Chereads / TUKLAW / Chapter 14 - Chapter 13

Chapter 14 - Chapter 13

HINDI makapaniwala si Kamatayan nang makita sa dyaryo ang balita tungkol sa lalaking pinaslang at pinagpuputol ang katawan. Malinaw sa larawan na ang taong iyon ay si Baste.

Doon lang niya napatunayan ang sinasabi ng mga tauhan niya na may pumatay kay Baste. Ngunit sino? At bakit ganoon na lang katindi ang paraan ng pagpatay nito? Dinaig pa siya at ang buong grupo niya.

"Sino kaya ang gagawa nito kay Baste?" takang tanong ni Kamatayan.

Wala siyang natatandaan na may kaaway sila na ibang grupo. Ang alam lang niya ay grupo lang nila ang naghahari sa buong Antonio del Pilar. Wala nang ibang mga grupo roon na puwedeng kumalaban o humigit sa kanila.

"Baka po may iba pang grupo rito na nagtatago, bossing. Hindi lang siguro sila nagpapakita dahil gusto nila tayong isa-isahin o kaya surpresahin," teorya ni Naldo.

Hindi kumbinsido si Kamatayan. Kabisado na niya ang buong Antonio del Pilar. May mata rin siya sa mga pulis kaya agad nakakarating sa kanya kung may bagong grupo ng mga sindikato ang nakakapasok.

Nakipagkita siya kinabukasan sa binabayarang pulis. Nag-usap sila sa lugar kung saan pinatay si Baste. Ayon dito, wala pa raw silang nababalitaan na bagong mga sindikatong nakapasok.

"Siguraduhin mong walang ibang grupo na makakapasok dito," paalala ni Kamatayan. "Kamusta na nga pala ang imbestigasyon n'yo kay Baste?"

"Hanggang ngayon hindi pa rin po namin matukoy kung sino ang pumatay sa kanya. Base kasi sa mga bakas na nakuha namin sa katawan niya, parang hindi ito galing sa tao."

Nagbago ang timpla ng mukha ni Kamatayan. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

"May nakitaan din kasing kamandag sa kanya. Ayon sa awtopsiya, iyon daw ang ikinamatay niya bago pinagwawasak ang katawan niya. Bukod kasi sa pagkakaputol ng mga kamay at pagkakapugot ng ulo, naging kulay itim din ang buong katawan niya na parang dinapuan ng matinding lason," pahayag ng pulis.

May inabot na pera si Kamatayan; nagkakahalaga iyon ng sampung libo. "Dadagdagan ko pa 'yan sa susunod. Basta't siguraduhin mong hindi makakarating sa pinuno ninyo ang mga ipinapasok naming droga rito. Maliwanag?"

"Maliwanag, sir!" Mabilis na kinuha ng hambog na pulis ang pera. Pagkatapos ay nagpaalam na ito sa kanya.

Naiwan mag-isa si Kamatayan sa kinatatayuan. Labis siyang nagtataka sa sinabi ng pulis tungkol kay Baste. Noon lang siya nahiwagaan nang ganoon sa isang bagay. Ano nga ba ang misteryong nakatago sa likod ng pagkamatay nito?

"GAWIN mo na!" sigaw ni Kamatayan kay Kyle. Kanina pa niya pinasusubok dito ang paghithit ng marijuana ngunit todo sa pag-ayaw ang bata.

"Kuya naman, alam mo namang bata pa ako. Hindi ako marunong sa ganyan! Ano ba kasi 'yan?" seryosong tanong ng bata. Wala itong ideya kung ano ang nais ipasubok sa kanya ng kuya.

"Parang sigarilyo lang din ito. Subukan mo na kasi. Masarap sa pakiramdam 'to!" Dinampot ni Kamatayan ang kamay ng bata at sapilitang pinahawak dito ang marijuana.

"Hindi kita palalabasin hangga't hindi mo ginagawa ang sinasabi ko."

Napilitan ang bata na gawin ang gusto ng kuya. Hinithit nga niya ang marijuana at halos maubo pa.

"Ang pangit ng amoy kuya! Bakit ganito?" nalukot ang mukha ng bata at nilapag sa lamesa ang marijuana.

Tumawa si Kamatayan at umupo sa tabi ng bata.

"Alam mo Kyle, tayong dalawa na lang ang magkasama ngayon. Kung ano ang ginagawa ko ay gagawin mo rin paglaki mo. Sa `yo ko ipapamana ang lahat. Ikaw ang magiging lider ng grupo ko kapag dumating ang panahong wala na ako. Kaya kailangan mong matutunan ang mga bagay na ito para habang bata ka pa ay masanay ka na."

Pinagmasdan ni Kyle ang iba't ibang uri ng droga na nakalatag sa lamesa. Halatang wala pa itong alam sa mga ganoong bagay.

"Naiintindihan mo ba ako?" Umakbay si Kamatayan sa bata sabay hithit ng marijuana.

"Opo, Kuya."

"Good boy!" ngumisi si Kamatayan. Nang magsawa sa marijuana ay sunod nitong kinuha ang cocaine.

Silang dalawa lang na magkapatid ang nasa bahay nang mga oras na iyon. Nasa labas ang mga tauhan niya at inutusang magmasid sa bayan para malaman kung may bagong grupo bang nakapasok sa kanilang lugar.

ISANG gabi iyon nang makauwi si Bernard sa sariling bahay. Walang mga task na ibinigay si Kamatayan sa kanila kaya nagsiuwian lahat ng mga tauhan sa kani-kanilang mga tahanan.

Mag-isa lang si Bernard sa bahay niyang yari sa kahoy at pinagtagpi-tagping yero. Isang kuwarto lang iyon na may kutson sa lapag kung saan siya natutulog.

Hindi makatulog nang gabing iyon si Bernard. Buhay na buhay ang diwa niya sa mga drogang ipinasok sa katawan. Nakahiga lamang siya at nagmumuni-muni nang makarinig ng ingay mula sa labas.

Kakaiba ang ingay na waring may malaking hayop na gumagapang. Sa ingay ng paggapang nito ay narinig pa niya ang pagkatumba ng basurahan sa labas.

Doon na siya tumayo at sumilip sa bintana. Katahimikan lang ng paligid ang bumungad sa kanya. Nilibot niya nang tingin ang labasan ngunit wala siyang nakitang tao o hayop.

Inisip hiyang ligaw na hayop lang iyon na napadaan kaya nagbalik siya sa pagkakahiga.

Ilang oras bago nawala ang epekto ng droga.

Unti-unting dinalaw ng antok si Bernard.

Hanggang sa hindi na niya namalayan ang paglipas ng mga oras.

Nagising na lamang siya na mabigat ang pakiramdam. Waring may malaking bagay na nakalingkis sa kanya. Sa sobrang higpit ng pagkakalingkis ay halos sumikip ang dibdib niya.

Pagmulat ng mga mata, bumungad sa kanya ang mabangis na anyo ng taong ahas. Nakapalupot ang buntot nito sa buong katawan niya habang nakataas ang mga kamay nito at handa siyang sakmalin.

Buong takot na nagsisigaw siya at nagmakaawa. Hindi niya magawang magwala dahil sa higpit ng pagkakalingkis sa kanya. Anumang sandali ay maaaring madurog ang katawan nyia.

Binalot ng sindak ang buo niyang pagkatao nang buksan ng taong ahas ang kanyang bibig at hinila ang kanyang dila.

Halos tumirik ang mga mata niya sa pagkaputol ng dila at umapaw ang sariwang dugo sa kanyang bibig. Sigaw siya nang sigaw ngunit halos wala nang boses ang lumalabas sa bibig niya.

Nangisay ang buong katawan niya at halos patiran ng hininga. Nagdilim ang paningin niya sa sobrang sakit ng pagkaputol ng dila.

Sumunod ay naramdaman niya ang pagsakal ng taong ahas. Unti-unting bumaon sa kanyang leeg ang matutulis nitong mga kuko.

Sadyang malakas ang taong ahas. Nagawa nitong putulin ang leeg ni Bernard sa loob lamang ng ilang segundo.

Nagtalsikan ang dugo sa nabutas na leeg ng lalaki. Naiwan namang dilat ang mga mata nito sa naputol na ulo.

Gamit ang matutulis na mga kuko, binalatan ng taong ahas ang mukha ng lalaki hanggang sa lumitaw ang bungo nito na puno pa ng dugo. Pagkuwa'y ibinaon niya ang mga kuko sa gitnang bahagi ng mukha, nilamutak, winasak, hanggang sa mahati ito sa dalawa at nalaglag sa sahig ang sariwang utak.

Pinapak ng taong ahas ang utak at nang ito'y maubos, sunod naman niyang winakwak at binuksan ang tiyan ng lalaki. Umapaw roon ang dugo at mga lamang-loob na lalong nagpatulo sa laway ng halimaw.

Dinilaan ng taong ahas ang umaapaw na dugo at saka pinapak ang mga lamang-loob at bituka.

Nang makaramdam ng pagkabusog ay nilingkis niyang muli ang katawan nang pagkahigpit-higpit hanggang sa magkandabali-bali ang mga buto.

Paggapang ng taong ahas palabas ng bahay, naiwan ang durog-durog na katawan ni Bernard. Bali-bali ang mga buto, wakwak ang buong katawan, nahati sa dalawa ang ulo, at bumaha ng dugo sa kutsong kinahihigaan nito.

Umalingasaw kinabukasan ang bangkay at napilitan itong pasukin ng mga tao. Laking gulat nila sa nakitang durog na katawan ng isang bangkay. Walang nakakakilala rito maliban sa isang lalaki na lingid sa kaalaman ng lahat ay kamiyembro ni Bernard. Walang iba kundi si Tasyo.

Magkalapit lang ang bahay ng dalawa kaya madaling nalaman ni Tasyo ang pangyayari. Larawan siya ng pagkasindak habang pinagmamasdan ang kalunos-lunos na hitsura ng bangkay ni Bernard.

Hindi niya napigilan ang pagbaligtad ng sikmura at nagsuka siya sa mismong harap ng bangkay. Napasigaw naman ang ilang mga tao. Mayroon pang lumayo ng distansya sa kanya dahil sa gulat.

Labis din ang pagkagimbal ni Kamatayan nang mabalitaan ang nangyari kay Bernard. Maging siya ay hindi maiwasang gapangan ng kilabot nang makita sa cellphone ni Tasyo ang larawan ng durog-durog na katawan ng lalaki.

Wala siyang masabi. Maging ang mga miyembro niya ay hindi makapagsalita. Lahat sila ay umurong ang dila sa sobrang takot.

NASA isang tahimik na lugar si Lucas. Nakatayo lang siya sa madamong lupa habang nakapatong ang berdeng ahas sa kanyang balikat.

"Salamat sa tulong mo para matunton ang lugar ng isang tauhan niya. Pero hindi pa sapat iyon. Hindi ako titigil hangga't hindi nauubos ang grupo nina Kamatayan. Marami na silang naperwisyong mga tao rito. Pati na ang ginawa nila kay Juliet."

Nakipagkuwentuhan siya sa ahas. Marami siyang mga bagay na ibinahagi rito.

"Alam mo, sa tuwing magpapalit ako ng anyo, palagi akong nakakaramdam ng labis na gutom. Pakiramdam ko, parang mamamatay ako kapag hindi ako nakakain ng tao. Kaya sa tuwing magiging halimaw ako, sina Kamatayan ang palaging target ko. Naisip ko, mas mabuti kung sila na lang ang gawin kong pagkain, dahil masasama sila, kaysa naman sa mambiktima ako ng mga inosente. Kung papatay man ako, sinisigurado kong karapat-dapat 'yong tao na papatayin ko."

Ibinaba ni Lucas sa lupa ang berdeng ahas. "Gusto kong hanapin mo pa ang ibang mga tauhan niya kung saan sila nakatira. Mamayang gabi, titiyakin kong malalagasan na naman sila ng isang miyembro…" Gumuhit ang nanunuksong ngiti sa mga labi niya habang nakatitig sa ahas.

Ilang sandali pa, gumapang na palayo ang berdeng ahas para gawin ang kanyang ipinag-uutos.

To Be Continued…