Chereads / TUKLAW / Chapter 5 - Chapter 4

Chapter 5 - Chapter 4

UMAGA pa lang ay nawalan na ng tubig sa Antonio del Pilar. Agad nagbihis si Marites para sana mag-igib sa bayan, pero nagsabi si Lucas na siya na lang ang gagawa noon. Ayaw sana pumayag ng babae pero nagpumilit ang binata. Gusto raw nitong makatulong kahit sa ganoong paraan lamang bilang pasasalamat sa pagpapatira sa kanila sa bahay. Walang nagawa si Marites kundi ang pumayag. Ipinaliwanag na lamang niya sa lalaki kung saan ang tamang daan papunta sa bayan.

"Ako na po ang bahala. Medyo natatandaan ko rin naman `yong papunta ro'n dahil dinaanan namin iyon kahapon. Sige po!" At lumabas na si Lucas sa bahay.

Habang naglalakad siya sa maliit na pasilyo, nakasalubong niya ang isang babaeng naka-school uniform at may suot na salamin. Hanggang baywang ang buhok nito, morena ang balat, hugis puso ang mukha, at medyo makapal ang kilay na nakadagdag naman sa kagandahan nito.

Nagkabanggan sila at nahulog sa lupa ang mga bitbit na libro ng babae. Agad siyang humingi ng paumanhin dito at tinulungan ito sa pagpulot ng mga gamit.

"Thank you, sir," ngiting tugon ng babae sa kanya. Lumitaw ang dimples nito sa magkabilang pisngi.

"Walang anuman! Bakit bitbit mo `yong mga libro mo? Bakit di mo na lang ilagay sa bag mo?" tanong ni Lucas, at nilingon niya ang bag na nakasabit sa likod ng babae.

"Puno na rin kasi ng books itong bag ko kaya hindi na `to kasya," tumatawang sagot ng babae.

Napatango si Lucas. Namangha siya sa masayahing anyo at tinig ng babae. Para bang wala itong kaproble-problema sa buhay. "Saan pala banda ang bahay n'yo rito?" tanong muli niya.

Muling tumawa ang babae at magalang na sumagot. "Doon po sa bandang dulo `yong bahay namin, sir. `Yong may yero na pinto, sa amin po iyon." Pangiti-ngiti lang siya pero sa totoo, medyo naiilang na siya sa dami ng tanong ng lalaki.

"Naku! Ang lapit mo lang pala sa amin! Dalawang bahay lang ang pagitan namin sa inyo." Seryoso ang mukha ni Lucas. Bagamat hindi siya tumatawa o ngumingiti gaya ng babae, mababakas naman ang saya sa kanyang anyo.

"How about you, sir? Parang ngayon lang kita nakita. Bago ka lang ba rito?" balik-tanong ng babae. Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi nito.

"Oo, nakikitira kami sa bahay ng kaibigan ng mama ko. Pinalayas na kasi kami sa dating tirahan namin." Doon pa lang nagpakawala ng ngiti si Lucas pero agad ding nawala.

Tumango-tango ang babae habang nakangiti pa rin. "Gano'n ba? E, saan ang punta mo n'yan? May bitbit ka pang dalawang balde." Agad nawala ang pagkailang niya sa lalaki. Hindi niya maipaliwanag pero medyo gumaan ang kanyang loob sa kausap dahil napakamalumanay nitong magsalita at mukhang mapagkakatiwalaan.

"Mag-iigib kasi ako sa bayan. Kawawala lang ng tubig kani-kanina. Kakailanganin kasi namin para panghugas ng mga pinagkainan at pangligo."

"Oh I see! Kahit ako mag-iigib din ngayon. Nag-text kasi si mama na nawalan daw ng tubig at mukhang matatagalan bago bumalik."

"Kung gano'n, hintayin na kita para sabay na tayo. Gusto ko rin kasi ng makakasama dahil hindi ko pa gaanong kabisado ang lugar dito. Ayos lang ba sa `yo?"

Natawa ang babae. Naisip niya na parang hindi yata marunong mahiya ang lalaking ito. Agad naman siyang pumayag dito dahil siya itong nahihiyang tumanggi.

Hinintay ni Lucas ang babae na makapagbihis. Pagkatapos nito, sabay na silang naglakad habang may bitbit na mga balde.

"Ano nga pala ang pangalan mo?" tanong ni Lucas sa babae. Kasalukuyan nilang tinatahak ang baku-bakong lupa na puno ng matataas na damo sa magkabilang gilid. Iyon umano ang shortcut papunta sa bayan ayon sa babae.

"I'm Juliet. How about you?"

"Lucas nga pala," ngiting tugon ng lalaki. "Pero teka lang, bakit ikaw ang nag-iigib sa inyo? Nasaan ang tatay mo? O kapatid?"

Bahagyang nabawasan ang ngiti ng babae. "Wala akong kapatid. Nag-iisang anak lang ako ni mama. Wala na rin akong tatay. Namatay siya sa aksidente noong bata pa lang ako, kaya ako na lang ang gumagawa nito. Hindi na rin kaya ni mama dahil may sakit siya at madaling mapagod. Saka kaya ko rin naman ito. Sanay na akong magbuhat ng mabibigat, 'no!" pagmamalaki nito.

"Napahanga mo naman ako sa sinabi mo! Bihira lang ang mga babaeng ganyan."

Lumakas ang tawa ni Juliet. "Siyempre naman! Ikaw ba, may mga kapatid ka ba?"

"Mag-isa lang din ako." Napayuko si Lucas nang tumindi ang sikat ng araw. "Sa totoo n'yan, ampon lang ako nina Inay. Hindi ko alam kung saan talaga ako nanggaling. Basta napulot lang daw nila ako no'n."

"Oh… I see! Siguro foreigner ang totoong parents mo, `no? Kasi sobrang puti mo. May lahing American ka ba?"

Natawa si Lucas at kinilig. Muli na naman kasi siyang napagkamalan na dugong banyaga. Isang bagay iyon na talagang gustong-gusto niya. "Ganito lang talaga ang balat ko, pero Pilipino talaga ako," ngingiti-ngiting tugon niya na parang kinikiliti.

Habang naglalakad sila ay kung saan-saan na napunta ang usapan nila. Dahil doon ay lalong gumaan ang loob nila sa isa't isa. Hanggang sa matapos silang mag-igib ay hindi pa rin sila nauubusan ng usapan. Kahit medyo mabigat ang mga baldeng puno ng tubig na dala-dala nila, panay pa rin ang kanilang kuwentuhan at tawanan.

"Juliet, gaano na pala kayo katagal dito?"

"Magsasampung taon na rin!"

"Ang tagal na pala. Ibig sabihin, kabisado mo na itong buong lugar?"

"Oo naman!"

"Kung gano'n, puwede mo ba ako samahan mamaya? Maglibot tayo. Ipasyal mo `ko rito para naman matutunan ko rin ang mga pasikot-sikot dito."

Nagulat si Juliet. Bahagyang nanlaki ang mga mata nito sa tuwa. "Oo ba! Mamayang hapon natin gawin `yan para wala nang araw. Ang init kasi ng panahon ngayon! Tingnan mo nga kahit maaga pa lang pareho na tayong naliligo sa sariling pawis." Tumawa muli ito.

"O, sige ikaw ang bahala. Puwede naman ako kahit anong oras," humihingal na sagot ni Lucas.

Ilang sandali lang ay nakarating na rin sila sa kanilang mga bahay.

"Sige, mamaya na lang ulit. Basta samahan mo `ko mamaya, ha?" paalala ni Lucas sa babae.

"Oo na! Ang kulit, e!" tumatawang sagot ni Juliet habang ipinapasok sa loob ang mga balde.

PAGSAPIT ng hapon, muling magkasama ang dalawa at naglalakad sa isang shortcut sa Brgy. Medusa. Ibang daan naman iyon patungo sa bayan ng Antonio del Pilar. Mas malawak ang daan at malayong-malayo ang hitsura sa mala-iskuwater na barangay nila. Napupuno ang magkabilang paligid ng mga bahay na yari sa semento.

"Buti pa 'yong mga bahay rito magaganda at malalaki," komento niya habang pinagmamasdan ang mga ito. Hindi naman tumugon ang babae. Nakangiti lang ito habang naglalakad sila.

May nadaanang maliit na bahay sina Lucas na katabi ng isang patay na puno. Sa harap noon ay may mga lalaking nag-iinuman. Nagtaka siya nang makitang nakatitig ang mga ito sa kanya. Sa limang mga lalaking nag-iinuman, higit na umagaw sa atensyon niya ang isa na malaki ang katawan, makapal ang balbas, puno ng tattoo sa magkabilang braso, at kulot ang buhok. Ito kasi ang may pinakamasamang titig sa kanya. Parang gusto siyang lamunin ng mga titig nito.

Ibinaling niya agad sa nilalakaran ang paningin at hindi na pinansin ang mga iyon. Nang makarating silang muli sa bayan, bumili si Juliet ng halo-halo para sa kanilang dalawa. Naupo sila sa mahabang upuan na katabi ng isang lumang playground.

"Juliet, kanina habang naglalakad tayo, may nakita akong mga lalaking nag-iinuman na nakatingin sa atin," pahayag niya at tumitig sa babae.

"O, talaga?" hindi makapaniwalang sagot ni Juliet at napatitig din sa kanya.

Ipinaliwanag ni Lucas ang hitsura ng mga taong iyon. Gumuhit naman ang pagkagulat sa anyo ng babae. Bahagya siyang nanibago dahil tuluyang nawala ang ngiti nito.

"Si Kamatayan `yong nakita mo! Grupo ni Kamatayan `yon!" bulalas ni Juliet. Mababakas ang pagkabahala sa mukha nito.

Nangunot ang noo ni Lucas sa narinig. "Kamatayan? Seryoso ka ba? E, tao kaya `yong nakita ko."

"No! Hindi `yon ang ibig kong sabihin! `Yong sinasabi mong malaki ang katawan at may mga tattoo sa braso, Lando ang tunay na pangalan no'n, pero kamatayan ang tawag sa kanya rito dahil siya ang pinakasiga sa lugar natin."

Hindi nakapagsalita si Lucas. Binalot ng pagtataka na may kaunting takot ang kanyang isipan.

"Kinatatakutan talaga rito si Kamatayan at ang grupo niya. Huwag kang umasa ng kahit kaunting kabaitan sa kanya. Walang pinipiling tao `yon. Bata man o matanda pinapatulan niya. At kapag may nagtangkang kumalaban sa kanya, asahan mong makikita na lang ang bangkay nila na nakahandusay d'yan sa tabi-tabi."

Bahagyang nagulat si Lucas at nangunot ang noo. "Kung gano'n, talaga palang mapanganib ang taong `yon. Paano kaya ito? Nagkatitigan kasi kami kanina. At kakaiba talaga `yong mga tinginan niya sa akin. Papatayin na ba niya ako?"

"Hindi naman! Ganoon talaga tumitig 'yon kahit kanino. Saka baka nanibago lang siguro sa `yo dahil ngayon ka lang nakita. Basta huwag ka na lang lumapit sa kanya. Kapag nakita mo siya, lumayo ka na agad. Ang mahalaga, hindi kayo magkausap para hindi siya magkaroon ng permanenteng atensyon sa `yo."

Tumango na lamang si Lucas. Para makalimutan ang nangyari, nagpasama pa siya sa babae na maglakad-lakad sa bayan. Nagkataon din na may perya roon kaya doon nila sinulit ang mga oras.

To Be Continued…