"PAANO ba ito? Paano ba ito?"
Halos sabunutan na ni Paloma ang sarili habang ginagawa ang assignment na iniwan sa kanila ng professor niya sa Algebra. Nakakangilo. Five pages ang sasagutan nila sa workbook samantalang isang item pa nga lang ay parang dudugo na ang utak niya. Mahabaging langit, anong gagawin ko? Bakit ba naimbento ang Algebra?
"Paloma, gusto mo bang magsine mamaya?"
Nakatayo si Gordon sa harap niya nang iangat niya ang tingin. "May gagawin pa akong assignment. Saka may report pa ako sa English..."
Hinawakan nito ang kamay niya. "Come on. Chill. Tatanda ka agad niyan kapag masyado kang seryoso. Let's have fun."
Pasimple niyang binawi ang kamay mula dito. "Fun? Hindi fun kapag bumagsak ako. Ikaw ba walang assignment na dapat asikasuhin at uunahin mo pang magsine?"
"Basta para sa iyo may oras ako. Kalilimutan ko lahat para sa iyo," anito at inilapit pa ang mukha sa kanya.
"Dami mong time 'no? Nakakainggit ka naman," sarkastikong sabi niya sa lalaki.
Mula pa lang nang nagkakilala sila ni Gordon ay hindi na nito itinago ang interes sa kanya. Lagi siya nitong niyaya ng date. Di ito nakakakuha ng clue na di siya interesado dito at mas gusto niyang mag-focus sa pag-aaral.
Hindi bale sana kung makakatulong ito sa assignment niya sa Algebra. Pero isa rin naman itong palpak sa Algebra. Ang masaklap ay tamad pa itong mag-aral. Puro barkada at gala lang ang alam. Hindi siya interesado sa lalaking walang pagpapahalaga sa edukasyon at sa pinaghirapan ng magulang nito. Galing siya sa hirap kaya iba ang pananaw niya sa mundo. Di niya dapat sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa kanya.
"Ako hindi busy," prisinta ni Lauraida at kinagat ang dulo ng ballpen. "Available akong magsine. Wala akong report. Saka sa isang araw pa naman ang pasahan ng assignment natin sa Algebra. Hayaan mo na si Paloma. Killjoy naman iyan."
"Sure. Meet you later after Intro to Business?" sabi ni Gordon.
Sunud-sunod na tango naman ang isinagot ni Lauraida dito at parang maiiyak sa sobrang saya. "Oo. Hindi ako uurong."
Ngumisi lang sa kanya si Gordon. "Pwede ka pang humabol kung magbabago ang isip mo."
"Salamat na lang," sabi niya at ibinalik ang atensyon sa nire-review.
Nagtitili sa kilig si Lauraida. "It's a date. Gosh! I am so maganda talaga."
"Isama mo ang ate mo para sure na safe ka," suhestiyon niya sa kaibigan.
Nanghaba ang nguso nito. "Killjoy naman." Pero napilitan pa rin itong mag-text sa kapatid. Menor de edad pa rin sila. Di pwedeng basta na lang itongmanood ng sine nang walang kasamang nakatatanda dito.
Siniko siya ni Jimarah. "Naman. Sobrang choosy mo, friend. Guwapo na ni Gordon, pinakawalan mo pa. Kay Lauraida tuloy napunta."
"Aanhin mo naman ang guwapo kung walang plano sa buhay?"
"At sino naman ang gusto mo? 'Yung katulad ni Mr. Hoodie na mukhang dugyutin?" anito at ngumuso sa bandang bintana ng kuwarto.
Nagbabasa ang lalaki ng libro si Jeyrick. Inangat nito ang tingin nang maramdaman marahil na may nakatingin dito. Dali-daling pumihit si Paloma. "Sira! Napag-initan mo na naman 'yung taong nananahimik. Wala namang ginagawa sa iyo."
"E kasi kanina pa patingin-tingin. Lakas ng loob, ha? Si Gordon nga binasted mo. Siya pa kayang dugyutin lang ang papansinin mo?"
"Stop calling him dugyutin. Hindi lang siya nagsusuklay pero maayos naman ang damit niya kahit na..."
"Galing sa ukay-ukay?" dugtong ng kaibigan.
"Ano ngayon kung galing sa ukay-ukay? Bagay naman sa kanya 'yung hoodie. Di maganda 'yang mapanlait. Wala namang ginagawang masama 'yung tao sa iyo."
Tumirik ang mata nito. "Fine. But he is not an elite like us. Huwag na siyang mag-ambisyon."
Hindi naman siya elite. Di naman siya mayaman. Mukha lang mayaman ang dating dahil nakatira sila sa isang mansion at may bar ang tiyahin niya. Si Tita Bevz ang nag-alaga sa kanya nang iwan siya ng ina at nangibang-bansa para magtrabaho noong sampung taon siya. Di na siya nito binalikan. Ni hindi na nagparamdam sa kanya.
Gusto lang ng tiyahin niya na maganda ang porma niya para daw maganda ang impresyon sa kanya ng tao. Mataas ang pangarap nito sa kanya. At ito rin ang namimili ng kakaibiganin niya. Di naman laking Maynila sina Jimarah at Raine pero feeling elite ang mga ito dahil may kaya ang pamilya sa Baguio. Hindi siya komportable doon.
Alam niya ang pakiramdam ng walang-wala. Kahit na ano pa ang isuot niya ngayon, kahit nakatira siya sa magarang bahay o sa private university nag-aaral, di niya nakakalimutan kung sino talaga siya.
She just couldn't tell her friend about her sob story. Kasama iyon sa imahe ng tiyahin niya na gusto nitong ipakita niya sa lahat. Baka daw iwan siya ng mga kaibigang gaya ni Jimarah na may freight forwarder company ang ama at si Lauraida na may mga townhouse na pinauupahan ang pamilya.
Ito ang buhay niya.