"ATE Jean!" patiling sabi ni Myla pagpasok pa lamang ni Jean sa coffeeshop kung saan nila napagkasunduang magkita. Patakbo itong lumapit sa kanya at sinalubong siya ng yakap. "Akala ko hindi na kita makikita!"
"Ang O.A. mo ha." Natatawang sabi niya.
"Anong O.A.! You just had your---"
"I know, I know. At okay na ako ngayon." Awat niya rito. "Pwede 'bang maupo na lang muna tayo?"
"Ay oo nga." Sabi nito saka siya kinaladkad papunta sa isang table doon. Nang may lumapit na waitress ay nagbigay na rin sila ng mga order nila saka siya nito muling binalingan. "Now tell me, how are you?"
"I'm fine, hindi pa ba halata?" nakangiting sabi niya sa kaibigan.
"Sigurado ka? Nasaan na ba kasi si Hector? Bakit pinabayaan ka n'ong umuwi mag-isa. Ni hindi mo ko tinawagan para nasundo sana kita sa airport!" tuloy tuloy na sabi nito.
"Dapat kahapon pa nasa Pilipinas si Hector ang kaso may emergency sa pinagtatrabahuhan niya kaya mali-late daw nang kaunti ang pagpunta niya. At saka ayaw naman kitang abalahin para lang sunduin ako. You see I was able to find my way on my own." Sagot niya saka kinindatan ito.
"Whatever. Nakakatampo ka. Ilang araw ka nang nasa Pilipinas pero ni hindi mo ko sinabihan. Kung hindi pa naikwento sa akin ng madaldal kong kapatid na nasa restobar ka ni Kuya Josh, hindi ko pa malalaman na nakabalik ka na!" nakalabing sabi nito sa kanya.
"Sorry na. May mga kinailangan pa kasi akong gawin kaya hindi na kita kaagad nasabihan." Palusot niya rito bagaman talaga namang nagi-guilty siya at hindi niya ito nasabihan.
Bestfriend niya si Myla simula pa noong college sila. At ito lamang ang nakakaalam ng dahilan nang paglayo niya ilang taon na ang nakakalipas. Mas matanda siya ng isang taon dito ngunit nang makilala niya ito dahil na rin kapatid nito ang isa sa malalapit na kaibigan ni Apollo na si Lenard ay naging malapit na siya rito. She was like the younger sister she never had. Nakakatampo nga naman sa parte nito dahil ni hindi niya ito nasabihang uuwi siya bagaman hindi sila nawalan ng komunikasyon nito kahit pa lumayo na ang loob ng mga kaibigan ni Apollo sa kanya.
"Kaya pala nasa restobar ka ni Kuya Josh noong isang araw." Nakasimangot pa ring sabi nito.
"I'm sorry. You know, it's just that---"
"You wanted to see Kuya Apollo, right?" huminga ito ng malalim saka ngumiti na. "Pagbibigyan kita dahil alam ko naman kung gaano mo kamahal ang isang 'yon. Pero pwede mo naman akong tawagan para sana nasamahan kita nang pumunta ka d'on. Paano kung may nangyaring hindi maganda sa'yo dahil nag-iisa ka? Balita ko pa naman may nangyari sa'yo nang araw na iyon sa restobar."
"Chismoso pa rin pala ang Kuya Lenard mo, ano?" nailing ngunit natatawa ring sabi niya.
"Ay naku, kelan ba hindi? At walang hindi chismoso sa tropa n'on ni Kuya." Sagot nito. "So, did you meet? Alam kong nakita mo na siya but did you actually meet?"
"Ng Kuya mo?" pabirong tanong niya.
"HA-HA! Very funny."Sarkastikong balik nito. "I'm talking about Kuya Apollo."
"Yeah. We did." Maikling sagot niya.
"And...?"
"And..." bumuntong-hininga siya. "He hates me." Nanlulumong dugtong niya.
"Anong bago? He hated you the moment you left him." Simpleng sagot nito.
"Not helping." Sabi niya rito.
"Sorry." Huminga din ito nang malalim bago muling nagsalita. "Pero iyon ang totoo. Hindi mo pwedeng asahang matutuwa siyang makita kang muli pagkatapos nang mangyari. But you know I still hated that noble act of yours. You could have told him everything and he could have stayed with you all the way."
"At malamang na nasaktan ko siya. No thanks." Mahinang sagot niya.
"At sa palagay mo ba hindi siya nasaktan ng iwan mo siya?" balik nito sa kanya. "Isa pa, nandito ka na nga 'di ba? At masaya na sana kayo ngayon kung nagkataon."
"Come on. You know I didn't know this could even happen. Kung hindi ito nangyari at nanatili ako sa tabi niya, then he would be shattered all his life. Hindi ko kayang gawin iyon sa kanya." Paliwanag niya rito.
"Point taken. Sayang lang kasi. You could have saved yourselves from this drama." Bumuga ito nang hangin dala nang bahagyang frustration. "Ganoon ba talaga 'pag nagmamahal, nagiging martir?"
"You should find that out yourself." Nakangiti nang sabi niya rito.
"Naku, Ate. Matagal ko nang gustong ma-in love. Sadyang ang bagal lang ni kupido." Muling sumeryoso ang anyo nito. "So what happened? Kinausap ka ba ni Kuya Apollo?"
"Oo." Malungkot na sabi niya.
"And it didn't turn out well?"
"The first time, he said he didn't want to see me. The second time, ang sabi niya kalimutan ko na ang anumang plano kong bumalik sa buhay niya. I know I deserved all that. The problem is it still hurts." Mapait na ngumiti siya.
"Sinubukan mo bang sabihin sa kanya ang totoo? Alam kong maiintindihan ka rin niya kung malalaman niya ang pinagdaanan mo nang mga panahong wala ka sa tabi niya." Bakas ang pag-aalala na sabi nito.
"Sinubukan ko pero ayaw niyang makinig sa'kin." Sagot niya. "You know, I've been thinking, maybe I should leave alone now. Baka nga okay na siya at hindi na tamang ginugulo ko siya ngayon pagkatapos ko siyang saktan."
Saglit na natigil ang usapan nila nang dumating ang waitress dala ang mga inorder nila. Pagkatapos magpasalamat ay muli siyang binalingan ni Myla.
"Pinapaalala ko lang, ginawa mo iyon para sa kanya, kaya feeling 'ko may karapatan ka namang balikan siya."
"That doesn't change the fact that I have hurt him." Malungkot na sabi niya. "At galit pa rin siya sa akin. Pakiramdam ko sinasaktan ko pa rin siya ngayong lumalapit ako sa kanya."
"Ah eh di good!" sa gulat niya ay sagot ng kaibigan.
"Good?"
"Good! Dahil apektado pa rin siya ng presensiya mo. It means there is still hope for the both of you!"
"He hates me. How's that even a good sign?" tanong pa rin niya.
"You know ate, hate is still a feeling. It's even better than nothing at all. Ibig lang sabihin noon ay hindi pa siya tuluyang nakaka-move on sa'yo." Paliwanag nito na hindi pa rin niya gaanong maintindihan. Bumuga ito nang hangin saka nagkalkal sa bag nito. Nang iangat nito ang tingin sa kanya ay inilapag nito sa harap niya ang isang magandang asul na envelope. "Here."
"What's this?" tanong niya habang binubuksan ang envelope. It was ang invitation.
"Engagement party ni Kuya Ethan this weekend. Ako ang organizer kaya may extra invitation ako for a date. Come with me." Paliwanag ni Myla.
"Seryoso ka ba? Engagement party iyon ng kaibigan niya. Hindi mo ba naaalalang hindi lang si Apollo ang galit sa akin. Damay ang lahat ng kaibigan niya. They would throw me out the moment I step inside the venue."
"Kailangan mong pumunta dahil nandoon si Kuya Apollo. 'Yong mga kaibigan naman niya, ako nang bahala. Kakausapin ko si Ate Eunice at Ate Anikka, sila yung mga girlfriend ni Kuya Ethan at Kuya Menriz. Pero kailangan kong sabihin ang totoo sa kanila para maintindihan nila ang lahat. Okay lang ba iyon sa'yo?" tanong nito.
"Pero kasi---?"
"You know, kailangan nating humanap ng kakampi kung gusto mong makapasok ulit sa buhay ni Kuya Apollo."
"I know. Pero tama nga bang guluhin ko pa siya ngayon? He hates me."
"You've said that a couple of times already. Given naman na iyon. Pero okay lang ba talaga sa'yo na pabayaan na lang na mawala sa'yo nang tuluyan si Kuya Apollo? You were given a second chance in love, hahayaan mo lang bang masayang iyon?" seryosong sabi nito sa kanya.
"At least you should do something. Malay natin maging maayos din ang lahat kung gagawa ka ng paraan."
"At kung hindi?"
"Eh di hindi. At least you've tried holding on to him. Wala kang pagsisisihan sa huli." Inabot nito ang kamay niya saka ngumiti. "Magiging maayos ang lahat, Ate. Kung hindi man siya bumalik sa'yo, then it's his loss. You are a great person. And you above all people deserve this second chance."