Chapter 3 - 3

"HOY, babae! Wala ka pa bang balak umuwi?" untag kay Eunice ng kaibigang si Alice. Nilingon niya itong nakatayo na sa gilid niya pagkatapos ay ang oras sa monitor naman niya ang tinignan.

"Hala! Alas-kuwatro na pala!" gulat na sabi niya. Sa dami kasi ng ginagawa niya hindi na niya namalayan pa ang oras.

"Ay hindi. Kaya nga pauwi na ako 'di ba?"

"Sorry naman, 'te! Busy eh."

"Ayan kasi, inuuna ang pagtanaw sa irog niya samantalang santambak pa pala ang kailangang gawin." Pumalatak pa ito.

"'Oy hindi ah! Masyado lang talagang maraming kailangang tapusin." Depensa niya.

"O tignan mo, defensive." Pagkatapos ay tumawa ito. "Tumayo ka na nga d'yan! Sinasayang mo oras ko." Pabirong sabi nito.

"I can't. Deadline na nito bukas. Malalagot ako kapag hindi ko 'to natapos." Nagpapaumanhin ang tinging ibinigay niya sa kaibigan. "Mauna ka na, Alice."

"Ayoko, bata pa ko eh." Biro nito. "Talagang mauuna na ako 'no! Tingin mo hihintayin pa kita? Hindi tayo close 'no!"

"Alam ko!" natatawang sagot naman niya rito. "Shoo! Ang gulo gulo mo!"

"Seriously, Eunice, aalis na talaga ako. May lakad pa 'ko eh. Mag-iingat ka mamaya pag-uwi ah. Bye."

"Ikaw din, bye!" nakangiting paalam niya rito.

Nang sa wakas ay umalis na ito ay itinuon niyang muli ang atensiyon sa ginagawa. Hindi na niya pinansin pa ang tumatakbong oras at ibinuhos ang buong atensiyon sa ginagawa. Nang sa wakas ay mag-angat siya ng tingin at sumungaw sa bintana ng opisina ay madilim na. Inilibot din niya ang paningin sa production area. Wala nang tao roon maliban sa kanya. Malamang na siya na lang ang natira doon na pang-morning shift at pang-midshift. Ang dating naman ng mga nasa night shift ay bandang alas-diyes pa ng gabi. Tinignan din niya ang relong pambisig. Pasado alas-siyete na. Kailangan niyang matapos ang ginagawa upang hindi gabihin nang husto. Muli niyang itinuon ang pansin sa ginagawa. Kaunting kembot na lang at matatapos na niya iyon.

Muli siyang tumipa sa keyboard niya ngunit hindi pa man siya nakakarami ng naita-type ay biglang nag-blue ang monitor ng computer niya kasunod ng tuluyang pagpatay niyon. Nanlaki ang mga mata niya.

"Shit! You can't do this to me!" pinindot niya ang switch ng computer niya. Bumukas naman iyon ngunit ang bumungad lamang sa kanya ay ang black background ng monitor niya at mga sulat na hindi naman niya maintindihan. It was too technical for her. Natatakot naman siyang magpipindot doon dahil baka kapag mali siya ng nagalaw ay tuluyan nang mamaalam ang computer niya. At syempre kasabay niyong mamamaalam ang trabahong pinaghirapan niya na bukas na ang deadline! Ni hindi niya nai-save ang pagkahaba-haba niyang nagawa. At kung uulitin naman niya iyon ay malamang na abutan na siya ng sikat ng araw sa opisina ay hindi pa niya iyon natatapos. "Utang na loob!"

Ang telepono naman ang pinagdiskitahan ni Eunice at tumawag siya sa local line ng IT department ng opisina ngunit nakakailang ring na iyon ay wala pa ring sumasagot. Nasaan ba ang mga IT support na iyon at kung kailan kailangang kailangan mo ay saka naman nawawala.

Gusto na niyang maiyak nang sa ikatlong beses na magdial siya ay wala pa ring sumagot. Napaka-hopeless na ng pakiramdam niya at gusto na niyang maglupasay doon ngunit kapag iyon naman ang ginawa niya ay wala pa ring mangyayari. Mananatiling nakatirik ang computer niya samantalang paaalmusalin naman siya ng sermon ng immediate supervisor niya.

Tumayo siya at naglakad papunta sa workstation ng IT department. Kung hindi niya ma-reach ang mga ito through the local line, susugurin na lamang niya ang mga ito sa station ng mga ito. Ngunit nganga na naman siya pagdating sa area ng mga ito dahil walang tao roon. Nasaan na ba ang mga walang-awang mga IT support na mga iyon. Hindi ba nito alam na may isang tulad niyang konti na lang ay magwawala na dahil sa frustration?

"Ma'am, may hinahanap po ba kayo?"

Isang guard ang nalingunan niya. Malamang na ito ang guard na nakatokang magronda sa area na iyon.

"Ah opo. Alam niyo ho ba kung nasaan ang mga IT dito?" Nang masermunan ko sila isa isa habang inaayos nila ang tinamaan ng lintek kong computer.

"Nakita ko po ang dalawa sa kanila sa cafeteria, Ma'am. Naghahapunan na po yata."

"Ah sige po. Salamat po." Nakangiting sabi niya sa guard. Mabuti pa ito, nakatulong na sa kanya.

Agad naman siyang pumunta sa cafeteria. Wala na siyang pakialam pa kahit naghahapunan ang mga ito at makakaistorbo siya. Isa lang ang mahalaga sa kanya, ang maayos ang computer niya at ma-retrieve ang file niya na kailangan niyang matapos para bukas.

Nang makarating sa cafeteria ay agad niyang iginala ang paningin. Lumiwanag ang mukha niya nang malingunan ang isang babaeng nakaupo sa di kalayuang table. Kilala niya ang babae bilang si Diane, IT technical support. Ito ang madalas na naa-assign sa kanya sa tuwing magkakaproblema ang computer niya. Hindi niya ito gusto dahil nag-uumapaw ito sa kaartehan idagdag pang madalas itong dumikit-dikit at magpa-cute kay Ethan ngunit wala na siyang choice. Kailangan niya itong lapitan para sa ikaliligtas ng trabaho niya.

Agad siyang lumapit dito at di alintana ang lalaking kasalo nito sa mesa. Basta diretsong nilapitan na lamang niya ito.

"Ahm, Miss Diane, sorry sa istorbo pero nagkaproblema kasi ang computer ko. Pakitingnan naman please?" magalang na sabi niya rito.

Huling huli niya ang bahagyang pag-ismid nito bago ito mahinhing ngumiti.

Plastik!

"Eh ma'am, nagdi-dinner pa po kami eh." Sabi ni Diane. "Tatapusin lang namin ang pagkain tapos pupunta na ako sa workstation mo."

Ngali-ngaling sakalin na niya ito. Napa-praning na nga siya dahil gabi na ay hindi pa niya tapos ang ginagawa. Hindi pa niya sigurado kung may pag-asa pang ma-retrieve ang pinaghirapan niya tapos ay paghihintayin pa siya nito?

Magtimpi ka, Eunice! Nakasalalay sa maarteng 'yan ang trabaho mo!

"Naku, sorry talaga pero kasi may kailangang kailangan akong tapusin eh. Nagwo-worry na din kasi ako na baka hindi ko na ma-retrieve 'yong unsaved file." Magalang pa rin na sabi niya.

"But ma'am---"

"Ipagpatuloy mo na lang ang pagkain, Diane. Ako na lang ang mag-aayos sa PC ni Ma'am." Narinig niyang sabi ng lalaking kasalo nito sa lamesa. Malamang na IT support din ang kasama nito.

"Ay thank you ha---" nabitin ang pagpapaulan pa sana niya ng pasasalamat at papuri nang sa wakas ay lingunin niya ang lalaking nakatayo na ngayon. The guy was literally towering over her and he was so familiar.

Napanganga siya.

"Could you show me where your workstation is, Ma'am?"

OH MY GOD! Tili ng isip niya. ETHAN!