Mariing nagdikit ang labi niya at matapang na sinalubong ang mga mata nito. Ayaw niyang ipahalata dito na apektado siya ng pagkakamay niya. Pero nang magtama ang mga mata nila ay nalaman niya na isang pagkakamali iyon.
Nangungusap ang mga mata nito. Then she remembered how much those eyes mesmerized her. As if he could see right through her heart and soul. And she felt like her heart was melting. Ayaw na niyang maramdaman ito. Nangako siya sa sarili na trabaho ang focus niya. Iyon din ang tiniyak niya kay Hero.
Please. Be professional, puso ko. Di ka pwedeng maghurumentado ngayon. Career at future ko ang nakasalalay dito. Stick to the game plan.
Gusto niyang makita ni Hero ang magagandang character niya at magustuhan nito ang trabaho niya. Ayaw niyang ibigay dito ang expectations nito. Di siya pwedeng manghina o matulala dito. Kailangan niyang kontrolin ang emosyon niya.
Pero paano nga ba kokontrolin ang isang damdaming naghuhumiyaw? Ito ang unang beses niyang nagkagusto sa isang lalaki. Kaya nga umabot siya hanggang Sagada sa paghanap dito para pagbigyan ang puso niya. Hindi ito madali.
"We should start working," sabi ni Hero at binitawan ang kamay niya. Normal lang itong kumilos habang kikibot-kibot pa ang kamay niya na hinawakan nito. As if he marked her. "Sunny!"
Napapitlag ang dalaga at inangat ang tingin. Nakatayo lang pala siya doon at di pa rin gumagalaw kung saan siya iniwan. "Yes?"
"Here's the draft," sabi ng lalaki at inilapag sa harap niya ang makapal na folder. "Konting editing na lang iyan. It is almost good to go."
"Except, kulang ang pictures mo?" tanong niya.
Tumango ito at pumunta sa cabinet. "Ito na ang mga pictures na napili kong isama sa libro. May listahan na rin ako ng mga topic na kailangan mong kuhanan. Usually about everyday life of the Lambayans."
Hinugot nito ang envelop at nalaglag sa sahig ang iba pang laman niyon. Mabilis ang kilos ni Sunny at lumuhod sa sahig para damputin ang mga papel at mga pictures.
"Ako na ang bahala diyan," saway ni Hero sa kanya.
"Hindi. Tutulungan na kita," giit niya at natigilan nang makitang ang picture na nadampot niya ay picture ni Hero na may yakap na isang babaeng morena at mahaba ang itim na itim na buhok. Pati ang ibang picture sa sahig ay kasama din nito ang babae at sweet na sweet ang mga ito. May pictures pang nakataob na may nakalagay na Hero-Karenina Forever.
Natulala na lang si Sunny. Alam niya ay may love interest si Hero sa dating photographer pero mukhang mas malalim pa ang relasyon ng mga ito kaysa sa inaakala niya. Nakaramdam siya ng kirot. Kaya siguro ayaw nitong basta na lang magpalit ng photographer. Na sa kabila ng anim na buwan na mawala ang babae ay di pa rin nito mapalitan bilang partner nito sa trabaho at sa puso nito.
Nagulat na lang siya ang bigla nitong hablutin ang picture mula sa kanya. "Sabing ako na diyan," angil ni Hero.
"Pero kailangan mo ng tulong."
"I don't need your help." Matalim siya nitong tinitigan dahilan para mapaurong siya. "Nasa table na ang draft at ang pictures. Naroon na rin ang listahan ng shots na kailangan ko."
"O-Okay," napipilian niyang sago at bumalik sa mesa para tingnan ang mga shots na nagawa na ng nobya nito.
Ano bang pakialam niya sa relasyon ng mga ito? Ano ngayon kung di pa ito maka-get over? Mahalaga ay gagawin niya ang trabaho niya. Wala na itong magagawa dahil nakapirma na siya ng kontrata at siya na ang makakasama nito sa Lambayan.
"Pag-aralan mo lahat iyan," sabi ng lalaki matapos hamigin ang mga nagkalat sa sahig. "Bukas idi-discuss ko iyan sa iyo habang nasa biyahe tayo papuntang Lambayan. I don't want you to miss out anything."
Nanlaki ang mga mata ni Sunny. "Lahat ito kailangang basahin ko?"
Tumango ang lalaki. "Yes.Gusto kong masagot ang mga tanong ko."
Tiningnan ulit niya ang makapal na draft. Nasa dalawang daang pahina marahil iyon. "Seryoso ka?" Kailangan may recitation? Akala ng dalaga ay graduate na siya sa terror professors. Di pa pala. Mas malupit pa ito sa professor niya. Paano naman niya maidi-discuss dito ang isang buong libro.
Ikiniling ni Hero ang ulo. "Ayaw mo ba? I thought you are passionate about this job?" tanong ng lalaki.
Yumuko siya para di nito makita ang pagtalim ng mata niya. "May sinabi ba akong ayaw ko? Babalik na nga ako sa inn para mabasa lahat ito. Magkita na lang tayo bukas," sabi niya at lumabas ng library.
Nasalubong niya si Madam Caroline. "Hija, ang dami naman niyan."
"Opo. Gusto po kasi ni Hero na pag-aralan ko lahat dahil idi-discuss daw namin bukas. Kaya babalik na po ako sa inn na tinutuluyan ko."
"Di ba pwedeng kumain ka muna?" malungkot nitong tanong. "Magkwentuhan muna tayo. Sasabihin ko sa iyo ang tips para mapaamo ang apo ko."
"Lola, saka na po kayo magkwentuhan. Marami pa pong pag-aaralan si Sunny," nakahalukipkip na sabi ni Hero habang nakasandal sa hamba ng pinto ng library. "At kahit anong ibigay ninyong tip sa kanya, di niya ako mapapaamo. Ipapahatid ko na siya sa kay Mang Berting." At lumabas ng bahay ang lalaki.
"Pasensiya ka na sa po apo ko. Ewan ko saan nagmana ng kasungitan iyan," anang si Madam Caroline.
"Okay lang po. Kailangan ko nang masanay."
"Ipagbabalot na lang kita ng pagkain. Huwag kang magpapalipas ng gutom habang nag-aaral," bilin ng matandang babae.
Tumango siya at hinapit ang mabigat na draft sa dibdib. Di biro ang pagsubok na ibinigay ni Hero sa kanya. Pero di niya ito susukuan. Sa ayaw nito't sa gusto, mananatili siya sa tabi nito hanggang matapos ang project na iyon. Or maybe longer.
Ikaw pa rin ang shining star ko. Kaya di ako mawawala sa buhay mo, Hero.
BAGSAK agad si Sunny paghilig pa lang ng ulo niya sa sandalan ng pick up truck na maghahatid sa kanya sa tribo ng Lambayan. Magdamag siyang walang tulog dahil pinilit niyang tapusin ang pagbabasa ng draft ng libro nito. Pilit talaga niyang tinandaan ang mga importanteng bahagi ng libro lalo na sa bahaging walang picture sa file ni Hero. Kailangan niyang may mapatunayan sa lalaki. Na kaya din naman niyang kumuha ng matinong pictures katulad ng Karenina na iyon.
Naririnig niya ang boses ni Hero sa nag-aagaw niyang diwa. Hindi niya maunawaan ang sinasabi nito. Baka naman di ganoon kaimportante. O baka nakikipagkwentuhan lang sa driver. Masarap sanang pakinggan ang boses nito pero mas importante sa kanya ang makabawi ng tulog.
Naalimpungatan ang dalaga nang may tumapik sa braso niya. "Sunny!"
Pumitlag siya at biglang dumilat. "O, bakit? Anong nangyari?"
Simangot agad nito ang nakita niya. "Tinatanong kita kung paano namimili ng bagong leader ang mga Lambayan. Kanina pa kita tinatanong pero di tinulugan mo lang ako."