Bumagsak ang balikat ng dalaga at muling sumandal. Pumikit siya para mawala ang pagkahilo. "Hero naman, alas singko pa lang ng umaga. Kailangan ba talaga ganito kaaga ang question and answer portion natin? Kahit ang mga manok tulog pa."
"Kanina pang alas tres tumilaok ang manok. Kasabay kong nagising. Sagutin mo na ang tanong ko. Paano pumipili ng new leader ang mga Lambayan?"
Umungol ang dalaga. Pati ba naman paggising ng manok ay naorasan nito? Wala itong patawad. "Pwede bang matulog muna ako? Kahit isang oras lang," pakiusap niya.
"Tch! Dinalian ko na ang tanong. Di mo pa rin pala masagot."
"Promise. Patulugin mo ako kahit isang oras lang. Kahit ikaw, sasagutin ko. Kahit will you marry pa ang itanong mo basta mamaya na, ha?" aniya't bahagyang ngumiti.
"What?" bulalas ng lalaki na halos sampalin siyang soundwaves sa lakas ng pagkakasabi nito. "Are you serious about this job?"
Idinilat niya ang isang mata. "Oo naman. Di na nga ako nakatulog kare-review sa libro mo. Di ako nagreklamo kahit na ikaw ang pinaka-sadistang taong nakilala ko."
"Did you just call me a sadist?"
Ngumisi ang dalaga. "Yes! Daig ko pa ang sinabihang magbo-board exam kinabukasan at isang araw lang ako pwedeng mag-review. Gusto mo bang tawagin kitang santo?"
Wala siyang tulog. Said na ang pasensiya niya. Wala siya sa mood sa question and answer portion ng lalaki. She was in a cranky mood. Kahit pa awayin siya nito o sipain palabas ng sasakyan, wala siyang pakialam. Basta matutulog siya. Di bale sana kung iaalay nito sa kanya ang pag-ibig nito. Baka sakaling mag-improve ang mood niya. Wala siyang oras sa kasungitan nito.
"You have a smart comeback. You don't seem like sleepy to me."
"Huwag kang judgmental. Ipinagtatanggol ko lang ang sarili ko. Di mo sinabi sa akin na ganito kaaga ang graded recitation. Sana pinasikat mo muna ang araw."
Ngumuso si Sunny at tuluyang ipinikit ang isa pang mata. Inaantok naman talaga siya pero grabe kung mandurog ng pagkatao si Hero. Di na makatarungan.
"Ang aga-aga naman ninyong mag-away. Para kayong mag-asawa," kantiyaw ni Manong Berting sa kanila.
Naramdaman niya na umusod si Hero palayo sa kanya. "Hindi kami mukhang mag-asawa. We are just..."
"Ewan ko ba kay Hero bakit ako laging inaaway. The more you hate, the more you love, di ba, Manong?" sabi ni Sunny na sinakyan ang biro ng matanda. Alam niyang maiinis na naman sa kanya si Hero pero nasa mood siyang asarin ito. Tutal wala itong balak patulugin siya kaya mag-asaran na lang silang dalawa.
"Matulog ka na. Mamaya na lang kita tatanungin kapag nakapagpahinga ka," anang lalaki na nag-iba ang tono.
Himala. Inaasahan niya na sasabog ito at sesermunan siya kung paanong malaking pagkakamali na siya ang photographer nito.
"Thanks, Hero," malambing niyang sabi at hinapit ang sarong niya sa sarili. Nakangiti niyang ipinikit ag mata. Kahit paano ay makakapagpahinga siya mula sa kasungitan nito. Life!
Banta ng pag-ibig lang pala ang makakapagpabait dito. Sana sa susunod maging mabait siya sa akin nang di na kailangang pagbantaan. Gaya ng dati.
Napuol ang tulog ng dalaga nang may tumapik sa pisngi niya. "Sunny, gising na."
Umungol siya at dahan-dahang iminulat ang mata. "Hello!"
Nanlaki ang mata ni Sunny nang makitang sobrang lapit ng mukha ni Hero sa kanya. Sa lapit ay pwede na nitong makita ang pores at morning star niya sa mata. Saka lang niya napansin na nakahilig siya sa balikat nito.
Dali-dali niyang inangat ang ulo at lumayo dito. "Sorry. Napahilig ata ako sa iyo habang natutulog." Pinagpag pa niya ang balikat nito. Baka mamaya ay isipin nito na nagni-ninja moves siya dito. Inosente siya.
"No. Inalalayan kita kaninang magalaw ang sasakyan. Baka humampas pa ang ulo sa bintana. Kasalanan ko na naman dahil pinabayaan kita. Di naman ako ganoon kasama," paliwanag nito.
Saglit siyang nanahimik. Si Hero mismo ang naghilig sa ulo niya? Hindi iyon joke? Yaz! Siya nag-initiate ng moment namin. Achieve!
"Thank you," malambing na sabi dito.
Sabi na nga ba't may mabuti itong puso. Naunahan lang ito ng kapraningan sa kanya. Luminga si Sunny sa paligid. Maliwanag na ang araw. Nakita niya sa labas ang mangilan-ngilang bahay. Pero bukid sa kabundukan ang nakikita niya.
"Nasaan na tayo banda?" tanong ng dalaga.
"Nasa Bauko na tayo. Mag-stopover tayo para makapag-agahan," sagot naman ni Hero.
Nataranta si Sunny. "Huwag! Huwag tayo dito."
"Bakit naman, Ma'am?" nag-aalalang tanong ng driver na si Manong Berting.
Naalala niya ang huling pag-uusap nila ni Mea. Kailangan daw niyang iwasan ang lugar kung saan niya nakuhanan ng picture si Hero gaya ng bayan ng Bauko. Tiyak na usap-usapan na ito doon dahil ipinagkalat ni Chacha kung saan nakita ang lalaki. Isang himala na di pa sumusunod ang babae sa Sagada. Pero posible pa rin na nasa Bauko ito at nag-aabang. At di siya papayag na matagpuan ito ng ibang fans nito nang di man lang nito nakikita ang good points niya. Kailangan niya itong itago sa madla. Gusto niya itong masolo kahit sa dalawang linggo na nasa Bauko siya.
"Sa iba na lang tayo kumain. Lagi na lang kasi akong kumakain dito sa Bauko dati. Pwedeng sa ibang lugar na lang?" pakiusap ni Sunny. "Yung may magandang view."
"Okay naman ang view sa Bauko. Saka maayos naman ang kainan doon," katwiran ni Hero. "May tinataguan ka ba sa Bauko? Ex-boyfriend..."
"Wala! Wala talaga. Gusto ko lang maiba naman. Puro Bauko na lang ang stopover ng lahat. Ikaw ba, hindi nagsasawa?" tanong niya.
Nagkibit-balikat si Hero. "Hindi. Okay naman ako sa Bauko."
"May alam akong masarap na bulalo sa susunod na bayan. Doon ang paboritong kainan ni Sir Hero dati. Maganda ang view doon lalo na kapag bumababa ang fog. Naku! Romantic pa," sabi naman ni Manong Berting at ngumisi sa kanya sa rearview mirror.
"Gusto ko sa romantic na lugar, Manong," kinikilig na sabi ni Sunny.
"Hindi tayo mamamasyal o magde-date," angil ni Hero sa kanila na parang tigre. "Saka ikaw lang ang inaalala ko dahil baka gutom ka na."
"Okay lang ako. Don't worry about me. Gusto ko ng bulalo."
Gutom na si Sunny dahil di naman siya nakakain kanina bago umalis ng inn. Salad lang din ang kinain niya nang nagdaang gabi. Mag-a-alas siyete na ng umaga at wala pang laman ang tiyan niya maliban sa tubig.
Kaya kong magtiis basta huwag lang may makakilala sa iyo sa Bauko. Mas mahihirapan akong mag-explain kapag dinumog ka ng fans mo. Please. Wala sanang makakita sa iyo.