Chereads / TUKLAW / Chapter 15 - Chapter 14

Chapter 15 - Chapter 14

KASAMA si Lucas sa paghatid kay Juliet sa bahay nito. Hanggang sa loob ng kuwarto ay sinamahan ng lalaki ang babae.

"Gusto mo bang kumain?" tanong ni Lucas dito at dahan-dahang inihiga sa papag.

"Busog ako. Salamat na lang, Lucas." Itinayo ni Juliet ang isang unan sa dingding at doon sumandal.

"Kung may kailangan ka, nandito lang ako sa tabi mo. Hindi kita iiwan dito hangga't hindi ka pa magaling."

Natawa ang babae sa narinig. Ayaw niyang kiligin pero iyon ang nararamdaman niya. "Ano ka ba naman, Lucas. Magaling na ako! Medyo mabigat lang ng konti ang katawan ko pero I feel better now. Nothing is to worry about!"

"Ikaw lang ang kaibigan ko, Juliet. Ayaw kong may masama pang mangyari sa 'yo. Kaya mula ngayon poprotektahan na kita palagi."

Ngingiti na sana si Juliet nang mahagip ng mga mata niya ang kanyang inang nakatayo sa harap ng pintuan. Nakatitig ito kay Lucas na marahil ay narinig din nito ang sinabi ng lalaki. Ngumiti pa ang nanay niya sa kanya bago ito umalis sa pintuan.

Napapikit na lamang si Juliet sa pagpipigil ng tawa. Sigurado siyang nakahalata rin ang nanay niya sa labis na paglalambing sa kanya ng lalaki.

"Nandito naman ang nanay ko, eh. Hindi ako mawawalan ng kasama rito. Basta umuwi ka rin sa inyo dahil hinahanap ka rin ng mga magulang mo. Okay lang talaga ako rito, promise."

"Magkapitbahay lang naman tayo, e. Hindi nila ako hahanapin. Pero sige, kapag may kailangan ka tawagin mo lang ako rito sa amin para pupunta ako agad dito."

"Oo na!" Hindi na napigilang tumawa ni Juliet.

"Sige, sisilipin ko lang sina Nanay sa bahay. Maiwan na muna kita rito. Babalik ako mamayang hapon." Tumayo na si Lucas at lumabas ng kuwarto.

Mayamaya, pumasok si Aling Almira sa loob ng kuwarto at umupo sa tabi ni Juliet.

"Anak, nanliligaw ba sa `yo si Lucas?"

Nagulat ang babae sa biglaang tanong ng kanyang ina.

"Mama naman! Ba't ka nag-iisip ng ganyan! Mabait lang talaga 'yong tao! Gano'n din 'yon sa iba pa niyang mga kaibigan, 'no!"

Humawak si Aling Almira sa kamay ng babae. "Anak, babae rin ako tulad mo. Nararamdaman ko rin kung may gusto sa akin ang isang lalaki. At base sa nakikita ko kay Lucas, alam kong gusto ka niya."

"Mama naman, eh!" Hindi alam ni Juliet kung magagalit ba siya o tatawa. Oo, ramdam niya sa loob-loob na may gusto rin siya sa lalaki, pero hindi niya iyon magawang aminin sa kanyang bibig.

"Malaki ka na, Juliet. Hindi na kita babawalan sa pakikipagrelasyon. Basta't sa matinong lalaki lang sana, kagaya ni Lucas."

Nangunot ang noo ni Juliet sa sinabi ng ina. Magsasalita pa sana siya pero tumayo na ito at lumabas ng kuwarto. Naiwan siyang nakasandal sa papag, may ngiti sa labi, at lukot ang noo.

"Pati ba naman ikaw, Mama, pinu-push ako kay Lucas?" bulong niya sa sarili habang namumula ang pisngi.

NASA isang lamay si Tasyo at nagsusugal. Nang makatatlong panalo ay huminto na siya at nagpaalam na sa mga kasugalan. Ibinulsa niya ang perang napalanunan at tatawa-tawa pa habang naglalakad pauwi.

Sa labis na tuwa ay dinukot pa niya sa bulsa ang pera at muling binilang kahit alam na niya kung magkano ito. Ganoon talaga si Tasyo kapag masaya.

Sunod naman niyang kinuha ang cellphone sa kabilang bulsa at tinawag ang mga kasamahan sa grupo. "Magpapainom ako bukas mga 'tol! Sabihan n'yo si Boss Lando para doon tayo iinom sa bahay niya. Hahanap din tayo ng madudukot na bebot para may mapaglaruan tayo!"

Nang mapagkasunduan ang oras at lugar ay ibinaba na niya ang cellphone at muling ipinasok sa bulsa. Kinuha na naman niya ang pera at binilang. Hindi siya nagsasawang magbilang ng pera lalo na kapag malaki.

"Ang dami kong ube ngayon, oh!" sabi pa niya habang nagbibilang, tinutukoy ang sampung tig-iisang daang piso.

Nang madaanan ang madilim na kalsada pauwi sa kanilang lugar ay nilabas niyang muli ang cellphone at inilawan ng flashlight ang dinadaanan. Madilim sa parte ng lugar na iyon dahil sira ang ilaw sa mga poste. Napaliligiran din ng malalaking puno ang bandang kanan kaya medyo hindi siya komportable.

Bahagyang kinilabutan si Tasyo. Naalala niyang galing pala siya sa patay. At sa sobrang tahimik ng paligid, natakot siya na baka sundan siya ng patay. Kaya naman nagpatugtog siya ng music sa cellphone para maibsan ang takot.

Bigla siyang nakarinig ng ingay sa taas ng puno. Parang may hayop na nagtatago roon. May ilang segundo pa siyang nakatitig sa puno bago napansin ang tila isang buntot ng ahas na unti-unting bumababa sa lupa.

Hindi na niya hinintay kung anong nilalang ang lalabas doon. Agad siyang nagtatakbo ngunit mas mabilis ang buntot ng ahas sa kanya. Nagawa siya nitong habulin at hinampas ang mga binti niya. Natumba siya sa lupa at nabitawan ang cellphone.

Bago pa man siya makatayo ay pumalupot na ang buntot sa kanyang mga paa at hinila siya patungo sa puno. Nagawa pa siyang buhatin nito paakyat sa taas ng puno. Nagsisigaw siya habang nakabitin nang patiwarik.

Sa labis na takot ay hindi na niya magawang tingnan kung ano ang nasa puno. Pumikit na lamang siya habang nagwawala at sumisigaw.

Biglang sumikip ang pagkakalingkis ng buntot sa kanyang mga paa. Pahigpit nang pahigpit, hanggang sa unti-unting madurog ang mga buto niya sa paa at bumagsak ang katawan niya sa lupa.

Sindak siyang nagsisigaw nang makitang putol na ang dalawa niyang mga paa. Parang bata na tumili siya habang hinahanap ang kanyang ina.

"Tulungan n'yo po ako, Nanaaaaay! Patawarin n'yo po ako, Loooord…sa mga kasalanan koooo!" Kahit anong sigaw niya, wala na siyang kawala sa panganib, lalo na nang bumaba sa lupa ang nilalang na nagmamay-ari ng buntot.

Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang lumantad sa kanyang harapan ang isang taong ahas. Tumutulo pa ang laway sa bibig nito habang nakalitaw ang matatalim na mga pangil.

Halos maubos ang boses niya sa kasisigaw nang pumalupot ang buntot ng taong ahas sa buo niyang katawan. Kapagkuwa'y hinawakan nito ang bibig niya at puwersahang ibinuka.

Nagwala siya nang nagwala hanggang sa unti-unting mapunit ang kanyang bibig at humiwalay ang ulo sa kanyang katawan. Nagtalsikan ang dugo sa kalahating bibig na naiwan sa kanyang leeg. Ilang sandali pa'y nalaglag din sa lupa ang nakalawit na dila.

Dilat pa ang mga mata ni Tasyo habang hawak ng taong ahas ang ulo nito, ngunit maliwanag na patay na ito. Binalatan ng taong ahas ang mukha nito hanggang sa lumitaw ang bungo na nababalutan ng dugo at mga laman. Sa paraang iyon ay madali na lang niyang mapupunit ang ulo para makuha ang tunay na pakay roon.

Buong lakas na pinunit ng taong ahas ang ulo hanggang sa mahati ito sa dalawa. Pagkapunit ay nahulog pa sa lupa ang utak kasama ng mga ugat na nakadugtong sa mga mata.

Lumikha ng pagngasab ang taong ahas habang kinakain ang utak. Tumutulo pa ang magkahalong laway at dugo sa kanyang bibig. Nang maubos ang utak ay sunod naman niyang nilapa ang katawan ni Tasyo.

Hinati rin niya sa dalawa ang katawan nito at dinila-dilaan ang bawat dugong nagtatalsikan. Hindi rin niya malaman kung ano sa mga lamang-loob ang uunahing isubo sa bibig. Dinukot niya ang ilang mga laman at ipinahid sa kanyang katawan. Pagkatapos ay isa-isa na niya itong ipinasok sa kanyang bibig.

NAGBABAGA sa galit si Kamatayan nang mabalitaan ang brutal na pagpatay kay Tasyo. Lahat ng mga taong natagpuang patay ay mga miyembro niya. Doon tumibay ang paniniwala niyang sila nga ang target ng kung sinumang killer ang gumagala sa lugar nila.

"Sinisindak ako ng kung sinuman ang gumagawa nito! Mahuli ko lang talaga kung sino siya, higit pa rito ang pagpatay na gagawin ko sa kanya!" matalim ang mga matang wika ni Kamatayan.

"Boss, sigurado po ba kayo na isang tao lang ang gumagawa nito?" tanong sa kanya ni Naldo. Napatingin sa kanya ang iba pang miyembro.

"Hindi ko alam. Kaya nga kailangan nating kumilos para malaman natin! Kaya talasan n'yo ang mga mata n'yo mamayang gabi," sagot ni Kamatayan.

"Bakit mamayang gabi pa?" tanong ng isa pang tauhan na si Edwin.

"Dahil tuwing gabi lang naman nagaganap ang pagpatay! Sigurado ako, gumagala 'yan tuwing gabi para hanapin ang isa sa atin. Uunahan na natin siya mamayang gabi bago pa niya mapatay ang isa sa atin!"

Nagkasundo ang buong grupo sa planong suyurin ang buong Antonio del Pilar para hanapin ang kung sinumang tao o grupo na pumapatay sa mga kasamahan nila.

Nakipagkita muli si Kamatayan sa kakamping pulis at sa labas ng bahay sila nag-usap.

"Ano na ba ang nangyayari sa imbestigasyon n'yo? Bakit hindi n'yo pa rin mahanap ang killer?" galit ang tinig na tanong ni Kamatayan.

"Wala pa talaga kaming maibibigay na impormasyon ngayon tungkol sa suspect, Boss Lando. Pero hindi kami tumitigil sa pag-iimbestiga. Babalitaan naman kita agad kapag may bago kaming impormasyon."

"Sige na! Sige na! Basta't siguraduhin mo lang na hindi masasali sa imbestigasyon 'yong mga napatay namin. Ang gusto ko lang ay malaman kung sino ang gumagawa nito sa mga kagrupo ko. Maliwanag?"

"Maliwanag po, Boss Lando."

Pagkatapos ng maikling pag-uusap ay muling tumanggap ng pera ang pulis kay Kamatayan para manatiling lihim ang kaso ng grupo.

Patung-patong na ang kaso nina Kamatayan ngunit hindi pa rin sila nakukulong dahil sa kapangyarihan ng pera. At hangga't may naibebenta silang mga droga para i-export sa ibang bansa, hinding-hindi sila mauubusan ng pera. Hinding-hindi sila mauubusan ng ipangtatapal sa mukha ng mga hambog na pulis.

To Be Continued…