Chapter 63 - Chapter 25

TUWANG-TUWA si Sunny nang saluhin ang mga bayabas na ihinahagis sa kanya ng mga bata mula sa taas ng puno. "Maraming salamat dito."

"Salamat din po sa pictures na kuha ninyo sa amin," sabi ni Ganduyan na nananatili sa taas ng puno. Kumaway ito sa mga kaibigan na kasama niya sa baba. "Ano? Guwapo ba ako diyan?"

"Oo naman. Kapag kinuhanan sa camera ni Ma'am, guguwapo ka, Kuya. Tingnan mo. Di ka mukhang unggoy sa puno," sabi ni Tuy at nagtawanan ang mga bata.

"Bukas po isasama kami sa pangangaso. Gusto po ba ninyong kumuha ng picture, Ma'am?" tanong ni Ganduyan.

"Gusto ko. Kung papayag ba ang mga magulang ninyo na sumama din ako," sabi naman ng babae.

"Unang beses kong sasamang mangaso," sabi naman ng walong taong gulang na si Kitoy. "Sana po marami akong larawan."

Wala siyang nakita na may pictures si Karenina sa pangangaso. Isa iyong gawi na namana pa ng mga Lambayan sa mga ninuno. They were hunters and gatherers until agriculture was introduced. That would be interesting.

Marami na rin siyang nakuhang pictures sa umagang iyon pa lang. Nakatiyempo pa siya ng mga nangunguha ng honeybee mula sa bahay ng bubuyog. Sana naman ay masiyahan na si Hero sa mga nakuha niya.

Naglalakad na siya pabalik sa bahayan nang marinig niya ang tawanan ng mga kababaihan. Nang sumilip siya sa pagitan ng mga halaman sa gilid ng bangin ay nakita niya ang mga kababaihan na nasa ilog at nanlalambat ng isda.

Bumaba siya at nakangiting nilapitan ang mga ito. Pawang mga bata pa ang mga ito. Sa tantiya niya ay di lalampas ng labingwalong taong gulang. "Hi! Pwede ko ba kayong kuhanan ng picture?"

Nakasimangot siyang tiningala ni Umi. "Kukuhanan mo kami nang ganito ang

 itsura namin? Ni hindi man lang kami nakapag-ayos?"

"Magaganda naman kayo. Saka maganda naman kapag natural."

Naglalaba lang naman ang mga ito. Normal nang tapis ang suot ng mga ito at nakapusod ang buhok. Di naman kailangan na mag-make up pa. Di naman sila magpo-photoshoot para sa commercial ng sabon.

Subalit mukhang lalong nagalit ang mga ito sa kanya. "Sinasadya mong magmukha kaming pangit sa harap ni Hero," akusasyon ni Tamika at dinuro siya. "Gusto mo na ikaw lang ang maganda sa paningin niya."

Napamaang si Sunny. "H-Hindi totoo iyan."

"Kinalabanan mo kami. Si Miss Karenina na girlfriend ni Sir Hero, pinag-aayos muna kami bago kami kuhanan ng picture. Hindi gaya mo," sabi ni Umi at tumayo na.

Tumayo rin si Kiangan at nilapitan siya. "Akala mo ba hindi namin alam na ikaw ang may kagagawan kung bakit iniluto lang ni Sir Hero ang bulaklak ng kalabasa namin?"

Namutla si Sunny. Guilty siya pagdating sa bulaklak ng kalabasa. Di man alam ng mga ito na itinago niya ang mga bulaklak, iniisip marahil nito na ang mga bulaklak na pinitas niya at kinuha ni Hero mula sa kanya ang bulaklak galing sa mga ito. "M-Magpapaliwanag ako. Si Hero ang may gusto ng bulanglang. Itanong pa ninyo sa kanila. Wala akong impluwensiya sa kung sino ang gusto ni Hero. At nandito lang ako para magtrabaho."

Sana naman ay di siya awayin o pagtulungan pa ng mga ito. Ayaw talaga niya ng gulo. Sa susunod, di na niya isasabotahe ang mga karibal niya. Magbabait na siya.

"Huwag tayong magpakuha ng picture sa kanya. Tingnan ko lang kundi magalit sa kanya si Sir Hero," nakaismid na suhestiyon ni Kiangan. "Paaalisin siya dito.

"Sabihin natin kay Hero kung ano ang ginawa niya," sabi ni Tamika. "Gusto niyang papangitin tayo. Di ako makakapayag."

Karibal ang turing ng mga ito sa kanya. At plano ng mga ito na sirain ang trabaho niya. Kinabahan si Sunny. Kapag nakaabot kay Hero ang insidente na ito at napagtulungan siya ng mga kadalagahang Lambayan, siguradong paaalisin siya doon. Wala pa nga siyang napapatunayang trabaho at di pa siya nagmamarka sa puso ni Hero, maglalaho na agad siya sa buhay nito. Anong gagawin niya? Wala na nga siyang career, wala pa siyang love life.

"Anong ginagawa ninyo diyan? Bakit inaaway ninyo ang bisita natin?"

Napalingon silang lahat sa babaeng nagsalita. Di nalalayo ang edad nito sa ibang babae pero nagdadalang-tao na ito. Nakahawak ito sa balakang habang pinangmumulagatan ang ibang babae.

"Salima," usal ng mga ito, pawang nahihintatakutan.

"Huwag kang makialam dito. May kasalanan siya sa amin," matapang pa na sabi ni Kiangan.

"Matanda na si Sir Hero. Sa palagay ba ninyo wala siyang isip para maimpluwensiyahan ng kahit sino? At malaking kasalanan kung sisirain ninyo ang trabaho ni Miss Sunny. Gusto ba ninyo na pati si Hero ay mapahamak? Di bale sana kung mapapalitan ninyo siya sa trabaho niya."

"Madali lang naman kumuha ng larawan. Pa-click-click lang," nakaisip na sabi ni Umi.

"May mga camera ba kayo na gaya ng kanya? 'Yung magandang klase," naghahamong tanong ni Salima.

"Siyempre wala," sagot ni Tamika at iniwas ang tingin.

"Sige. Maiwan ko na kayo diyan. Di ko na aabalahin ang paglalaba ninyo. Pasensiya na," mapagpakumbabang sabi niya sa grupo nila Kiangan.                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                                              

"Doon tayo sa isang bahagi ng ilog. Doon naglalaba ang mga may asawa na. Mababait ang mga iyon at di na nila kailangang magmukhang maganda sa camera. Sasamahan na kita," prisinta ni Salima.

"Maraming salamat," sabi niya.

"Pasensiya na sa grupo nila Kiangan. Hindi naman lahat dito sa Kanayama ay katulad nila. Taal na mababait ang mga Lambayan," depensa ng babae.

"Alam ko iyon. Ilang buwan na pala ang dinadala mo?"

Sinapo nito ang tiyan. "Limang buwan. Hinahanap ko lang ang kapatid ko dahil siya ang naglalaba ng damit ko. Dadalhan ko ng miryenda."

Gaya ng sinabi ni Salima, mas madaling kausap ang mga kababaihan na pinuntahan nila. Masayahin ang mga ito at maraming kwento tungkol sa Kanayama kahit na hirap magsalita ng Tagalog ang iba sa mga ito.

"Maraming salamat sa tulong mo, Salima," pasasalamat ni Sunny nang naglalakad na sila pabalik ng kubo.

"Wala iyon. Pangarap ko rin sana iyan. Maging katulad mo. Makakuha ng magagandang litrato. Maglakbay sa mundo. Magsulat ng mga kwento. Kaso heto..." At hinaplos nito ang umbok ng tiyan.

"Pwede ka pa rin naman mag-aral kahit na may asawa at anak ka na."

"Ayaw kasi ng asawa ko na si Kantar." Malungkot na ngumiti ang babae. "Pero mabait naman siya. Naninibago lang siya sa konsepto na pwedeng mag-aral ang mga tagadito o magkaroon ng bagong kaalaman. Ang alam ko lang magsulat at magbasa.

"Kung gusto mong sumulat ng mga kwento, pwede mo naman gawin iyon. May dala akong notebook na bago saka ballpen. Sa iyo na."

"Pero baka makita ng asawa ko," nag-aalangang sabi nito. "Para sa kanya, dapat ko nang kalimutan ang pag-aaral at ituon ko ang isip ko sa  kanila ng magiging anak ko."

Kumunot ang noo niya. "Bilang isang babae, di dapat natatapos ang pagiging babae mo sa pagiging nanay o asawa. May kakilala nga ako na lola na pero nag-aaral pa rin. Kung gusto mong magsulat ng kwento o kumuha ng pictures, gawin mo." Inilabas niya ang maliit na digicam. "Here. Hiramin mo muna."

"Ipapahiram mo sa akin?" Her eyes widened in wonder. "P-Pero mahal ito..."

"Hindi iyan. Gamitin mo na. May extra pa naman akong gamit"

"Ang bait mo naman. Itatago ko na lang sa asawa ko," sabi nito at kumindat.

Naalala niya ang nanay niya na umikot na lang halos ang buhay sa pagmamahal sa ama niya. Kahit silang magkapatid ay parang nag-e-exist lang upang may panghawakan sa ama niya. Ayaw niya ng ganoon. Iba si Salima na may pangarap para sa sarili. Bilang isang babae. At kung may maitutulong siya dito ay gagawin niya.

Masaya siya na may bagong kaibigan na siya sa Kanayama.

Related Books

Popular novel hashtag