NAGISING si Lucas nang makarinig ng boses na sumisigaw mula sa labas ng kanilang bahay. Nagpahinga siya ng ilang sandali habang pinakikinggan ang kaguluhan sa labas. Napatda siya. Boses iyon ni Aling Susan, ang may-ari ng apartment na kanilang inuupahan.
Bumangon siya at inunat ang katawan. Humarap siya sa malaking salamin na katapat ng higaan at inayos ang buhaghag niyang buhok. Beinte anyos na siya. Lumaking maskulado ang katawan, matangkad, maamo ang mukha, at taglay ang kaputian ng isang dugong banyaga.
Naisipan niyang huwag na lamang lumabas. Sa halip, lumapit siya sa pinto at bahagyang idinikit ang tainga para mas mapakinggan nang mabuti ang nangyayari sa labas.
"Aling Susan, nakikiusap kami sa inyo. Pagbigyan n'yo naman kami. Dati naman tatlong buwan kaming hindi nakabayad pero pinayagan n'yo pa rin kami. Wala lang kasi talaga kaming pambayad ngayon. Katatanggal lang ng anak ko sa trabaho noong isang linggo. Matagal na ring sarado ang tindahan namin. Maawa naman kayo sa amin…" iyon ang pagkakarinig niyang sabi ng kanyang ina. Halatang mangiyak-ngiyak pa ito.
"Aba, hindi na puwede ang gano'n ngayon! Palagi na lang kayong ganyan! Palagi kayong late magbayad! Palagi kayong paawa! Hindi ko na kayo pagbibigyan pa! Isa pa, may buhay rin naman ako at kailangan ko rin ng pera! Kung wala kayong pambayad, puwes, umalis na kayo rito!" sagot ng matabang ale sa pasigaw na paraan, halos mabingi ang mag-asawa sa boses nito.
Naawa si Lucas sa kanilang kalagayan. Nagsisi tuloy siya kung bakit pinairal niya ang init ng ulo sa trabaho. Pinatulan kasi niya ang isang nagmumurang caller. Akala niya noong una ay magiging madali lang ang trabaho sa call center. Noon lang niya natuklasan na sadyang maiksi ang kanyang pasensiya at hindi bagay sa kanya ang ganoong trabaho.
"Mamili kayo, magbabayad kayo o lalayas kayo ngayon?" nanduduro pang sabi ng ale sa mag-asawa.
"Aling Susan naman…" si Nestor ang sumagot. "Parang awa n'yo naman! Huwag n'yo naman kaming ganyanin! Bigyan n'yo kami ng kahit tatlong araw na palugid. Pangakong gagawan namin ng paraan basta kailangan lang namin ng kaunting panahon…" Bakas sa mga mata nito ang pagmamakaawa.
"Aba! Ganyan din ang sinabi mo noong nakaraang buwan, Nestor! Kaya nga hindi ko na kayo pagbibigyan ngayon sa lahat ng alibi n'yo! Kung hindi kayo makakabayad ng renta, pasensiyahan tayo pero ipapupulis ko kayo! Ipapa-barangay ko kayo! Huwag n'yo `kong subukan! Gusto n'yo bang makulong ngayon?"
Lumuhod na si Lydia sa harap ng ale. Kulang na lang ay humalik ito ng paa. "Nagmamakaawa kami sa inyo, Aling Susan! Pagbigyan n'yo kami kahit tatlong araw lang. Walang-wala talaga kami ngayon." Tuluyan nang pumatak ang kanyang luha.
"Aba, kung ganyan lang din naman ang usapan pasensiyahan tayo pero makakaalis na kayo! Huwag kayo mag-alala! Ako na mismo ang maglalabas ng mga gamit n'yo!" Pinapasok ni Aling Susan ang mga tauhan niyang lalaki at ipinalabas isa-isa ang magagaang mga gamit.
Walang nagawa ang mag-asawa para pigilan ang mga ito. Makapangyarihan ang ale sa kanilang bayan. Nagagawa nito ang lahat ng gustuhin dahil sa pera. At kahit umaapaw na sa salapi ang bulsa nito, hilig pa rin nitong magpayaman at manggipit ng tao.
Napaawang ang bibig ni Lucas nang marinig ang ilang mga gamit na inilalabas sa kanilang bahay. Doon na siya napilitang lumabas ng kuwarto at hinarap ang ale. Tumalim ang mga mata niya nang masilayan ang mamahalin nitong damit na kulay pula at ang kumikislap-kislap na mga alahas sa katawan.
"Aling Susan, ano'ng ibig sabihin nito? Wala kayong karapatang itapon na lang nang ganyan ang mga gamit namin dahil sa amin `yan!" pasigaw na sabi niya rito. Humawak sa kanya ang mga magulang at pilit siyang inaawat.
"Aba! Gising na pala ang ampon ng mag-asawang kupal na ito!" pang-iinsulto sa kanya ng ale. "Hoy, binata! Sa hitsura mong `yan, siguradong marami kang mahahanap na trabaho para makabayad kayo rito sa bahay! Bakit hindi mo na lang kaya subukan mag-dancer sa club? O kaya magpatira ka sa bakla para naman doble ang kitain mong suweldo! Nang sa gano'n ay hindi na kayo nali-late sa pagbabayad ng renta!" dagdag pa nito.
Namula sa galit si Lucas. Nanggigil ang mga kamao niya na parang gustong dumurog ng tao. "Alam mo kahit matanda ka papatulan kita!" Akmang susugod ang lalaki pero pinigilan agad siya ng mga magulang.
"Tama na `yan, anak! Huwag mo nang palalain ang sitwasyon!" anang ama niya at hinila siya palayo sa ale.
"Aba! Aba! Aba! Guwapo nga itong ampon n'yo pero pangit naman ang dila! Puwes sa kalsada kayo matutulog ngayon!" nanlalaki ang mga matang tugon ng ale. Patuloy naman ang mga tauhan nito sa paglabas ng mga gamit.
"Tama na!" sigaw ni Lydia. Sumabog na ang emosyong kanina pa nito tinatago. "Sige na! Aalis na kami rito! Basta huwag n'yo na lang ibalibag nang ganyan ang mga gamit namin! Hindi na rin namin dadalhin lahat ng ito! Lumabas na lang muna kayo at bigyan n'yo kami ng kaunting oras para makapag-empake!" halata sa kanyang boses ang magkahalong galit at lungkot.
"Mabuti pa nga!" tugon ni Aling Susan. Binigyan nito ng kalahating oras ang pamilya para mag-ayos ng mga dadalhing kagamitan. Pagkalabas ng mga ito, tanging mga bag at maleta lang ang dala-dala. Halos puro damit lang din ang laman ng mga iyon.
Walang salita na lumabas sa bibig ng mag-asawa; dinaanan lang ng mga ito ang ale. Si Lucas naman ang huling lumabas dala ang dalawang bag na bitbit nito. Nang madaanan niya ang ale, tinitigan niya ito nang masama. Gumanti naman ng matalim na titig ang ale sa kanya, pero hindi siya nagpatalo. Lalo pa niyang tinaliman ang pagkakatitig niya rito na parang gusto niya itong lamunin. Pagkatapos, padabog siyang lumakad paalis at binangga pa ito.
Sumimangot ang mukha ng ale habang pinagmamasdan ang papalayong binata. "Aba! Tarantado ang lalaking `yon, ah! Walang galang sa mga mayayamang tulad ko! Masyadong mapagmalaki akala mo naman may maipagmamalaki! Puwes matutulog talaga kayo ngayon sa kalsada!" bulong nito sa sarili at nakapamaywang pa.
LULAN ng isang bus sina Lucas patungong Antonio del Pilar. Mahigit dalawang oras ang itinagal ng biyahe nila papunta sa lugar na iyon. Doon nakatira ang matalik na kaibigan ng kanyang ina. Iyon ang tanging lugar kung saan may tao sila na puwedeng lapitan at pakiusapan ng matutuluyan. Ang problema ay mala-iskuwater ang naturang lugar. Karamihan ng mga bahay roon ay yari lang sa pinagtagpi-tagping kahoy na itinayo sa mamasa-masang lupa na puno ng mga basura.
Marami ring mga siga ang nakatambay sa labas. Karamihan ay puro mga lalaking nakahubad at puno ng burda ang katawan. May mga babae ring halos makita na ang singit sa iksi ng suot na shorts. Dagdag pa ang mga batang agresibo habang naglalaro sa daan. Madalas ay nanghaharang ang mga ito ng mga dayuhang nagdadaan para pag-trip-an. May mga hawak pang matutulis na kahoy ang mga ito kapag naglalaro na ginagawa nilang espada. Maaaring makapanakit ng tao ang bagay na iyon kapag nagkataon.
"Hindi ko gusto ang lugar na ito, mare. Nakakatakot at masyadong magulo. Lalo na baguhan pa lang kami rito. Labis akong nag-aalala lalo na para sa anak ko," sabi ni Lydia sa kaibigang si Marites. Nasa sala silang lahat at nakaupo sa tablang sahig.
"Friend, malaki na ang anak n'yo. Siguradong kaya na niya ang sarili niya. Hindi ka na dapat nag-iisip nang ganyan, ano ka ba!" tugon naman ni Marites. Kapagkuwa'y naglapag ito sa sahig ng miryendang tinapay at peanut butter na palaman.
"Kahit na. Nag-iisang anak lang namin itong si Lucas. At kahit hindi namin siya kadugo, parang isang tunay na anak na rin ang turin namin sa kanya. Hindi ko kakayanin kapag nawala pa siya sa amin."
"Mukhang malakas naman itong anak mo, eh." Tumingin si Marites sa binata. "Mukha lang siyang maamong tupa pero parang may itinatagong bangis `to," biro niya at tumawa.
"Oo naman po, Aling Marites! Mabangis talaga `to!" Bahagyang iniangat pa ni Lucas ang suot na t-shirt at ipinakita ang six packs na abs nito sa tiyan.
Tumawa naman silang lahat maliban kay Lydia na tanging ngiti lang ang pinakawalan. "Kahit pa, mare! Sa hitsura pa lang ng mga nakatira rito ay parang mga adik na! Baka may manggago lang sa anak ko rito. O baka may magyaya pa sa kanya ng bisyo."
Hindi na humirit si Lucas sa sinabing iyon ng ina. Pangiti-ngiti lang siya pero sa loob niya'y medyo naiinis siya kapag nagsasalita nang ganoon ang kanyang ina. Ayaw na ayaw kasi niyang itinuturin pa rin siyang bata lalo na kapag may ibang tao.
"Huwag ka kasing mag-isip masyado, friend! Malaki na si Lucas. Siguradong marunong na rin `yan umiwas sa mali. Mabuti pa, samahan mo na lang ako mamaya sa palengke at bibili tayo ng ulam. Maiwan naman dito ang mag-ama para may bantay rito sa bahay. Hindi ko pa kasi naipapagawa itong pinto, eh." Nilingon ni Marites ang pintuan na natatakpan lang ng pulang kumot.
"Teka, paano ka nga pala umaalis ng bahay kung ikaw lang mag-isa rito? Kumot lang pala ang takip ng pintuan mo. Hindi ka ba natatakot sa mga magnanakaw?" tanong naman ni Nestor.
Bahagyang natawa si Marites. Wala sa kanyang anyo ang pagkabahala. "Kahit may toyo ang mga tao rito, wala namang nananakawan dito. Ano naman ang mananakaw nila, eh, lahat kami rito ay pare-pareho lang ding mahihirap. Kung magbabalak man silang magnakaw, sigurado sa ibang lugar na sila pupunta."
Sadyang maliit lang ang bahay ni Marites at lalo pang sumikip nang makituloy sila. May maliit na lababo sa gilid katapat ng pintuan sa kaliwa at may istanteng naka-displey sa harap kung saan nakapatong ang TV.
Kapag kumakain ay sa lapag na lang din inihahanda ang mga pinggan. May maliit na hagdang yari sa kahoy na paakyat naman sa kuwarto. Mula sa kuwarto, may nakalatag na lumang kutson at isang aparador sa gilid. Sa laki naman ng bintana roon ay kasya kahit tatlong katao.
Mag-isa na lang sa buhay si Marites. Namatay sa sakit ang asawa niya limang taon na ang nakalilipas. Hindi siya nabiyayaan ng anak dahil katulad ni Lydia ay baog din siya.
To Be Continued…