Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

TUKLAW

🇵🇭DravenBlack
18
Completed
--
NOT RATINGS
86.1k
Views
Synopsis
Sunod-sunod ang naganap na patayan sa lugar ng Antonio del Pilar. Isa-isang natagpuan ang bangkay ng mga kriminal na matagal nang wanted sa batas. Ngunit ang ipinagtataka ng mga pulis ay kung bakit putol-putol ang katawan ng mga ito. Ang iba ay dinukutan pa ng utak at mga lamang-loob. Bukod pa sa brutal na pagpaslang ay nakitaan din ang mga ito ng kamandag ng ahas na maaaring tunay na ikinamatay ng mga ito bago wasakin nang ganoon ang katawan. Sigurado ang taumbayan, hindi magagawa ng isang pangkaraniwang ahas ang ganoong uri ng pagpatay. Nilalason muna ang biktima sa pamamagitan ng kamandag bago durugin ang katawan at dukutan ng lamang-loob. Bumalot ang takot at pagtataka sa buong lugar. Nahihiwagaan sila kung sino o anong uri ng nilalang ang gumagawa ng misteryosong pagpatay. Isang tanong ang nabuo sa kanilang mga isipian... TAO ba o AHAS ang pumapatay sa bayan ng Antonio del Pilar?
VIEW MORE

Chapter 1 - Prologue

NAKAHIMLAY ang hubad na bangkay ng isang matandang lalaki sa bakal na higaan. May malaking hiwa na hugis "Y" sa magkabilang dibdib nito patungo sa tiyan. Sa tabi nito ay may mahabang lamesa na puno ng mga panghiwang kagamitan.

Pumasok ang lalaking medical examiner sa loob ng silid. Pagkakuha sa isang cutter, nilapitan niya ang bangkay at sinimulang hiwain ang balat nito sa ulo. Hindi niya maiwasang magpigil ng hininga dahil sa kakaiba nitong amoy na malayong galing sa isang pangkaraniwang tao. Lalo tuloy siyang nahiwagaan sa matandang iyon na sinasabing natagpuan lang na walang buhay sa isang damuhan.

Pagkatapos hiwain ang balat sa ulo, kinuha niya ang isang electronic saw at sinimulang biyakin ang bungo ng bangkay. Inilawan niya ng flash light ang loob ng ulo para suriin ito. Mula roon ay nagulat siya sa nakita. Gumuhit ang sindak sa kanyang mukha. Habang inilalabas niya ang bagay na iyon, nagsitayuan ang mga balahibo sa kanyang katawan.

Hindi siya makapaniwala nang tuluyan itong mailabas. Isang fetus ang nakuha niya sa ulo ng bangkay! Inilapag niya ito sa kabilang lamesa at pinagmasdan. Binalot ng pagtataka ang isip niya. Noon lang siya nakaingkuwentro nang ganoong pangyayari. Nanigas ang buong katawan niya ng ilang segundo habang naglalaro ang maraming katanungan sa kanyang isipan.

Natigilan siya sa pag-iisip nang may maalala. Nang ilabas niya ang fetus sa ulo ng lalaki, tila hindi niya napansin ang utak nito. Naisipan niyang balikan ang bangkay para hanapin kung saan napunta ang utak. Subalit pagharap niya sa kinahihigaan nito, nawawala na roon ang bangkay! Tanging abo na lamang na hugis tao ang kanyang nakita.

Napaawang ang kanyang bibig habang nililibot nang tingin ang paligid. Napako ang mga paa niya sa kinatatayuan. Nagsimulang gumapang ang kilabot sa kanyang katawan.

Napalundag siya sa gulat nang makarinig ng batang umiiyak sa kanyang likuran. Paglingon niya, ang fetus ay isa nang ganap na sanggol! Ngunit hindi ito pangkaraniwang sanggol. Mayroon itong mapupulang mga mata at kulay berde na balat! Nakalabas pa sa bibig nito ang dilang katulad ng sa ahas!

Biglang nagbuga ng itim na likido ang halimaw na sanggol at tumama sa kanyang mukha. Nakaramdam siya ng matinding pagkapaso at bumigay ang mga tuhod sa pagkabigla. Nagsisigaw siya nang dumilim ang kanyang paningin. Ramdam niyang nakadilat pa ang mga mata niya ngunit wala na siyang makita. Kinapa na lamang niya ang sahig habang gumagapang at hinahanap ang palabas ng silid.

Bago pa siya makarating sa pinto, biglang tumalon ang sanggol sa kanyang likuran. Parang mapapatid ang hininga niya sa labis na bigat nito. Hindi na siya nakakilos. Sumigaw na lang siya nang sumigaw sa pagbabakasakaling may makarinig sa kanya.

Muling nagbuga ng likido ang halimaw na sanggol. Pakiramdam niya, para siyang binuhusan ng asido sa likod. Napakahapdi. Napakasakit. Halos panawan siya ng ulirat. Parang mauubusan siya ng boses sa kasisigaw.

Isang utility staff ang napadaan malapit sa naturang silid. Nakarinig ito ng sigaw mula sa loob na tila nanghihingi ng saklolo. Dali-dali nitong binitawan ang hawak na mga panglinis at binuksan ang pinto ng silid.

Laking gulat ng janitor nang masilayan sa sahig ang duktor na wala nang buhay. Sunog ang mukha nito at umuusok ang buong katawan na tila binuhusan ng isang balde ng asido.

Napatakbo ang janitor sa sobrang takot. Naiwan nitong nakabukas ang pinto ng silid. Lumabas sa ilalim ng higaan ang sanggol at gumapang palabas. Pumipintig-pintig pa ang maugat nitong ulo habang iginagala sa paligid ang mga mata.

Umakyat ito sa dingding at gumapang na parang butiki. Nagpakawala ito ng tinig na may pagkakapareho sa ahas. Umagaw sa atensyon nito ang isang bukas na bintana sa dulo ng pasilyo. Nagtungo ito roon hanggang sa tuluyang makalabas ng ospital.

Patuloy pa ring nalulusaw ang bangkay ng duktor hanggang sa buto na lamang ang natira sa katawan nito. Ang dugo naman nito ay nagkalat sa parte ng sahig kung saan ito nakahandusay.

To Be Continued…