It was weird. Wala naman siyang pakialam sa itsura ng mga lalaki na kaedad niya. May crush siyang artista at mga miyembro ng boyband pero wala pa siyang nagugustuhan sa mga nakakahalubilo niya.
Sinabayan din siya nito sa pagko-compute sa workbook nito. Kalayuan ay mag-isa na siyang nagko-compute pero pag may di siya naintindihan ay itinatanong niya sa binata. Hindi na siya gaanong nakakabaliw. Parang nagkakaintindihan na sila ng mga numero at number.
"Yes! Success!" usal ni Paloma at itinaas ang dalawang kamay.
"Shhhh!" saway sa kanila ng librarian na nag-iikot.
Humagikgik siya at natawa na rin si Jeyrick. "Salamat. Naintindihan ko na," pabulong niyang sabi dito.
"Maliit na bagay lang iyan. Tinulungan mo kasi ako noong recitation. Ikaw ang nagpalakas ng loob ko kahit di mo ako kilala."
"Wala iyon. Hindi mo naman kailangan ang pagtsi-cheer ko dahil marunong ka naman. Paano mo pala nagagawa iyon? Tutulog-tulog ka lang pero nasagot mo. Genius ka siguro."
"Ha? Ewan ko. Basta naalala ko lang 'yung Algebra namin noong high school," walang kayabang-yabang na sabi nito na parang normal lang dito na maalala pa ang ang ganoon kahirap na subject.
"Wow! Samantalang ako isinusumpa ko iyon. Ugh! Ewan ko nga kung paano ko naipasa ang subject na iyon," anang dalaga at nangalumbaba.
"Huwag mong I-hate ang Math. Sa kahit anong ginagawa mo, kahit gaano kahirap, kailangang samahan mo ng pagmamahal. Magiging madali na ang lahat."
Malamlam ang mga mata nito habang binabanggit ang tungkol sa Math. Kung magsalita ito ay parang girlfriend nito ang Math at mahal na mahal nito.
"Yung Math kasi nakakadugo ng utak. Hindi kami close."
"Pero nagawa mo naman dahil nag-focus ka. Huwag mong iisipin na mahirap. Sa susunod madali na iyan."
"Sa susunod, iba na ang lesson natin at mababaliw na naman ako kung paano ko gagawin."
"Pwede ka namang magtanong sa akin. Kung gusto mo lang naman akong kausapin," sabi nito at biglang yumuko.
"Bakit naman sa tono mo parang di kita kakausapin?"
"Hindi lang kasi ako makapaniwala na kinakausap mo ako. Kasi parang di ka namamansin ng kagaya ko."
"Kagaya mo?" tanong niya.
"H-Hindi kasi ako katulad ng mga kaibigan mo. Sikat sila sa klase at parang kurtina lang naman ako ng bintana doon. Hindi kami ng mga kaibigan ko ang tipong pinapansin ng mga tao. Galing kasi ako sa malayong bundok. Ni hindi naabot ng signal ng cellphone ang bayan namin."
"Ano ngayon kung doon ka nanggaling? Basehan ba iyon para kaibiganin ka o hindi?"
"Para sa maraming tao lalo na 'yung galing sa Maynila o lumaki sa Baguio. Kaya di rin nila ako pinapansin."
Bumuntong-hininga siya. Aminado siya na hindi siya palapansin o palakausap ng tao malibang siya ang unang kausapin. Bago lang din naman siya sa Baguio at nananatiya pa siya ng ugali ng mga tao sa paligid. "Di naman ako isnabera. Kausapin mo lang ako. Huwag mong isipin na lahat dahil sa city lumaki o sa Maynila masama na ang ugali. May mga tao lang talaga na nahihiya din makipag-usap kung hindi sila kakausapin."
"Talaga? Pwede kang kausapin?"
"Oo naman. Isipin mo na pare-pareho lang tayong pinag-aaral ng mga magulang. Pare-pareho lang tayo ng estado dito sa school kahit saan pa tayo galing. Saang bundok ka nga pala nanggaling?" pabiro niyang tanong.
"Sa Kadaclan," sagot nito.
"Saan iyon?" magkasalubong ang kilay niyang tanong.
"Sa Barlig, Mountain Province. Maganda doon. Maraming rice terraces at falls. Sariwa din ang hangin at mababait ang mga tao."
"Meron ka bang picture sa cellphone mo?" tanong niya.
Ngumisi ito at inilabas ang cellphone na hindi man lang touchscreen. "Walang camera ang cellphone ko. Text at tawag lang ang pwede. Pero maganda sa amin. Magugustuhan mo doon kung gusto mo ang malayo sa lungsod. Wala kasing mall sa amin o sinehan."
Nangalumbaba siya. "Sana makapunta ako sa ganoong lugar. Hindi pa ako nakakakita ng rice terraces. Hanggang sa TV lang at Banaue Rice Terraces lang."
"Ang rice terraces sa amin ilang daan nang taon na tinataniman hanggang ngayon."
"May sarili kayong rice terraces?" tanong niya at marahan tumango ang lalaki. "Wow!" Kinamayan niya ito. "Ngayon lang ako nakakilala ng may-ari ng rice terraces."
Naguguluhang pinagmasdan ng lalaki ang magkahawak nilang kamay. "Ha? Bakit naman?"
"Madalang ang may rice terraces."
Nagkibit-balikat ang lalaki. "Sa amin normal na bukid lang iyon. Kung paano magtanim ang mga ninuno namin, ganoon din kami. May mga kaugalian din kami na minana pa namin sa mga ninuno namin na hanggang ngayon ginagawa pa rin."
Bakas sa mukha ni Jeyrick ang pagmamalaki sa lugar na pinagmulan nito at kaugalian ng tribo nito. Lalo tuloy siyang na-fascinate. Kinuha niya ang libro at hinanap ang tribo ng Kadaclan.
"Bakit wala kayo dito?" tanong ng dalaga.
"Nasa ilalim kami ng mga Igorot pero may mga sub-group pa rin iyan na tinatawag. Sa bayan pa lang ng Barlig may tatlong iba't ibang tribo na nakatira."
"Sana marami pa akong malaman tungkol sa inyo." Dati ay hindi niya iyon naa-appreciate siguro dahil hindi naman iyon ang exposure niya. Pero ngayon ay gusto niyang maintindihan ang mga Igorot at iba't ibang kultura ng mga ito.
Pareho silang tumingala ni Jeyrick nang bumukas ang florescent light. Nagulat si Jeyrick nang lumingon sa bintana. "Hala! Gabi na pala."
Nang tingnan niya ang binatan ay madilim na sa labas. "Naku! Naabala pa kita. Mukhang marami ka pang ire-research. Sorry."
"Hindi. Masaya naman ako na nagkakwentuhan tayo. Wala naman kasi ako halos nakakausap mula nang pumasok ako dito sa Baguio. Iba ang gusto nila."
"Lagi ka ba dito sa library?"
Tumango ito. "Kapag may oras ako. Uuwi na rin ako. Patapos naman na itong ni-research ko. Sabay na tayo."
"Sige," pagpayag niya. Di siya basta nagpapasabay sa mga lalaki. Naiilang siya. Pero magaan ang loob niya kay Jeyrick. Unang beses nangyari iyon. Siguro dahil mabait si Jeyrick at mapagpakumbaba. She could relate to him for some reason she didn't know.
Nadismaya si Paloma nang paglabas sa library ay umuulan. "Shocks! Wala akong dalang payong."
Inilabas ni Jeyrick ang payong sa bag nito. "Heto. Gamitin mo na lang."
"Pero mababasa ka naman saka ang gamit mo."
"May hood naman itong jacket ko saka di naman basta-basta ang bag ko. Naka-plastic ang gamit ko," sabi nito at nag-thumbs up pa bago inilagay ang hood sa ulo. Pangangatawanan talaga siya nitong pahiramin ng payong.
"Hindi. Sukob na tayo. Baka magkasakit ka, konsensiya ko pa."
"Sa amin sa Kadaclan sanay na kaming abutan ng ulan lalo na kapag nasa bukid. Ayos lang iyan," giit nito.
Hinatak niya ito palapit. "Sumukob ka na sabi."
"O!" usal nito at muntik nang matumba. Napahilig to sa tagiliran niya at dali-daling hinawakan ang baywang niya para di sila matumba.
Napalunok siya dahil malapit ang mukha nito sa kanya at mainit din ang kamay nitong nahawak sa baywang niya. Pero parang wala lang kay Jeyrick iyon at kinuha ang payong mula sa kanya.
"Dahan-dahan lang. Huwag kang namimilit. Paano kung masaktan ka?" sermon ng lalaki sa kanya.
"Sorry. Ang kulit mo kasi. Sabing sumilong ka."
"Nakakahiyang lumapit sa iyo," anito at yumuko saka luminga sa paligid.
"Naiinis na ako sa hiya na iyan. Parang may nakakadiri akong sakit."
"Hindi. Baka kasi may makakita sa atin."
"May magsusumbong ba sa girlfriend mo na may kasabay kang maglakad?"
Umiling ito. "Naku! Wala akong girlfriend. Bata pa ako. Baka pauwiin agad ako sa amin kapag nangyari iyon. Pinaluwas lang ako dahil nangako ako na mag-aaral lang ako. Gustong-gusto ko talaga na makatapos."
Natawa siya sa itsura nito. Magkaedad lang naman sila pero parang inosente ito sa maraming bagay. Samantalang ang ibang kaedad nila ay nakailang girlfriend na. "Tama iyan. Aral muna bago ang lovelife." Di nagtagal ay nasa jeepney stop na sila. Pinara niya ang taxi. "Dito na ako."
"Kaya mo na bang mag-isa?"
"Oo naman. Sumabay ka na sa akin," yaya niya dito pagkabalik niya ng payong.
"Hindi na. Mapapamahal ka pa kapag sumabay ako sa iyo. May jeep naman."
"Salamat, Jeyrick. I-enjoyed your company."
Natigagal ito at pagkuwan ay ngumiti. "Salamat. Tinawag mo ang pangalan ko."
Natawa lang siya. Ganoon lang ay masaya na ito. "Cute. Ingat ka pauwi."
Hindi nawala ang ngiti nito habang kumakaway sa kanya.