Chapter 59 - Chapter 21

Maagap na kumapit si Sunny sa mataas na damo sa tabi niya habang ang isang kamay naman ay nakahawak sa camera para tiyakin na hindi iyon mababagsak sa lupa.

"Sunny," anang si Hero at nag-aalala siyang binalikan. "Are you okay? May masakit ba sa iyo?"

Ngumiwi ang dalaga pero mas inalala niya ang gamit niya. "Ang camera ko," nag-aalala niyang sabi.

Pumalatak ang lalaki. "Mas inaalala mo pa ang camera mo kaysa sa sarili mo? Ibang klase ka rin."

"My camera is my life," protesta naman niya at sinisipat-sipat iyon. Ngumisi siya nang makitang wala namang damage iyon. "Okay lang ang camera ko."

Kinuha ni Hero ang camera niya at ipinasa sa isa sa mga batang naroon. "Hawakan mo muna." Umuklo ito sa harap niya. "May masakit ba sa iyo?"

"Wala ito. Malayo sa bituka," sabi niya at dahan-dahang tumayo. "Kaya ko ito."

Inalalayan siya ng lalaki na puno pa rin ng pag-aalala ang mukha. "Sigurado ka?"

"Di ko lang napansin na madulas pala ang natapakan ko."

Medyo masakit ang pang-upo at balakang niya pero ayaw niyang sabihin sa lalaki. When she signed up for the job, she promised to be strong. Baka kapag sinabi niyang nasaktan siya ay isipin ni Hero na alagain siya at hindi niya kaya ang trabaho.

"Ako na ang magbibitbit ng bag mo. Huwag ka na munang kumuha ng pictures. Tingnan mo muna ang dinadaanan mo. Ireserba mo na lang ang pagkuha ng pictures sa Kanayama," utos ng lalaki sa kanya.

Walang nagawa si Sunny kundi ibigay sa lalaki ang bag niya. Ang tanging naiwan sa kanya ay ang water canister at ang waterproof cellphone niya. Hindi pwedeng di siya kumuha ng picture sa kahit anong paraan. Mababaliw siya lalo na kapag marami siyang magagandang nakikita. Parte na iyon ng trabaho niya.

Nang makarating sila ng ilog ay isang bangka ang nag-aabang sa kanila. Doon inilagay ang mga bag nila at iba pang gamit. Malaki ang tubig sa ilog dahil sa malakas ang ulan nang nagdaang araw. Naroon pa ang natirang pundasyon ng kahoy na tulay. May nakataling lubid na siyang ginagabayan ng mga tumatawid ng ilog. Kailangan daw iyon lalo na sa malalim na bahagi.

May paniniwala daw na kapag ayaw ng mga anitong tagabantay ng Kanayama na patuluyin ang isang tao doon, basta na lang lumalaki ang tubig.

Mga anito, peace po tayo. Walang personalan, trabaho lang.

"Sumakay ka na sa bangka," utos ni Hero.

"Hindi na. Gamit ko na lang. Kaya ko namang tumawid." Kung kayang tumawid ng mga ito, kaya din niya. Di naman siya ganoon kaliit at marunong din siyang lumangoy. Suot pa rin niya ang sneakers nang tumawid sa ilog.

Ilang sandali lang siyang tinitigan ni Hero. "Sige. Pero kumapit ka lang sa lubid. Huwag kang bibitaw. Huwag kang lalayo sa amin."

"Yes!" usal niya at itinaas ang tupi ng pants niya. This would be a grand adventure. Hindi rin niya kailangan ng royal treatment. Gaya ng sinabi ni Hero, bawal doon ang maarte at maselan. Dapat ay ilagay sa lugar ang kilos.

Nagandahan siya sa bangka na tumatawid sa ilog at patungo sa kabilang pampang. Sinasagwan iyon ni Tudlawan habang tinuturuan ng ama nitong si Abukay. It was beautiful with a dramatic background of the mountains. She must not miss this scene.

Ikinapit ni Sunny ang isang kamay sa lubid habang ang isa naman ay hawak ang cellphone. Subalit dumulas ang cellphone sa kamay niya at nalaglag sa tubig. May floater naman ang cellphone niya pero di nakasabit ang kamay niya sa hand strap.

Pilit niyang inabot ang cellphone pero mabilis ang agos. Napilitan siyang bitawan ang lubid para mahabol niya ang cellphone. Nakailang kampay siya at matagumpay niyang nakuha ang cellphone. Pero huli na nang mapansin niyang malayo na siya sa lubid at malakas ang agos. Sa bawat kampay niya ay tinatangay lalo siya ng agos palayo sa mga kasama. Nag-panic si Sunny. Di niya alam kung paano babalik. Wala siyang makakapitang bato. Di niya alam kung saan siya kakaladkarin ng ilog. Marunong siyang lumangoy pero di sa ganoong kalakas na current.

"Sunny!" tawag ni Hero sa kanya.

Itinaas niya ang kamay niya. Gusto niyang humingi ng tulong pero pakiramdam niya ay hinihila siya ng pailalim. Hindi siya pwedeng dito mamatay. Ngayon pa lang natutupad ang mga pangarap niya. Pero paano siya lalaban? Nanghihina na siya.

Pilit siyang umiibabaw nang makarinig siya ng labusaw ng tubig. "Sunny!" tawag ni Hero sa kanya. Isang malakas na pwersa ang humila sa kanya at ikinawit ang braso sa leeg niya. "Relax. You are safe now. Ako na ang bahala sa iyo."

Pumikit si Sunny at hinayaan ang lalaki kung saan siya dalhin. Narinig niya ang palakpakan ng mga kasama nila. Isang salbabida pala ang hinawakan ni Hero para mahila pa rin ito pabalik ng mga kasamahan nila. Inilangoy siya nito papunta sa bangka. "Kumapit ka lang diyan. Kahit anong mangyari, huwag kang bibitaw. Wala kang ibang gagawin. Di ka kukuha ng pictures. Diyan ka lang," matigas na bilin nito. Wala siyang nagawa kundi tumango at sundin ang utos nito. Wala na siyang lakas na kumampay kaya hinayaan an lang niya ang bangka na dalhin siya sa pampang.

Bagamat binati siya ng mga kasama at nagpapasalamat sa Diyos pagkakaligtas sa kanya, dama pa rin niya ang tensyon ni Hero. Nang makarating sila sa pampang ay kinuha agad nito ang tuwalya at ibinalot sa kanya. "Iyan muna ang gamitin mo. Bagong laba iyan," sabi ng lalaki sa malalim na boses.

"S-Salamat sa pagliligtas sa akin," nanginginig na sabi ni Sunny. "H-hindi ko na talaga alam ang gagawin kanina..."

"Hindi ko na rin alam kung ano ang gagawin ko sa iyo, Sunny." Tuluyan nang sumabog ang binata na parang bulkan. "What were you thinking? Bakit kumuha ka pa ng pictures at bumitiw sa lubid? Sabi ko naman sa iyo na delikado dito. Di pwedeng bara-bara ang kilos. Isang mali mo lang, pwede kang masaktan o mamatay."

"Pasensiya na. Sayang kasi maganda ang shot ng bangka habang tumatawid ng ilog. I-I don't want to miss the chance."

"Miss the chance? Kung di pa kita nasagip kanina, sa palagay mo ba may chance ka pa? Sinabi ko naman sa iyo na may pagkakataon ka kapag nasa Kanayama na tayo. Stop trying to impress me."

Nanlaki ang mga mata ni Sunny. "Really, Hero? Sa palagay mo ba magpapakamatay ako para lang mapansin mo? I am a photographer. Nagandahan lang talaga ako sa nakita ko. Normal na sa photographer na gawin ang lahat para ma-capture ang picture na gusto namin. Hindi lahat tungkol sa iyo."

"At sinabihan kita na kumuha ka ng pictures kapag nasa Kanayama na tayo. Di ka nakinig. Kita mo naman kung gaano kadelikado dito. Saan ka namin pupulutin kung di ka namin nasagip?"

Yumuko siya. "Pasensiya na nga."