"JADE."
Nakita niyang nakatayo sa may pintuan mismo ng waiting room si Cindy. Nangunot ang noo niya nang mapunang hindi ito naka-uniform.
Mabilis na bumangon ang matinding galit sa dibdib niya sa pagkakakita dito. Anong ginagawa ng babaing ito dito? Aawayin nanaman siya? Nang mula sa likuran ni Cindy ay lumitaw si Louis agad na napanatag kalooban niya.
"May sasabihin yata si Cindy sayo" sabi ni Louis saka ito lumapit sa kaniya.
Tiningnan niya ang binata at nang ngitian siya nito parang nakita niya sa mga mata nito ang sinabi nito sa kaniya noong mapasukan siya nito sa CR noong isang araw.
"Tahan na, I'm here. Wala ng pwedeng manakit sayo."
Noon nabuhay sa dibdib niya ang lakas ng loob na salubungin ng tingin ng kaharap.
"What?"
"I-I just want to say sorry sa lahat ng nagawa ko, personally. Alam ko masyado akong naging salbahe sayo, at hindi biro ang ginawa ko lately." simula ni Cindy.
Hindi siya kumibo kaya nagpatuloy ito.
"Nalaman ng parents ko ang lahat ng ginawa ko, nagalit sila sa akin kaya pinag-dropped na nila ako bago pa man ako i-kicked out ng SJU. You know, I love Louis so much."
Nakita niya ang pagkislap ng luha sa mga mata ni Cindy, at kahit matindi ang galit na nararamdaman niya para rito ay hindi parin niya napigilan ang hindi makaramdam ng awa.
"At naiinggit ako sayo kasi nakita ko na mas masaya siya kapag kasama ka niya kaysa noong boyfriend ko pa siya" sa huling sinabi ni Cindy ay nabasag na ang tinig nito.
"Mamaya na ang alis ko papuntang Japan, doon na raw muna ako. O baka for good na, hindi ko masasabi. I'm so sorry Jade" noon na tuluyang umagos ang mga luha nito. "Alam kong it's too much for me to ask for your forgiveness. But if you could promise me that you will take care of him" pagkasabi niyon ay saka nito sinulyapan si Louis na nakamata lang.
"Iisipin ko naring pinatawad mo na ako" anitong nagpahid ng luha pagkatapos.
Ramdam niya ang katapatan sa mga salitang binitiwan ni Cindy. Maaari ngang mahal na mahal nito si Louis dahil sa ginawa nitong pagpapakumbaba. At kahit gusto na niya itong patawarin, parang hindi pa siya open doon.
Siguro dahil wala pang isang linggo mula nang nangyari iyon. At kapag nakikita niya ang CR ng CAS kung saan nangyari ang insidente ay parang bumabalik sa kaniya ang lahat. Pakiramdam niya ay nagkaroon siya ng bahagyang trauma, at habang hindi iyon nagagamot ay hindi siguro magiging ganap ang pagpapatawad niya dito.
"Gusto ko sana, pero hindi ganoon kadali ang lahat. You know, what I mean and I'm sure you understand. But maybe someday, sa ibang pagkakataon baka sakaling magkaayos tayo" malungkot niyang sabi.
"Naiintindihan ko, but please do me a favor?" anitong nagpahid ng mga luha saka sinulyapan muli si Louis.
"Huwag kang mag-alala aalagaan ko si Louis" aniyang nginitian pa ito ng tapat pagkatapos.
Aalagaan ko si Louis dahil mahal na mahal ko siya.
Totoo iyon, pero sa kabila ng nararamdaman niya ay hindi niya kayang sabihin iyon kay Louis. Hindi naman kasi magandang tingnan na siya pa ang gagawa ng first move. Sa ngayon ay kailangan niyang magkasya sa pagkakaibigan nila at sa lihim niyang pagtingin para sa binata.
"Ikaw ba ang gumawa ng paraan kaya nalaman ng parents niya ang lahat?" tanong niya sa binata nang makaalis na si Cindy.
Alanganin itong tumango. "She deserves what she got, at iyong dalawa pa niyang kasama, kasabay din niyang nag-dropped kahapon" dama niyang totoo sa loob ng binta ang sinabi nito. "You know I hate it when I see you cry, at ayokong nakikitang may umaapi sayo. I don't know, pero mula nang tanggapin mo ako bilang kaibigan mo I made a promise to myself that I won't allow anyone or anything to do you harm. Kung sakali man I'll make sure na mabibigyan ko iyon ng hustisya" madamdamin nitong hayag.
Parang gusto niyang umiyak. Siguro sobrang masaya lang siya sa lahat ng nakikita niyang malasakit ni Louis sa kaniya.
"Salamat sa lahat" iyong lang ang naisatinig niya saka siya tumingkayad para dampian ito ng simpleng halik sa pisngi.