Chapter 64 - Chapter 26

"SIGURADO ka na kaya mong sumamang mag-hunt sa kanila, Sunny?"

Tumigil sa paglalagay ng baong de lata si Sunny sa backpack at nilingon si Hero na nakatayo sa pinto ng kubo niya. "Oo naman. Ready na ako. Konti na lang."

Matapos mag-agahan ay naghanda na siyang sumama sa mga mangangaso. Her first hunting trip. Ayon sa mga Lambayan, pareho pa rin daw ang sistema ng pangangaso ng mga ito gaya ng gamit ng mga ninuno. Gamit pa rin ng mga ito ang sibat at pana kaysa sa modernong baril. It would be exciting.

"Baka hindi mo kayanin kung sasama ka," puno ng pasubali na sabi nito.

Umikot ang mga mata niya. "Hero, di naman ako mangangaso mismo. Taga-picture lang ako. As if naman makikipagbuno ako sa mga usa at baboy ramo. Kaya ko iyan."

"Mga sanay sa gubat ang kasama natin. Maaring umabot ng mahigit isang araw ang ang pangangako, depende kung sapat na ang nakuha nila. Maraming kailangang pagkain dahil malapit na ang festival nila. Kaya mo bang tumira sa gubat nang ilang araw? Kaya mo ba ang lamig? Walang maayos na CR doon."

"I can manage. Little things."

Bumuga ito ng hangin. "Bakit hindi mo na lang sila kuhanan bago umalis? Ask them to act up as if they are really hunting. Di ka naman obligado na sumama sa kanila para kuhanan sila sa mismong aktong nangangaso."

"Gusto ko na maging natural ang mga kuha ko. Di 'yung pinapaarte ko lang sila. Gusto mong maganda ang libro mo, di ba?"

"You don't really have to go the extra mile. Dito ka na lang para safe ka. Marami pa namang ibang subjects diyan. Or we can start editing the pictures," suhestiyon ng lalaki.

"First time na sasama sa pangangaso si Tuy at ang iba pang bata. Parang ito ang passage to manhood nila. Hinihintay nila ang pagkakataong ito. At hindi lang naman ito tungkol sa libro mo. Mas importante dito ang pangako ko sa mga bata na magkakaroon sila ng magagandang alaala sa araw na ito na babalik-balikan nila. I want to capture their real emotions and experiences."

Excited ang mga bata. Minsan lang mangyayari ang unang karanasan ng mga ito sa pangangaso. It was a big deal. Di modelo ang mga ito na magpi-pictorial. Ang mga Lambayan ang pamilya niya habang nasa Kanayama. Di lang siya photographer kundi storyteller din siya. She wanted real. She wanted raw.

Namaywang si Hero. "You don't have to be emotional about it. Hindi playground ang gubat. Naiintindihan mo ba ako?"

Tumuwid ng tayo si Sunny. "Basta sasama ako. Wala nang urungan. Maiwan ka na lang kung natatakot ka."

"Hindi ako natatakot," kontra ng lalaki at nakakunot ang noong iniwas ang tingin sa kanya. "Ikaw na nga ang inaalala ko, ikaw pa ang galit."

 Parang apoy binuhusan ng malamig na tubig ang inis niya sa lalaki. Nabura ang simangot sa mukha niya at kagat-labing ngumiti. "Talaga? Nag-aalala ka sa akin?" kinikilig niyang tanong.

"Kapag sinabi ko bang "oo", hindi ka na sasama sa pangangaso?"

Umingos si Sunny. "Sasama pa rin ako. Trabaho muna bago pag-ibig." Isinukbit niya ang backpack sa balikat. "Saka ka na magpa-cute sa akin, ha?" Nag-aalala kunyari pero ginagamit lang para kontrolin siya.

"Hindi ako nagpapa-cute sa iyo..."

Nang-aasar na ngumisi ang dalaga. "Sorry. Hindi gagana ang charm mo sa akin ngayon. Magbasta ka na bago ka pa namin iwan."

Sa mismong sentro na sila ng Kanayama nagkita ni Hero. Nanalangin ang lahat para sa paglalakbay nila. It was not a simple hunting expedition. May kasama silang mga kabataan na unang beses mangangaso. They were also briefed before leaving. Kung ano ang signs sa daan na kailangan nilang obserbahan. Maraming paniniwala ang mga Lambayan na di na uso sa modernong panahon pero sinusunod pa rin ng mga ito. May pagkakataon na kailangan nilang putulin ang paglalakbay kung makakita sila ng itim na ibon pero may dilaw na palong. O kaya ay kailangan nilang mag-iba ng daan kapag may nakasalubong silang ahas.

Kinakabahan pero excited si Sunny dahil nagkakantahan pa ang mga bata ng awit para sa mga batang mangangaso kung paanong mag-uuwi ng huli ang mga ito bilang pagpapakita ng lakas at tapang nito. Nasa likuran siya ng mga bata at kasunod si Hero

Ang bahaging iyon ng Cordillera na hawak ng mga Lambayan ay isang malaking virgin forest. She enjoyed taking pictures of some floras and faunas. May mga ibon din silang nakita na iba't iba ang uri at kulay. May mga hayop at halaman na endemic lang sa kagubatang iyon. Mataas ang respeto ng mga Lambayan sa kalikasan. Kumukuha lang ang mga ito nang ayon sa pangangailangan. Di kailangang labis. Alam ng mga ito na pahiram lang ang kalikasan at kailang irespeto at pangalagaan.

"Ang ganda dito," namamanghang sabi ni Sunny habang sunud-sunod ang pindot sa camera. Sinubukang target-in ni Lumian ang isang ibon. Dalawang oras na silang naglalakad noon at nagpahinga muna sa tabi ng batis. "Mabuti na pangalagaan nila ang lupa dito. Kung sa ibang lugar ito, baka kalbo na ang mga bundok. Namina na."

"Dapat kasama ang Kanayama sa miminahin ng Banal Mining twenty years ago. Mas mataas daw ang grade ng ginto dito pero ipinaglaban ng mga Lambayan at may mga namatay sa kanila. Para sa kanila, ang lupa ay buhay. Hangga't may lupa, pwede kang magtanim at mabuhay. At iyon ang gusto nilang ituro sa susunod na henerasyon."

"Ito ang kinakain ng mga baboy ramo at usa." Pinulot ng batang si Tudlawan ang ilang pirasong bunga na parang uri ng nuts. "Kusang nalalaglag sa lupa ang mga bunga at ito ang kinakain nila."

"Paano malalaman kung may mga hayop sa isang lugar? Paano kayo nag-aabang ng mga huhulihin ninyong hayop?" tanong ni Sunny.

"Naghahanap kami ng bakas. Dumi ng hayop, mga bakas ng paa, o kaya kung malapit sa kuhanan ng tubig, doon sila madalas makita," paliwanag naman ng batang si Samoki.

"Ang gagaling ninyo, ah!" puri ni Hero at nakipag-apir sa mga ito. "Tinandaan talaga ninyo ang mga iyon."

Isang matinis na pito ang narinig nila. Dali-daling tumayo ang mga bata. "May nakita na silang hayop," sabi ni Hero. May mga nauna nang mangangaso sa kanila para magbigay ng babala sa aambush-in na hayop.

Sumenyas si Langkawan na pumuwesto ang bawat isa at walang lilikha ng ingay hanggang magbigay ito ng senyales. Sa likod ng matataas na damo sila nagtago ni Hero habang di kalayuan sa harapan nila ay ang mga bata. Nakahanda na ang camera ni Sunny. Si Hero naman ay mabigat ang paghinga sa tabi niya. Excited siya at kinakabahan bagamat di siya sanay manood na makitang may pinapatay na hayop.

Nakarinig siya ng mahinang igik habang palapit ang baboy-ramo. "May kasama siyang anak," narinig niyang bulong ni Hero.

Napapikit na lang siya. Di niya kayang makita ang pagpatay dito. Hindi niya alam kung paano kukuhanan ng pictures pero alam niyang kailangan niyang gawin ang trabaho niya. Anong gagawin ko? Baka maiyak na lang ako kapag pinanood kong patayin ang baboy-ramo? Papatayin din ba pati ang anak niya? Di ko kaya.

Nagtaka si Sunny nang may kumaluskos sa tabi niya. "Huwag! Huwag ninyong ituloy," sigaw ni Hero at tumakbo sa direksyon ng baboy ramo. "Kasama niya ang anak niya."