Chereads / TUKLAW / Chapter 2 - Chapter 1

Chapter 2 - Chapter 1

NALILIGO sa sariling pawis si Nestor habang naglalakad pauwi. Maghapon siyang nakipagbakbakan sa init ng araw para maghanap ng mapapasukang trabaho. Ngunit sa huli ay umuwi lang siyang luhaan. Hindi na niya alam kung ano ang ipupunas sa katawan dahil ang panyo sa bulsa ay basa na rin ng pawis. Ang sakit na ng mga paa niya at humihingal na rin siya. Nagbabalak na siyang sumakay ng tricycle ngunit inisip niyang malapit na lang din naman ang lalakarin.

Naging matumal na ang sari-sari store nila. Ang dami na ngang kostumer ang naiinis dahil palaging wala sa kanilang tindahan ang binibili ng mga ito. Napaglipasan na rin ng panahon ang ibang mga panindang naka-displey gaya ng delata at biskuwit kaya hindi na puwedeng ibenta.

Doon lang sila kumukuha ng pandagdag sa pambayad ng kuryente, tubig, at inuupahang apartment. Hindi na rin sapat ang kinikita niya sa pagiging janitor sa paaralang pang-elementarya sa kanilang lugar kung kaya't sinubukan niyang maghanap ng ibang mapapasukan ngunit bigo naman.

Matagal na niyang iminumungkahi sa asawa na mangutang muna sila ng puhunan para mapuno muli ang tindahan. Mababawi naman nila ang lahat ng gastos kapag lumakas muli ang benta, subalit ayaw na ayaw talaga mangutang ng babae. Ang puhunan ngang ginamit nila dati para makapagpatayo ng maliit na tindahan ay galing lang din sa sarili nilang sikap. Hangga't maaari, ayaw nitong magkaroon ng utang sa kahit na anong paraan.

Ganoon na lamang ang labis niyang panlulumo. Kapag nagpatuloy pa ang pagkalagas ng kanilang tindahan, hindi lang negosyo ang mawawala sa kanila, pati na rin ang tirahan at pangkain.

Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad, nakarinig siya ng boses na umiiyak. Nang lingunin niya ang kinaroroonan ng tinig, nagulat siya nang masilayan ang isang sanggol na nasa tabi ng basurahan. Sobrang dungis nito at walang suot na damit.

Napatakbo siya patungo roon at hindi nagdalawang isip na kunin ang sanggol. Luminga-linga siya sa paligid para tingnan kung may iba pang tao. Ngunit wala siyang nakita kundi ang matataas na mga damo at mga puno sa paligid.

Tila nawala ang kanyang pagod habang buhat-buhat ang bata. Agad siyang tumakbo pauwi. Hindi na niya napansin ang isang ahas na biglang lumabas malapit sa kinaroroonan kanina ng sanggol.

"SIGURADO ka ba sa sinabi mo, Nestor?" hindi makapaniwalang tanong ng asawa niyang si Lydia habang pinagmamasdan nito ang kinakarga niyang sanggol.

Dali-daling sinara ni Lydia ang pinto sa sala at sumunod sa lalaking nagtungo naman sa kusina. Naupo silang dalawa sa harap ng lamesa at doon ipinagpatuloy ang pag-uusap.

"Sinabi na ngang oo! Napulot ko lang talaga ito! Hindi ko nga alam kung bakit wala man lang pumupulot sa batang ito. Kawawa naman kaya dinala ko na lang kaysa naman mamatay roon!"

"Kaya lang baka hanapin `yan ng mga magulang niya."

Nanlaki ang mga matang tumitig ang lalaki sa babae. "Lydia, sa tingin mo ba may magulang pang hahanap sa batang ito? Kita mo ngang itinapon na lang sa basurahan! Ano ka ba naman!"

Naisip ni Lydia, mukhang tama nga ang lalaki. Marahil ay inabando na nga ito ng tunay na mga magulang. Kaya naman pumayag na rin siya sa ideyang ampunin ito. Matagal na rin nilang gustong magkaanak subalit hindi sila nabiyayaan dahil baog siya. Kahit ampon lang nila ang batang iyon, ang mahalaga ay may makakasama na sila hanggang sa pagtanda.

Inilapit niya ang mukha sa bata at pinagmasdan ito. Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi habang nakatitig sa mataba nitong pisngi. Ipinasa naman sa kanya ng lalaki ang sanggol. Lalo pang lumaki ang kanyang tuwa nang mahawakan ito. Maluha-luha niyang nilambing ang bata.

Tulog na ang sanggol nang gabing iyon habang nakagitna sa mag-asawang nakasandal sa papag. Parehong nakatitig dito ang dalawa habang hinahaplos ng babae ang ulo nito.

"Nestor, may naisip na akong pangalan para sa batang ito."

"Ano naman `yon?"

"Gusto ko siyang pangalanan bilang Lucas."

Natuwa ang lalaki. "Lucas? Ayos din `yon para sa `kin. Kaya lang saan mo naman nakuha `yon?"

"Wala naman. Iyon lang kasi ang unang pangalan na sumagi sa isip ko nang una kong mapagmasdan itong bata. Parang bagay kasi sa kanya ang pangalang iyon. Bukod sa lalaking-lalaki pakinggan, bihira lang din ang may ganoong pangalan. Kaya paglaki nito, sigurado ako magiging unique at kakaiba ito sa lahat!"

Ngumiti naman ang lalaki. Sang-ayon din siya sa pangalang ibinigay ng babae. Maganda ring pakinggan para sa kanya ang pangalang iyon.

"Mula ngayon, ikaw na si Baby Lucas," bulong ng babae sa bata habang patuloy itong hinahaplos.

Umaga. Naalimpungatan si Lydia sa liwanag ng araw na pumasok sa bintana. Pagkadilat ay nilingon agad niya ang katabing sanggol. Ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makita ang isang maliit at berdeng ahas sa paanan ng bata.

Taranta siyang umatras at nagsisigaw. Pagkabangon sa papag ay sumampa siya sa isang upuan na malapit sa bintana. Hindi na niya nagawang kunin pa ang bata sa labis na pagkataranta.

Narinig ni Nestor mula sa labas ang sumisigaw na asawa kaya dali-dali siyang pumasok sa loob. Maging siya ay nagulat nang makapasok sa kuwarto at masilayan ang ahas. Mabilis itong gumapang palabas ng silid nang maramdaman ang kanilang presensya.

Napatalon si Nestor at halos magwala ang kanyang puso sa pagkagulat nang sumagi ang ahas sa mga paa niya. Sa sobrang bilis nitong gumapang ay hindi na nila alam kung saan ito nagpunta.

Agad nilapitan ng lalaki ang sanggol at kinarga ito. Pagkatapos ay lumapit siya sa babae at pinakalma ito.

Maghapong naglinis ng bahay ang mag-asawa. Hindi na muna sila nagbukas ng tindahan. Binago nila ang ayos ng mga gamit sa buong bahay sa pagbabakasakaling matagpuan ang ahas. Subalit nang matapos sila sa paglilinis, hindi na nila ito nakita pa.

"Siguro nakalabas na talaga `yon kanina." Palinga-linga si Nestor sa buong paligid ng kusina. Kaharap niya ang asawa sa lamesa.

"Sana nga wala na… Parang aatakihin ako sa puso kaninang umaga!" Nagpakawala ng malalim na paghinga si Lydia at napatitig sa karga-kargang bata.

KINAGABIHAN, nabulabog ang mag-asawa nang makitang pinalilibutan ng mga ahas ang sanggol habang ito'y nakahiga sa papag. Nagsunog ng malaking kalendaryo ang lalaki at ito ang ipinangtaboy sa mga ahas.

Hindi lang iyon ang unang pagkakataong naka-ingkuwentro sila ng mga ahas sa kanilang bahay. Dahil sa mga nagdaan pang araw, mas dumami pa ang mga ahas na nakapasok at nagtatago sa mga sulok. Bagama't napapaalis naman nila ito agad ay hindi nila maiwasang mabahala.

"Ayoko na talaga rito, Nestor… Lumipat na tayo ng ibang tirahan… Mukhang hindi na ligtas dito sa bahay natin. Ang daming ahas!" Mangiyak-ngiyak si Lydia. Nakahiga sila sa papag nang gabing iyon habang nasa gitna naman nila ang sanggol.

"Hindi madaling lumipat lalo na wala pa tayong pera. Araw-araw na nga tayong pinagagalitan ni Aling Susan dahil dalawang buwan na tayong hindi nakakabayad ng renta. Tapos lalo pang nakakalbo `yong tindahan natin. Sobrang krisis ang dinadanas natin ngayon," sagot ni Nestor.

"Ano na lang ang gagawin natin? Mananatili na lang tayo rito kasama `yong mga ahas? Hindi naman puwede `yon!"

"Ano ngang gusto mong gawin ko, Lydia? Saan naman tayo kukuha ng perang pang-upa? Lahat ng gamit dito na puwede nating ibenta ay naibenta ko na. Pati nga cellphone natin naisangla ko na. Halos wala nang natira sa atin ngayon."

"E, di ano? Hahayaan mo na lang na matuklaw tayong tatlo rito?"

"Ginagawan ko naman ng paraan. Hayaan mo bukas na bukas ay maghahanap ulit ako ng iba pang trabaho. Hindi ko naman kayo pababayaan. Talagang wala lang tayong pera sa ngayon para makalipat. Pangako ko sa inyo na makakaalis din tayo rito. Hindi nga lang sa ngayon."

Nanlumo si Lydia. Kung wala lang siyang iniindang sakit sa katawan ay nais din niyang makapagtrabaho pa. Ang problema, wala namang magbabantay sa bata kung sakaling pareho silang wala sa bahay ng asawa. Nakakahiya namang makiusap sa mga kapitbahay kung wala ring kapalit na pera. Sa lugar kasi nila, hindi uso ang tulong kung walang kapalit.

To Be Continued…