"ANO bang okasyon? Hindi ko naman birthday ah!" overwhelmed niyang turan. Pagkagaling sa quadrangle ay niyakag na siya ng binatang umuwi.
"Wala, gusto ko lang na maging masaya ka. Sige na buksan mo na, dapat nga kahapon pa iyan kaso hindi naman tayo nagkita."
"Parang nakakapanghinayang namang sirain ang balot nito."
Naiiyak niyang nilingon ang binata matapos buksan ang regalo.
"Louis, sobra-sobra naman yata ito" aniya saka pinaglipat-lipat ang tingin sa binata at sa kumpletong hard copy set ng Harry Potter series.
Alam niyang hindi biro ang presyo niyon, pero mas higit pa doon ang dahilan kung bakit siya naiiyak sa tuwa. Iyon ay dahil hindi niya inasahang paglalaanan siya ng pera at panahon ni Louis para regaluhan ng isang bagay na alam nitong talagang magkapagpapasaya sa kaniya.
"And the other book, iyong pinag-awayan natin" anitong natawa pa ng mahina saka siya makahulugang sinulyapan. "napalitan ko na, kaya tama na ang diet okay? Baka magkasakit kapa."
Humaplos ang mainit na damdamin sa dibdib niya sa sinabing iyon ng binata.
Ang sarap isiping concern ka sa akin Louis. Pero siguro mas masarap sa pakiramdam kung alam kong gusto mo rin ako. Kasi ako, ang dali kong nahulog sayo.
"H-Hindi ko alam kung anong meron ako para pag-aksayahan mo ng pera at panahon" garalgal ang tinig niyang turan saka nilingon ang binatang nakaupo sa harap ng manibela.
"Don't cry, sige ka babawiin ko iyan!" pabiro nitong sabi sa kaniya, kaya kasabay ng pagkawala ng kaniyang mga luha ay ang isang mabining tawa.
"Ikaw talaga puro ka kalokohan, but seriously thank you so much. Hindi mo alam kung gaano mo ako napasaya" nararamdaman niya ang tensyon na unti-unting namumuo sa loob ng sasakyan pero hinayaan lang niya iyon.
"Sa kabila ng pagiging dragonesa mo kapag galit eh may pagka-iyakin karin pala" saka nito nang-gigigil na kinurot ang tungki ng kaniyang ilong.
Nahihiya siyang nagpahid ng mga luha.
"I wonder kung ganiyan rin ang maging reaksyon mo sakaling bigyan kita ng engagement ring" pabirong muling turan ni Louis.
Nagulat niyang nilingon ang binatang noon ay sinimulan ng i-maniobra ang sasakyan. Matagal niya itong tinitigan, tinatantiya kung seryoso ito sa sinabi, pagkatapos ay mabilis iyong iwinala sa kaniyang isipan. Ayaw niyang bigyan ang sarili niya ng kahit anong dahilan para umasa dahil baka sa huli masaktan lang siya.
Langit at lupa sila ni Louis, at iyon ay sapat na para isiping wala siyang dapat na asahan sa kanila maliban sa pagiging magkaibigan. Kailangan niyang yakapin ang katotohanang iyon, lalo at sa susunod na semestre ay siguradong dadalang na ang pagkikita nila ni Louis dahil magtuturo na ito sa isang public school bilang Student Teacher.
Hindi pa man dumarating ang araw na iyon, namimiss na kita Aragog.
MULA nang ma-banned sila ni Louis sa library ay ito narin ang madalas niyang kasama. Lalo na sa mga oras na nasa aklatan sina Rhea at Pauline. At dahil nga nasa isang building lang at may ilang subjects na magkatabi ang classroom nila ng binata ay madalas niya itong makita, pwera nalang kung pareho silang abala.
Ito rin ang madalas niyang kasabay sa pagkain ng lunch at meryenda. Dahilan kaya napagkakamalan silang magnobyo. Pero ang pinaka favorite niya ay ang mga pagkakataong tinuturuan siya nito sa mga assignments niya. Consistent Dean's lister kasi si Louis and running for Summa Cum Laude kaya nasasagot nito ang lahat ng tanong niya.
"Hay salamat! Akala ko hindi ka magpapakita sakin ngayon, I really need your help" bungad niya nang pumasok si Louis waiting room.
"Talaga hinihintay mo ako?" maluwang ang pagkakangiti nito saka naupo sa bakanteng silya sa tabi niya.
Nakangiti niyang inirapan si Louis. "Naiwan ko kasi sa bahay iyong libro ko sa Political Science. Patulong naman dito sa assignment ko" pakiusap niya.
Noon kinuha ni Louis ang binder niya saka binasa ang mga tanong na nakasulat doon."Okay lang ba, i-rewrite mo nalang? Mabuti nalang medyo kabisado ko ang Bill of Rights."
Tinanguan lang niya si Louis saka iniabot rito ang ballpen niya.
"Ilang oras ang free period mo today?" nang ibalik ni Louis sa kanya ang notebook niya.
"Dadalhin ko lang ito sa Faculty Room ng CAS tapos uuwi na ako. Hindi daw kasi makakapasok si Miss Delos Reyes" aniyang sinimulang basahin ang mga answers na sinulat ng binata. "sure ka tama lahat ito ah!"
Maluwang na napangiti ang binata sa huli niyang tinuran. "Oo naman!"
"Buti nalang talaga nandyan ka. Sabagay ano nalang ang silbi ng pagiging matalino mo kung hindi mo rin lang ako matutulungan di ba?" pabiro niyang turan saka sinimulang i-rewrite sa isang malinis na yellow paper ang kaniyang assignment.
"Parang sinabi mo narin na lahat ng pinaghihirapan ko, para sa kinabukasan natin!" nang mag-angat siya ng ulo ay nakita niyang nangungusap ang mga mata ni Louis habang nakatitig sa kanya.
"Hindi ah! Ikaw talaga maloko kang mag-isip" aniya.
"Ows? Iyon naman talaga ang meaning nung sinabi mo eh" ang mga mata ng binata pirming nakatitig ng malagkit sa kaniya.
"Heh, ewan ko sayo!"
"Kunwari pa, eh bakit namumula yang mukha mo?" anitong bahagya pang kinurot ang pisngi niya. "O baka naman tinatago mo lang ang totoong nararamdaman mo, ha?"
"Tumigil ka nga! Ikaw ang galing mo talagang mang-asar!" aniyang natawa pa pagkasabi niyon kaya mabilis niyang iniwas ang tingin sa binata kahit hindi niya magawang kontrolin ang mapabungisngis dahil sa ginagawang pagtitig sa kaniya ni Louis.
"Huwag ka munang umuwi, sama ka sakin. Hatid nalang kita pag-uwi. Sandali lang tayo" pagkuwan ay winika ng binata.
"Saan tayo pupunta?"
"Birthday kasi nung isang tauhan namin. Eh, parehong busy ang Mama at Papa. Nakakahiya naman kung walang pupunta kahit isa lang sa amin" paliwanag nito sa kanya.
"Bakit ako? Mamaya malaman ng girlfriend mo awayin pa ako!"
Parang nawawala ka nanaman sa sarili mo eh obvious naman na wala siyang girlfriend ngayon!
"Wala akong girlfriend sa ngayon, unless gusto mong mag-apply?" pabiro pang binigyang diin ng binata ang salitang mag-apply.
Iba nanaman ang naging epekto sa kaniya ng sinabing iyon ng binata. At ramdam na ramdam niya ang pag-iinit ng kaniyang mukha at panlalamig ng kaniyang mga palad.
"At ako pa ang mag-aapply? Hindi na no!" aniyang nakangiti saka hinampas ng mahina ang braso ng binata.
Nagkibit ito ng balikat, pagkatapos ay kinuha ang nakasara na niyang pocketbook saka iyon binuklat. "Kunsabagay, wala naman talaga iyon sa personality mo. One of the million things that I really like about you."
Nakatawang muli siyang nagsalita, habang sa dibdib niya ay ang haplos ng kilig ng sinabing iyon ni Louis. "Oo naman no! Hindi ako kagaya ng mga pasts girlfriends mo! Kaya hindi mo ako pwedeng lagyan ng expiration date!"
Sa sinabi niyang iyon ay napakamot ng batok nito si Louis. "Pati ba naman iyon nakarating na sayo?" wika nito sa isang napapahiyang tinig.
Magkakasunod siyang tumango. "Kaya kung may pinaplano ka, ngayon palang kalimutan mo na" biro pa niya.
"And who gave you the idea na may plano akong ganoon sayo?"
Nakaramdam siya ng matinding pagkapahiya pero mabilis iyong nahugasan nang hawakan ni Louis ang kamay niya saka iyon bahagyang pinisil.
"Wala akong planong lagyan ka ng expiration date dahil para sa akin, ikaw iyong tipo na pang-lifetime guarantee" anito saka siya nakangiting kinindatan.
Parang nanigas ang dila niya kaya wala siyang nakapang pwedeng isagot sa sinabing iyon ni Louis.
Hari ka talaga ng banat! But in fairness napaka-perfect ng wink mo. Parang gusto ko na talagang mahalin ka ng buong puso!
"Lifetime guarantee! Ano iyon para akong appliances? O baka naman kung pagkain eh tuyo!"
Tumawa ng malakas sa sinabi niya si Louis. "Tuyo talaga ah! Alam mo ba ang totoo? Na kahit wala ka sa paligid your sweet scent lingers? Tapos iko-compare mo ang sarili mo sa tuyo!" anitong tumawa ulit. "But whatever it is, isa lang ang ibig sabihin niyon" pagkasabi niyon ay saka siya tinitigan.
Eye to eye contact, parang gusto na niyang bumitiw pero mabilis na hinawakan ni Louis ang baba niya. "Gusto kong lagi kang nakikita at nakakasama" puno ng emosyon nitong sabi.
Mas malakas pa yata sa kulog ang tibok ng puso niya nang mga sandaling iyon.
"Ang corny mo ah! Siguro ganiyan ka lagi sa mga babaing naging girlfriend mo?"
"Ako? Hindi ah! Ang totoo niyan bumait na ako ng todo kung ikukumpara ang pakikitungo ko sa kanila at sayo!"
Hindi kumbinsidong pabiro niya itong inirapan saka isinukbit ang shoulder bag niya at tumayo. "Sige nga sampulan mo nga ako ng mga banat mo sa kanila?" huli na para bawiin iyon.
Magkakasunod na umiling si Louis nang pareho na silang nasa loob ng BMW nito. "Hindi na, malaki ang respeto ko sayo. If you know what I mean" anitong malisyoso pang ngumiti sa kaniya bago pinatakbo ang sasakyan.
Mabilis na namula ang mukha niya sa ginawing iyon ng binata at sa kagustuhang itago iyon ay ibinaling nalang niya ang paningin sa labas ng bintana. Habang sa puso niya ay nahahati sa panibugho at tuwa ang nararamdaman niya.
Panibugho para sa mga babaing nakaranas kung paano magmahal si Louis. Iyon ay kung totoong minahal nga ang mga ito ng binata, dahil base narin sa mga nababasa niya sa mga pocketbooks, ang lahat ng prince ay nagbabago para sa mga princess nila. Tuwa naman dahil dito narin mismo nagmulang mataas ang respeto nito sa kaniya.
"SA totoo lang very impressive ang pagka down-to-earth mo. Iyong pinaglaanan mo ng panahon ang ganoong okasyon, sobrang ganda ng pagpapalaki sayo ng parents mo" hindi niya napigilan ang hindi mapangiti nang marinig ang sinabing iyon ni Jade.
"Salamat" ang tanging nasabi niya.
"Bumaba ka muna."
"Naku hindi na, nakakahiya."
"Ngek, hindi naman ito ang first time mo dito diba?"
Noon siya napilitang bumaba. Nagulat pa silang pareho nang salubungin sila ng ama ng dalaga.
"Tay!" si Jade na agad na yumakap sa ama.
"Oh may kasama ka pala" ang narinig niyang sinabi ni Virgilio habang nakapako ang tingin sa kanya.
Agad na niragasa ng matinding kaba ang dibdib ni Louis dahil sa matamang pagkakatitig sa kaniya ng ama ni Jade. Sa sobrang nerbiyos ay parang napako pa siya sa kinatatayuan.
"Good afternoon po" pinilit niyang huwag ipahalata ang panginginig ng kaniyang tinig at nagtagumpay naman siya doon.
"Tay, si Louis kaibigan ko, Louis si Tatay" si Jade.
"Tuloy ka, maupo ka" nang marinig iyon ay agad siyang naupo, paano naman kasi ay bigla ang naramdaman niyang panginginig ng kaniyang mga tuhod.
"Magbibihis lang ako. Tay kayo na muna ang bahala kay Louis."
"Taga-saan ka hijo? Hindi ka ba naaabala sa paghahatid mo kay Jade?"
Magkakasunod siyang umiling ng nakangiti. "Taga- San Jose po ako, saka hindi naman po abala sa akin si Jade."
"Ganoon ba? Bakit, nanliligaw ka ba sa anak ko? Napansin ko de-kotse ka, mukhang mayaman at totoong magandang lalaki ka" seryoso ang boses ni Virgilio kaya mas lalong minartilyo ng kaba ang dibdib niya.
Magkakasunod ang ginawa niyang paglunok para kalmahin ang sarili.
"Magkaibigan lang po kami ni Jade" iyon sa sa tingin niya ay pinaka-safe na sagot.
Umungol ng mahina si Virgilio. "Lalaki rin ako hijo, alam kong hindi ka mag-aaksaya ng panahon sa anak ko kung hindi siya espesyal sayo."
Ang totoo niyan ay hindi lang basta special si Jade sa kaniya. Dahil kung may salitang mas higit pa doon iyon ang tiyak na nararamdaman niya para sa dalaga.
"Paano kung ayawan ng pamilya mo si Jade? Diretsahin mo ako dahil alam kong may gusto ka sa anak ko" seryoso paring turan ni Virgilio.
Hindi siya duwag na tao, pero nang mga sandaling iyon ay totoong hindi maipapaliwanag ng anumang adjective ang nararamdaman niya. Daig pa siguro niya ang nasa hot seat ng Who Wants To Be A Millionaire?
"Isa lang po ang maipapangako ko sa inyo sir, na iingatan ko si Jade gaya ng pag-iingat ninyo sa kaniya."
Nang ngumiti si Virgilio ay noon siya tila nabunutan ng tinik sa dibdib. "Usapang lalaki sa lalaki iyan Louis, o ikaw ang babalikan ko kung sakali."
"Makakaasa po kayo" nakangiti niyang sagot.
"Anong sinabi sayo ni Tatay?" nang ihatid siya ni Jade sa labasan.
Sandali niyang pinakatitigan ang dalaga. Simpleng walking shorts at cotton shirt lang ang suot nito pero totoong kaakit-akit parin ito sa paningin niya. "Secret iyon syempre" aniya pagkuwan kaya napalabi ang dalaga.
May bahagi ng puso niya ang nag-uudyok sa kaniyang yakapin ito ng mahigpit, pero nagpigil siya. Nakapagtatakang nagagawa niyang pigilin ang sarili niya ngayon, kaugaliang hindi niya nagawa sa mga babaing nagdaan sa buhay niya.
"Pa-secret, secret pa. Sige na, ingat ka sa pagmamaneho" pagtataboy nito sa kaniya habang nangingislap ang mga mata dahil sa pagkakangiti.
"Thank you for the wonderful Friday , Jade" pagkasabi niyon ay maingat niyang hinaplos ang mahaba nitong buhok.
Ngumiti lang ito sa kaniya.
"Mamimiss kita, sana Monday na agad para makita na ulit kita" nakita niyang namula ang mukha ng dalaga sa sinabi niyang iyon.
"Bola, sige na bye."
Kung pwede lang na lagi kitang nakakasama, nakakausap. Ako na siguro ang pinakamasayang lalaki sa buong mundo.