Crushing On You [Tagalog Novel] Published under PHR

🇵🇭Eira_Alexis_Sotto
  • 24
    Completed
  • --
    NOT RATINGS
  • 148.5k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - 1

MALAWAK ang pagkakangiti ni Eunice habang naglalakad papunta sa sakayan pauwi sa kanila. Wala na siyang pakialam kahit mukha na siyang praning na ngumingiti mag-isa samantalang wala naman siyang kasama.

Contract signing niya ng araw na iyon sa pinanggalingang kompanya kaya naman ang saya saya ng pakiramdam niya. Sa wakas ay nagkatrabaho na siya matapos ang isang buwang nakatengga siya sa bahay nila pagkatapos ng graduation niya sa kolehiyo. Hindi na rin biro ang magiging sahod niya sa kompanya idagdag pang mas convenient ang lokasyon ng opisina ng kompanyang iyon dahil isang oras lamang ang magiging byahe niya kompara sa byahe niya noong nag-aaral pa siya.

Pakiramdam niya ay napakasuwerte niya dahil sa kompanyang iyon siya pinalad na makapasok kaya naman hindi mapalis-palis ang ngiti niya kahit ngayong pauwi na siya.

Bahagya pa siyang nagtaka nang may malamig na pumatak sa pisngi niya. Kasunod niyon ay sa braso naman niya. Napatingin siya sa kalangitan. Bahagyang madilim na iyon. Napapalatak siya. Dahil siguro sa kasiyahang nararamdaman kanina pa ay hindi niya napagtuunan ng pansin tumingin man lang sa langit para siguruhing walang nagbabadyang ulan. Wala pa man din siyang dalang payong.

"What the---" hindi pa man niya nabubuo ang kung anumang sasabihin niya ay nagsunod-sunod na ang malalaking patak ng ulan. "Shit!"

Luminga-linga siya sa paligid upang maghanap ng masisilungan ngunit nasa gitna siya ng isang malawak na open area at ang pinakamalapit na masisilungan ay ang waiting shed na nasa mismong sakayan na. Pupusta siyang bago siya makarating sa waiting shed na iyon ay basang sisiw na siya.

Ngunit wala na siyang choice pa kaya naman umakmang tatakbuhin na niya ang ilang metro pang layo niya sa waiting shed nang may pumigil sa braso niya kasunod ang bahagyang pagdilim ng paligid. Naitingala niya ang ulo at nabungaran ang itim na payong na ngayon ay nagpapasukob na sa kanya. Nagtatakang nilingon niya ang kung sino mang mabuting nilalang ang nagmagandang loob na pasukubin siya para lamang literal na mapanganga sa nabungaran.

"Hi!" sabi ng gwapong lalaking may hawak ng itim na payong.

The guy was smiling warmly at her. Hindi niya maiwasang titigan ang perpektong mga labi nito. Maging ang pantay pantay at mapuputing ngipin nito ay hindi rin nakaligtas sa mga mata niya. Maputi ito, matangos ang ilong at pagkatangkad-tangkad. In short, pagkaguwapo-gwapo nito. Napakurap-kurap siya. Hindi pa siya nakuntento at kinusot niya ang mga mata. Totoo bang may nabubuhay na lalaking katulad nito na nang magpaulan siguro ang Diyos ng kaguwapuhan ay hindi lamang balde kundi drum malamang ang ipinansahod nito.

"Are you okay?" muling tanong ng gwapong aparisyon sa harap niya. Nakangiti pa rin ito kahit bahagya nang nakakunot ang noo. Was that out of concern for her?

Yeah right, Eunice! Feeling mo concerned na siya agad sa'yo? Close na kayo ganoon?

"I...ahm...pwedeng... ano?" napangiwi siya. Nasaan na nga ba niya naitago ang vocabulary niya? Tagalog na nga lang ang sasabihin niya hindi pa niya magawang buuin.

"Pardon?" magalang pa ring tanong ng lalaki na pinipilit pa ring intindihin siya.

Yep, the guy was probably nice. Ang mala-anghel pa lang na mukha nito ay naghuhumiyaw na sa kabaitan. Isa pa pinasukob siya nito sa payong nito kahit hindi siya nito kilala idagdag pang kahit mukha na siyang sintu-sinto roon na wala man lamang masabing matino ay hindi siya iniwan nito.

At dahil tutal ay mukhang mabait naman ito at malamang na weird na rin ang tingin nito sa kanya ay lulubos-lubusin na niya. Kusang umangat ang kamay niya at lumapat iyon sa mainit na pisngi nito. Confirmed! Totoong tao at hindi isang anghel na bumaba sa lupa para lamang pasukubin siya sa payong at nang hindi siya mabasa.

"Miss?"

Natauhan naman siya nang marinig niyang magsalita itong muli. Hindi na ito nakangiti ngayon bagaman hindi naman ito mukhang galit.

Agad niyang binawi ang kamay mula sa pisngi nito. Ano bang masamang hangin ang pumasok sa isip niya at nagawa niya iyon? For Pete's sake, she did not even know the guys name! Kung kanina siguro ay weird lamang ang tingin nito sa kanya, ngayon malamang ay naghuhumiyaw na 'pervert' na ang impression nito sa kanya.

"Ah eh... sorry...I was just.." lumunok siya. "y-you know, making sure you're real. Masyado ka kasing gwapo, baka kako anghel kang ipinadala sa akin para hindi ako magmukhang basang sisiw ngayon." Agad niyang natutop ang bibig.

Seriously, Eunice? That's the best excuse you can come up to?

Hindi na sana siya magtataka pa kung basta na lamang itong lalayas sa harap niya. Kung weird na siya kaninang hindi siya makabuo ng sasabihin, malamang na baliw na ang tingin nito sa kanya dahil kung kailan nagawa na niyang makapagsalita ng maayos ay mas weird pa ang nasabi niya.

Ngunit hindi niya inaasahan ang sumunod nitong reaksiyon. Lumapad ang pagkakangiti nito at ilang sandali pa ay tuluyan na itong tumawa. Napatunganga na lamang tuloy siya rito.

Gosh, the guy was really handsome! At kahit pa nga sigurado siyang siya ang pinagtatawanan nito ay hindi niya magawang mainis dito. In fact, makita lamang siguro niya itong tumatawa ng ganoon sa araw-araw ay malamang na magkandidato pa siya bilang isang santa. Because seeing him laughing so carefree like that makes her want to do good things.

"You're funny." Maya maya ay sabi nito nang sa wakas ay mahimasmasan ito sa pagtawa nito. But the mouth-watering smile of his was still intact. Maging ang mga mata nito ay tila nagsasayaw pa rin.

"I...uh... thanks?" alanganing sagot niya rito. Hindi niya alam kung iyon ba ang tamang sabihin dahil hindi rin naman siya sigurado kung compliment man ang sinabi nito sa kanya. Sadyang nagkandalabu-labo na yata ang lahat ng talino niya dahil dito.

Muli itong natawa. Wala na palang kaso sa kanya kahit na mukha na siyang clown sa paningin nito. At least, siya ang nakakapagpatawa dito ng ganoon. Wala sa loob na napangiti na rin siya.

Bahagya naman itong natigilan pagkatapos ay tumikhim.

"I'm sorry for laughing." Maya maya ay sabi nito bagaman nakangiti pa rin. "I can't help it. You are just so---"

"Weird?" alanganing dugtong niya sa sinasabi nito. Sabi na nga ba niya at hindi na siya normal sa paningin nito. Hindi na siya magtataka kung ididiretso na siya nito sa mental institution anumang oras.

"Cute."

Naitikom niyang muli ang bibig sa sinabi nito. Did he just say she was cute? Parang gusto na niyang matunaw roon na parang ice cream sa kilig sa sinabi nito. This handsome guy talking to her was already a miracle for her ngunit malakas nga siguro siya kay Lord. Dahil hindi pa nakuntento ang nasa itaas na bigyan sila ng moment na makapag-usap, parang binulungan pa Nito ang binata na purihin siya.

Magsisimba na po ako Linggo-Linggo, promise!

"Sa sakayan ang punta mo, hindi ba?" nakangiti nang tanong nito maya maya.

Hindi, sa puso mo kaya! "O-oo." Nagawa niyang isagot.

"I'll take you to the shed."

Kahit papaano naman ay tinamaan pa siya ng hiya sa sinabi nito kaya naman tumanggi na siya sa ino-offer nito kahit pa gusto pa niyang makasama ito ng matagal.

"Ah.. eh... 'wag na! Tatakbuhin ko na lang 'yon---"

Ngunit napaigtad siya ng hawakan nito ang braso niya at igaya siyang palakad na parang hindi narinig ang pagtanggi niya. Wala na tuloy siyang nagawa kung hindi ang maglakad na lamang rin. Hindi niya maiwasang tignan ang kamay nitong nakapulupot pa rin sa braso niya. The guy's hand was warm despite the cold weather due to the heavy rainfall. Umangat din ang tingin niya sa mukha ng binata at dahil diretso ang tingin nito sa dinaraanan nila ay malaya niyang napagmasdan ang mukha nito. Nawili na yata siya nang husto sa pagkilatis sa gwapong mukha kahit na side view lamang naman iyon kaya naman hindi niya napansin na nasa waiting shed na sila kung hindi pa ito tumigil sa paglalakad at lumingon sa kanya, again, the glorious smile present. Agad niyang iniwas ang tingin sa pagkapahiya dahil nahuli siya nitong nakatingin dito.

"T-thank you sa pagpapasukob." Nakayukong sabi niya rito saka akmang tatalikuran na ito at sasakay sa paparating na jeep nang maramdaman niya ang muling pagpipigil sa braso niya. It was the guy's familiar touch.

Oha! Dalawang beses pa lamang siyang nahahawakan ng binata at lahat ng iyon ay noong araw lang din namang iyon ngunit nakikilala na niya ang pakiramdam ng paghawak nito.

"M-may kailangan---" hindi pa man niya natatapos ang sasabihin ay napahinto na siya ng maramdaman ang pagdampi ng malambot na bagay sa kaliwang pisngi niya paglingon niyang muli sa binata. Maingat na idinadampi ng binata ang hawak na puting panyo sa pisngi niya. Nang makuntento doon ay ang noo naman niya ang napagdiskitahan nito kasunod ang kanang pisngi niya. And all the time he was doing that, she was just dumbly looking at his handsome face, unsure of what to do or how to react. Tila tumigil sa pag-inog ang mundo at ang tanging importante lamang ay ang sweet gesture ng binata.

"There." Sa wakas ay sabi nito nang marahil ay makuntento na ito sa ginawa. Akala niya ay tapos na ito kaya naman muli siyang napaigtad nang hawakan nito ang kamay niya. Sa nakabukas niyang palad ay inilagay nito ang puting panyo pagkatapos ay isinara iyon. "Tuyuin mo na rin ang buhok mo mamaya sa sasakyan para hindi ka sipunin."

Tama nga ang hinala niya kanina. Anghel ang taong nasa harap niya. Kung hindi ay bakit umaapaw ang kabaitan nito sa katawan samantalang iyon ang unang beses na nagkita sila nito?

"T-thank you."

Ngumiti lamang ito sa kanya saka tumalikod na at naglakad palayo.

Makikita pa kaya niya ito o iyon na ang huling beses na masisilayan niya ang gwapong mukha ng lalaki? Parang nalungkot siya sa isiping iyon. Pagkatapos nitong magpakita ng kabaitan sa harap niya na parang nag-aalala ito sa kalagayan niya, aalis na lang ba itong hindi man lang itinatanong ang pangalan niya? Ang number niya? Hindi naman niya ipagdadamot iyon.

"Kuyang guwapo!" pikit matang tawag niya rito.

Sabay sabay namang naglingunan ang mga nasa waiting shed maging ang mga taong naglalakad din sa lugar na iyon tangan ang kani-kanilang mga payong.

Napangiwi siya. Mukhang ipapahiya pa talaga niya ang sarili sa lahat ng taong naroon. Paano naman kasi niya tatawagin ang gwapong anghel niya eh hindi nga niya alam ang pangalan nito? Ipinanalangin na lamang niyang alam ng gwapong lalaki na ito ang tinutukoy niya.

And just like an answered prayer, lumingon muli ang binata sa kanya. That was it. Inipon niya ang lahat ng kakapalan ng mukhang baon niya saka ito tinanong.

"A-ano na nga ang pangalan mo?" pasigaw na tanong niya rito dahil bahagya na ring malaki ang distansya nila sa isa't isa. Wala na siyang pakialam pa kahit pinagtitinginan na sila ng mga tao sa paligid.

Hindi naman ito agad na sumagot. Malamang ay nagulat ito sa tanong niyang iyon. O baka wala na itong balak pang makausap siyang muli kaya naman hindi nito nagustuhan ang pagtatanong niya ng pangalan nito.

"K-kukunin ko lang sana ang pangalan mo para kung sakaling hahanapin kita para ibalik ang panyo mo, alam ko kung anong pangalan ang ipagtatanong ko." Muli ay hindi ito umimik bagaman nakatayo pa rin doon. Sumuko na siyang makukuha pa ang pangalan nito matapos ang ilang sandaling paghihintay na sumagot ito. "Nevermind. Ibabalik ko na lang itong panyo mo ngayon para hindi na kailangan---"

"Ethan Monteverde." Hindi pa man niya natatapos ang sasabihin at hindi pa man siya nakakahakbang palapit dito ay narinig niyang sabi nito.

"What?"

"That's my name." muling sumilay ang ngiti sa mga labi nito. "Ethan Alexis Monteverde."