Chereads / SIMPLY IRREPLACEABLE / Chapter 17 - PART 17

Chapter 17 - PART 17

"ANO ka ba naman Louis, daig mo pa ang ikakasal sa ginagawa mong iyan!" puna sa kaniya ni Pauline.

Nasa loob na sila noon ng auditorium kung saan gaganapin ang ball at wala parin si Jade.

"Malapit ng mag-umpisa ang program wala parin siya. Kanina ko pa siya tinatawagan pero hindi naman niya sinasagot ang mga calls ko" nag-aalala niyang paliwanag saka muling nagdayal sa kaniyang telepono para tawagan ang dalaga.

"Oh hayan na pala si Jade eh!" si Rhea na sa may entrance ng auditorium nakatingin.

Agad na lumipad ang mga mata ni Louis sa narinig para lang matulala sa kaniyang nakita.

Jade stands in the crowd with her simple yet sophisticated and elegant red dress.

Lalong lumutang ang angkin nitong kaputian dahil sa kulay ng suot nitong bestida. Lalo na ang magagandang binti ng dalaga.

Hindi niya magawang alisin ang pagkakatitig sa mukha nito nang makalapit ito sa kanila. Ang itim na itim nitong buhok ay simpleng nakalugay lang. Parang gusto iyong damhin ng kaniyang mga kamay and smell its fragrance.

Ang mukha ni Jade, pinahiran lang ng simpleng make-up pero kanina nang maglakad ito palapit sa kanila ay nakita niya ang maraming pares ng mga matang lihim na humanga sa kagandahan nito.

"Hello" nang makalapit ito sa kanila.

Noon siya parang nahimasmasan at natauhan.

"Ang ganda-ganda mo naman Jade" puri ni Rhea sa dalaga.

"Thank you."

"Kanina ka pa hinihintay nitong groom mo! Akala yata niya ikakasal na kayo kaya sobrang worried na baka hindi ka sumipot!" pabirong sabi naman ni Pauline.

Tumawa lang doon si Jade. "Pasensya kana Louis, si tatay kasi ang naghatid sakin kaya hindi na ako nagpasundo sayo. Tapos naiwan ko pa iyong cellphone sa kwarto ko, sorry ha?"

"Okay lang, ang importante nandito kana" aniya saka matamis na ngumiti.

"Ang daming langgam! Para pa kayong mga model ng toothpaste sa ganda niyang mga ngitian niyo! Tara na doon na tayo sa table natin" biro ulit ni Pauline.

Naiiling habang nakangiti lang niyang hinawakan sa siko si Jade saka ito inalalayan papunta sa kanilang mesa.

ILANG sandali pagkatapos ay sinimulan na ang programa. Pero wala doon ang atensyon ni Jade kundi sa kasama niya, kay Louis.

Hindi niya maintindihan kung bakit mula kaninang dumating siya ay pirmi na ang tensyong nasa pagitan nilang dalawa. Kinakabahan siya, naiilang o nahihiya. Hindi niya tiyak kung alin sa tatlo pero isa lang ang sigurado siya. Parang hindi siya kumportable.

Simple lang naman ang tabas ng bestidang suot niya. V-neckline at sleeveless, hindi iyon backless dahil ayaw ng tatay niya na magsuot siya ng too revealing na damit. Kaya sigurado siyang hindi ang damit niya ang dahilan kung bakit nakakaramdam siya ng discomfort.

Para naman kasing may something sa mga titig mo Louis, tapos ang tahimik mo pa kaya lalo akong nakakaramdam ng tensyon.

"Would you like to dance?" tanong ni Louis nang pumailanlang ang isang magandang love song, ang If You're Not The One na soundtrack ng paborito niyang movie na Maid In Manhattan.

Nagkibit siya ng balikat nakangiting sumagot. "Sa wakas nagsalita karin, akala ko nalulon mo na iyang dila mo eh, oo naman" pabiro niyang komento sa kagustuhang pawiin ang kakaibang atmosphere sa pagitan nilang dalawa.

Inalalayan siya ni Louis papunta sa dance floor. Pilit niyang itinago ang bolta-boltaheng kaba na nabuhay sa dibdib niya nang hapitin siya nito at mahigpit na hinawakan ang isa naman niyang kamay.

"Favorite song ko yan, lalo na ang movie niyan. Ilang beses ko ng pinanood pero kinikilig at naiiyak parin ako sa ending" iyon ang nanulas sa mga labi niya nang simulan nilang sabayan ang mabagal na awitin.

"Talaga? Iyon ba iyong movie ni JLo? Iyong maid siya sa hotel tapos nagustuhan siya ng Senator?"

"Oo, actually running for senator pa iyong leading man niya nang magkakilala sila, napanood mo na? Ang ganda diba?"

Nakita niya ang amusement sa mukha ni Louis sa sinabi niyang iyon. "Hindi pa, hindi kasi ako mahilig sa mga love stories, nakokornihan ako."

"Ganun? Pero iyon naman talaga ang buhay di ba? Minsan corny, alam mo dapat manood karin ng ganoon. Tingnan mo ako kakabasa at kakapanood ko ng mga love stories and romances kahit minsan maraming problema, naniniwala parin ako sa happy ending."

"Naniniwala naman ako sa happy ending, di lang halata kasi sabi nila babaero daw ako" saka iyon sinundan ni Louis ng isang mahinang tawa habang nakatitig parin sa kanya.

Nagkibit lang siya ng balikat.

Babaero ka nga, pero sana sa kabila ng maraming magagandang babaeng naghahabol sayo, sana panain ni kupido ang puso mo para mainlove karin sa akin. Lahat naman ng prince eh nagbabago para sa mga princess nila. At para sa akin ikaw ang prince ko, kahit hindi mo alam.

"You so look beautiful, alam mo ba? Pakiramdam ko nga ang daming lalaki rito ang naiinggit sakin ngayon" seryoso sabi ni Louis bagaman nakangiti.

"Ows? Sabagay kung kasing gwapo mo ba naman ang magsasabi sakin ng gayan, talagang maniniwala akong maganda nga ako! Anyway ikaw din. Ang gwapo mo diyan sa suot mong two-piece suit."

Natawa ng mahina doon ang binata. "This is the happiest Foundation Ball for me, thank you for being my date."

Nang titigan niya ang mga mata ni Louis, para siyang nakakita ng bituin dahil sa kakaibang kislap ng mga iyon. Halata ngang napakasaya nito, pero katulad din kaya iyon ng sayang nararamdaman niya?

"Pareho tayo, ako din ang saya-saya ko ngayon" naisatinig niya saka naglalambing na inilapat ang kaniyang pisngi sa dibdib ng kasayaw.

Bagay na bagay pala para sa feelings ko sayo ang message ng kantang ito Louis. Sana parang sa movie, pwede ring maging tayo kahit mayaman ka at mahirap lang ako.

"T-talaga?"

Muli, sinalubong niya ang mga mata nito. "Masaya ako k-kasi kasama kita" lakas-loob niyang sagot.

Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ng binata. Pagkatapos ay yumuko ito saka hinagkan ang kaniyang noo.

"Ako rin, hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya Jade" pagkasabi niyon ay saka siya nito kinabig palapit dito saka niyakap ng mas mahigpit.

Parang gustong umagos ng mga luha niya hindi lang dahil sa sinabi ni Louis, kundi mas higit sa uri ng damdaming naramdaman niyang kalakip ng bawat salitang iyon.

Ayaw ko ng pigilan, okay lang kahit masaktan ako. O kahit lagyan mo narin ako ng expiration date. Basta mahal kita Louis, and I will do everything maiparamdam ko lang sayo kung gaano kita kamahal.