"'OY yang mata mo!"
"Heto, nagpipyesta, bakit?" balewalang sagot ni Eunice sa katrabahong si Alice. Ni hindi niya nilingon ang babae sa halip ay lalo pang pinagbuti ang pagtanaw sa lalaking nagpapaganda ng araw niya.
"Hala ka! Matunaw 'yan hoy! Idedemanda ka ng mga magulang niyan."
"Hindi nila pwedeng idemanda ang magiging daughter-in-law nila, ano ka ba?" pairap na sagot niya sa kaibigan.
Wala siyang balak na ilayo ang paningin sa lalaking abala ng mga oras na iyon sa pakikipag-usap sa isa sa mga katrabaho nilang siya namang nakapuwesto sa kabilang panig ng workstation niya. Bakit ba? Eh swertihan na nga lang niyang makita ang lalaki dahil hindi naman ito madalas na naliligaw sa area nila kaya naman lulubos-lubusin na niya.
That tall and well-built body, that fair complexion and that mouth-watering smile. Napakapamilyar ng lahat ng iyon sa kanya. The guy was Ethan Alexis Monteverde. Yes, the very guy who made her heart flutter the very first time they met.
Kung sa pag-aakala ni Eunice noong una niyang makita ang binata ay suntok na sa buwan ang makita itong muli ay nagkamali siya. Hindi niya alam kung anong kabutihan ang nagawa niya sa kapwa para pagpalain siya ng ganoon ng Maykapal dahil ilang araw pa lamang siya sa trabaho ay saka naman ito pumasok sa opisina nila. Literal pa nga siyang napanganga nang unang beses na makasalubong niya ito sa hallway. Agad ang pagbundol ng kakaibang kaba sa dibdib niya nang makita niya ito. Agad din niyang kinapa sa bulsa ng suot niyang slacks ang panyo nito na lagi niyang dala dahil nagbabakasakali siyang makikita niya itong muli. Handa na niyang iabot dito ang panyo nito ngunit matapos siya nitong nginitian ay basta na lamang siya nitong nilagpasan. Oo, nginitian naman siya nito ngunit halata sa aksyon nito na hindi siya nito namukhaan. Hindi siya nito nakilala.
Ilang araw din siyang na-depress dahil sa pangyayaring iyon. Kahit kasi isang beses lamang niya itong nakita ay umaasa siyang sa susunod na pagkikita nila ay mare-recognize siya nito. Ngunit nagkamali siya.
Ilang araw din siyang badtrip dito kahit na hindi naman nito iyon alam. Pagkalipas naman ng ilang araw ay nawala na ang pagka-badtrip niya rito. Na-realize din niyang hindi niya ito masisisi. Isang beses lang naman sila nitong nagkita. Hindi rin umabot ng kalahating oras ang naging pag-uusap nila nito. They were still strangers to each other. Nagkataon lang na alam niya ang pangalan nito. Come to think of it, ni hindi nga niya nasabi rito ang pangalan niya at hindi naman siya sigurado kung gusto din nitong malaman ang iyon.
At dahil lumipas na ang inis niya sa hindi nito pagkaka-recognize sa kanya ay naging hobby naman niya ang matiyagan ito sa tuwing mapapadpad ito sa area nila. IT support ang binata sa kompanya samantalang content editor naman siya. Madalas niya itong nakikita sa tuwing may aayusin itong computer na malapit sa workstation nila. Ganoon ang trabaho nito. Tumakbo takbo sa kung saan saang lupalop ng building na iyon para tumugon sa mga technical problems ng mga empleyado.
Hindi pa siya nakuntento sa pagsulyap-sulyap dito, maging sa tsismisan ng mga katrabaho niya tungkol sa binata ay pinapatulan na niya. Pakiramdam tuloy niya ay kilalang kilala na niya ito.
He was really a nice person, iyon ang na-confirm niya sa araw-araw yata niyang pakikibalita at paminsang pagsulyap sulyap rito. Sa tuwing may kakausapin ito ay palaging nakangiti ito. Magalang ito sa pakikipag-usap sa lahat ng empleyado roon at kahit madalas magpa-cute ang ilang empleyadong babae rito ay hindi ito snob. Ngingiti lamang ito at minsan ay sasakyan pa ang kalokohan ng mga kaopisina nila. Ni minsan rin ay hindi niya ito nakitaan ng kayabangan kahit pa sangkaterba ang babaeng nagpapakita ng pagkagusto rito.
Kung makakasabay din ito ng kung sino man sa pagpasok o paglabas sa pinto ay ito ang nagbubukas niyon. May isang beses din niyang nakitang tinulungan nito ang isang empleyado sa pagdampot ng mga nagkalat na papeles nito at ito na rin ang nagdala ng mga iyon at inihatid ang nasabing empleyado. In short, the guy was perfect!
And, yep, aminado siyang tuluyan na siyang nagkagusto rito kahit na sa buong panahong nagtatrabaho siya sa kompanya ay hindi niya nakausap ni minsan ang binata. Hindi niya alam kung nuknukan lamang siya ng malas at sa ilang beses na nagkaaberya ang applications sa computer niya ay wala ito o kung hindi naman ay iba ang naa-assign sa issue niya. Hindi naman niya maaaring personal na i-request na ito ang dumulog sa problema niya dahil malamang na kahiya-hiya ang labas niya.
Minsan nga ay ipinagdadasal niyang makasabay man lang niya ito sa pagpasok sa pinto nang maranasan naman niya ang mapagbuksan nito ng pinto. O kahit kagaya ng empleyadong nakita niya na malaglagan siya ng papeles sa pagkakataong nasa paligid ito ngunit bigo siya. Hindi tuloy niya mapigilang isipin na nakakarma na siya dahil na-badtrip siya sa napakabuting taong tulad nito sa napakababaw na dahilan.
"Oh hetong mouse." Sabing muli ni Alice habang iniaabot sa kanya ang mouse niya.
"Anong gagawin ko riyan?"
"Ibato mo na sa monitor mo, sabay kawayan mo 'yang irog mo nang natatapos na 'yang kadramahan mo."
"Hindi kaya masesante naman ako?" inosenteng tanong naman niya rito.
"Edi sa ulo mo na lang ipukpok 'yang mouse mo!"nanlalaki ang mga matang sabi nito sa kanya. "Praning na 'to, papatulan din nga ang sinabi ko. Ewan ko sa'yo 'te!" iiling iling na sabi nito.
"Ayaw naman kasing makisama ng computer ko. Sa tuwing missing in action ang gwapong nilalang na 'yan, ang tinu-tino pagkatapos kapag naman wala siya, saka naiisipang magloko." Napapalatak siya habang nakatingin pa rin kay Ethan. Hanggang doon na nga lang yata siya, ang tingnan ito.
"Baka nga kasi hindi meant 'Te!" hirit ng kaibigan niya na pinanlakihan niya ng mga mata.
"'Wag kang ano, Alice! Panira ka sa pantasya ko eh"
"Aba't ano pa ba ang magiging dahilan noon? O baka sakaling warla kayo ni Fate. Regaluhan mo sa pasko, baka sakaling mahabag sa'yo."
"Baliw!"
"Same to you!"
Natawa na lamang silang pareho. Kaya sila nagkakasundo ng katrabaho niyang ito eh. Pareho kasi silang may kabaliwan kaya kapag sila ang nag-uusap, madalas na panay kalokohan lang ang lumalabas. Suportado din naman nito ang lihim niyang pagtingin kay Ethan ngunit madalas ay binabara siya nito na nakasanayan na rin niya. Ganoon sila maglambingan nito.
"Ang ingay mo talaga, Eunice. Nakakahiya ka!" sabi ni Alice maya-maya habang nakangiti ng nakakaloko.
"At ako pa ang maingay ahh."
"Malamang. Eh ikaw ang tinitingnan niya eh, naiingayan yata sa'yo." Pagkatapos ay kumindat pa ang kaibigan sa kanya.
Naintindihan naman niyang agad ang sinabi ng kaibigan at wala sa loob na naibalik ang tingin kay Ethan. And true enough, the guy was looking at her. Hindi niya mabasa ang ekspresyon nito ngunit sapat na sa kanya ang malingunan nito para magwala ang buong sistema niya.
But he was not through making her out of her mind yet dahil nakita niya ang unti–unting pagsilay ng ngiti sa mga labi nito. Pinagtatawanan ba nito ang kaingayan nila kaya ba ito nakangiti ngayon sa kanya? Dapat yata ay naiinis siya dahil mukhang pinagtatawanan siya nito ngunit sa halip na inis, pagkapahiya ang nararamdaman niya. Nakagat niya ang pang-ibabang labi at saka napayuko.
"O ano ka ngayon? Edi tiklop ka?" pang-asar pa ng kaibigang si Alice.
"Shut up!" mahinang sabi niya rito habang ramdam niya ang pag-iinit ng mga pisngi niya. Hindi pa naman niya sigurado kung anong itsura niya kung tumatawa. Baka ang weird pa ng mukha niya tapos ay nakita pa nito.
Shet! Nakakahiya! Nasapo niya ang nag-iinit na mga pisngi. Pero shet ulit! Kinikilig ako!