Chereads / TUKLAW / Chapter 9 - Chapter 8

Chapter 9 - Chapter 8

MULING nanumbalik ang init ng ulo ni Lucas pagkauwi sa bahay. Magkakasunod na sermon ang agad na inabot niya sa mga magulang. Pinagalitan siya ng mga ito dahil lampas alas otso na ng gabi nang siya'y makauwi.

"Gusto mo bang matulad doon sa dalawang lalaking pinatay ng mga sindikato?" Nakatapat sa kanya ang hintuturong daliri ng kanyang ina. Nasa kuwarto na sila nang mga sandaling iyon. Nakahiga na siya habang ang ama at ina niya ay nakasandal pa rin sa kanyang tabi at abala sa pagbubunganga.

"Tandaan mo, Lucas, hindi tayo tagarito! Hindi natin kilala ang mga tao rito! Si Ate Marites mo lang ang kamag-anak natin dito! Walang ibang puwedeng tumulong sa atin dito kapag ikaw naman ang napagdiskitahan ng mga masasamang loob! Nakakahiya kay Ate Marites mo! Baka madamay pa siya kapag nagkaroon ka ng kaaway rito!" anang ina niya. Bakas sa mukha nito ang magkahalong galit at pag-aalala.

"Ikaw na lalaki ka, habang lumalaki ka lalo kang nagiging siga!" ang ama naman niya ang nagpakawala ng sermon. "Alam mo na ngang may sakit ang nanay mo tapos pag-aalalahanin mo pa nang ganyan? Wala ka na ngang trabaho, puro sakit pa ng ulo ang binibigay mo!" nanggigigil ang boses nito na parang gustong lumamon ng tao.

Dahil sa pagbanggit ng ama niya tungkol sa trabaho, bahagyang lumakas ang pagkabog ng kanyang dibdib sa galit. Naramdaman niya ang pagbigat ng kanyang mga kamao na parang gustong magwala. Hindi niya matanggap ang pagkaka-reject sa kanya sa mga inaplayang trabaho noong isang araw kaya labis siyang na-depress doon. Iyon ang nagtulak sa kanya para huminto sa paghahanap ng iba pang trabaho dahil sa takot na ma-reject muli.

Hindi niya napigilang sagutin ang kanyang ama bagama't natatakot siyang makipagsagutan dito. "Kung ayaw n'yong nagkakasakit dahil sa pag-aalala sa akin, sana itigil n'yo na ang pag-iisip n'yo nang ganyan! Malaki na `ko! Kaya ko na ang sarili ko! Hindi ako takot lumaban sa mga masasamang tao! Ang problema kasi sa inyo, kayo lang din ang nag-iisip ng mga ikasasakit ng ulo n'yo!" pagkasabi niya roon, agad siyang nagsisi kung bakit pa niya iyon hinayaang lumabas sa kanyang bibig.

Lalong tumaas ang boses ni Nestor. "Aba! Tarantado ka talaga, 'no?" halos sumigaw na ito. "Saan mo ba nakukuha ang lakas ng loob mong sagutin kami ng ganyan? Gusto mo bang ibalik kita sa basura kung saan kita napulot?" Naramdaman niyang bumangon ito para suntukin siya, pero inawat lang ito ng kanyang ina.

"Tama na `yan! Nakakahiya kay Marites pati sa mga kapitbahay!" tumaas na rin ang boses ng kanyang ina. "Lucas, tumigil ka na! Huwag kang sumagot sa mga magulang mo! Tandaan mo, kung hindi dahil sa amin, hindi mo mararanasang magkaroon ng magulang!"

Sa sinabing iyon ni Lydia ay umurong na ang dila ni Lucas. Ang dami niyang nais sabihin pero hindi na niya magawa. Gusto niyang sumagot at isigaw ang kanyang nararamdaman pero hindi niya alam kung sa anong paraan. Halos maiyak na siya sa sobrang galit pero pinipigilan lang niya.

Tumalikod siya nang pagkakahiga at nagtakip ng unan sa kanyang mukha. Noon lang niya napagtanto ang naging epekto ng mga salitang lumabas sa kanyang bibig. Pakiramdam niya'y nasira ang buong araw niya dahil sa pakikipag-away sa mga magulang. Magdamag siyang gising habang pinahihirapan ng mabigat na kalooban.

Kinabukasan ay tinawag ni Lucas si Juliet sa bahay nito. Holiday ang araw na iyon kaya alam niyang walang pasok ang babae.

Pagbukas ng yerong pinto, tumambad sa harap niya si Juliet na mukhang bagong gising pa lang. Bagamat may muta pa ito sa mga mata, nagawa pa nitong ngumiti at bumati sa kanya. "Lucas! Why are you here?"

Muli niyang nasilayan ang matamis na ngiti ng babae. Dahil doon, hindi niya napigilang mapangiti na rin. Bigla na lang gumaan ang kanyang kalooban. Parang nawawala ang kanyang problema kapag nasisilayan niya ang mga ngiti nito.

"Juliet, puwede mo ba ako samahan ngayon?" diretsahang tanong niya rito.

"Naku naman! Kagigising ko lang kasi, e! Puwede bang mamayang konti na lang? Hindi pa man kasi ako nakakapag-almusal."

Napakamot nang ulo si Lucas. "Bakit naman kasi ngayon ka lang nagising? Tanghaling tapat na, o!"

"Wala naman kasing pasok ngayon kaya ang sarap matulog! Ngayon lang nga ako nakatulog nang mahaba, e. Palagi kasi ako nagigising nang maaga para pumasok."

"Sige kumain ka na muna at maghihintay ako rito. Pagkatapos mo alis na tayo agad, ha?"

Natawa ang babae at pabirong sumimangot sa kanya. "Ayan na naman ang kakulitan mo… Hindi na! Nagbago na ang isip ko. Sa labas na lang ako kakain. Wait lang magbibihis muna ako at sasamahan na kita. Masaya ka na po?"

"Sige! Sige! Bilisan mo!" parang batang sabik na sabik.

Sinahaman ni Lucas ang babae sa isang karinderya sa bayan. Katatapos lang niya mananghalian pero napilitan siyang kumain muli dahil nagyaya ang babae. Nakasanayan na niyang hindi tumanggi sa tuwing aalukin siya nito ng kahit ano.

"Ano ba kasi ang gagawin natin ngayon? Saan ka ba pupunta?" tanong ni Juliet sa kanya. Magkaharap sila sa isang lamesa.

"Wala naman. Samahan mo lang sana ako maglibot ulit. Bad trip kasi ako ngayon sa bahay at gusto kong makalimot." Naubo pa si Lucas pagkatapos magsalita.

Napatingin si Juliet sa labas. Nakita nitong makulimlim ang kalangitan. "Kung sa bagay, wala namang araw ngayon kaya masarap maglakad. Kaso nga lang mukhang uulan naman!"

Napatingin din si Lucas sa labas. "Naku, oo nga! Paano na kaya nito?"

"Don't worry! Magpalamig na lang ulit tayo sa mall. Ako na ang bahala sa pamasahe natin. Basta bilisan na lang natin dito para hindi tayo abutan ng ulan." Ngumiti ang babae at nagpatuloy sa pagkain.

Paglabas nila ng karinderya, may isang batang lalaki ang humarang sa kanila. May dala itong laruang batuta at nakalatag ang palad sa kanilang harapan. "Kahit magkano lang pahingi naman." Halata sa boses nito ang pagkasiga.

"Wala kaming pera!" pasigaw na tugon ni Juliet sa batang masama ang titig sa kanila.

Sumimangot ang bata. "Ano ba 'yan! Kahit magkano lang wala kayong maibigay? Kagagaling n'yo lang d'yan sa loob ng kainan! Imposibleng wala kayong pera!" tumaas ang boses nito na parang matanda kung magsalita.

"Aba!" Nagtaas ng kilay si Juliet. "How dare you! Ang kapal naman ng mukha mong sabihan kami ng ganyan! Ikaw na nga ang nanghihingi, ikaw pa ang matapang? Loko kang bata ka! Nasaan ba ang parents mo?"

Nagulat silang dalawa sa sumunod na ginawa ng bata. Bigla nitong ipinalo ang batuta sa kaliwang braso ni Juliet. Napaatras ito at napasigaw.

Tumalim ang mga mata ni Lucas. Inagaw niya ang batuta sa bata at itinapon sa malayo. Wala nang salita ang lumabas pa sa kanyang bibig. Agad niyang sinuntok ang bata sa mukha. Pagkatapos ay pinagsasampal pa niya ito sa bibig at itinulak sa daan. Mabilis naman siyang inawat ni Juliet at hinila palayo sa bata.

Nang matumba ang bata sa lupa, napahawak ito sa bibig at mabilis na lumabas ang luha sa mga mata. "Isusumbong kita!" Kumaripas ito nang takbo habang humahagulgol ng iyak.

"Hey! Huwag mo nang patulan `yon! Bata lang `yon! Relax ka lang!" sabi sa kanya ni Juliet habang nakahawak ito sa mga balikat niya.

"Walang bata-bata sa akin! Dapat lang sa kanya 'yon, aba! Kulang pa nga 'yon, e! Kung sa akin lang niya ginawa 'yon ewan ko na lang kung saan siya pupulutin!" nanggigigil ang tinig ni Lucas. Uhaw na uhaw kanyang mga kamao na tila nabitin pa sa ginawa kanina.

"Naku! Umalis na nga tayo at baka mapaaway ka pa rito! Tara na! Tara na!" At hinila na siya paalis ng babae.

Habang naglalakad sa loob ng mall, parehong kumakain ng ice cream sina Lucas at Juliet. Sinabi ng babae na kapag mainit daw ang ulo nito, kumakain lang ito ng ice cream para mawala ang bigat na nararamdaman. Mukhang epektibo naman iyon kay Lucas, dahil habang tumatagal ay muling gumagaan ang kanyang pakiramdam.

"Salamat talaga, Juliet." Nilingon ni Lucas ang babae. Ngumiti lang ito sa kanya at nagpatuloy sa kinakaing ice cream.

LUMABAS ng bahay si Kamatayan at umihi sa gilid ng pader. Sira ang banyo sa loob kaya hindi nila magamit iyon. Abala naman sa pag-iinuman ang kanyang mga tauhan habang nanonood ng porn movies sa DVD.

Pagkasara niya sa zipper, babalik na sana siya sa loob nang makita sa di kalayuan ang isang batang lalaki na tumatakbo patungo sa kanyang kinaroroonan. Kilala niya ang bata; ito ang bunsong kapatid niya. Nang makalapit na ito ay doon lang niya napansin na umiiyak ito.

"Kyle, bakit ka umiiyak? Ano'ng nangyari sa `yo?" salubong na tanong niya rito at inakbayan.

"May sumuntok po sa akin, Kuya!" tumatangis na sagot ng madungis na bata.

"Ano? Sino? Saan?" Nangunot ang noo ni Kamatayan.

"Doon po sa karinderya ni Aling Nelia." Pinunasan nito ang luha sa mga mata gamit ang likod ng palad.

"Hayaan mo na. Reresbakan na lang natin 'yon kapag nakita mo ulit," tugon niya rito. "Ano, may nakolekta ka ba ngayon?"

Inilabas ng batang lalaki mula sa bulsa ang barya-baryang nakuha nito sa pangongotong sa mga Jeepney drivers. Agad itong kinuha ni Kamatayan at ibinulsa, pagkatapos ay pinapasok niya ang bata sa loob ng bahay.

To Be Continued…