Ngumiwi si Paloma dahil prangka at laitera ang tiyahin niya sa mga taong di nito gusto. Inilalagay agad nito sa lugar tulad ni Jeyrick.
Natawa lang si Jeyrick, di minasama ang sinabi ng tiyahin niya. "Naku! Salamat po sa alok ninyo pero di ko po basta-basta maiiwan si Manang Suling. Kailangan po niya ng tulong sa tindahan sa palengke. Aalis na po ako. Salamat po sa pag-order ng gulay sa amin," sabi ng binata.
"Ihahatid na kita sa labas," sabi niya sa lalaki.
"Huwag na. Umuulan sa labas. Kaya ko na ito," anang binatilyo at ipinatong ang hood sa ulo.
Ihinatid niya ng tanaw ang lalaki mula sa balkonahe ng restaurant at kumaway dito bago ito sa sumakay sa likod ng pick up. Magaan ang paa niyang tumalikod pero nakaabang na ang tiyahin habang nakahalukipkip.
"You are friendly with that boy, Paloma."
Natigilan siya sa paglalakad at hinarap ang tiyahin. "Mabait po siya at matalino. Noong nakaraan po sa Algebra, hirap na hirap kami pero siya lang nakasagot. At tinulungan po niya ako sa assignment ko..."
Hinaklit ng tiyahin ang braso niya. "I don't care. Hindi siya bagay na maging kaibigan mo. Anong maitutulong ng isang kargador sa pag-asenso ng bar ko? Sure, he can be a hired help. Pero hindi siya makakapagpasok dito ng mayayamang kliyente. I mean, look at him."
"Tita, hindi po ba ako pwedeng makipagkaibigan di dahil sa mga pwede kong pakinabangan sa kanila kundi dahil mabubuti silang tao?" tanong niya sa tiyahin.
"I don't care. To survive, you must know to be friendly with, Paloma. Matuto ka ng leksiyon mula sa akin. Your mother went with the wrong crowd. Naranasan mo paano kayong nabuhay lang sa squatter's area sa loob ng mahabang panahon. Tapos umalis na lang siya at di na nagpakita. And look at us. Kaya nasa maganda tayong mansion ngayon at may bar. But we need financiers and clients. That's why I want you to be with Jimarah and Gordon. They can take you to places. Unlike you new kargador friend. Are we clear?"
Napilitan siyang tumango. "Yes, Tita."
"So go work on your piano and your voice. You still need to practice some more. Nag-improve ka nang konti ngayon."
Nakadama siya ng saya sa puso. "Salamat po, Tita."
At pasalamat siya kay Jeyrick dahil ito ang nagpalakas ng loob niya. Nakadama siya ng pagrerebelde sa puso niya. She couldn't just turn her back on Jeyrick. Gusto pa rin niya itong maging kaibigan.
Would it hurt to have a new friend without her aunt's knowledge? She didn't think so.
NAKAUPO si Paloma sa university cafeteria habang hinihintay ang mga kaibigang sina Jimarah at Lauraida. Nag-practice ang mga ito sa cheer dance group. Manonood dapat siya pero napuyat siya sa pagpaplantsa kaya tinanghali ng gising. Di na bumalik ang katulong nilang si Manang Coring. Hindi daw kasi ito binayaran ng tiyahin kaya naghanap ng ibang mapapasukan. Kaya naman sila ng pinsan niyang si Bernardo ang nag-asikaso sa bahay.
Walang problema sa kanilang magpinsan ang paglilinis ng bahay. Bata pa lang siya ay sanay na siya sa gawaing bahay. Nang lumipat siya sa bahay ng tiyahin ay silang magpinsan ang naglilinis ng condo dahil wala silang maid. Pero hindi na niya kakayanin ang ganoon kalaking mansion ngayon. Pakiramdam niya ay malulumpo siya.
"Mukhang napagod ka ah!" sabi ni Jeyrick at umupo sa tapat niya.
Tumuwid ng upo si Paloma sinapo ang noo. "Oo. Marami kasing trabaho."
May inilapag itong paper bag sa harap niya. "Heto carrot cupcake."
"Uy! Thank you. Binili mo?" tanong niya.
Umiling ang binata. "Hindi. Birthday ng may-ari ng bakeshop kung saan ako nag-deliver. Kainin mo na habang mainit pa. Maraming ibinigay sa akin kaya naisip ko na hatian ka."
"Uy! Salamat, ha?" sabi niya at dumampot agad ng isa ang dalaga. Mainit-init pa iyon at mabango dahil bagong luto. Kumagat siya at napapikit. "Ang sarap nito. Magpapabili ako sa susunod, ha?"
"Ano iyan?"
Natigilan sa pagkagat ng carrot cupcake si Paloma nang marinig ang tanong ng kaibigang si Jimarah. Dahan-dahan siyang lumingon. Nakatayo ito sa likuran niya kasama si Jimarah. Hindi maipinta ang mukha ng mga ito.
"Carrot cupcake. You want?" alok niya sa mga kaibigan.
"I mean him. Anong ginagawa niya dito?" nanghahaba ang ngusong tanong ni Jimarah at itinuro si Jeyrick na parang isang nakakadiring insekto.
"May ibinigay lang ako kay Paloma," anang si Jeyrick.
"You have mud on your shoes. Pumasok ka sa school nang ganyan?" nakataas ang kilay na tanong ni Jimarah at tiningnan ang sapatos ni Jeyrick.
Tumayo ang binata at niyuko ang paa. "Galing ako sa palengke. Nag-deliver lang ako ng mga gulay sa ibang pwesto."
Ngumiwi si Jimarah. "Palengke. Di ba mabaho doon?"
"Grabe naman. Di ka pa ba nakakatuntong ng palengke?" di mapigilang komento ni Jeyrick. "Palengke lang."
"No. I have house help to do that for me. At naliligo muna sila bago lumapit. Sana bago ka lumapit sa friend namin, naglinis ka muna."
"Naligo naman ako. May dinaanan lang talaga ako kanina..." depensa ni Jeyrick sa sarili.
"Okay! Di ko kailangan ng paliwanag mo. Go now. Baka mahawaan pa kami ng bacteria and germs and other unthinkable viruses from he market. Baka magkasakit pa kami sa iyo. Di mo naman kami afford ipagamot."
"Grabe naman kayo. Di naman ninyo kailangang itaboy 'yung tao," angal ni Paloma.
Yumuko si Jeyrick. "Pasensiya na sa abala." At pumunta na ito sa isang kaklase nilang si Rjan na kumakain sa kabilang mesa.