Chapter 58 - Chapter 20

ISANG huling stopover ang ginawa nina Hero at Sunny bago sila tumuloy sa mismong tribo ng mga Lambayan. Isang komunidad iyon na nasa ilalim ng Banal Mining Corporation. May pabahay ang mga ito sa naninirahan doon.

"Bahagi pa rin ito ng ancestral land ng mga Lambayan," kwento ni Hero sa kanya habang nagmimiryenda sila ng banana cue sa isang tindahan doon. "Dati ay payapang namumuhay ang mga tao dito. Hanggang dumating ang Banal Mining at si Alfonso Banal. Inakit niya ang nanay ni Amira para makumbinsi ang pinuno ng tribo para hayaan nilang minahin ang lupaing ito. Nagkagulo ang tribo, may mga namatay at nahati ito. Ang ibang Lambayan ay piniling magtrabaho sa minahan at ang iba naman ay piniling manirahan sa protected area ng tribo na di napasok ng minahan. Sila ang nag-preserve ng kultura ng mga Lambayan. Dahil sa tulong ni Amira, nagawa niyang pag-isahin ulit ang tribo. Tiniyak niya na di na magiging banta ang minahan sa mga Lambayan. Importante sa kanya ang kultura at kalikasan."

"Nabasa ko sa research mo ang tungkol sa pinagdaanan ng mga Lambayan. Pero di ko alam na involve ang mga magulang ni Amira. That is a such a sad love story."

Sa pahapyaw na kwento sa kanya ni Madam Caroline ay isa si Amira sa walong magkakapatid na anak ni Alfonso Banal sa iba't ibang babae. Puro panganay daw lahat pero walang sinuman sa mga ina ng mga ito ang pinakasalan ng lalaki.

Ngumisi si Hero. "Nakakalungkot talaga kapag isa ka lang palang nagmamahal. At gagamitin lang ang pagmamahal mo para sa sariling interes. I detest those kind of people. Sarili lang nila ang mahalaga sa kanila."

Napaisip si Amira sa sinabi ni Hero. Parang may pinaghuhugutan ito sa sinabi nito. May kinalaman ba ang dati nitong nobya? Kung ginamit lang siya ni Karenina, bakit mahal pa rin niya? Di ba dapat natauhan na siya at nagmo-move on?

Ayon kay Manong Berting ay hanggang sa kalsada lang daw ito dahil ibabalik nito ang sasakyan sa Sagada. Kung may emergency at kailangan ng sasakyan, ang opisina ng Banal Mining ang bahalang mag-provide ng service sa kanila.

Pagbaba ng sasakyan ay nakaabang na sa kanila ang ilang kalalakihan edad kinse pataas. Sundo nila ang mga ito mula sa tribo ng Kanayama, ang sentro ng tribo ng Lambayan. "Kami na po ang magbubuhat ng gamit ninyo," prisinta ng binatilyo.

"Hindi ba nakakahiya?" tanong ni Sunny kay Hero.

"Hayaan mo na sila. Dalawang oras pa ang lalakarin natin mula dito. Sanay sila sa pagbubuhat lalo na't sa bayan pa sila nag-aaral," sabi ni Hero at isinukbit sa balikat ang backpack nito.

"Nandito po talaga kami para tumulong. Ako po si Tudlawan," pagpapakilala ng binatilyo na pinakamalaki sa lahat.

"Ah! Di ba ikaw 'yung anak ni Abukay na magaling mangaso?" tanong niya.

Nanlaki ang mata ng binatilyo. "Kilala po ninyo ako?"

"Oo. Nabasa ko sa research ni Hero."

"Ako po si Lombok. May nabasa po kayo tungkol sa akin?" tanong ng isa pang lalaki na sa palagay niya ay nasa disiotso na.

"Oo. Di ba ikaw ang apo ni Apo Kabuna na nakipaglaban sa mga Hapon?" tanong niya at nag-thumbs up. "Kasing tapang ka daw ng lolo mo. Isa ka sa mga kabataan na gustong matuto ng martial arts sa Kanayama. Varsity player ka ng taekwondo?"

"Pasok po ako sa Palarong Pambansa. Sana po maisama din sa libro. Ako po ang u nang Lambayan na napasok sa Palarong Pambansa," pagmamalaki ni Lombok.

"Malay mo umabot ka pa hanggang Olympics. Kukuhanan kita ng picture na nakasuot ng taekwondo dobok mo ha?" excited na sabi ng dalaga. Natutuwa siya na makilala ang mga tao na nasa draft lang ng libro ni Hero. Interesante nga ang mga ito gaya ng research ng lalaki.

Sinabayan siya ni Hero na maglakad. "Di ko alam na pati pala profile ng mga tao sa Lambayan nabasa mo rin."

"Sabi ko naman sa iyo. Nabasa ko ang mga iyon. Kaya nga wala akong tulog dahil pinilit kong tapusin lahat."

"Hindi naman dapat kasama ang mga profile nila dahil personal ko na iyon. Reference ko lang kung kailangan sa libro o sa caption," paliwanag ng lalaki.

"Tama lang na nabasa ko ang profile nila. Ang mga tao dito ang subject ko. Mas gusto ko na makilala sila bilang tao. At as madaling mag-refer kung gagawan sila ng caption o may kinalaman sila sa subject."

"Good," sabi naman ng lalaki at nagpatuloy sa paglalakad. Simpleng komento lang iyon pero kinikilig na siya. Pinuri siya nito. That was another good sign, right? "Sinisimulan pa lang gawin ang tulay papuntang Kanayama kaya bababa pa tayo ng bundok at tatawid ng ilog. Dating may wooden bridge sa baba pero na-washout kasi ng baha noong isang buwan. Hanggang ngayon di pa rin nagagawa. Ibigay mo na sa mga bata ang bag mo para di ka mahirapan."

"Hindi na. Nandito ang camera ko at laptop. Ako na ang bahala," sabi niya at isinukbit ang backpack sa balikat. Pagdating sa gamit niya, di niya basta-basta maipagkakatiwala sa ibang tao.

Mula sa main road ay matarik ang trail pababa ng ilog. Nahigit niya ang hininga dahil nasa taas pala ng bundok ang pinanggalingan nilang kalsada. "Ingat sa pagbaba," bilin ni Hero na nasa harapan niya. "Madulas ang daan ngayon dahil umulan kagabi."

"Kaya ko ito," sabi ni Sunny at inilabas ang camera para mai-document nila ang paglalakad patungo sa Kanayama.

She could feel the adrenaline rushing through her veins. Totoo na ito. Simula na ng trabaho niya bilang photographer. Base sa mga nabasa niya ay interesante ang Kanayama. Sa loob ng mahigit dalawang dekada ay walang sinumang tagalabas ng tribo ang nakapasok. Maging ang mga taga-Kanaya ay di makalabas ng tribo. Walang nagbago sa kaugalian ng mga ito hanggang bumalik si Amira at ang ina nito para muling buksan ang Kanayama sa mundo.

Ine-enjoy ni Sunny ang view ng kabundukan at ilog sa baba. She loved the scent of the fresh mountain air. Berde ang paligid dahil walang nagpuputol ng puno. Pero gusto niya na titigan si Hero kahit na nasa likuran lang siya nito. Likod pa lang nito ay malakas na ang tibok ng puso niya. Lalaking-lalaki ang lakad nito. Malapit lang siya dito. Parang gusto nga niyang haplusin ang buhok nito. Pero di pwede kaya nagkasya na lang siya sa pagkuha ng picture dito.

Abalang-abala si Sunny sa sunud-sunod na pagpindot ng capture button at di na napapansin ang dinadaanan niya. Naramdaman na lang niya na dumulas ang paa niya at tumili nang akala niya ay mapapasadlak siya sa trail.