"Di pwedeng pasensiya lang. Gusto kong itanim mo sa isip mo na hindi biro ang ginawa mo kanina. You are under my care. Sa akin ka ibinilin ni Amira. Kung may mangyaring di maganda sa iyo, sagutin kita sa kanya at sa pamilya mo. Di ka mapapakinabangan kapag napahamak ka. I am willing to take care of you and protect you. Paano naman kung di mo maalagaan ang sarili mo? Ang cellphone mo pwedeng mapalitan pero ikaw hindi. Importante ka. Mas mahalaga kaysa sa cellphone mo o sa camera mo."
Parang sinabuyan ng malamig na tubig ang nag-aapoy na puso ni Hero. Mahalaga daw siya para dito. Parang on cue ay nagkantahan ang Philippine Madrigal Singer habang nagliliparan ang pink na petals ng bulaklak sa paligid niya. It was beautiful. Akala niya kanina ay katapusan na niya. Sinagip siya ni Hero para lang marinig na importante siya dito.
Habang ninanamnam pa niya ang deklarasyon ng binata ay tinalikuran siya nito. Hinubad nito ang T-shirt at piniga. Naka-side view ang lalaki sa kanya. She enjoyed the view of his lean body. Kung araw-araw ganito ang makikitia niya.
Bigla siyang natauhan nang mapansin ang tinatakbo ng utak. Okay. Masyado pang maaga para sa ganyang level. Sunny, sa pag-ibig ka muna na puro at dalisay.
Nagulat na lang siya nang may kumalabit sa kanya. Si Tudlawan iyon na may hawak na royal blue na tuwalya. "Pinabibigay po sa inyo ni Sir Hero."
Nilingon niya si Hero na kausap si Abukay. Basa pa rin ito pero di nito inaalintana. Nasa kanya kasi ang tuwalya nito. Hinapit niya iyon sa sarili at sinamyo ang bango nito na nakakapit sa tuwalya. Parang yakap siya nito at kino-comfort siya. Lagi man itong galit sa kanya pero alam niyang nag-aalala lang ito sa kanya. He really cared for her. Hindi na niya kailangan pang mangatwiran sa ginawa niya dahil ibinuwis din ng lalaki ang buhay para sa kanya.
Nang bumalik si Hero ay may dala itong mainit na kape. "Inumin mo. Magpalit ka na rin ng damit pagkatapos. Baka magka-hypothermia ka pa."
"Salamat dahil sinagip mo ako. Susunod na talaga ako sa iyo kahit pa makita kong lumilipad sa harap ko ang Ibong Adarna o nagba-ballet ang unicorn, di ko papansinin. Huwag ka nang magalit. Please?"
Mataman lang siya nitong tinitigan. Hindi maglulubag ang loob nito kahit magpa-cute pa siya. "Don't do anything stupid. Pati buhay ng ibang tao inilalagay mo sa alanganin. If you will do another stupid stunt, ibabalik kita kay Amira, contract be damned." At tinalikuran siya ng lalaki.
Nakangiti siyang humigop ng kape at hinapit ang tuwalya sa sarili. It would be an interesting two weeks together. It would be an interesting forever with Hero.
"ITO ang kubo mo. Huwag kang mag-alala dahil may kuryente naman dito na pinapatakbo ng sikat ng araw. Pinalagyan ni Amira para kung kailangan daw mag-aral ng computer ng mga tao dito ay pwede pa rin."
Hapon na nang sa wakas ay makarating sila sa Kanayama at kulang tatlong oras nilang nilakad dahil sa bigat ng mga dalahin. It was not an easy climb. May kataasan ang bundok at may matatarik na daan. Madulas din lalo na nang naglalakad na sila sa mossy forest. Pakiramdam niya ay nasa ibang mundo siya kung saan ay kalikasan ang mas naghahari kaysa sa tao.
Manghang-mangha si Sunny sa pamayanan ng mga Lambayan sa Kanayama. Nakasuot pa rin ang mga ito ng tradisyunal na damit. Pangangako at pagtatanim ang ikinabubuhay ng mga ito.
Si Tamika ang isa sa mga sumalubong sa kanya kasama ang mga pinuno ng tribo. Ito rin ang naghatid sa kanya sa kubo para makapagpahinga. Habang naiwan naman nila si Hero sa atok o sa bahay pulungan ng mga pinuno ng tribo.
Gawa sa kahoy at bubong na pawid ang kubo. May lutuan sa loob ng kubo at may ikalawang palapag na siyang nagsisilbing tulugan. May mesa din at upuan na gawa sa kahoy. Sa labas ng kubo ay may solar cell. "Nice. May solar power na pala dito."
"Oo. Di na kami aasa sa kuryente na galing sa bayan. Malaki na ang pagbabago dito mula nang pumayag ang apo ko at konseho ng matatanda na magpasok ng bagong kaalaman dito. Ayaw ni Amira na mapag-iwanan ang mga Lambayan. Inaayos pa nga para makasagap ng signal ng cellphone dito. Gusto ko na rin masubukan 'yung internet ba iyon? 'Yung kahit taga-ibang lugar pwede mo daw makita at marami kang malalaman. Nasubukan na iyon ng anak ko nang isama ni Amira sa Baguio. Akala mo daw nakapasyal na siya kahit sa ibang bansa."
Magaang tumawa si Sunny. "Oo. Kahit taga-malayong lugar pwede mo nang makausap. Malalaman mo na rin kung ano ang nangyayari sa ibang lugar o tao sa mismong oras na iyon."
"Hindi ko pa rin maintindihan ang mga makabagong teknolohiya na iyan. Di gaya ng mga bata na mabilis matuto sa computer. Masipag silang mag-aral. Kami namang matatanda papindot-pindot lang at parang pagong sa bagal."
"Matututo din kayo."
"Pero sabi ni Amira, ayaw daw niyang mawala ang kultura ng mga tao dito. Sa isang mundo daw na lahat na lang ay pare-pareho, gusto niyang pahalagahan ang kaugalian at gawi ng mga Lambayan. Iyon daw ang maipagmamalaki namin sa buong mundo lalo na kapag nagbukas na ang park. Maraming magiging intersado sa kultura namin. Kaya malaking tulong ang librong gagawin ninyo. Maihahabol kaya iyan sa kaarawan ni Apo?"
Pinisil niya ang balikat nito. "Gagawin ko po ang lahat para maihabol ang sorpresa ninyo."
"Maraming salamat. Akala ko nga hindi na matutuloy iyan dahil umalis si Karenina."
"Hindi rin naman papayag si Miss Amira na di ito matuloy. Importante ito sa kanya. Huwag po kayong mahihiya, ha? Kukuhanan ko kayo ng pictures."
May mga subjects kasi na mahalaga ang privacy. Gusto niyang maging malinaw iyon sa mga taga-Kanayama. Kung ayaw magpakuha ng picture sa kanya, di naman niya pipilitin. Kung sino lang ang may gusto.
"Huwag kang mag-alala. Noon pa man ay nakikipagtulungan na kami para sa ikagaganda ng libro. Ito ang regalo naming mga Lambayan sa mundo."
Papasok na saka siya sa kubo niya nang mapansin niya ang pumpon ng bulaklak ng kalabasa sa harap ng kubo sa tapat niya. "Ang dami namang bulaklak ng kalabasa doon. Para ito saan?" Ganoon ba sumalubong ang mga tao sa Kanayama? Napansin niya ang pirasong papel na nakabilot sa bawat tangkay ng bulaklak. "May pangalan pa ng mga babae."
"Kubo ito ni Sir Hero. Ang mga babaeng may gusto sa kanya ay nag-iiwan ng bulaklak."
"Ah!" aniya at tumango. "Parang babae ang nanliligaw."
Tumikhim ito. "Ang mga babae na gustong makaniig ang isang lalaki ay nagbibigay ng bulaklak sa lalaking gusto niya."
Niig? As in sex? Mga babae mismo ang nagpo-propose?
Bigla naibalik ni Sunny ang bulaklak sa hagdan ng kubo. Parang napaso siya. Gusto niya si Hero pero di sa ganoong level. "Ganoon ba? Pasensiya ka na. Hindi ko yata nabasa sa research ko." Baka nalampasan niya sa sobrang antok. "Ang tapang nila. Hindi ko yata kayang gawin iyan."
"Ang iba, personal na ibinibigay ang bulaklak." Magaan itong tumawa. "Sa tribo namin, malayang makapagpahayag ang kahit na sino ng pag-ibig nila sa isang tao, babae man o lalaki. Di na namin kailangan pang hintayin na suyuin kami ng lalaking gusto namin. Walang manghuhusga sa amin."
"Ahhhh! Ang dami palang nagkakagusto kay Hero dito sa inyo," nausal niya at tumango.
"Oo. Wala siyang kasintahan ngayon. Hiwalay na sila ni Karenina. Maliban na lang kung nobya ka niya." Umiling si Sunny. "May gusto ka ba sa kanya?"