Chereads / TUKLAW / Chapter 12 - Chapter 11

Chapter 12 - Chapter 11

INABOT ng dilim sina Lucas bago naisipang umuwi. Lampas alas-siete na ang oras sa kanyang relo. Sila na lang ni Juliet ang makikita sa kalsada. Walang mga bahay sa parte ng lugar na kanilang nilalakaran. Tanging mga puno at damo lamang ang kasama nila sa paligid.

Nagtatawanan pa sila ng babae habang naglalakad nang may humintong sasakyan sa harapan nila. Lumabas mula roon ang apat na kalalakihan at mabilis na dumukot ng kani-kanilang baril sa bulsa.

Naalarma si Lucas nang makita ang mukha ng mga ito. "Juliet…" Agad niyang hinila ang babae patungo sa kanyang likuran para ito'y protektahan. "M-mga tauhan ni Kamatayan!"

Nagulat din si Juliet. Humigpit ang hawak nito sa braso ng lalaki. "Tumakbo na tayo!"

"Huwag!" bulalas ni Lucas. "May mga baril sila! Hindi tayo basta-basta makakatakbo!" pabulong na sabi niya nang mahalatang nakikinig ang mga lalaki sa kanila. Tumatawa pa ang mga ito habang nanunukso ang mga matang pinagmamasdan sila.

"Ano na lang ang gagawin natin?" Bakas sa mukha ni Juliet ang pangamba. Umaatras kada segundo ang mga paa nito.

Tinanggal ni Lucas ang pagkakahawak ng babae sa kanyang mga braso. Matapang siyang humarap sa apat na lalaki at itinaas ang mga kamay.

"Hindi kami tatakbo," Nagpakawala siya ng malalim na paghinga, "pero kung talagang matapang kayo, lalabanan n'yo ako nang hindi gumagamit ng baril. Kung matalo n'yo 'ko, sige magpapadakip kami. Pero kung matalo ko kayo, hindi n'yo na kami puwedeng galawin. Ano na?"

"L-Lucas…" Larawan ng pag-aalala si Juliet. Nais niyang pigilan ang lalaki ngunit tila hindi ito magpapaawat.

"Aba! Nanghahamon ang isang ito! Pagbigyan na natin! Wala namang binatbat sa atin 'to, e!" anang isang tauhan. Sumang-ayon ang lahat. Nais patunayan ng mga ito na kayang lumaban sa kahit anong paraan.

Sumugod ang dalawang lalaki sa kanya habang ang dalawa naman ay mabilis na lumapit sa babae.

Nagpakawala ng sunod-sunod na suntok ang dalawang tauhan. Ginawa namang panangga ni Lucas ang kanyang mga kamay, pagkatapos ay bumuwelto siya ng sipa sa isa. Nang mapaatras ito, pinagsusuntok niya ito sa mukha at hinila palapit sa kanya, pagkatapos ay buong lakas na itinulak niya ito sa isa pang tauhan. Parehong natumba ang dalawa.

Mabilis na tumayo ang pangawalang lalaki. Nagpakawala ito ng mga suntok ngunit lahat iyon ay nailagan niya. Siya naman ang gumanti ng suntok. Siniguro niyang hindi makakaiwas ang lalaki sa mga atakeng pinakawalan niya. Sinipa muna niya ito sa tuhod hanggang sa mapaluhod. Pagkatapos ay pinagsasapak niya ito at sinipa nang dalawang beses sa ulo. Tuluyang natumba ang lalaki.

Pagharap ni Lucas sa babae, gulat na gulat siya sa nasaksihan. Namangha siya nang makita kung paano ito makipaglaban.

Sinakal si Juliet ng isang tauhan gamit ang siko nito. Agad niyang kinagat ang kamay nito hanggang sa kusa itong bumitiw sa kanya. Pagkatapos ay mabilis niyang hinawakan ang kamay at binaluktot. Napasigaw sa sakit ang tauhan.

Mabilis niya itong siniko sa mukha at pagkatapos, pinagsusuntok niya ito sa ulo. Nagpakawala rin siya ng ilang sipa sa tiyan nito hanggang sa bumagsak na sa lupa ang katawan nito.

Ang pangalawang lalaki naman ang umatake at nagpakawala ng malakas na sipa sa kanyang likod. Nang mawalan ng balanse, mabilis niyang inilapag sa lupa ang dalawang palad kaya hindi siya tuluyang natumba.

Pagkatayo, buong lakas na tumalon siya sa ere at sinipa sa mukha ang lalaki. Mabilis itong natumba sa lupa at halos mapatiran ng hininga. Sinamantala niya ang pagkakataon. Pumaibabaw siya rito at binagsakan ng magkakasunod na suntok, sipa, tadyak, at sampal ang lalaki hanggang sa ito na mismo ang sumuko.

Nanghihina ang apat na tauhan. Halatang hindi na nila kayang lumaban.

Hindi naiwasan ni Lucas ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso sa tuwa. Napangiti siya nang magtagpo ang mga mata nila ng babae. Hindi siya makapaniwalang mahusay rin pala ito sa pakikipaglaban.

Akmang lalapit na siya rito nang biglang dumagundong sa paligid ang tunog ng isang baril. Pareho silang nagulat ng babae. Ilang sandali pa, unti-unti itong napaluhod habang nakatingin sa kanya. Hanggang sa dahan-dahan itong bumagsak sa lupa. Nasindak ang mga mata niya nang makita ang tama ng baril sa likod nito.

"Juliet!" pasigaw na sambit niya at mabilis na nilapitan ang babae.

"Umpisa pa lang 'yan… Hindi pa tayo tapos, ungas!" Isang tinig ang umagaw sa atensiyon ni Lucas. Nagulat siya sa nakita.

Lumabas si Kamatayan na kanina pa nagtatago sa likod ng malaking puno. Akmang babarilin na rin niya ang lalaki nang maaninag ang paparating na tricycle. Mabilis niyang ibinulsa ang baril at kumaripas ng takbo.

"May araw ka rin sa akin!" nanggigigil na sigaw ni Lucas, at muling ibinalik kay Juliet ang atensiyon.

Isinandal niya sa kanyang braso ang ulo ng babae at banayad na hinaplos ang pisngi nito.

"Huwag kang bibitaw, Juliet. Ako'ng bahala sa `yo!" Mabilis niya itong binuhat at nilingon ang paparating na tricycle. Kusa naman itong huminto na marahil ay nakita na ang kalagayan ng kanyang kasama. Tinulungan siya ng drayber na itakbo sa pinakamalapit na ospital ang babae.

Pagkauwi ay agad niyang ibinalita sa mga magulang at sa ina ni Juliet ang nangyari. Mangiyak-ngiyak si Aling Almira at halos hindi makahinga. Gulat na gulat din sina Lydia at Nestor. Napatakip naman ng bibig si Marites na parang gusto ring umiyak.

"Dito na lang po kayo. Sasamahan ko lang po si Nanay Almira sa ospital. Kaya ko na po ang sarili ko kaya huwag na po kayong mag-alala sa akin. Mag-iingat naman din po kami." Mabilis na yumakap si Lucas sa mga magulang at kay Marites, pagkatapos ay umalis na sila ni Aling Almira.

"Nanay Almira, nanghihingi po ako ng tawad sa nangyari. Kung hindi lang kami nagpagabi ni Juliet, hindi sana mangyayari ito." Nakatayo si Lucas sa tabi ng ginang habang pinagmamasdan ang nakahigang babae. Natanggal na ang bala sa katawan nito at nasa maayos na rin ang kalagayan ayon sa duktor. Hinihintay na lang na magkamalay itong muli.

"Huwag mong sisihin ang sarili mo, hijo. Pareho ninyong hindi ginusto ang nangyari. Mga biktima lang din kayo. Marami lang talagang patayan sa lugar na ito kaya sa susunod ay doblehin n'yo ang pag-iingat." Panatag na ang loob ni Aling Almira dahil mabuti na ang kalagayan ng anak. Nakaupo ito sa tabi ng babae habang hawak ang kanang kamay nito.

Bumalik sa alaala ni Lucas ang ginawang pagbaril ni Kamatayan sa kanyang kaibigan. Nanlisik ang mga mata niya habang nakatitig sa malayo. Hindi niya palalampasin ang ginawa ng lalaki. May naisip na siyang paraan kung paano makakaganti. Mabilis siyang nagpaalam kay Aling Almira at sinabing babalik na lang bukas ng maaga.

Nagtungo siya sa isang madamong parte ng lugar kung saan tahimik at walang makakakita sa kanya. Pabulong na tinawag niya ang berdeng ahas habang nililibot nang tingin ang paligid. Hindi siya siguradong magpapakita ito roon subalit nagbakasakali siyang maririnig nito ang kanyang panawagan.

"Mahiwagang ahas… Kung nasaan ka man, puntahan mo 'ko ngayon din! Kailangan ko ang tulong mo!"

Nahinto siya sa pagsasalita nang makaramdam ng pamamanhid ng mga paa. Natumba siya sa lupa at hindi na makabangon. Kinabahan siya. Hindi na niya maramdaman ang kanyang mga binti. Pakiramdam niya'y patay na ang kalahati ng kanyang katawan.

Umagaw sa atensyon niya ang ingay na tila gumagapang sa paligid. Naging malikot ang mga mata niya nang makita ang paggalaw ng mga damo. Nagulat siya nang bumulaga sa kanyang paanan ang berdeng ahas.

Agad niya itong kinausap. "B-bakit ganito… Bakit hindi na ako makatayo? P-paano ko pupuntahan ang mga bumaril sa kaibigan ko?" Bakas sa kanyang anyo ang labis na pagkasabik makaganti.

Nagulat siya sa boses na narinig sa isip. May ilang segundong natikom ang kanyang bibig. "A-ano? Anong magpapalit ng anyo? Ito na ba yo—" Naputol ang sinasabi niya nang bigla siya nitong talikuran at gumapang palayo. Tinawag niya itong muli ngunit hindi na ito nagbalik pa.

Ayon sa ahas, iyon na raw ang itinakdang oras sa paglitaw ng tunay niyang pagkatao. Gamitin daw niya ang bagong anyo para gantihan ang mga nang-aapi sa kanya. Marami pa siyang mga katanungan ngunit hindi na siya nakapag-isip nang manigas ang buo niyang katawan.

Doon nagsimula ang lahat…

Naging paralisado ang buo niyang pagkatao. Gising pa ang kanyang diwa ngunit hindi na niya maramdaman ang sariling katawan. Pakiramdam niya'y nakalutang na lang siya sa hangin. Hindi na niya alam kung ano ang nangyayari sa paligid at sa kanyang sarili.

Unti-unting lumobo ang kanyang mga binti hanggang sa mawasak ang pantalon na kanyang suot. Dahan-dahang nagdikit ang kanyang mga paa at agad itong humaba hanggang sa maging buntot.

Ang maputi niyang balat ay naging berde at tinubuan ng mapupulang mga ugat. Kumapal ang balat sa kanyang mukha at tinubuan ng matitigas na mga bukol. Umabot hanggang tainga ang laki ng kanyang bibig at sunod-sunod ang paglabas ng matutulis na mga pangil. Hindi na siya makilala sa ganoong kalagayan.

Sa pagkakataong iyon ay nagbalik ang pakiramdam niya sa sariling katawan. Pagdilat ng mapupulang mga mata, gumuhit ang mabangis na anyo sa kanyang mukha. Nagsimula siyang gumapang habang inaamoy ang lupa. May narinig siyang boses sa isip na nagsasabing sundan niya ang amoy na iniwan ng berdeng ahas.

Kasing bilis ng tren ang paggapang niya. Nag-iwan ng bakas sa lupa ang dinaanan ng mahaba niyang buntot. Lumikha pa iyon ng kaunting pagyanig na naramdaman ng mga ligaw na hayop sa paligid kaya nagsitakbuhan ang mga ito.

To Be Continued…