Chereads / Fulfilled Duties (Tagalog) / Chapter 9 - Chapter 9

Chapter 9 - Chapter 9

DEBORAH'S POV

"Inang! Bakit may halik? Bakit nangyari iyon? Bakit? Bakit may gano'ng eksena? Bakit? Hay!"

Panay ang aking sigaw sa aking kuwarto habang nakahiga sa aking kama at may taklob na unan ang aking mukha.

"Yoon Byeongyun! Isa ka talagang harot na Goliath! Nakakainis ka—"

"Mexico, ano ba'ng nangyayari na naman sa iyo?"

Agad akong napabalikwas matapos akong hampasin ni mama sa aking binti. Nasa kuwarto ko na siya't nakatitig na sa akin, naghihintay ng isasagot ko sa kaniyang tanong.

Anong sasabin ko? Na nahalikan ako ng isang kanong pinaglihi sa kitikiti?

Napakamot ako sa aking ulo saka nag-Indian sit.

"Wala naman, Ma," tugon ko. "Nakaka-stress lang po sa school."

"Pagkain lang ang katapat niyan. Kumain ka na!"

"Mamaya po," sagot ko pa saka muling nahiga at nagtaklob ng kumot sa aking buong katawan.

"Bahala ka riyan. Huwag kang magrereklamo kapag naubusan ka," aniya at doo'y naramdaman ko ang kaniyang paglabas ng aking kuwarto.

"Mama!" sigaw ko at muling bumangon mula sa aking pagkakahiga.

Maya-maya'y nakita ko ulit siyang pumasok.

"Ano?" kunot-noong tanong niya.

"Mama..."

"Ano nga?"

"Mama... ano kasi e—"

"Mexico, isa!"

Napakamot ako sa aking ulo. Sabi ko, "Mama, nahalikan ako."

"Lalaki ba?" agad na tanong niya.

"Mama naman! Syempre!"

Natahimik siya't tiningnan ko. Kumunot pa ang aking noo dahil hindi ko mahulaan kung ano na ang kaniyang iniisip. Wala kasi siyang ekspresyon na ipinakita matapos kong sabihin iyon.

"Mama?" mahinahong untag ko sa kaniya.

Tumikwas ang kaniyang nguso sabay sabing, "O edi ikaw na ang maganda!"

Napanganga ako.

"Mama!" lukot na mukhang sigaw ko pa. "Seryoso ka? Iyan lang ang sasabihin mo sa akin?"

Hindi lang ako makapaniwala.

"Aba'y anong gusto mong marinig sa akin?"

"Mama kasi! Seryoso ako! Nahalikan ako!" may diin ko pang sabi.

Tinaasan naman niya ako ng kilay.

"E ano nga? Anong gusto mong sabihin ko? Na malandi ka, maharot at makati? Ano ngayon kung nahalikan ka? Hindi ka naman mabubuntis ng halik. Nahalikan ka lang naman, hindi ka naman nakipaghalikan. Ibig sabihin, aksidente iyong nangyari," mahabang litanya niya.

Dagdag pa niya, "Kung iniisip mong magagalit ako, hindi."

"Eh?" hindi makapaniwalang sabi ko pa. "Paano ninyo nalamang aksidente iyon?"

"E sino ba naman kasing hahalik talaga sa iyo? Mahahalikan ka lang naman kung aksidente e."

Agad na nagpanting ang aking tainga matapos sabihin sa akin iyon ni Mama.

"Mama," sabi ko, "parang hindi ko yata gusto ang tabas ng dila ninyo. Sinasabi ninyo bang walang lalaking gugustuhing halikan ako? Nilalait mo ba ako, Mama?"

"Hoy, Mexico! Ikaw ang may sabi niyan," aniya saka ako tinampal sa aking noo. Agad akong napasimangot dahil doon.

"Ang akin lang naman ay huwag ka munang mag-aasawa agad. Magtapos ka muna ng pag-aaral mo. Ayos lang kung halik-halik muna. Isa pa, aksidente lang naman iyon. Malaki ka na. Matalino ka. Alam mo na ang tama at mali."

"Mama!" sigaw ko saka muling nahiga at nagtatadyak.

"Bahala ka nga riyan. Ang arte mo," sabi pa niya saka tuluyang lumabas ng aking kuwarto.

Mama ko ba talaga iyon?

Sa inis ay nasipa ko na lamang ang drawer na malapit sa aking tabi.

Ilang minuto pa ang lumipas nang maisipan kong kalikutin ang nananahimik kong telepono.

"May social media account kaya si Byeongyun?" bulong sa aking sarili saka tinungo ang Instagram.

Tinipa ko ang kaniyang buong pangalan sa search bar at hindi naman ako nabigo.

"Yoon Byeongyun," usal ko saka pinindot ang kaniyang account.

"Isang libo mahigit na ang kaniyang post. Puro naman mukha niya," naka-irap kong sabi nang mapansin ko naman ang huli niyang Instagram post.

"September 14, 2017 pa ito a," sabi ko saka binasa ang translation ng caption na nakasulat sa Korean ng larawang paruparo na itsurang naglalaho. "She's like a butterfly. She'll leave and won't stay long."

Pero mali pala ako. Hindi lang siya ang mga nasa litrato, kung hindi may isang babae siyang palaging kasama.

Dala ng kuryosidad mula sa aking nabasa ay tinungo ko ang mga pinakalumang post niya. Nakita ko roon ang isang agaw-pansing larawan niya na may kasama pa ring babae na sa palagay ko ay ang kaniyang nobya.

"Let's be together forever, sweetheart."

Iyon ang sabi sa post niyang iyon. Sa halip na tawanan dahil sa kakornihan niya ay mas lalo akong na-curious kung sino ang babaeng iyon. Wala kasing naka-tag kung sino iyon at kung ano'ng pangalan niya.

Napabangon ako saka iyon tiningnan nang mabuti.

"Iniwan ba siya? Si Soobin kaya ang babaeng ito? Pero hindi naman niya kamukha?" tanong ko pa sa sarili ko. Isa pa ay apat na taon na rin ang kuhang iyon.

Muli ay tiningnan ko pa ang mga larawan doon.

Nang makita ko ang isa pang larawan ng dalawang batang babae na hindi pa malinaw kung sino ay agad ko rin iyong tiningnan. Taong 2015 pa iyon.

Meet my girlfriend Dami's bestfriend, Sejin. They're both beautiful, right?

So si Dami iyong babae kanina na kaniyang nobya? Ano na kayang nangyari sa kanila? Siya rin kaya iyong inihalintulad niya sa paruparo? Hiwalay na ba sila? Nasaan si Soobin? Akala ko ba ay almost lovers na sila? Akala ko ba ay kababata niya iyon? Bakit wala man lang siyang litrato niya rito?

Sa dami ng tanong sa aking isip ay naibaba ko ang aking telepono saka minasahe ang aking sintido gamit ang dalawa kong kamay.

"Bakit ba ako naku-curious kay Byeongyun? Bakit ko pa ba hinuhukay ang mga nakaraan niya? Pakialam ko ba? Tsk!" naiirita kong sabi sa aking sarili.

Maya-maya'y bahagya naman akong napapitlag nang biglang tumunog ang aking telepono at ipakita noon ang isang unregistered number na tumatawag sa akin ngayon.

Dahil hindi naman ako takot sa mga unregistered number na bigla na lang tatawag sa akin ay sinagot ko rin iyon. Baka kasi isang delivery iyon na nakalimutan ko na.

"Hello?" sabi ko.

"Hello? Sino ito? Hoy?" ulit ko nang walang magsalita sa kabilang linya.

Isang paghinga naman ang aking narinig bago siya nagsalita.

"Kumusta? Na-miss kita."

"Anak ng—ano iyon?" bulalas ko saka agad na pinatay ang tawag.

Malalim ang kaniyang boses na lalong nakapagpakilabot sa akin dahil sa kaniyang sinabi.

"Letseng na-wrong number iyan! May pa-miss-miss pang nalalaman!" reklamo ko saka ini-locked ang aking telepono.

"Hay! Nai-stress ako! King ina to the highest level!" sigaw ko bago ko guluhin ang aking buhok.

"Mexico, iyang bunganga mo!" sigaw naman ng aking ama na kasalukuyang nasa sala.

Napanguso naman ako dahil doon. "Sorry ho," sabi ko na lamang.

Tatayo na sana ako at lalabas upang kumain nang muling tumunog ang aking telepono.

"Unregistered number na naman?" reklamo ko nang panibagong unregistered number ang nakita kong tumatawag na naman sa akin.

Sikat na ba ang number ko? Bakit hindi ko alam?

Walang anu-ano'y kinuha ko ang aking telepono saka iyon agad na sinagot.

"Ano? Na-wrong number ka rin ba? Anong sasabihin mo? Kumusta na ako? Na nami-miss mo na rin ako? Ano? Imik! Sino ka? Magpakilala ka naman!" naiirita at dire-diretso kong sabi.

Makaraan ang ilang segundo ay nagsalita na ang nasa kabilang linya na agad na nakapagpakabog ng aking dibdib.

"Midget, it's Byeongyun."

"Hesusmaryosep!" mabilis kong reaksyon.

King ina, ano na namang problema ng dibdib ko?

"Jesus, Maria, and Jose?" natatawang sabi niya.

Nag-isang linya naman ang aking mga mata at bibig at saka namewang.

"Hoy! Ang kapal ng mukha mong tawagan ako, ha? Saan mo nalaman ang number ko? Saan?"

"Looks like you're okay. I'm relieved," aniya.

Doon ko naman naalalang hindi nga pala kami ayos dahil sa nangyari sa amin kanina.

King inang halik iyan!

"Ayos lang naman talaga ako!" nauutal kong sagot sa kaniya.

Narinig ko naman ang bahagya niyang pagtawa.

"Hoy, Koreanong Goliath! Huwag kang tatawa-tawa riyan! Tinatanong kita, remember? Paano mo nakuha ang number ko?" untag ko sa kaniya.

"Why? Mahalaga pa ba'ng malaman mo kung saan ko nalaman—"

"Oo, mahalaga! Mahalaga! Kasing halaga ng—"

"Ng?"

Dahil sa ginawa niyang pagputol sa sasabihin ko ay bigla akong napaisip.

"Tse!" singhal ko na lamang.

"Fine," aniya. "It's on your ID. Nakita ko noong nailalag mo dati that's why I have your number."

Agad akong napapikit at napakagat sa aking labi.

"Buwiset," bulong ko.

"Am I disturbing you?" mahinahong tanong niya kaya napabuntong-hininga ako.

"Bakit ba?" tanong ko naman. "Bakit ka napatawag?"

"Oh. I... I just want to know if... if you're okay."

"Eh?"

"Yeah, that's it. Hindi kasi kita naabutan kaninang uwian. Mukhang nagmamadali ka."

Kasi nahihiya ako sa iyo! Ayaw kitang makausap o makaharap muna dahil pakiramdam ko'y sasabog ang mukha ko sa kahihiyan!

"O-okay? A-ayos naman talaga ako. Buhay at... at humihinga."

"That's good," aniya. "So you're not mad... at me?"

Bakas sa boses niya ang pag-aalala na hindi ko rin maintindihan.

"H-hindi n-naman," sagot ko. "Bakit naman ako magagalit?"

"About what happened—"

"Hopya mani popcorn!" agad kong pagpigil sa susunod niyang sasabihin.

Iyong halik na naman iyon. Hay king ina!

"It's okay! I know... I know that it was just an accident at—"

"What are you talking about, midget?"

Agad namang kumunot ang aking noo dahil narinig ko pa siyang tumawa.

"Ha?"

"I was thinking na baka galit ka sa akin because of Soobin. Hindi ka kasi niya aawayin if it's not because of me," sabi niya. "Wait. Are you thinking about the kiss?"

Napasinghap naman ako.

"A-ano? H-hoy! Hindi! Ang... ang kapal naman ng peslak mo! H-hindi!" pagtanggi ko.

"Then why are you stuttering, midget? Hm?" nasa tonong pang-aasar na tanong niya.

"Hoy, Goliath! Kung wala kang matinong sasabihin, ibaba ko na ang tawag! Bye—"

"Wait!"

"Ano?" sigaw ko dahilan para dumaing siya na masakit na raw ang kaniyang tainga dahil sa mga pagsigaw ko.

"Nag-alala ako dahil baka maging awkward ka towards me. Actually," aniya, "na-miss kita, midget. It's good na we're fine."

Nang marinig ko ang galak sa kaniyang boses ay kumabog na naman ang aking dibdib.

"Ano ba'ng sinasabi mo riyan? Ang OA mo!"

"It's not being OA. I'm just afraid that my little body guard would really get mad at me. Sino na lang ang magiging kakampi ko kapag may gustong humarot sa akin?" natatawa pa niyang sabi na ikinairap ng aking mga mata.

"Ewan ko sa iyo!"

"Anyway, have you... eaten?"

"Hindi pa," walang gana kong sagot.

"Great," natutuwa niyang sabi. "Come outside. I missed you, so give me a hug."

"A-ano? Anong great sa hindi pa nakain? Pasado alas otso na! Saka anong come outside at give me a hug?" nangungunot noong sambit ko.

"Baliw ka ba talaga? Lasing? Anong sigarilyo ba ang hinihithit mo? Kung anu-ano talagang lumalabas sa bibig mo!" dagdag ko pa.

"Ate!"

"Ano?" pasigaw kong tanong dala ng pagkaasar ko kay Byeongyun doon sa kapatid kong nakasilip na pala sa aking kuwarto.

"Ate?" ulit niya kaya bahagya kong inilayo ang aking telepono mula sa aking tainga.

"Ano iyon, Denver? Bakit?" tanong ko sa kaniya.

"May tao sa labas," sagot niya sa akin.

"Midget?" rinig kong tawag naman sa akin ni Byeongyun mula sa telepono.

"Sandali lang, Goliath!" sabi ko saka muling binalingan ng tingin iyong kapatid ko.

"Sino? Gabi na a?" tanong kong muli sa aking kapatid. Nagkibit-balikat naman siya.

"Come outside and give me a hug, midget. Bati na tayo," rinig ko pang sabi ni Byeongyun.

"Sandali nga—"

"Byeongyun daw ang pangalan niya, Ate," sabi pa ng aking kapatid dahilan para manlaki ang mga mata ko.

"A-ano?"

Agad ko namang inilagay ulit ang aking telepono sa aking tainga.

"Midget, ang lamok dito sa labas."

"King ina! Bakit ka nasa labas ng bahay namin?" sigaw ko sa kaniya saka dali-daling lumabas ng aking kuwarto.