborah nga sabi! Ang kulit mo!"

"Deborah Mexico Macalintal. It really sounds nice, midget."

"Tumigil ka na," banta ko sa kaniya.

"Close na tayo, 'di ba?"

"Paanong close muna?" tanong sabay arko ng aking kilay.

Agad siyang lumapit sa akin saka niya isiniksik ang kaniyang katawan sa aking upuan.

"Like this," aniya. "See? Magkadikit na tayo. Close na close."

Nasapo ko na lamang ang aking noo saka ko siya itinulak palayo dahil sa taglay niyang kakulitan.

"Oh ano, tara na sa cafeteria?"

"Hey, guys! Sa labas na tayo kumain? My treat!"

"Come on! Gutom na ako!"

Nang mapatingin ako sa orasang nakasabit sa pader ng classroom ay pasado alas dose na pala ng tanghali.

Nakita ko ang mga kaklase ko na grupo-grupo kung umalis sa room. Napabuntong-hininga na lamang ako sabay kuha ng notebook at ballpen.

Excuse me? Hindi ko kakainin ang notebook at ballpen ha. Tss.

Maya-maya pa'y nilapitan na rin si Byeongyun ng mga kaibigan niyang sina Einon at Watt na kapwa bitbit na ang kanilang mga bag at handa na sa pag-alis.

"Bro, treat ni Einon. Ano, game? Tara?"

"Sure," agad namang tugon nito sabay salpak ng mga gamit niya sa loob ng kaniyang bag.

Kapagkuwa'y magkakaakbay silang lumabas ng room habang pinag-uusapan kung saang mamahaling kainan sila kakain.

Nagkibit-balikat na lamang ako nang mapansin kong ako na lamang mag-isa ang naiwan sa loob ng classroom.

"Okay. Sabi ko nga, wala akong kaibigan sa room na ito e. Walang magyayaya sa akin kumain sa labas o kahit sa tabi-tabi man lang. As usual," bulong ko sa aking sarili saka bumuntong-hininga.

"By any chance, do you have a ghost friend?"

"Ay halimaw ka!" Agad akong napalingon dahil sa gulat nang may magsalita sa tabi ko.

"Sinong kinakausap mo? Saglit pa lang akong nawawala sa tabi mo, kung sinu-sino na agad ang kinakausap mo."

May isang matangkad at gwapong imahe ang nakapamulsa na may pagtatakang mukha ang nakatingin sa akin ngayon.

Si Byeongyun.