Chapter 57 - Chapter 19

Hindi halos humihinga si Sunny habang papalapit sila sa stopover ng mga bus at sasakyan sa Bauko kung saan nagtanong-tanong siya tungkol kay Carrot Man. Nakatanghod si Hero sa may bintana. Nakababa ang windshield kaya kitang-kita ang mukha nito kapag dumaan ang sasakyan nila.

"Hero, pwedeng isara ang bintana mo? Ang lamig kasi," pakiusap ng babae.

"Paanong di ka lalamigin? Bukas 'yang bintana mo."

Epic fail, Sunny. Epic fail.

"Isasara ko na nga," sabi niya pero napansin din niya na isinara nito ang sariling bintana.

Tuloy-tuloy lang sila hanggang makalampas sa stopover area. Saka lang ulit niya binuksan ang bintana nang malampasan na niya ang lugar kung saan niya ito nakuhanan ng picture. Umaasa siya na mas maliit ang posibilidad na may makakilala sa lalaki. Sana lang mapadpad sila sa lugar na walang signal ang cellphone at walang pakialam ang mga tao sa mga viral sa internet. Sana.

Di pa sila nakakalayo nang biglang tumunog ang sikmura ni Sunny dahil sa gutom. Nilingon siya ni Hero at kahit si Manong Berting ay nakatingin sa kanya sa rearview mirror. Nasapo niya ang tiyan at maasim na ngumiti sa mga ito. "Sorry."

"Gutom ka pala pero tinitiis mo pa. Nag-agahan ka ba?" tanong ni Manong Berting.

"Opo naman."

"Kailan? Kahapon pa?" tanong ni Hero na napailing. "Di ko alam kung ano pang klaseng view ang hinahanap mo na titiisin mo pa ang gutom mo. Di mo naman nakakain ang romantic view. Mabubusog ka ba no'n?"

"Wala ka talagang alam sa mga babae. Kayang magtiis ng gutom ng mga iyan basta lang makakita ng romantic view. Kita mo nga ang asawa ko noong kabataan namin magyayaya pa sa Lake Danum para lang sa view kahit na mamitas lang kami ng berries sa tabi-tabi. Paano ka makakapag-asawa niyan kung di mo alam ang gusto ng mga babae?" kantiyaw ni Manong Berting dito.

"Pakitigil ninyo sa pinakamalapit na kainan na madadaanan natin, Manong," utos ni Hero. "Kahit na walang view at bulalo basta may mainit na pagkain." May dinukot ito sa ecobag na paperbag at inabot sa kanya. "Tinapay iyan na ipina-bake ni Lola. Kainin mo na. Dating chef ng prinsipe ng Al Ashiq ang nag-bake niyan. Pwede na sigurong maka-compensate sa romanic view na gusto mo."

"P-Pero para sa mga bata ito ng Lambayan." Naalala niya na sabi ni Madam Caroline na magpapa-bake ito ng tinapay kay Chef Aklay. Aklay ang Igorot name ng nobyo ni Amira na si Francois. Si Amira lang yata ang tumatawag ng Francois dito. Hindi yata niya kayang kainin ang tinapay na para sa mga bata.

Pumalatak ang lalaki. "Kumain ka basta. Magpapa-bake na lang ako kay Kuya Aklay dahil pupunta naman sila sa Lambayan sa isang linggo. Di ko alam kung gaano pa kalayo ang kainan dito. Alam ko puro bukid at bangin ang madadaanan natin. Kain na bago ka pa magkasakit. Mas mahihirapan ka sa biyahe. Gutom ka na nga, makikipagtalo ka pa."

Noong una ay nag-aalangan na kumuha ng isang cheesebread si Sunny pero matapos kumagat at nalasahang masarap iyon ay sunud-sunod na ang pagkagat niya. Nakakatatlong tinapay na siya nang humimpil sila sa maliit na kainan. Nakaharap iyon sa komunidad na nasa baba ng bundok.

Kanya-kanya silang order dahil tatlong oras pa daw bago sila makarating sa Lambayan. Kahit paano ay kalmado na ang sikmura ni Sunny pero kailangan niyang kumain nang mas mabigat. Tocilog ang in-order niya pero ikinuha pa rin siya ni Hero ng chicken mami.

"Kainin mo iyan habang wala pa ang order mo," sabi ni Hero nang unang i-serve sa kanila ang mami.

Aangal pa sana siya pero inunahan siya ni Manong Berting. "Ma'am, huwag na kayong tumanggi. Diyan nag-aaway si Sir Hero at Ma'am Karenina dati. Puro kasi diet ang isang iyon..."

"Mang Berting!" saway ni Hero dito. "Huwag nating pag-usapan ang taong wala dito. Wala siyang kinalaman sa pagkain ni Sunny."

Tahimik lang na kumain si Sunny. Bukod sa gutom siya, ayaw niyang galitin pa si Hero. Ayaw niyang maalala nito sa kanya ang dati nitong girlfriend. Nakikinig lang siya sa kwentuhan ng dalawa tungkol sa mga isyu ng pulitika at hinaing ng mga magsasaka dahil sa paparating na El Nino. Nagkasya na lang siya na sulyap-sulyapan ang lalaki. Mabait naman si Hero. Kailangan lang niyang umiwas kapag pinag-uusapan ang ex-girlfriend nito. Kung pwedeng lang maiwasan niyang maidikit kay Karenina.

Naiwan silang dalawa ni Hero nang magpaalam si Manong Berting na pupunta sa restroom. "How's breakfast? Okay naman kahit na walang romantic view, di ba?"

"Oo naman," aniya at nagkibit-balikat. Romantic na rin basta si Hero ang view.

"Sa susunod, ayokong magpapakagutom ka. Trabaho ang ipinunta mo dito. Di para gutumin ang sarili mo o maghanap pa ng romantic view."

"I am a photographer. Di ko maiiwasang maghanap minsan ng nakaka-stimulate sa akin visually bilang artist," katwiran naman ng dalaga.

"That is my rule number one," he said with emphasis. Natahimik si Sunny. Parang utos ng hari ang idineklara nito. "Bawal kang magpakagutom sa kahit anong dahilan. Kumain ka kapag nagutom. Ayoko rin ng maselan dahil bundok ang pupuntahan natin. Alam ko sanay ka sa Manila na puro fastfood at instant. Wala kang masyadong choice kapag nasa Lambayan na tayo."

"Di ako maselan. Kahit anong talbos pwede kong kainin."

Her mother would probably cringe if she would hear that. Maselan kasi ito sa pagkain. Pero matapos ang immersion niya kasama ang mga kapwa photographer dalawang taon na ang nakakaraan, na-realize niya na okay naman pala ang simpleng pagkain lang at pamumuhay.

Itinaas ni Hero ang dalawang daliri. "Rule number two. Gusto ko ng dedication sa trabaho. Kung may di ka kayang gawin, sabihin mo sa akin. Maybe we can work something out." Tumango si Sunny bilang pagsang-ayon. "We don't have much time. Huwag mong ihahalo ang pakikipag-ligawanan habang oras ng trabaho."

"Pagkatapos ng project pwede nang magpaligaw?" nakangisi niyang tanong.

"Bahala ka. Buhay mo na iyon. Under my watch, I want you to focus on your job. At kung anuman ang romantic notions mo tungkol sa akin, kalimutan mo na."

Umikot ang mga mata niya. "Kalimutan mo na rin kung iniisip mong may interes ako sa iyo. Naka-move on na ako."

"Move on agad?"

"Oo naman. Mahalaga sa akin ngayon ang trabaho ko."

At seryoso siya doon. Bilang isang budding photographer, mahalaga na maipakita niya ang kakayahan. Gusto niyang ipakita kay Hero na tamang pinagkatiwalaan siya ni Amira. Gusto rin niyang maipakita sa nanay niya na tama ang pinili niyang propesyon. Marami siyang kailangang patunayan.

Mataman siya nitong pinagmasdan. Animo'y inaanalisa kung totoo ang sinabi niya o hindi. Sa huli ay tumango rin ito. "Good. Kailangan ko ng focus mo sa project na ito. Sa dami ng gagawin, wala ka nang oras para love life. And one more thing."

"May rule pa?" paangal niyang tanong.

"Yes. And this one is really important. Huwag mo nang ipilit na ako ang lalaking nagbubuhat ng carrots. Hindi ako si Kargador Man."

"Carrot Man," pagtatama niya.

"Carrot what?"

"Carrot Man. Iyon ang tawag sa iyo ng mga tao."

Nagsalubong ang kilay nito. "Tao? Sinong tao?"

Nakagat ni Sunny ang labi. Di nga pala nito alam na kalat na ang picture nito sa internet. "I mean, mga kaibigan ko," palusot niya at alanganing ngumiti.

"Alisin mo na sa isip mo na ako ang lalaking iyon. Hindi ako si Carrot Man. I am just Hero. Maliwanag ba?"

Marahang tumango si Sunny. "Yes, Hero."

Kung ayaw nitong aminin na ito si Carrot Man, hindi niya ito pipilitin. Ang mahalaga ay kasama niya si Hero ngayon. Kahit na ayaw nito sa kanya, di pa rin sya nito maitataboy. Sa huli, kanya pa rin si Carrot Man.