MAG-ISANG naglalakad si Lucas papunta sa bayan para bumili ng ulam. May pasok nang araw na iyon si Juliet kaya mainit muli ang ulo niya dahil walang makausap at makasama. May tampo pa rin siya sa mga magulang at wala pa siyang balak na kausapin ang mga ito. Sa katunayan, si Marites dapat ang bibili ng ulam pero ibinoluntaryo na lang niya ang sarili na magpunta sa bayan para lang makalabas siyang muli.
Kasalukuyan siyang naglalakad patungo sa karinderya nang may humila sa kanyang damit sa likuran. Paglingon ay nakita niyang muli ang batang lalaking namalimos sa kanila noong isang araw.
"Ikaw na naman?" Hinila niya ang kanyang damit hanggang sa mabitawan iyon ng bata.
Nagpakawala ng nanunuksong ngiti ang bata at tumitig nang nakaiinsulto sa kanya. "Matapang ka ba? Suntukan na lang tayo!" hamon nito sa kanya.
Natawa siya at gumanti ng mapanuksong titig. Inangasan niya ito at tinakot gamit ang mga kamao niya. "Ako pa ang hahamunin mo? Ano ba'ng laban mo sa 'kin? Baka gusto mong umiyak ulit!" banat niya rito.
May dinukot sa bulsa ang bata at mabilis na ibinato sa kanyang mukha. Nagulat siya at napaatras. Mabilis siyang napahawak sa mukha at napapikit sa sobrang sakit. May nakapa siyang dugo mula sa kanyang noo na malapit sa kilay.
Paglingon niya sa bata, muli itong dumukot ng mga bato sa bulsa. Ang iba roon ay bahagyang matutulis ang mga hugis at sadyang nakakasugat. Bago pa man siya nakagawa ng aksyon, agad nang ibinato sa kanya ng bata ang mga batong iyon. Yumuko siya at ginawang panangga ang mga kamay habang umaatras.
Nanggigil ang mga kamao niya. Namula ang kanyang mukha at nanlisik ang mga mata. Nilapitan niya ang bata para sugurin ngunit mabilis itong kumaripas ng takbo. Nagpakawala siya ng malutong na mura at hinabol niya ito. Nagwawala ang dibdib niya sa galit habang tumatakbo. Para siyang leyon na uhaw lumapa ng biktima.
Dumaan ang tumatakbong bata sa isang iskinita. Mabilis namang nakasunod doon si Lucas at nagpalinga-linga sa paligid. Naisipan niyang lumiko sa kaliwang direksyon dahil hindi niya nakita ang bata sa diretsong bahagi ng daan.
Napahinto siya sa pagtakbo nang may sumalubong sa kanya na grupo ng mga lalaking malalaki ang braso at puno ng burda ang katawan. Isa-isa niyang tinitigan ang mga ito hanggang sa masilayan niya ang isang pamilyar na mukha. Bahagya siyang napaatras nang masilayan sa kanyang harapan si Kamatayan! Nasa likuran naman nito ang batang lalaki na nakatitig sa kanya habang tumatawa.
"Ito ba 'yong sinasabi mong nanuntok sa `yo?" tanong ni Kamatayan sa kapatid.
"Opo, Kuya. Siya nga po 'yan!"
Napako ang mga paa ni Lucas sa kinatatayuan. Napalitan ng takot ang galit na kanina'y nararamdaman niya. Lalong kumabog nang malakas ang dibdib niya habang hinihingal siya sa pagod.
"Bago ka lang ba rito?" tanong ni Kamatayan at bahagyang lumapit sa kanya.
"Oo, bakit?" mahinahong sagot niya. Pilit niyang nilalakasan ang loob.
"Ano ba ang problema mo sa kapatid ko at bakit sinuntok mo raw?"
"Siya naman kasi ang nauna. Pinalo niya 'yong kasama ko dahil lang hindi siya binigyan ng limos. Pagsabihan mo 'yang kapatid mo at turuan ng tamang asal. Mali kasi ang ginagawa niya."
Tumawa si Kamatayan at muling lumapit sa lalaki. Sa pagkakataong iyon, magkadikit na ang dibdib nilang dalawa.
"Brad, mukhang hindi mo pa yata kami kilala. Teritoryo namin ang buong lugar na ito. Gagawin namin kung ano ang gusto namin at hindi kami puwedeng turuan ng kahit na sino." Bahagyang idinikit ni Kamatayan ang mukha niya sa lalaki at nagpakawala ng nagbabantang titig.
Biglang nawala ang takot na kanina'y nararamdaman ni Lucas. Muling naghari ang galit sa kanyang pagkatao. Ayaw na ayaw niya sa lahat ang pinagsasalitaan nang ganoon at tinuturin na parang maliit na nilalang.
"Ibig mong sabihin, kahit mali ay gagawin n'yo?" Naningkit ang mga mata ni Lucas. "Paano mo naman nasabing sa inyo itong lugar? Balita ko nga iniwan ka na ng mga kamag-anak mo dahil wala nang may gusto sa `yo." Nagpakawala siya ng mapanuksong tawa.
Nagbago ang timpla ng mukha ni Kamatayan sa narinig. Hindi siya makapaniwalang may alam ang lalaki tungkol sa buhay niya.
"Hindi ko gusto ang tono ng pananalita mo. Wala kang alam sa mga nangyayari dito. Hindi mo pa yata nakita 'yong mga taong ibinigti namin nang patiwarik. Gusto mo pa bang humaba ang buhay mo? O gusto mong hindi na masikatan ng araw?" nanggigigil ang mga labi ni Kamatayan. Nakatapat ang bibig nito sa tainga ng lalaki.
Itinapat din ni Lucas ang bibig niya sa tainga ni Kamatayan. "Mahaba pa talaga ang buhay ko dahil wala akong bisyo. Hindi ako naninigarilyo, hindi ako umiinom, hindi ako nagdodroga, at higit sa lahat, hindi ako nakikipagtalik kung kani-kaninong mga babae. Kaya naman hahaba pa talaga ang buhay ko. Ikaw rin, subukan mo ring tumigil sa bisyo mo. Baka sakaling humaba pa ang buhay mo." Nakangiting tinalikuran niya ito at walang pag-aalalang lumakad palayo.
Hindi nakakibo si Kamatayan sa kinatatayuan habang pinagmamasdan ang papalayong lalaki. Matalim ang mga mata niya habang nanggigigil ang mga labi. Nilapitan ito ng mga tauhan at tumingin din sa lalaki.
"Ano, boss, hahabulin na ba namin 'yon?" tanong ni Bernard at ipinatong ang kamay nito sa balikat ng amo.
"Manmanan n'yo 'yong ugok na 'yon. Dalhin n'yo sa `kin mamayang gabi, pero huwag n'yo munang papatayin. Gusto ko, ako mismo ang tatapos sa kanya! Maliwanag?"
"Yes, boss!" sagot ni Bernard.
Tumango naman ang ibang mga tauhan. Nagkaisa silang lahat sa bagong misyon—ang ligpitin si Lucas!
NAPASUBO si Lucas sa paglalaro ng League of Legends sa internet shop. Hindi niya namalayang alas-otso na pala ng gabi. Kahit galit pa siya sa mga magulang, takot pa rin siyang mapagsabihan muli ng mga ito. Kaya naman dali-dali siyang tumayo at nagbayad ng oras sa may-ari.
Habang siya'y pauwi, isang eksena ang humarang sa kanyang nilalakaran. Dalawang babae ang nagsasabunutan sa gitna ng daan. Halos magkasugatan na ang mga ito. Gumulong-gulong pa sa lupa ang dalawa habang nagkakalmutan. Halos mapunit na rin ang suot na mga damit.
Hindi siya nakakibo sa kinatatayuan. Gumuhit ang pagkadismaya sa kanyang anyo habang pinagmamasdan ang mga tao na walang ibang ginagawa kundi ang manood at magpustahan sa halip na awatin ang dalawang babae. Ang iba sa mga ito ay ni-record pa sa video ang naturang away gamit ang cellphone.
Ilang minuto na siyang nakatayo at naghihintay na matapos ang kaguluhan. Sa dami ng mga taong nanonood ay hindi siya makasingit sa mga ito. Napakamot na lang siya sa ulo at nalukot ang mukha sa labis na pagkadismaya.
Naisipan niyang bumalik na lang sa bayan para dumaan sa isa pang shortcut na pauwi sa kanila. Sa Brgy. Medusa siya dinala ng mga paa. Ayaw muna sana niyang dumaan doon dahil sa nangyaring krimen, pero iyon na lang ang puwede niyang daanan para makauwi agad.
Nakabibingi ang katahimikan sa buong paligid. Sira ang mga ilaw sa poste kaya naghari ang kadiliman sa buong kalsada.
Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad, nakarinig siya ng mga yabag ng paa sa kanyang likuran. Nagdalawang isip siyang lingunin iyon at binilisan na lang niya ang paglakad. Subalit napansin niyang bumilis din ang mga paa sa kanyang likuran na animo'y nakikisabay sa kanyang bilis.
Doon na siya napilitang lumingon sa likuran. Bahagya siyang nagulat nang masilayan ang pamilyar na anyo. Isa iyon sa mga tauhang nakita niyang kasama ni Kamatayan kaninang umaga. May hawak itong baril at nakatutok sa kanya.
Biglang nagsalita ang tauhan. "Kung ayaw mong sumabog ang mukha mo, sumama ka ngayon sa akin! Kung hindi, mapipilitan akong iputok sa `yo 'to!"
Hindi siya nakakilos sa kinatatayuan. Medyo malayo ang distansya nito sa kanya kaya hindi niya maaagaw ang baril nito. Itinaas na lang niya ang dalawang kamay bilang tanda ng pagsuko.
"Ano ba ang kailangan n'yo sa akin? Wala naman akong ginagawang masama sa inyo, 'tol. Huwag mo naman sanang gawin 'yan. Pabayaan n'yo na lang ako," pagmamakaawa niya rito.
Tumawa lang ang tauhan. "Hindi uso ang ganyan sa amin! Sa oras na hatulan ka ng kamatayan ni Boss, wala ka nang magagawa!"
Biglang may dumaan sa paanan ng tauhan na labis nitong ikinagulat. Sa sobrang pagkabigla ay nabitawan nito ang hawak na baril.
Nagulat si Lucas nang tumambad sa kanyang harapan ang berdeng ahas. Nagtaka siya kung ano ang ibig sabihin ng mga titig nito sa kanya. Di nagtagal, tila nakuha na niya kung ano ang nais nitong ipahiwatig.
Dinampot niya ang ahas at ipinatong sa kanyang balikat. Nilapitan niya ang tauhan at tinitigan ito nang masama. "Paano kaya kung ikaw ang hatulan ko ng kamatayan? Gusto mo bang bumula ang bibig mo at pagkaguluhan ng mga tao ang bangkay mo?"
Nanlaki ang mga mata ng tauhan nang makita ang ahas na unti-unting bumababa sa balikat ng lalaki. Nanginginig ang mga tuhod na tumayo ito at kumaripas nang takbo na parang batang hinahabol ng aso.
Gumuhit ang mapanuksong ngiti sa mga labi ni Lucas habang pinagmamasdan ang lalaking takot na takot habang tumatakbo.
"BAKIT ka naman kasi sumugod nang ikaw lang mag-isa? Ang sabi ko, kayong tatlo nina Naldo at Bernard ang dudukot sa kanya! Bakit ba ang hilig mong magsolo, Tasyo?" galit na sabi ni Kamatayan sa tauhang si Tasyo na nanginginig pa rin sa takot. Nasa labas siya ng bahay pati ang buong grupo at doon nag-iinuman.
"May ahas kasi kanina, Boss! M-may sumugod na ahas! Tapos lumapit siya roon sa lalaki! Magkakampi sila no'ng ahas! Papatayin nila ako! Wala na akong nagawa! A-ayaw kong matuklaw ng ahas!" nanlalaki ang mga matang pahayag ni Tasyo. Kumukumpas-kumpas pa ang mga kamay nito habang ikinukuwento ang mga nangyari.
Nangunot ang noo ni Kamatayan sa narinig. Hindi niya alam kung matatawa o maiinis ba siya sa sinabi nito. Nagtawanan naman ang ibang mga tauhan.
"Nabubuang ka na naman ba, Tasyo? Anong ahas ang pinagsasasabi mo d'yan? Baka naman 'ahas' lang ng lalaking 'yon ang nakita mo! Baka nagpatuklaw ka lang sa 'ahas' niya kaya ka pawis na pawis nang ganyan! Ano, masarap ba? Malaki ba 'yong 'ahas' niya?" biro ni Bernard sabay tawa nang malakas. Ibang 'ahas' ang nasa isip nito.
"Gago! Hindi ako pumapatol sa kapwa ko lalaki! Huwag mong ipasa sa `kin ang gawain mo!" Nakuha pang sakyan ni Tasyo ang biro ng kaibigan sa kabila ng takot na nararamdaman.
"Tama na 'yan mga ungas! Basta bukas, kailangan hawak na natin ang lalaking 'yon! Siguraduhin n'yong hindi kayo papalpak! Maliwanag?" ani Kamatayan sa mga tauhan.
Tumango naman ang mga ito at nagpatuloy sa pag-iinuman.
To Be Continued…