NAGHIHIWA ng mga gulay si Lydia nang lumabas sa kuwarto si Lucas at nagpaalam na makikipaglaro sa labas. Paglingon niya rito, bagong ligo na ang bata at nakabihis ng damit panlabas.
"O, sige. Basta bumalik ka rito bago mag-alas dose dahil manananghalian tayo."
"Opo, mommy!" Agad tumakbo ang bata palabas ng bahay.
"IKAW naman ngayon ang taya!" sabi ng isa sa mga kalaro ni Lucas.
Tumalikod siya at nagsimulang bumilang ng sampu. Nagsitakbuhan naman ang ibang mga bata para maghanap ng mapagtataguan.
"…walo, siyam, sampu!" Humarap si Lucas at nilibot nang tingin ang paligid. Nasilayan niya ang katahimikan ng kalsada. Nagsimula siyang maglakad-lakad habang tumitingin sa mga abandonadong gusali. Siguradong doon lang nagtatago ang mga kalaro. Bahagya niyang tinakpan ng palad ang mga mata dahil sa mainit na sikat ng araw.
May dumaang itim na van sa kalsada. Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy lang sa paghahanap. Nang huminto ang van sa mismong harap niya, doon na siya natigilan at tiningnan ang sasakyan.
Lumabas mula roon ang tatlong lalaking nakasuot ng itim na jacket at may mga takip ang mukha. Bago pa siya makagawa ng aksyon, dinakip na siya ng mga ito at ipinasok sa loob ng sasakyan. Nagsimula siyang magwala at nagsisigaw ngunit agad ding natigilan nang tutukan siya ng baril.
Tinakpan ng katabi niyang lalaki ang kanyang bibig ng isang panyo. May halo iyong gamot na ikinahilo niya hanggang sa mawalan siya ng malay.
Huminto ang sasakyan sa isang abandonadong bahay na nagsisilbi nilang secret hideout. Binuhat ng tatlong lalaki ang bata at dinala sa isang silid.
Hindi pa man sila tapos sa pagtali rito ay nagkamalay na ang bata. Nang mapagtanto nito ang kanilang ginagawa, nagsisigaw agad ito at nagwala sa kinahihigaan. Ilang beses nila itong tinutukan ng baril ngunit tila hindi na ito natatakot. Mas lalo lang itong nagwala at halos tadyakan ang mga mukha nila.
Sa inis ng isang matabang lalaki, kinalag niya ang mga tali at sinakal ang bata. "Matigas ka, ha! Sige, hindi ka na namin itatali. Iba na lang ang gagawin namin sa `yo!" Sumenyas ito sa dalawang kasama. Tila alam naman ng dalawa ang ibig niyang sabihin. Saglit na lumabas ang mga ito at pagbalik ay may bitbit nang kulungan na yari sa salamin.
Nang ilapag nila iyon sa sahig, nakita ng bata ang laman nito. Isang malaking ahas! Isang kulay berdeng ahas na makamandag at talagang nakamamatay. Walang gamot sa kamandag nito at siguradong matitigok sa loob ng ilang segundo ang sinumang matuklaw nito.
"Ayaw sana naming gawin ito sa `yo, kaso lang pasaway ka at lumalaban kaya itong alaga na namin ang bahala sa iyo!" Maingat na pinakawalan ng matabang lalaki ang ahas sa loob ng kulungan, kapagkuwa'y agad silang tumakbo palabas ng silid at ikinandado ang pinto.
Humagulgol nang iyak si Lucas. Napaatras siya sa kinahihigaan at sumandal sa pader. Halos idikit na niya roon ang sarili sa labis na takot. Napapikit na lamang siya at paulit-ulit na sinambit ang kanyang mga magulang. "M-Mommy… D-Daddy…"
"Isa pa lang ang nahuhuli natin. Hindi naman tayo kikita nang malaki sa batang iyon dahil nag-iisa lang. Kailangan pa nating bumalik doon para maghanap ng mas marami," anang isang matangkad na lalaking payat at may tattoo sa leeg. Nakasuot ito ng shades at nakaupo katabi ng matabang lalaki.
"Magpahinga muna tayo. Napagod ako sa biyahe kanina. Malayo-layo rin ang pinuntahan natin." Kinuha ng matabang lalaki sa kanyang tabi ang bote ng tubig at uminom. Nasa loob sila ng maliit na kuwartong nagsisilbi nilang tulugan kapag kinakailangang magpalipas ng gabi roon.
Tumayo naman ang pandak na lalaking mahaba ang buhok. Puno ito ng balbas at tadtad ng burda ang mga braso. Umupo ito sa isang maliit na lamesa at humithit ng sigarilyo. "Lampas alas-dose na pala. Siguradong tigok na `yong gagong bata na `yon. Puntahan na kaya natin?"
"Mabuti pa nga. Tara na!" sagot ng matabang lalaki.
Tumayo ang tatlo sa kanilang mga kinauupuan at lumabas ng kuwarto. Sila ay grupo ng mga sindikatong nangunguha ng tao para katayin at ibenta ang lamang-loob sa ibang mga bansang may iligal na negosyo. Sa pagkakataong iyon, isang Chinese ang kliyente nila at bata ang hanap nito dahil sa paniniwalang mas masustansiya umano ang karne kapag bata.
Unti-unting tumigil sa pag-iyak si Lucas. Napansin niyang tila walang balak na umatake ang ahas. Sa halip ay gumapang pa ito patungo sa kanya at pinalibutan siya na waring binabantayan. Lumapit pa ang ulo nito at nakipagtitigan sa kanya.
Nakarating na ang tatlong lalaki sa silid kung nasaan ang bihag na bata. Inilabas ng matabang lalaki ang susi at tinanggal ang kandado.
"Nagugutom na `ko. Dapat pala kumain muna tayo," anang matangkad na lalaki habang humihimas pa sa tiyan.
"Magtiis ka muna d'yan! Kain ka nang kain hindi ka naman tumataba. Gago!" tugon ng pandak na lalaki rito. Kasalukuyan pa rin itong humihithit ng sigarilyo.
Pagbukas ng matabang lalaki sa pinto, dali-dali silang pumasok sa loob at nilingon ang kinaroroonan ng bata. Nagtaka sila nang makitang nakatayo ito malapit sa higaan. Walang emosyong nakatitig ito sa kanila na parang robot.
Nagtaka ang tatlo kung paanong nabuhay pa ang bata at tila hindi man lang ito inatake ng kanilang alaga. Ang isa pang tanong nila ay kung saan napunta ang mismong ahas.
"Hoy! Ba't ganyan ka makatitig sa amin? Ang tibay mo talaga, ano! Dapat siguro kami na lang mismo ang pumatay sa `yo!" Inilabas ng matabang lalaki ang baril sa bulsa at itinutok sa bata. Akmang papuputukan pa lang niya ito nang biglang mahulog sa kanyang balikat ang ahas na nasa taas. Mabilis siya nitong tinuklaw sa leeg na agad niyang ikinatumba.
Napalundag sa labis na pagkagulat ang dalawa. Napamura ang pandak na lalaki habang ang matangkad naman ay nanginginig sa takot. Larawan sila ng sindak nang makita kung paano bumula ang bibig ng kanilang lider. Bumaligtad ang mga mata nito at agad binawian ng buhay.
Dinukot ng pandak na lalaki ang baril nito sa bulsa at pinaputukan ang ahas. Subalit napakabilis ng kilos nito kaya hindi ito natatamaan ng bala. Mabilis itong gumapang at pumalupot sa kaliwa niyang binti.
Sa sobrang pagkagulat ay nabitawan ng pandak ang hawak na baril at nagsisigaw na parang bata. Agad siyang tinuklaw ng makamandag na ahas at ilang sandali pa, unti-unting bumula ang bibig niya at bumagsak ang katawan sa sahig.
Tumakbo ang matangkad na lalaki para tumakas. Ngunit bago pa man siya makalabas ng silid ay tumalon at dumapo na ang ahas sa balikat niya at pumalupot ito sa kanyang leeg.
Parang sasabog ang kanyang dibdib. Halos maiyak na siya sa takot. Gustuhin man niyang bumunot ng baril sa bulsa ay hindi niya magawa dahil nangibabaw ang takot sa kanyang katawan. Halos hindi niya mahawakan ang nakapalupot na ahas sa kanyang leeg kaya idinaan na lang niya sa pagwawala at pagtatalon ang lahat.
Di nagtagal, tinapos ng ahas ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtuklaw nito sa mukha niya. Unti-unti siyang nanghina at bumulagta sa lupa. Naramdaman niya ang pagdilim ng paningin habang tila sasabog sa kirot ang kanyang ulo. Ilang sandali pa, tuluyan nang nilamon ng dilim ang kanyang diwa.
Nanatili lang na nakatayo si Lucas habang walang emosyong pinagmamasdan ang tatlong lalaki na wala nang mga buhay. Para bang wala siya sa sariling katinuan. Tila ba hindi niya hawak ang sariling pagkatao.
Gumapang ang ahas sa kinaroroonan niya at muli itong nakipagtitigan. Sa tuwing gagawin iyon ng ahas, may naririnig siyang munting boses sa kanyang isip.
Pagkaraan ng ilang sandali, gumapang palabas ng silid ang ahas. Sumunod naman sa likod nito si Lucas.
Gabi na ng makarating sa bahay si Lucas. Naabutan pa niya sa labas ng pinto ang mga magulang na tila kanina pa naghihintay sa kanya. Nakita niyang umiiyak ang kanyang ina habang naka-akbay naman dito ang ama. Nang makita siya ng mga ito, nagmadali siyang tumakbo palapit at niyakap ang dalawa.
"Ano'ng nangyari, Lucas? Kanina ka pa namin ipinahahanap sa mga pulis. Akala namin may nangyari nang masama sa iyo." Gumanti ng yakap si Nestor at hinalikan ito sa noo.
"Bakit ngayon ka lang nakauwi, anak? Ano ba ang nangyari?" lumuluhang tanong ni Lydia at yumakap na rin ito sa kanya.
"Kanina po habang nakikipaglaro ako, may mga lalaking kumuha sa akin. Dinala po nila ako sa nakakatakot na bahay. Tapos muntik na nila akong mapatay. Mabuti na lang nakaligtas po ako at nakatakas," sagot ni Lucas.
Nagulat ang mag-asawa. "Paano ka naman nakauwi nang mag-isa rito, anak?" tanong ng kanyang ina.
"Hindi ko po alam, Mommy. Basta may nakilala po akong snake kanina. Sabi niya sa `kin na huwag daw po ako matakot sa kanya dahil tutulungan daw po niya ako. Sinundan ko lang po siya habang gumagapang hanggang sa makarating na po ako rito."
Biglang nagkatinginan ang mag-asawa. Bakas sa mukha ng dalawa ang pagtataka. Pagkatapos ay muling lumingon si Lydia sa bata. "A-ahas?"
"Opo, Mommy. Alam n'yo po ba maraming kinuwento sa `kin 'yong snake kanina. Sabi niya baby pa lang daw po ako binabantayan na niya ako. Tapos nakita pa raw niya si Daddy na kinuha ako sa basurahan. Nagalit nga raw po siya at gusto na dapat niya patayin noon si Daddy, pero naisip niya na kailangan ko rin daw po ng tao na mag-aalaga sa akin para lumaki ako na maayos. Tapos siya naman daw po ay napulot ng mga masasamang lalaki para alagaan."
Nalukot ang noo ng mag-asawa sa sinabi ng bata. Muli silang nagkatinginan at gumuhit ang kaba sa kanilang mga anyo. Ayaw sana nilang paniwalaan ang bata sa mga sinasabi nito dahil napaka-imposible, ngunit naalala nila na noong sanggol pa lang ito ay talagang lapitin na ito ng mga ahas. Palagi pa nga silang nakakahuli ng mga ahas na nagtatago sa loob ng kanilang bahay. Nang gabing iyon lang nila natuklasan na si Lucas pala ang totoong pakay ng mga ito. Ngunit bakit? Ano ang kailangan ng mga ito sa bata?
"Alam mo, anak, kalimutan mo na `yon. Ang mahalaga nandito ka na." Muling niyakap ni Lydia ang batang lalaki at hinalikan sa noo. "Halika, dito na tayo!" At pumasok na silang tatlo sa loob.
To Be Continued…