Chapter 61 - Chapter 23

"Wala," kaila agad ni Sunny. "Nalilibang lang ako sa mga bulaklak ng kalabasa. Gusto ko lang talagang magtrabaho. May mga babae talaga na di kailangang magkagusto sa lalaki para maramdaman nilang normal sila. May mga babae na mas gusto munang magka-trabaho. Magka-career."

"Wala naman akong masamang ibig sabihin doon. Maiwan na kita para makapgpahinga ka at makapag-ayos ng gamit," anang babae at umalis.

Humihingal siya kahit nang makaalis na si Tamika. Ano bang nangyayari sa kanya? Parang masyado naman siyang defensive para lang huwag itong mag-usisa kung ano ang totoo niyang nararamdaman kay Hero.

Hindi mapakali si Sunny nang mag-isa na lang sa kubo niya. Akala niya ay si Karenina lang ang karibal niya kay Hero. Marami pa pala. Iba na karibal ko ang isang babaeng malayo pero ibang usapan na kapag nasa paligid lang ang isang batalyong karibal at mas malakas pa ang loob na mag-offer ng sarili sa akin. Paano kung tanggapin ni Hero ang proposal ng isa sa mga babaeng iyon? Paano na ako? Loser na naman? Nganga na naman?

Hindi pwedeng nakatunganga lang siya Sumilip siya sa pinto at tiningnan ang kubo ni Hero na nasa tapat lang niya. Naroon pa rin ang mga bulaklak. Di pa rin nagagalaw. Di pa marahil nakakabalik si Hero mula sa pakikipag-meeting sa mga pinuno ng tribo.

Isang ideya ang nabuo sa utak ni Sunny. Kung makukuha niya ang mga bulaklak ng kalabasa at maitatago, ibig sabihin ay wagi ang ganda niya. Walang bulaklak ng kalabasa, walang proposition na tatanggapin si Hero. All is fair in love and war.

Luminga siya sa paligid. Nang matiyak na walang ibang makakakita sa kanya maliban sa mga kuliglig at ibon ay dali-dali niyang tinawid ang kubo ni Hero. Hinamig niya ang mga bulaklak ng kalabasa na nandoon saka mabilis na bumalik sa kuwarto niya. Malakas ang lagabog ng dibdib niya nang isara ang pinto saka ibinagsak ang bulaklak ng kalabasa sa papag.

"Yes! He is mine! I am sorry girls. Di ko isusuko sa inyo si Hero. Sa akin na pati ang mga bulaklak ng kalabasa ninyo."

Humiga siya sa papag na napapalibutan ng mga bulaklak ng kalabasa. She felt exhilarated. Parang wala siyang nararadamang pagod. Ganito pala ang pakiramdam ng nakikibaka sa pag-ibig. She had never been this vicious before. Lagi siyang patas. Lagi siyang nagpaparaya at nagpapakumbaba. Iba na ngayon. Walang ibang lalaban para sa kanya kundi ang sarili niya.

Natigilan siya sa solo victory party niya. Bigla niyang naalala na baka marami pang bulaklak ng kalabasa sa tribo. Kung iniisip ng mga babae na tinanggihan ni Hero ang mga ito, madali lang makakuha ulit ng bulaklak.

Bumangon siya at lumabas ng kuwarto. Kailangan niyang mahanap ang kuta ng mga kalabasa. Kailangan niyang lipulin ang mga bulaklak ng kalabasa para sa pag-ibig at katarungan. Di siya magpapapigil.

Naglakad-lakad si Sunny. Isang grupo ng batang lalaki na may edad pito hanggang siyam ang naabutan niyang nagsusulat sa notebook. "Mga bata, nasaan ba ang taniman ng kalabasa dito?"

"Doon po sa kina Apo Itoy. Sasamahan mo amin kayo," sabi ni Ganduyan na pinakamatanda sa mga ito.

Mabuti at di na nagtanong pa ang mga bata. Di rin sila dumaan sa pulungan ng mga pinuno ng Kanayama. Sa isang kubo na malapit sa ilog sila napunta. Isang matandang lalaki na nagnganganga sa harap ng bahay nito ang naabutan nila.

"Apo, pwede po bang manghingi ng bulaklak ng kalabasa?" magalang na tanong ni Sunny.

"Aba'y oo naman. Mabuti nga may natira pa para sa iyo. Kinuha na ng mga kadalagahan kanina. Mukhang mapapasabak ka sa labanan. Di magpapatalo ang mga kababaihan namin dito lalo na't dati pa nila gusto ang pinsan ni Amira," kwento naman ng matandang lalaki. Wala atang maitatagong sekreto sa lugar na iyon.

"H-Hindi po. Magpapaluto po ako ng bulanglang na bulaklak ng kalabasa," palusot naman ni Sunny.

"Ganyan lagi ang sinasabi nila," anang matandang lalaki at tumalikod.

Hindi gusto ni Sunny ang pakiramdam na pati ang mga personal na bagay ay malalaman pa ng mga tao sa paligid niya.

"Ma'am, tulungan na po namin kayong mamitas," prisinta ni Ganduyan.

"Salamat na lang. Bumalik na kayo sa pag-aaral ninyo. Kaya ko na ito," sabi niya at hinaplos ang buhok ng mga bata. "Kaya ko na ito."

Saka lang siya nagsimulang mamitas ng bulaklak ng kalabasa nang makaalis ang mga ito. Poproteksiyunan niya ang kainosentehan ng mga bata. Unang araw pa lang niya sa Kanayama ay napapasabak na siya. Mas madali pa ang trabaho niya kaysa ang makibaka sa pag-ibig ni Hero.

Kaya ko ito. Pag naani ko na ang lahat ng bulaklak, chillax na ako. Makakapag-focus na ako sa trabaho ko nang di inaalala si Hero at ang mga babaeng naghahabol sa kanya.

"Sunny, what are you doing here? Di ba sabi ko magpahinga ka na?"

Natigil sa pamimitas ni Sunny nang marinig ang boses ni Hero sa likuran niya. Mariin siyang pumikit at bumilang ng sampu. Naman! Bakit ba siya nasundan nito? Di pa tapos ang operasyon niya.

Ihinanda niya ang ngiti at pumihit paharap dito. "Hi! N-Namimitas ng bulaklak ng kalabasa. Ipapabulanglang ko sana. Favorite ko kasi ito. Patapos na ako dito."

Malalaki ang hakbang nito nang lapitan siya at hinaklit ang pulsuhan niya sa kamay na may hawak na mga bulaklak ng kalabasa. "I know what you are doing?"

Nahigit niya ang hininga. "A-Anong sinasabi mo..."

Alam na ba nito na itinago niya ang mga bulaklak ng kalabasa na alay dito? Oh, no!  Kahit pa sabihin na hindi ito interesado sa proposal ng ibang babae, mali pa rin na isabotahe niya ang pag-ibig ng mga ito. Anong gagawin niya? Tiyak na mainit na naman ang ulo ni Hero sa kanya. Paano kung malaking offense pala iyon at parusahan siya? Bakit ba di niya maalala sa binabasa niya ang parteng iyon?

Tiningnan siya ni Hero sa mga mata. "You want me."

Natigagal si Sunny. "Ha?"

"You are planning to proposition to me. And the answer is no. Hindi ako interesado."

Nagpapalit-palit ang tingin niya dito at sa bulaklak ng kalabasa. Iniisip nito na gusto niyang ialok ang sarili dito?

"Ah! Hindi naman iyon ang iniisip ko..."

Pinutol ni Hero ang sasabihin niya. "Maliwanag ang usapan natin. Nandito tayo para magtrabaho. I want you to focus on that. Akala ko ba nagkakaintindihan tayo?"

"Grabe naman. Ang dumi ng utak mo."

Ngumisi ito. "Sunny, huwag na tayong maglokohan. I think I am not some silly boy you can play with. I know you want me. Don't bother denying it. Akin na ito." At kinuha sa kanya ang bungkos ng mga bulaklak ng kalabasa.

"Anong gagawin mo diyan?"

"Ipapaluto ko para may hapunan tayo mamaya. Stop this silly notion of yours that we can have something romantic or carnal. Mag-focus ka sa trabaho. Magpahinga ka na dahil ipapakilala ka ng mga pinuno dito sa mga taga-Kanayama mamayang gabi. At huwag ka nang hahawak ng bulaklak ng kalabasa mula ngayon."

"Yes, Boss," sabi niya at nakangiti pa itong sinaluduhan.

Nakasunod sa kanya si Hero para tiyakin marahil na wala na siyang ibang bulaklak ng kalabasa na ite-terrorize. Magaan na ang hakbang niya nang bumalik ng kubo.

At least alam niyang safe ang mga bulaklak ng kalabasa. Walang magpo-propose kay Hero. Hanggang mamulaklak ulit ang mga kalabasa. Pero bago dumating iyon, nakahanda na siya sa Olympics para kay Hero. Titiyakin niya na siya pa rin ang mananalo sa huli.