Chapter 62 - Chapter 24

HIMBING na himbing ang tulog ni Sunny habang namamaluktot sa papag.  Sobrang lamig sa Kanayama dahil nasa mataas na lugar sila at nasa gitna ng kagubatan. Nang marinig niya ang tawag ni Hero sa kanya, akala niya ay nananaginip lang siya. Pero nang masundan iyon ng sunud-sunod na katok ay nagising ang diwa niya.

Umungol siya. "Sandali!" Kung di lang talaga ito ang tumatawag ay wala siyang balak bumangon.

Itinalukbong niya ang hinabing kumot sa ulo at sa katawan. Di naman pwedeng humarap siya sa lalaki na mukhang sinabunutan ng sampung bading. Madilim na madilim pa sa labas nang mapagbuksan niya si Hero.

"Good morning," paungol niyang bati dito at pilit na ngumiti. "Bakit?"

"Naghanda na ako ng agahan natin at kape. Kumain na tayo."

Nawala bigla ang antok niya. "Talaga?" Nawala ang antok niya. It was better than her fantasy. Gumising pa ito nang maaga para sa kanya. "Sandali. Maghihilamos lang ako," sabi niya at isinara ang pinto.

Lakas naman maka-inspire ni Hero. Kinuha niya ang tuwalya at toiletries niya at pumunta sa banyo sa labas ng kubo niya. Nangangangalisag ang balahibo niya sa lamig. Nakababa pa ang ulap sa paligid niya at nilulukuban ang Kanayama.

 Pikit-mata siya nang ihilamos sa mukha ang malamig na  tubig. Wala siyang pakialam kahit na parang nagyeyelo ang tubig sa tubo mula sa bukal. Gusto niyang presentable siya kapag humarap kay Hero.

Nang nagdaang gabi ay naging abala siya sa pagkuha ng pictures. Ipinakilala siya sa mga Lambayan na nasa Kanayama. Makikilala din daw niya ang iba sa isang linggo kapag bumalik na ang iba para sa festival na humihiling sa muling pagsikat ng araw. Malamig kasi tuwing buwan ng Pebrero at hinihiling ang pagpasok ng tag-araw.

Pero si Hero talaga ang sentro ng gabi dahil inalayan pa ito ng sayaw ng mga kababaihan doon. Marami siyang nakuhang pictures ng binata. Kung alam lang nito na sa mundo ng internet ay dinudumog na ito ng mga tao. Sa pagkakataong ito ay wala siyang planong i-post ang pictures nito. Ipagdadamot niya si Hero.

Siguro naman may advantage ako sa puso niya dahil ipinaghanda niya ako ng breakfast. Masarap laging gumising kapag ganito.

Pinatungan ni Sunny ng jacket ang T-shirt na pantulog. Naka-pajama siya pero nanunuot ang lamig sa binti niya.  Di naman niya pwedeng isuot ang dress na padala ni Mea dahil mahahalata naman nito na nagpapa-impress siya. Isa pa, wala siyang planong maging frozen delight. Breakfast lang. Di pa naman date.

Nasa gilid ng kubo si Hero. May mesa at upuan doon na gawa sa kahoy. Di kalayuan ay ang kalan na gawa lang sa bato at pinaringas na kahoy. May nakasalang na takure na gawa sa pottery na may nakaukit na iba't ibang ethnic symbols sa ibabaw.

"Akala ko naligo ka na. Ang tagal mo," reklamo nito. "Lumamig na ang tsaa."

"Ang aga mo kasing manggising. Wala pang alas singko," angal niya at umupo sa tapat nito. "Anong agahan natin?"

Inalis nito ang takip na dahon ng saging. Nilagang saging at kamote ang tumambad sa kanya. "Here's my expertise."

Pumalakpak siya at sarkastikong ngumiti. Asang-asa pa mandin siya na kahit paano ay bongga ang ise-serve nito sa kanya. Puro nilaga. "Wow! Michelin chef level."

"Come on. Di ako katulad ni Chef Aklay. Ako ang kasama mo dito. Iyan lang ang nakayanan ko. I can't create gourmet food out of thin air."

"Di naman ako umaangal," sabi niya at dumampot ng saging. Malaking bagay na sa kanya na pinagmalasakitan siya ng lalaki. Ayaw man nito sa kanya, pinagsisilbihan pa rin siya nito. Haba ng hair niya, sa totoo lang.

"Kailangan maaga kang magsimula ng trabaho. Maagang gumigising ang mga tao dito. Gusto ko na makuhanan mo ang ginagawa nila sa araw-araw."

"Di ba may nakuhanan nang ibang picture ang ex mo?" kaswal na tanong ni Sunny habang binabatalan ang pangalawang nilagang saba niya.

"What?" paangil na tanong nito.

Natigilan si Sunny nang ma-realize na nadulas pala siya sa pagbanggit sa ex nito. She was not supposed to know about it. Baka isipin nito nakikialam siya sa buhay nito o kaya ay tsismosa siya. "Ex-photographer mo," maagap niyang paglilinaw.

"Baka may makuha kang mas magandang shot. Iyon ang gagamitin natin. And besides, you are building your portfolio as a professional."

"Tama ka. I have to take more pictures para may mapagpilian ka." Logical naman pala itong magdesisyon pagdating sa trabaho. Kailangan pala ay magpakabibo siya mamaya. Performance level. Ilalabas niya ang lahat ng artistic juices niya. "In fairness, masarap ang saging mo. Matamis." Magkasalubong ang kilay siya nitong tinitigan. "What? May nasabi ba akong mali?"

"Never mind. Kamote naman kainin mo. Matamis din iyan," sabi nito at inilagay sa kahoy na plato niya ang kamote.

Nagbibigay ito ng instruction sa kanya kung anong shots ang gusto nitong makuha niya nang magdatingan ang tatlong kadalagahan. "Gawis ay agew yo," bati ng mga ito sa kanila.

"Good morning," nakangiting bati niya.

Pero saglit lang siyang nginitian ng mga ito at ibinaling ang atensiyon kay Hero. "Sir Hero, dinalhan ka namin ng agahan," sabi ng matangkad na babae na ang tanda niya ay si Kiangan, ang leader ng mga kadalagahan doon.

"Ayaw kasi namin na magugutom ka," anang si Umi na may pinakamagandang boses sa mga kadalagahan doon. Ang alam niya ay ito ang mamumuno ng pag-awit sa paparating na festival.

Inilapag ni Tamika ang palayok sa harap nila. "Heto sabaw na may pinakuluang pulang kalyos at talbos ng alugbati. May sabaw pa iyan ng nilagang manok. Para mainitan ang sikmura ninyo."

"Salamat. Nag-abala pa kayo," sabi ni Hero.

Binuksan niya ang takip ng palayok at sinalubong agad siya ng nakakatakam na amoy ng sabaw. "Mukhang masarap. Nakakagutom."

"Iyan lang ang agahan ninyo?" nakataas ang kilay na tanong ni Kiangan. "Ganyan lang ba ang kaya mong ipakain kay Hero?"

"Siya ang nagluto," aniya at ngumuso kay Hero.

"Buti nga nagdala kayo ng pagkain dahil iyan lang ang nailuto ko." Ipinaglagay siya ni Hero ng sabaw sa mangkok. "Kumain ka lang diyan. Gusto ko mas maganda ang pictures na makuha mo." Niyaya din nito ang ibang babae. "Kain din kayo. Saluhan na ninyo kami."

Napansin niya ang pagkadismaya sa mukha ng mga ito. "Hindi na. Babalik na kami sa bahay. Marami pa kaming gagawin," anang si Umi.

"Oo nga. Magkwentuhan na lang tayo sa susunod, Sir Hero. 'Yung wala nang mang-aabala sa atin," sabi ni Tamika at naghahagikgikan na umalis ang mga ito.

Siya ba ang pang-abala? Ganoon? Inabala din naman ng mga ito ang breakfast date nila ni Hero. Pero dahil dinalhan naman sila ng pagkain, di na siya maiinis. Sa susunod, siya na ang magluluto para kay Hero. Di na siya magpapalamang.

Related Books

Popular novel hashtag