"THIS is unacceptable! Ipinagpalit niya ako sa babaeng ito. Hindi naman kagandahan. Baduy pa. Like who walks around the campus wearing snakebone headdress and beads. Wala siya sa bundok," panggagalaiti ni Jimarah habang gustong burahin ang screen ng cellphone nito at tigmak ng luha ang mata.
Nagkita sila sa library para I-finalize ang report nila sa English. Pero dumating nang umiiyak ang kaibigan. Gigil ito nang makita sa Facebook na in a relationship na ang status ng crush nitong si Jericho.
Hindi alam ni Paloma kung paano aayuin ang kaibigan. Nasa pampubliko silang lugar at kanina pa patingin-tingin sa kanila ang library assistant. Mabuti na lang at nasa gilid sila ng library.
Hinawakan nito ang kamay niya. "Friend, ipinagpalit niya ako sa Jeinfer na iyon na tagabundok."
"Girl, tagabundok ka rin. In case di mo alam, nasa Cordilleran Mountain Range ang Baguio," paalala niya sa kaibigan.
"This is the city. She's from a far-flung community. Kailangan mo yatang sumakay ng ulap para marating ang lugar nila. K-Kadaclan something. Never heard it before. I mean look at her. Walang festival dito. Masyado siyang papansin. Saka sigurado ako na ginayuma lang siya ng babaeng iyon. Kita mo naman hindi man lang magsuot ng designer clothes kahit ukay-ukay. Really? Woven skirt na sinauna pa. Even old people don't wear those anymore."
Hindi iyon ang nakikita niya. The girl has her own style. Hindi ito nahihiya kung ano ang pinagmulan nitong lahi at ang kultura nito. Wala rin itong pakialam sa sasabihin ng iba. She was free. She was proud of her heritage. Wala nga itong make up sa picture pero naggo-glow ito habang kaakbay ang lalaking mahal nito. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang maging kahihiyan kung di man ito sunod sa uso.
She somehow reminded her of Jeyrick. Naalala niya ang kislap sa mga mata ng lalaki nang ikwento sa kanya ang tungkol sa pinagmulan nito. She wished she could know more about him. Pero iniiwasan siya ng lalaki.
"Hindi ba di naman sila bagay? Mas bagay kami," hikbi ni Jimarah. "I thought he likes me."
Pinunasan niya ang luha ng kaibigan. "Di ka dapat nag-assume. Kita mo nasaktan ka tuloy."
Humikbi ito. "Noong nanood kami ng sine sabi niya walang siyang girlfriend. Dinate-date niya ako sabay may iba na pala siyang gusto. Two-timer."
"Group date iyon at ikaw ang sumama, di ba? Saka di ka naman niya nililigawan."
"Sweet siya sa akin basta. Inalok pa niya ako ng popcorn," pakli nito.
"Pero sinabi ba niya na gusto ka niyang maging girlfriend?"
Natigil ang kaibigan sa pagnguyngoy at matalim siyang tiningnan. "Kaibigan ba talaga kita? Ang lakas mong mambara. Di ba pwedeng damayan mo ako?"
"Gusto ko lang namang ma-realize mo ang realidad. Mas mabilis kang makaka-move on. Tahan na."
"Di ako tatahan. I wanna cry," palahaw nito. "I am hurting!"
"Shhhh!" saway dito ng head librarian na isang matandang babae. "Mga miss, hindi yata ito ang lugar para sa pag-iiyakan ninyo. Nakakaabala kayo sa mga tao dito."
"Sorry po, Ma'am," hingi ng paumanhin ni Paloma at hinamig ang gamit.
"Ayokong umalis. I can rent this library if I want. Baka malaki pa ang allowance ko sa sweldo niya," mataray na sabi ng kaibigan.
"Shhh!" saway niya sa kaibigan. "Baliw ka ba? Gusto mo bang mapaaway tayo dito? Librarian 'yung aangasan mo."
"I am a student here. Ako ang nagpapasweldo sa kanya."
"Hindi mo siya kailangang matahin o maliitin." Lalo lang humaba ang nguso ng kaibigan. "Come on. Mag-restroom ka at mag-retouch. Hindi ka pwedeng pumasok sa klase nang ganyan ang itsura mo. You look like a mess." Nagkalat na ang make up nito sa mukha. Parang wala na rin pakialam sa itsura ang dating banidosang kaibigan.
"Parang ayoko nang pumasok sa Humanities natin. Uwi na lang tayo."
Umiling siya. "Di pwede. Gusto kong pumasok. May quiz tayo. O gusto mong umiyak kapag nakita mo ang singko sa classcard mo?"
Humanities na nga lang ang isa sa mga subject na nagpapasaya sa kanya. Magaling kasi ang professor nila doon at marami siyang natututunang bago. Average lang siyang estudyante. Hindi siya ang tipo na nag-e-excell sa mga subjects pero di niya ugaling magpabaya sa pag-aaral. Kahit na gusto niyang damayan ang kaibigan, sayang naman ang pinag-aralan niya nang nakaraang gabi. Di rin naman biro ang tuition nila sa university. Iginapang iyon ng tiyahin niya.
Mabuti na lang at sumunod din si Jimarah sa kanya kahit na pwedeng sabitan ng hanger ang nguso nito sa haba. Kalmado na ang kaibigan at tinutulungan niyang mag-ayos ng make up na inanod ng luha nito kanina nang marinig nila ang tawanan ng dalawang babae.
"I can't believe it. Kayo na talaga ni Jericho? As in 'yung captain ng basketball team. Nakakainggit ka. Sarap mong sabunutan."
Nakita ni Paloma na natigilan ang kaibigan. Nabanggit kasi ang lalaking nagwasak sa puso nito. Isa lang naman ang Jericho na captain ng basketball team. Malibang taga-ibang eskwelahan ang nabanggit na iyon.
"Not my hair, Meghan. Jericho loves my hair. Lagot ka kapag sinabunutan mo ako."
Nang lumingon si Paloma ay kapapasok lang ng babae na maigsi ang buhok. Mukha itong boyish pati sa pananamit pero babaeng-babae nang kiligin. Kasama nito ang babae na mahaba ang tuwid at itim na buhok. Bohemian skirt ang suot nito at white blouse. Si Jeinfer - ang girlfriend ng crush ni Jimarah. Kaibigan marahil nito ang kasama.
"Akala ko ayaw mo sa kanya. Binasted mo siya dati. Sabi mo mayabang at mukhang babaero. Nagbago yata ang isip mo," anang kaibigan kay Jeinfer na si Meghan. "Bakit hindi ko yata alam na nanliligaw siya sa iyo? Ni hindi kayo nagpapansinan."
"Sabi ko manligaw siya sa bahay. Ayoko sa school o sa ibang lugar. I want him to show his sincerity and respect. And he did. May tiwala sa amin ang parents namin. Okay na daw mag-boyfriend. This is our last year in college after all."
Ngayon ay alam na niya kung bakit nagulat ang lahat sa pagkakaroon ng nobya ni Jericho. Di ito nakikipagligawan sa kalye. Di gaya ng ibang kaedad niya na ayaw magpaalam sa magulang kapag may nanliligaw. Mas gusto na inililihim. It was somehow nice to follow old tradition.
"Ah! Nakakainggit! I'm sure maraming mga babae ang inggit na inggit sa iyo ngayon," anang si Meghan na tumirik ang mga mata sa kilig.
"Nananadya ba kayo?" angil ni Jimarah at sumugod sa dalawang babae bago pa mapigilan ni Paloma.
"Excuse me? Sasabat sa usapan nang may usapan? Anong problema mo?" gulat na tanong ni Meghan.
Naningkit ang mga mata ni Jimarah. Di man lang ito natatakot na mas mataas dito ang dalawang babae. Nasa limang talampakan lang ang kaibigan habang ang dalawang babae naman ay nasa 5'5" na gaya niya.
"Talagang dito pa ninyo pinag-usapan si Jericho. Nang-aasar ka talaga na ang babaeng iyan na ang girlfriend ni Jericho." At dinuro nito si Jeinfer.
"Miss, wala ako pinariringgan. Nagkukwentuhan lang kami ng kaibigan ko. Hindi nga kita kilala. Sino ka ba, Miss?" malumanay pa rin na sabi ni Jeinfer dito na taliwas sa kaibigan niya na halos parang puputok na bulkan.
Nakakainsultong tumawa si Meghan. "Baka isa sa mga babaeng may gusto kay Jericho kaya sapul na sapul. Huwag mo na lang pansinin. Nag-aampalaya lang iyan dahil ikaw ang girlfriend."
"Tama na iyan, Jimarah," saway ni Paloma sa kaibigan at hinawakan ito sa braso. "Umalis na lang tayo." Kapag nagtagal pa sila doon ay lalo lang mapapahiya ang kaibigan niya. Ayaw pa mandin nito ang napapahiya.