PAGKATAPOS ayusin ni Lucas ang antenna ng TV, umakyat siya sa kuwarto para magpahinga. Nagpatuloy naman sa panonood ng teleserye sa hapon ang kanyang ina kasama si Aling Marites.
Pag-akyat niya, nakadungaw sa bintana ang kanyang ama at humihithit ng sigarilyo. Nilapitan niya ito at tinabihan sa pagdungaw.
"Lucas, nandiyan ka pala," bati ng kanyang ama.
"Itay, pasensiya na kayo kung napalayas tayo do'n sa dating bahay natin. Kung hindi lang ako natanggal sa trabaho, may pambayad pa sana tayo," diretsahang sabi niya. Blangko ang anyong nakatanaw siya sa malayo.
"Huwag mo nang isipin `yon. Hindi ko rin naman kasi gusto ang ugali ng Susan na iyon. Matagal na kaming nagtitimpi ng mama mo sa babaeng `yon. Mabuti nga at nakaalis na tayo sa teritoryo niya." Muling ipinasok ni Nestor ang sigarilyo sa bibig at kapagkuwa'y nagbuga ng maraming usok.
"Hayaan n'yo po at bukas na bukas ay maghahanap ulit ako ng mapapasukang trabaho. Mag-iipon po ako para makahanap tayo ng ibang mauupahan. Ayaw ko rin na magtagal pa tayo sa lugar na `to dahil masyadong magulo. Baka ma-stress lang po si inay dito `pag nagtagal." Sa pagkakataong iyon ay lumingon na si Lucas sa kanyang ama.
Gumanti naman ng titig si Nestor sa binata at nagpakawala ng matipid na ngiti. Nagsabi ito na susuportahan nito ang lahat ng kanyang mga plano.
Naisipang bumisita ni Lucas sa bahay nina Juliet. Pagkatapos ng ilang mga katok ay nagbukas din ang pinto na yari sa yero. Bumungad sa harap niya ang babae na nakapaldang puti at may head band sa buhok.
"Oh, Lucas! You're here!" nakangiting bati sa kanya ng babae.
"Juliet, puwede mo ba akong samahan sa malapit na internet shop dito?" diretsahang tanong ni Lucas.
"Sure! Wait magbibihis lang ako."
Sinundan niya nang tingin ang babae nang pumasok ito sa silid. Nanatili lang siyang nakatayo sa harap ng bahay at naghihintay. Inabot ng kalahating oras bago lumabas ang babae sa kuwarto. Paglabas nito, nasilayan niya ang suot na band shirt ng babae na may tatak na, "My Chemical Romance". Naka-jeans ito na may punit sa magkabilang hita at nakasuot ng puting rubber shoes. Bahagyang natatakpan ng bangs ang mga mata nito na may salamin.
Bahagyang namangha at natawa si Lucas sa porma ng babae. Kahit nakabihis panlalaki ito ay litaw na litaw pa rin ang kagandahan. Sa katunayan, parang mas nagagandahan siya kapag ganoon ang bihis ng isang babae.
"Astig!" komento niya habang pinagmamasdan ang babae mula ulo hanggang paa.
"I know right!" ngiting tugon ng babae sa kanya. "Let's go!" At sabay silang naglakad paalis.
Makalipas ng mahigit kalahating oras na paggamit ni Lucas ng computer ay pina-print agad niya ang ginawang resume at nagpagawa ng sampung kopya. Nang matapos ito, nilisan na agad niya ang internet shop at hindi na tinapos ang natitirang mga oras dahil sa ingay at gulo ng mga katabing naglalaro. Mayroon pang mga naninigarilyo sa loob na lalong nagbigay ng mabigat na pakiramdam sa kanya.
"Saan na ang punta mo n'yan?" tanong ni Juliet kay Lucas pagkalabas nila ng computer shop. Sumilong muna sila sa harap ng shop dahil sa tindi ng sikat ng araw.
"Baka bukas na lang siguro ako lalakad para marami akong mahanap at mapuntahan," sagot ni Lucas habang isa-isang tiningnan ang mga papel.
"Okay then! Samahan mo na lang ako sa grocery, at para makapagpalamig na rin tayo sa loob." Naunang naglakad ang babae. Sumunod naman si Lucas sa likuran nito.
Pasadong alas-sais na ng hapon nakauwi ang dalawa. Hinatid ni Lucas ang babae hanggang sa harap ng bahay nito at ipinasok sa loob ang mga pinamiling pagkain at gamit sa bahay.
"Thank you talaga for your help, Lucas. Sige, sa susunod na lang ulit. Goodluck to your journey tomorrow!" anang babae habang isa-isang ipinatong sa maliit na lamesa ang mga pinamili.
"Salamat din, Juliet. Sige, dito na `ko." Itinuro pa ni Lucas ang kinaroroonan ng kanilang bahay at pagkatapos, kumaway na sa babae at isinara ang pinto ng mga ito.
AGAD gumising at nag-ayos si Juliet dahil maaaga ang kanyang pasok. Pagkatapos niyang makapagbihis ng uniporme, tiningnan niya ang oras sa wall clock na nakasabit sa itaas ng pintuan ng kanilang kuwarto. Lampas alas-sais pa lang ng umaga. Napanatag siya; mahaba pa ang oras niya.
Pagkatapos magsuot ng sapatos ay nagpaalam na siya sa kanyang ina. Pagbukas naman niya sa yerong pinto, nakita niya si Lucas na naliligo sa harap ng bahay nito. Naka-boxer shorts lang ito habang nagbubuhos ng tubig sa ulo gamit ang tabo.
May ilang segundo siyang napako sa kinatatayuan nang masilayan ang batu-bato nitong katawan. Mula sa braso hanggang sa dibdib maging sa tiyan. Bumubukol din ang hugis ng mga hita nito at mababakas sa perpektong korte ng katawan nito ang uri ng lalaking kababaliwan ng kahit na sinong babae. Hindi niya napigilan ang pamumula ng kanyang mga pisngi. Hindi rin niya maiwasang mapangiti habang pinagmamasdan ito.
Lumikha siya ng ingay gamit ang mga paa para maagaw ang atensyon ng lalaki. Nang lingunin siya nito ay bumati agad ito sa kanya. "Magandang umaga, Juliet! Papasok ka na pala. Pasensiya na nakaharang ako rito." Hindi makikitaan ng hiya ang anyo ni Lucas kahit kitang-kita ang katawan niya.
"No! It's okay! Mukhang maaga rin ang alis mo, ah?" tugon naman ni Juliet habang lumalakad. Nang masalubong niya ang lalaki, bahagya itong umusog para makadaan siya. "Thank you!" pahabol na sagot niya.
Muling lumingon ang lalaki sa kinaroroonan niya. "Oo dahil malayo pa kasi ang pupuntahan ko. Ingat ka!"
"Ikaw rin!" tugon muli niya. Hindi na niya magawang lumingon pa sa lalaki dahil iniiwasan niyang magwala muli ang kanyang puso. Natutuwa ang buo niyang pagkatao dahil nagkaroon siya ng kaibigang gaya ni Lucas na isang perpektong modelo ng makisig at maginoong lalaki. Lahat kasi ng mga lalaki sa kanilang lugar ay mukhang mga adik at mahilig pang maghubad kahit malalaki naman ang mga tiyan.
Nag-aayos ng buhok sa ibaba si Lucas nang dumating si Marites at tinungo ang lababo upang hugasan ang mga pinagkainan. Tulog pa ang mga magulang niya sa itaas nang mga oras na iyon.
"Aling Marites, kakilala n'yo na ba ang lahat ng mga tao rito?" biglang tanong ni Lucas habang nakaharap sa salamin.
"Marami na rin akong kilala rito pero hindi lahat ay ka-close ko. Bakit, Lucas?"
"May kilala po ba kayong Kamatayan?"
Napahinto si Marites sa pagbabanlaw ng mga baso at nilingon ang lalaki. "B-bakit mo siya naitanong? Nagkita ba kayo? Nagkausap?"
"Hindi naman po. Nabanggit lang kasi siya sa `kin ng kaibigan kong si Juliet. Siga raw `yon dito sa lugar ninyo. Napapaisip lang ako kung saan siya banda rito."
Bumakas ang pagkabahala sa mukha ni Marites. "Naku, Lucas! Mag-iingat ka sa taong `yon. Hindi lang `yon basta siga, drug addict din `yon at halang ang bituka! Sa tuwing may mga inuman dito palagi siyang nandoon kasama `yong mga kagrupo niya. Kaya nga kapag napapadpad siya rito sa atin, sinasara ko lahat ang mga bintana at pinapatay ko ang ilaw."
Nabahala si Lucas sa narinig at nahinto sa kanyang ginagawa. Napalingon siya kay Aling Marites at lalo pa siyang kinabahan nang makita ang takot sa anyo nito. "Bakit parang takot na takot po lahat ng mga tao rito sa kanya?"
"Masaklap ang kuwento ni Kamatayan. Ang alam ko, araw-araw ay ginugulpi niya ang asawa niya kaya siya hiniwalayan. Mula noon, kung kani-kaninong babae na siya nakipagtalik, karamihan ay mga babaeng pokpok din na nagsasayaw sa club. Dahil din sa sama ng ugali niya, nilayasan na siya pati ng mga kamag-anak at mga pinsan niya rito. Marami nang nakaaway 'yan si Kamatayan dito. May mga napatay pa nga sila noon na malapit din dito."
"Wala po bang nagbalak na isumbong siya sa pulis?" kunot-noong tanong ni Lucas.
"Walang may balak gumawa no'n ngayon dahil sa takot. Ilang beses na rin siya nakulong dati pero palaging nakakalaya. Sa pagkakaalam ko may kaibigan siyang mayaman na sindikato na tumutulong sa kanya. Ang mas masaklap pa, bulok naman ang sistema ng mga pulis dito kaya balewala rin ang lahat ng reklamo. Kung sino pa `yong mga adik, sila pa ang nakakalaya. At kung sino pa `yong mga inosente na napagbintangan lang, sila pa `yong biglang nababaril at hinuhuli. Kaya nga ang laki ng ikinabagsak ng bayang ito!"
Dahil sa mga nalaman ni Lucas, nawala na ang kanyang takot at napalitan ito ng galit. Kung siya lang ang may kapangyarihan, hahatulan niya ng bitay ang mga taong iyon para magwakas na ang kasamaan. Isasama rin niya ang mga alagad ng batas na walang nagagawang mabuti para sa mga taong naaapi, bagkus ay sila pa ang nagpapasimuno sa paglaganap ng kaguluhan.
"Kung nagagawa niyang takutin ang mga tao rito, ibahin niya ako! Kapag ako ang nakaharap niya, baka kung saan na lang siya pulutin!" matapang na sabi Lucas habang nakatitig sa salamin.
"Naku, Lucas! Huwag na huwag mong gagawin 'yan! Wala tayong laban sa grupo nina Kamatayan. Mas mabuti pang lumayo na lang tayo. Kung ang mga pulis nga walang magawa, tayo pa kaya? Baka lalo pang mag-alala ang nanay mo n'yan sa 'yo." Hinarap muli ni Marites ang mga pinggan at nagpatuloy sa paghuhugas.
Hindi na lang nagsalita si Lucas, pero sa loob niya'y nagwawala sa inis ang kanyang puso. Noon pa man ay talagang madali na siyang lamunin ng galit. Hindi lang siya basta-basta nagagalit kapag inaapi siya, namumuo rin ang poot sa kanyang loob kapag nakakakita siya ng ibang tao na inaabuso. Isa iyon sa mga kahinaan niya. Hindi niya makontrol ang kanyang galit.
Agad siyang nagpaalam matapos mag-ayos sa sarili.
To Be Continued…