Chereads / TUKLAW / Chapter 11 - Chapter 10

Chapter 11 - Chapter 10

GISING na si Lucas nang umagang iyon ngunit wala pang ganang dumilat ang kanyang mga mata. Tahimik lamang siyang nakikiramdam sa paligid. Dinig na dinig niya ang pag-uusap ng kanyang mga magulang kung ano ang ihahandang mga pagkain para sa araw na iyon.

Nangawit na ang mga mata niya sa pagpikit pero hindi pa rin niya magawang dumilat. May kaunting tampo pa rin siyang nararamdaman sa mga magulang at hindi pa siya handang makipag-usap o bumati sa mga ito.

Narinig niya ang pagbaba ng kanyang ama. Dinig din niya ang inang abala sa pagtutupi ng mga damit. Pinilit niyang huwag dumilat. Lumikha pa siya ng pekeng paghilik para iparamdam dito na kunwari'y malalim pa ang kanyang tulog.

Hindi niya natiis ang nararamdamang ngawit sa paghiga kaya napilitan siyang gumalaw at inunat ang katawan. Tila nahalata naman ng kanyang ina ang paggalaw niya kaya tinawag siya nito. Hindi siya sumagot noong una ngunit nang sambitin nito ang kanyang pangalan nang paulit-ulit ay napilitan na siyang humarap dito at nagkunwaring bagong gising pa lang.

"Lucas, ano'ng gusto mong handa ngayon? Birthday mo na, anak."

Bigla siyang napadilat sa narinig. Napatitig siya sa kanyang ina na matamis ang pagkakangiti sa kanya. Noon lang niya naalala na kaarawan na pala niya.

"Anak, maghahanda kami ngayong birthday mo. Ano ba'ng gusto mong kainin ngayon? Sabihin mo lang para makapamalengke na kami ni Ate Marites mo."

Sumandal si Lucas mula sa pagkakahiga at napangiti. Sa tinig na iyon ng kanyang ina ay biglang gumaan ang loob niya. Nawawala ang tampo niya kapag naglalambing nang ganoon ang kanyang mga magulang.

"Inay, alam mo namang hindi ako maselan sa kahit anong ulam. Kaya kahit anong iluto n'yo okay lang `yan sa `kin," ngiting tugon niya rito.

Lumapit si Lydia sa kanya at hinawakan ang palad niya. "Anak, higit na ispesyal ang birthday mong ito ngayon dahil debut mo na… Beinte uno ka na. Ganap ka nang binata. Gusto namin maging special ang debut mo kaya napag-usapan namin ng ama mo na ihanda kung anong pagkain ang gusto mo. Kaya sabihin mo na… Sige na…"

Hindi mapigilang matawa ni Lucas sa paglalambing sa kanya ng ina. Hinaplos-haplos nito ang kanyang pisngi at hinagod pa ang kanyang ulo. Ramdam niya sa mga haplos nito ang labis na pagmamahal ng isang ina.

"Inay naman, hindi ko na masyadong iniisip ang handaan tuwing birthday ko. Ang mahalaga kasama ko kayo ni Tatay, masaya na `ko." Halos umabot sa tainga ang kanyang ngiti. "Pero sige, para makakain din tayong lahat ng masarap ngayon, payag na 'ko na maghanda tayo. Gusto ko sana `yong malaking inihaw na bangus, tapos may sawsawang toyo na puno ng sili. Pati na rin menudo tapos damihan mo ng atay at patatas. Okay na sa akin `yon, Inay." Natawa siya pagkatapos magsalita.

Lumaki rin ang ngiti ng kanyang ina. "Ikaw talaga, palaging hindi mo nakakalimutan ang inihaw na isda sa tuwing magpapaluto ka…"

"Siyempre naman po! Paborito ko 'yon, eh. Saka gusto ko ring matikman ng kaibigan ko kung gaano kayo kasarap mag-ihaw ng isda."

Nangunot ang noo ni Lydia. "Kaibigan? Sino pala ang mga bagong kaibigan mo rito, 'nak?"

"Juliet po ang pangalan niya, Inay. D'yan lang sila malapit sa 'tin. Siya 'yong palagi kong kasama sa tuwing lalabas ako ng bahay. Gusto ko sana siya imbitahan mamaya rito para kumain."

"Naku, oo! Tama 'yan! Imbitahan mo para marami tayong kakain mamaya. Mas masaya kung mas marami." Halatang sabik ang kanyang ina na makilala ang babae niyang kaibigan.

"Salamat po talaga, 'Nay!" Napayakap siya rito.

MASAYANG nagsasalu-salo sina Lucas nang tanghaling iyon kasama ang buong pamilya at ang kaibigang si Juliet pati ang nanay nito na nagpakilala sa pangalang Almira. Nasa kanilang harapan ang mga pagkaing hiniling niya para sa kanyang kaarawan na may kasama pang malaking bote ng Coke.

"Napakaganda pala talaga ng kaibigan mo, Lucas. Medyo may pagkalalaki kung manamit pero litaw na litaw pa rin ang kagandahan!" natutuwang komento ni Lydia habang nakatingin kay Juliet.

Nagtawanan naman silang lahat at masayang sumagot ang ina ni Juliet. "Dios mio! Alam n'yo ba na palagi kong pinagagalitan itong babaeng 'to na huwag magsuot nang ganito, pero ang kulit pa rin at hindi nakikinig!" natatawang sabi nito.

"Wala naman pong masama sa ganitong porma, Nanay Almira. Ang mahalaga ay iyong kabutihan ng anak n'yo." Sabay lingon ni Lucas sa ina ng kaibigan. "Napakasuwerte nga po ni Juliet dahil kayo ang naging ina niya. Madalas kasi niyang ikuwento sa akin na noong bata pa raw siya, tinuturuan n'yo na sa mga trabahong panlalaki para daw po maging malakas at matapang siya." Tumingin si Lucas kay Juliet. Gumanti naman ng titig ang babae na may kasamang ngiti.

"That's true!" pagmamalaking sagot ni Juliet at lumingon ito sa lahat. "Naniniwala kasi si Mama na kaya ring gawin ng mga babae ang ibang trabaho ng mga lalaki. Kaya nga sa bahay namin, ako na ang taga-igib ng tubig, tagapukpok ng martilyo sa mga sirang parte, tagabuhat ng mabibigat na gamit, at marami pang iba! S'yempre, mana ako kay Mama, e! We are strong. We are powerful. 'Yan ang palagi naming motto ni Mama Almira ko." Pagkasabi'y yumakap ito sa ina.

"Correct!" nakitawa rin si Marites. "Actually nga, kapag may nasisira dito sa bahay ko, si Juliet lang ang tinatawag ko para mag-ayos. Napakahusay talaga ng babaeng 'yan!"

"By the way, Ma'am Lydia and Sir Nestor, gusto ko lang po magpaalam if puwede ko ipasyal itong si Lucas mamaya." Sabay lingon ni Juliet sa lalaki.

"Talaga? Ipapasyal mo ulit ako?" ngiting tugon ni Lucas at biglang umakbay sa babae.

Nagulat si Juliet sa ginawa ng lalaki. Napatakip ito ng bibig para pigilan ang pagtawa. Tahimik na nagwala ang puso nito sa tuwa habang nakapatong ang kamay ng lalaki. Hindi nito maiwasan ang pagpula ng mga pisngi.

"Aba, puwedeng-puwede, hija! Masaya nga ako dahil nagkaroon si Lucas ng kaibigang tulad mo na masayahin at hindi nauubusan ng ngiti. Ganyan nga ang gusto ko sa isang tao, 'yong palaging nakangiti, dahil mas nakakabata ang palaging pagngiti," tumatawang sagot ni Lydia.

"Lucas, may ibibigay nga pala ako sa `yo." May kinuha sa likuran si Nestor at ibinigay sa lalaki. Isa itong maliit at kulay gintong kahon.

Pagbukas ni Lucas sa kahon, nagningning ang mga mata niya nang masilayan ang isang mamahaling relo na kumikislap-kislap pa ang gintong kulay. Agad niya itong isinuot at tinitigan nang matagal.

"Ang ganda naman nito! Ba't nag-abala pa kayo, Itay? Pinangkain na lang sana natin sa mga susunod na araw ang pinangbili n'yo rito, pero maraming salamat talaga, 'tay! The best talaga kayo!" Abot-tainga ang ngiti ni Lucas habang pinagmamasdan ang makintab niyang relo.

"Matagal naming pinag-ipunan ng nanay mo 'yan, Lucas. Gusto kasi namin na may maibigay kami sa iyo sa debut mo. Dahil mahirap lang tayo, hindi ka namin kayang bigyan ng malaking selebrasyon. Kaya naman sa ganyang paraan na lang namin idinaan, para kahit paano, maging ispesyal ang araw na ito sa `yo."

Natawa si Lucas na abala pa rin sa pagtitig sa suot na relo. "Itay naman… Palagi namang ispesyal ang araw ko basta kasama ko kayo ni Inay."

"Basta huwag ka na lang maging pasaway kapag pinagsasabihan ka namin. Para din naman iyon sa ikabubuti mo, anak."

Muling natawa ang lalaki. "Itay naman… Kahit ganoon ako minsan, mahal na mahal ko pa rin kayo!"

Ilang sandali pa, nagpalakpakan ang lahat na pinamunuan ni Marites. Umapaw ang ngiti at tawanan sa munting bahay.

NAKATAYO sa paradahan ng Jeep sina Lucas at Juliet habang nag-aabang ng masasakyan. Lingid sa kanilang kaalaman, nakatanaw sa di kalayuan si Kamatayan habang nanlilisik sa galit ang mga mata.

Naalala nito ang babaeng kasama ng lalaki. Madalas na nitong makita iyon sa bayan noon.

"Pasensiyahan tayo, brad, pero damay-damay na 'to! Ayaw ko sa lahat ay 'yong may ibang nagsisiga-sigaan dito sa teritoryo ko at kinakalaban ako. Tingnan natin kung hanggang saan ang tapang mo kapag ubos na lahat ng mga kamag-anak mo rito…" pabulong na wika ni Kamatayan sa sarili habang nakatitig nang masama sa dalawa.

NANG mapuno na ng pasahero ang Jeep ay nagsimula na itong lumarga. Magkatabi sina Lucas at Juliet sa bandang dulo malapit sa puwesto ng drayber.

Sa kalagitnaan ng biyahe, may dalagitang punit-punit ang damit na sumabit at pumasok sa Jeep. Inilapit nito ang hawak na basong plastic sa mga pasahero at nagmakaawa sa paghihingi ng limang piso habang pinupunasan ng basahan ang sapatos ng mga ito.

Dinaanan sina Lucas at Juliet ng batang iyon pero nanahimik lang sila at ibinaling sa ibang direksyon ang paningin. Tahimik lang din ang mga pasahero sa kani-kanilang mga puwesto. Tila wala sa mga ito ang may balak na maglabas ng barya.

Ilang sandali pa, biglang nagsisigaw ang dalagita at nagalit sa hindi pagpansin sa kanya ng mga tao.

"Ano ba 'yan! Limang piso na nga lang hindi pa kayo makapagbigay! Ano bang masama sa magbigay ng limang piso? E, limang piso na nga lang ang hinihingi ko, e! Masama bang manghingi ng limang piso?"

Hindi napigilan ng drayber na sagutin ang pulubing may tama sa ulo. "Hoy! Huwag kang manggulo rito! O, ito na ang limang piso mo! Bumaba ka na!"

Mabilis na kinuha ng babae ang limang piso at inilagay sa plastic na baso. Pinagmasdan nito ang barya sa baso at maya-maya'y gumuhit ang pagkadismaya sa anyo nito.

"Marami ka na rin naman yatang pera d'yan, manong, bakit hindi ka pa nagbigay ng mas malaki? Pahingi naman d'yan kahit bente lang, o! Paano ako makakabili ng pagkain kung isa lang ang nagbigay sa akin ng limang piso? Wala naman akong mabibili sa limang piso lang!" galit na sabi ng babae.

Tahimik nang nagtatawanan ang ibang mga pasahero. Sina Lucas at Juliet naman ay nagkakatinginan na lang sa bawat nagaganap.

"Aba! Binigyan ka na nga nanggugulo ka pa rin? Naku, bumaba ka na lang! Kung ayaw mong ipahuli kita sa mga pulis!" tumaas na rin ang boses ng drayber.

"Ano ba 'yan! Namamalimos na nga lang ang tao hindi pa kayo magbigay! Maaksidente sana kayong lahat! Mabangga sana itong Jeep para mamatay kayong lahat!" Mabilis na tumalon sa Jeep ang dalagita at nagtatakbo sa kalsada.

Nalukot ang noo ni Lucas sa nangyari. Ang ibang mga pasahero naman ay tuluyang nagtawanan. Napatingin siya kay Juliet. Gumanti naman ito nang tingin sa kanya habang tumatawa.

"Masanay ka na rito, Lucas… Ako sanay na sanay na ako sa ganyang mga eksena rito sa Jeep. Marami talagang mga sigang pulubi rito!" pabulong na sabi nito sa kanya.

To Be Continued…