Chapter 8 - Chapter 6

PUMALAKPAK si Paloma matapos kumanta ng tiyahin habang tumutugtog ng piano. Rehearsal nito para sa performance sa gabing iyon. Wala pa ring kupas ang talento ng tiyahin kaya naman dinadayo ang bar nito.

Malayo ang bar sa mismong sentro ng siyudad pero di naman matatawaran ang sarap ng pagkain at ang magandang view, isama pa ang suwabeng jazz music. Perfect talaga lalo na sa gabi at pinapanood ang maningning na ilaw ng lungsod.

"Why don't you practice your piece?" anang tiyahin niya.

"H-Hindi ko pa po kabisado."

"You have this soft, melodious voice. Sayang naman kung di mo masusubukang kumanta. Don't you want to be a performer like me?"

"G-Gusto po. Pero baka magkamali ako."

"So what? Tayo-tayo lang nandito. That's why it is called practice. Huwag mong sabihin na hanggang ngayon nahihiya ka pa rin? Dapat masanay ka nang humarap sa maraming tao. You can't be star if you don't."

Hindi sa nahihiya. Takot siyang mapahiya. Naalala niya kung paanong magwala ang tiyahin niya nang ilang beses siyang pumalpak kapag di siya nananalo sa mga singing contest o hindi nakakapasa sa mga audition. Her aunt had high dreams for her and she just disappointed her every single time.

Nag-aalangan man ay umakyat siya sa stage. Wala pang tao maliban sa mga staff ng restaurant na nag-aayos na. Sa halip na magpa-accompany sa piano ay siya ang umupo sa stool. Pumili siya music sheet at tinipa sa piano ang Sunlight ni Kevyn Lettau.

"I watched the world go by in silence, deep in the night in silence..."

"Come on! Walang kabuhay-buhay. More emotion, Paloma," utos ng tiyahin at mabigat na pumalakpak kasabay ng pagtipa niya ng piano.

"T-Time goin' by so slow," nanginig ang boses niya dahil sa pagkataranta at maging ang daliri niya ay nanigas sa ibabaw ng tiklado. Diniinan niya ang pagkakapindot sa tiklado. "I think about the morning..."

"Lambingan mo naman. Huwag kang makipag-away sa piano."

Hindi na niya maramdaman ang kanta habang naririnig niya ang boses ng tiyahin na puro puna sa kanya. She loved singing. Pero minsan ay nakakadama siya ng iritasyon at galit sa sarili dahil di niya magawa nang tama. Parang kahit anong gawin niya ay lagi na lang mali.

"Kaya mo iyan, Paloma! Ang galing mo!" anang boses ng isang lalaki kasunod ng palakpak. Kaboses ni Jeyrick ang lalaki.

Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses at isang lalaki na nakalugay ang wavy na buhok at nakasuot ng gray na hoodie. Nakasuot ito ng working boots. Si Jeyrick nga. Nag-iisa lang itong nakangiti habang ang ibang mga nanonood sa kanya ay nakayuko lang dahil takot din ang mga ito sa tiyahin niya.

Parang nabuhay ang pandama niya. Kung kanina ay parang sasabog ang galit sa dibdib niya at mabigat ang bawat tipa sa tiklado, ngayon ay parang bulak ang hipo niya. Naging malamyos din ang bigkas niya sa lyrics. Ninamnam niya ang mensahe ng kanta.

She finally had an audience who believed in her. Na-inspire siya para ipagpatuloy ang pagtugtog. Binura na niya sa isipan ang puna sa kanya ng tiyahin. Tututugtog siya dahil gusto niya at gagalingan niya. Nakakita siya ng sikat ng araw sa makulimlim na langit gaya ng ginagawa ni Jeyrick sa kanya.

"Sunlight, oh, sunlight, show me the way to a brighter day."

Napuno ng palakpakan ang bar nang matapos siyang kumanta. Nakapamaywang lang sa tabi ng bar counter ang tiyahin niya. Kung may angal man ito sa performance niya ay wala na siyang pakialam.

Kay Jeyrick siya lumapit. Pumapalakpak pa rin ang lalaki nang lumapit siya. "Magaling ka palang kumanta."

Natawa si Paloma. Mabuti na lang at hindi ito resulta lang ng imahinasyon niya. "Anong ginagawa mo dito?"

"Nag-deliver lang ako ng mga gulay. Nagka-kargador kasi ako para may pambaon. Mahal kasing tumira dito sa Baguio. Kulang ang allowance na nakukuha ko sa scholarsip. N-Nagtatrabaho ka rin dito na singer?"

"Minsan kahera o kaya waitress kapag kulang ng tao. Tita ko kasi ang may-ari nitong bar. Siya rin ang guardian ko," paliwanag niya sa lalaki. "Pero hindi ako singer talaga. Sinusubukan ko pero kita mo naman kanina palpak ako."

"Normal lang naman siguro na kabahan sa simula. Pero magaling ka. Nakakapag-piano ka pa habang kumankanta. Kailangan mo lang ng tiwala sa sarili mo. Gumanda ang kanta mo nang nawala ang kaba mo."

"Salamat sa pag-cheer sa akin."

"Katulad ng pag-cheer mo sa akin noong sumasagot ako sa Algebra. Sana makakanta ka rin kapag may school program tayo."

Umiling siya. "Hindi naman ako ganoon kagaling. Nakakahiya."

Tumikhim ang tiyahin niya at tumayo sa tabi niya. "Paloma, may bisita ka?"

"Jeyrick, si Tita Bevz. Siya ang may-ari nitong bar. Tita, classmate ko po, si Jeyrick," pagpapakilala niya.

"Good afternoon po," anang binata at inabot ang kamay sa tiyahin niya.

Nahihindik na pinagmasdan ng tiyahin ang maruming kamay ni Jeyrick bago ito tiningnan mula ulo hanggang paa. And she didn't like what she saw. Magulo ang layered na buhok ni Jeyrick. May putik ang pantalon at bota nito. Even his gray jacket was not exactly an acceptable fashion statement per her aunt's standards.

Isang maasim lang na ngiti ang ibinigay dito ng tiyahin. "Hindi nasabi sa akin ni Paloma na may dadalaw sa kanya na bagong kaibigan."

Umiling si Jeyrick. "Hindi po ako dumadalaw. Nag-deliver lang po ako ng gulay. Hindi ko po alam na nandito din si Paloma."

"Ah! I see," anang matandang babae. Kinakabahan si Paloma dahil baka may masabi ang tiyahin na pwedeng makainsulto sa kay Jeyrick. Matalim ang dila ng tiyahin niya at di iisang beses na harapan itong nanlait ng ibang tao. "Delivery boy ka pala. Pero konting ligo lang, bagay ka sanang mag-waiter dito kahit part-time."