Chapter 5 - 5

"FINALLY! What took you so long, pare?" bungad kay Ethan ng kaibigang si Josh pagdating niya sa bar and restaurant na pag-aari nito. Naroon na rin ang lahat ng kaibigan niya at mukhang siya na lamang ang hinihintay.

Barkada niya noong college ang mga ito at kahit pa nakapagtapos na silang lahat at nakapagtrabaho ay hindi sila nagkawatak-watak. Nakagawian na din nilang magkita-kita once in a while kapag kailangan nilang mag-relax at kalimutan ang kani-kanyang trabaho.

"Busy siya sa pagpapalago sa kompanya ko, pare." Si Menriz na ang sumagot sa tanong ni Josh. Ito ang CEO ng kompanyang pag-aari ng pamilya nito, ang Alcala Enterprise, Inc. kung saan siya kasalukuyang nagtatrabaho bilang IT support specialist.

"Palitan mo na nga lahat ng unit mo sa kompanya mo." Nakasimangot na sabi niya rito saka umupo sa tabi nito. "Pinapahirapan nila ang buhay ko."

"Problema mo 'yan. Sa kompanya mo kaya galing lahat ng unit ng kompanya ko. Tama lang na ikaw ang mag-ayos." Nakangising sabi ni Menriz.

Pag-aari niya ang EM Technologies, Inc. at siya rin ang tumatayong CEO ng kompanya. Ang kompanya niya ang leading IT company ngayon sa bansa at nagsisimula na ring mag-expand sa iba pang mga bansa sa buong mundo.

Nang mapagpasyahan niyang magtrabaho sa Alcala Enterprise, Inc. ay kinailangan niyang kumuha ng reliever sa pagpapatakbo sa kompanya habang wala siya. Gayunpaman ay mino-monitor pa rin niya ang takbo ng kompanya niya through internet at paminsan ay dumadalaw din doon para siguraduhing walang anumang problema.

Kaya nga kitang kita ang pagtataka at kyuryosidad sa pagmumukha ng mga kaibigan niya sa narinig. Ngunit wala siyang balak na sabihin sa mga ito ang dahilan ng out of this world na desisyon niya dahil alam niyang nangunguna sa listahan ng mga chismoso ang mga kaibigan niya.

"Anong pinagsasasabi n'yo? Pwedeng paki-explain sa amin yan nang nakakasakay naman kami?" singit ni Apollo na nangalumbaba pa sa lamesa upang ipakitang handa na itong makinig sa kung anuman ang sasabihin nila.

"Na-meet niyo na ba ang bagong alipin sa kaharian ko?" nakangising sabi ni Menriz saka inakbayan siya. "Si Ethan nga pala."

"Anong alipin ang pinagsasasabi mo?" tinanggal niya ang pagkaka-akbay nito. "Volunteer work 'yon. Alam ko kasing pinapabayaan mo na naman ang mga computer unit na pinaghirapang buuin ng mga empleyado ko kaya nagkusa na akong sumugod sa kompanya mo."

"And you became my employee. In short, alipin ka pa rin sa kaharian ko."

"At nagboluntaryo kang maging alipin sa kaharian niya?" tanong ni Lenard at itinuro pa si Menriz. "Well, that was new."

"Anong pustahan ba ang naipatalo mo rito kay Menriz? Basketball? Poker? Tong-its?"tanong naman ni Darwin.

"Tong-its? Really, Darwin. That's the best you've got?" nakasimangot na sabi ni Ethan sa kaibigan. "At mukha bang magpapatalo ako sa taong 'yan sa kahit anong pustahan?"

"What? Nanghuhula lang naman ako. Malay ko ba kung napagti-trip-an niyong mag-tong-its kapag sinasapian kayo." Kibit-balikat naman na sagot ni Darwin.

"Eh paano ka ngang napadpad sa kompanya ni Menriz?" tanong muli ni Apollo.

"I told you, I volunteered." Simpleng sagot niya saka dumampot ng kutsara sumubo ng nakahaing sisig sa harap nila.

"Because?"

"Because I'm bored and I want to try something new." Kibit-balikat na sagot niya.

"Sa kompanya ni Menriz? At bilang isang simpleng empleyado na taga-ayos sa mga sirang computer niya? How can that be considered as something new? Eh mga computer pa rin naman ang hawak mo?"

"Hands-on experience."

"Lame." Diskumpyadong sabi ni Josh.

"Tingin mo naman papatulan namin 'yang rason mo pare?" sabi naman ni Lenard.

"Wala akong pake sa nararamdaman ninyo." Balewalang-sabi niya at ipinagpatuloy ang pagkain sa mga pulutang nasa harap niya. Wala siyang balak uminom dahil magmamaneho pa siya.

"Ouch, pare! That hurts." Sabi ni Darwin habang sapo pa ang dibdib.

"Good." Sabi niya.

"Ako, alam ko ang dahilan." Singit naman ni Menriz .

"Ayun pala eh! Ibahagi mo yan!" sabi ni Apollo kasabay ng pagbaling ng lahat ng kaibigan niya kay Menriz. Bakit ba nagkaroon siya ng mga kaibigang mas chismoso pa sa lahat ng babaeng nakilala niya?

"How much would you people pay for it?" Kanya-kanyang angilan ang mga kaibigan nila sa sinabing iyon ni Menriz. "What? I'm a business man, not a charitable institution, you know? At saka, ang yayaman n'yo, ayaw niyo man lang mabawasan ang mga kayamanan niyo?"

"Mayaman ka na rin naman, bakit nanghuhuthot ka pa sa mga kapwa mo mayayaman?" tanong ni Lenard.

"Simple. Para mas mayaman na ako sa inyo." Nakangising sabi ni Menriz.

Kanya-kanyang dampot naman ng maning nasa plato ang mga kaibigan nila saka ipinaulan iyon kay Menriz na pinagsasalag naman nito.

"Children, behave! Wag kayong magkalat sa kaharian ko. At saka sayang ang mga mani. Pinaghirapang bilhin at iluto 'yan ng mga empleyado ko." Awat ni Josh dito ngunit dumampot din naman ito ng isang mani at ibinato kay Menriz. Sabay-sabay silang nagtinginan dito. "What? T-in-ry ko lang. Mukhang masaya eh."

Napailing-iling na lang siya. Ang tatanda na nila ngunit para pa rin silang mga batang magsiakto. Hindi aakalain ng kung sino mang makakakita sa kanila na may kanya-kanya na silang negosyong pinapatakbo.

"Ano na nga ba kasi ang dahilan at pumayag 'yang si Ethan na palaguin ang kompanya mo imbes na kompanya niya ang pinapalago niya? I really smell something fishy." Hirit pa ulit ni Josh. Mukhang hindi susuko ang mga ito hanggang hindi nakakakuha ng matinong sagot mula sa kanila.

"It's just your bad breath, pare. Mag-toothbrush ka imbes na nakikichismis ka." Sabi naman niya rito ngunit hindi siya pinansin nito.

"At dahil napakabuti kong kaibigan, ibabahagi ko na ang nalalaman ko." Nagkumpulan ang mga ito at nagsimulang magbulungan na parang wala siya roon na siyang pinag-uusapan ng mga ito. Para talagang mga babae ang mga ito. Napailing na lamang siya. "Okay guys, may tig-one hundred thousand kayong utang sa akin. Aasahan kong ipapasok n'yo yan sa isa sa mga bank account ko ngayon Linggo"

"So totoo ba ang pinagsasasabi nitong si Menriz? Talaga bang---"

"Wala akong alam." Putol niya sa sinasabi ni Darwin. "Mga kompanya niyo na lang asikasuhin n'yo, 'wag ang buhay ko. Mga businessman kayo, hindi paparazzi." Sabi niya sa mga ito saka tumayo na.

"O san ang punta mo? Hindi pa nga kami nakakapagtanong." Pigil ni Josh.

"Sa bahay. Matutulog. May pasok pa ako bukas." Sagot niya.

"Napaka-dedicated talaga sa trabaho ng alipin ko" hirit pa ni Menriz. "By the way, balita ko malapit nang umuwi si Arriane, pare." Baling nito sa kanya.

Saglit siyang natigilan. Ibinalita na rin iyon sa kanya ng Mama niya ngunit ngayon lang ulit iyon pumasok sa isip niya, kung hindi pa binanggit ni Menriz.

"And who's Arriane?" tanong ni Lenard. Nakuha na naman tuloy ni Menriz ang atensiyon ng buong barkada niya.

"Parang sinisipag ako ngayon, Menriz. How would a fatal virus on your servers sound, dude?" Tanong niya kay Menriz saka ngumisi.

"Sabi sa inyo magsiuwi na tayo eh. Kayo talaga, bakit ang chichismoso niyo?" Kabig ni Menriz.