"Mabuti naman marunong siyang lumugar," nakangising sabi ni Jimarah.
"That is rude," protesta ni Paloma.
"Rude na kung rude. Ayoko lang magdidikit ka sa mga hindi mo ka-level. Nakakababa ng market value," sabi ni Jimarah at umupo sa tabi niya.
"Market value? Ano ako? Commodity? Maayos akong kinakausap nung tao. Nagmagandang-loob pa nga na bilhan ako ng taho. Saka pare-pareho lang tayong estudyante dito. Di naman ako prinsesa." Naiinis siya sa mga kaibigan. Dati ay tahimik lang siya kapag may nilalait ang mga ito pero di sa pagkakataong ito.
"Mukhang may gusto siya sa iyo at ine-entertain mo naman. It is okay to be nice but don't encourage them. Sige ka. Baka makarating ito sa tita mo," nakangising banta ni Jimarah bago uminom ng mineral water.
"Kinakausap ko ang kaklase ko at bawal na? Ang totoo ako ang tumawag sa kanya dahil nagpabili ako ng strawberry taho. Ako na nga ang humingi ng pabor sa tao, kung ano pa ang sinasabi ninyo," sermon niya sa mga kaibigan.
"Forget it. Huwag na nating pagtalunan," anang si Jimarah.
Kinuha ni Paloma ang strawberry taho. Ayaw na niyang makipagtalo dahil lalo lang siyang maiinis sa mga kaibigan. Kaibigan rin niya ang mga ito.
Nagulat siya nang tinabig ni Jimarah ang kamay niya. "Ano ba? Natapon ang taho ko."
"Galing iyan kay Kargador, di ba? May germs na iyan. Baka may gayuma pa. Baka ma-in love ka sa baduy na iyon. Gosh! Baka itakwil mo pa kaming friend," anitong tumirik pa ang mga mata.
"Masisira ang reputasyon mo sa pagdikit mo sa kanya. As in eeeewww!" segunda ni Jimarah.
"Hoy! Bakit ninyo nilalait ang kaibigan ko?" Biglang sumugod si Rjan na may hawak pang stick ng barbeque.
Umawat si Jeyrick. "Tama na iyan, Rjan."
"Babae kasing ito akala mo naman kung sino kang kagandahan," anang kaibigan ni Jeyrick at itinuro si Jimarah.
Hinawi ng kaibigan niya ang sariing buhok. "Excuse moi! Sinasabi mo bang pangit ako?"
"Oo. Makapal lang ang make up mo kaya akala mo maganda ka. Pero ang budhi mo di matatakpan ng make up. Sama ng ugali mo."
Pinanlakihan naman ito ng mata ni Jimarah. "Ako ang masama ang ugali? Kaibigan mo ang ilusyunado. Hindi siya magugustuhan ni Paloma. Kaya huwag na siyang magpa-cute. Huwag na siyang umasa."
"Umalis na tayo, Jeyrick. Sabi ko naman sa iyo matapobre ang mga iyan. Di mo sila pwedeng maging kaibigan. Di lang sila basta mayaman. Matataas din ang tingin nila sa sarili na akala mo sila lang ang anak ng Diyos," anang si Rjan at hinila si Jeyrick palayo.
"Sandali! H-Hindi naman ganoon..." tutol ni Paloma.
Yumuko si Jeyrick, bumagsak sa mukha nito ang buhok. Kahit di niya nakikita ang mukha nito, alam niyang malungkot ito dahil sa pamamahiya ng mga kabigan niya. "Pasensiya na, Paloma. Di na kita guguluhin." At naglakad ang binata palayo nang hindi man lang siya nililingon.
"CLASS dismissed."
Pagkatapos ng klase ay inapuhap agad ng mata ni Paloma si Jeyrick. Nahigit niya ang hininga nang makitang naglakad ito palabas ng room. Dali-dali niyang hinamig ang libro at isinukbit ang bag sa balikat para habulin ang lalaki. Gusto niya itong makausap.
Buong maghapon siyang hindi mapakali. Ilang beses niyang sinubukang lapitan si Jeyrick pero nakabantay lagi ang mga kaibigan niya.
Akmang susundan niya ang lalaki nang harangin siya ng mga kaibigan sa Paloma. "Aalis ka na lang basta? Hindi ka sasabay sa amin?" tanong ni
"May gagawin pa ako. Sige."
Di pa rin siya nakadaan dahil humarang ulit si Jimarah. "Don't tell me, galit ka pa rin ba sa akin dahil lang sa kargador na iyon."
Maghapon niyang di kinikibo ang mga kaibigan. Kasabay siyang kumain ng mga ito pero parang may sarili siyang mundo. Nagbabasa lang siya libro at magazine habang nakikipag-tsismisan ang mga ito sa grupo ni Gordon.
"May pangalan siya - Jeyrick. Stop calling him names. Ano naman ang masama sa kargador? Di dahil mas mayaman kayo sa kanya, kung anu-ano na ang sasabihin ninyo sa tao. You are better than this, guys. Di naman nakakabawas ng kayaman ninyo kung magiging mabait kayo sa ibang tao."
"Bakit mo ba siya ipinagtatanggol?" tanong ni Jimarah.
"Paano kung mahirap ako, hindi ninyo ako magiging kaibigan? Paano kung kayo naman ang maging mahirap? Gusto ba ninyong ganyan din kayo tratuhin?"
Umingos si Jimarah. "That's unlikely to happen. We are rich."
Itinikom na lang ni Paloma ang bibig dahil mahabang pagtatalo pa kung ipipilit niya ang gusto. Walang pakialam ang kaibigan sa nararamdaman ng mga taong mababa rito. Paano na lang pala kung nalaman din ng mga ito na di siya totoong mayaman?
"Okay. Kung ayaw mo kaming kausapin muna, we will give you time. Hindi kami magtatampo. We are friends after all," sabi ni Jimarah. "Pero ayaw mo bang manood ng practice nila Gordon?"
Matabang siyang ngumiti. "May mas importante akong gagawin. Sorry."
"'Kay. Bye," anang mga ito at humalik sa kanya.
Kahit na nakaalis na ang mga kaibigan, di na rin naman niya makita si Jeyrick. "Nasaan kaya siya?" usal niya. Ito na lang ang pagkakataon niya habang may lakas pa siya ng loob.
Nagningning ang mga mata niya nang makita ang kaibigan nitong si Rjan na kausap ang isang professor. Tumayo siya sa likod nito at hinintay na matapos ang pagkausap sa professor. "Rjan, nasaan si Jeyrick?" tanong agad niya.
"Nasa library," sagot nito at nakangiting humarap sa kanya. Nawala ang ngiti nang makita siya. "Paloma?"
"Thanks sa info," sabi niya at dali-daling naglakad palayo.
"Oy! Sandali lang!" anitong tangka siyang habulin pero may tumawag ditong babae. Nagpasalamat na lang siya na hindi na makakontra si Rjan. Pihado siya na di nito nanaisin na lumapit siya kay Jeyrick. Tinangay na ito ng babae palayo.
Hinagilap agad ng mata niya si Jeyrick sa library. Gaya dati ay nasa gilid ito na mesa. Hindi ito natutulog sa pagkakataong ito. Naktutok lang ito sa sinusulat sa yellow pad. Gaya dati ay nakatambak na naman ang libro sa harap nito.
"Hi, Jeyrick!" nakangiti niyang bati dito.
Walang ekspresyon sa mukha nito nang tingnan siya. "Gagamitin mo ba itong libro?" tanong agad nito at inabot ang libro ng Philippine Ethnography sa kanya.
Umupo siya sa tapat nito. "Hindi. Gusto kitang makausap."
Luminga ito sa paligid na may halong pag-aalala sa mga mata. "Baka hindi matuwa ang mga kaibigan mo na makitang magkausap tayo. Baka magalit na naman ang mga iyon o kaya baka sila na pala ang nakabili nitong library at bawal ako dito."
"Gusto kong mag-sorry dahil sa mga sinabi ni Jimarah. Hindi ka nila dapat nilait-lait dahil lang working student ka o dahil may putik ang sapatos mo," aniya sa malumanay na boses.
"Totoo naman ang sinabi niya. Magkaiba tayong dalawa. Hindi ko nga alam kung bakit nga nagso-sorry ka sa akin."
"Dahil di porke't kaibigan ko sila may karapatan na silang mang-insulto ng ibang tao. Pwede naman tayong maging magkaibigan," sabi niya at hinawakan ang kamay nito.
"Bakit?" naguguluhang tanong nito. "At pati ikaw iinsultuhin ng mga kaibigan mo? Hindi mo naman kailangang maging mabait sa akin. Sino ba ako para kaibiganin mo?"
"Jeyrick, pantay-pantay lang tayo dito."
"Pero hindi para sa mga taong malalapit sa iyo. Naiintindihan ko kung mas gusto mo na lumayo sa akin. Di masama ang loob ko sa iyo. Nirerespeto ko iyon."
"Jeyrick..."
Kumawala ito sa pagkakahawak niya. "Sige. Kailangan ko nang umuwi."
Naiwan siyang nakatigagal sa kamay niyang binitiwan ni Jeyrick. She wanted to stop him from leaving but she couldn't. Dapat siguro ay hayaan na niya si Jeyrick. Para protektahan ito.