Pumapailanlang ang tunog ng gong at gangsa sa kuwarto ni Paloma habang pinanonood niya ang mga katutubong sayaw ng mga Igorot sa computer. Wala siyang pasok kinabukasan kaya iyon ang pinagkaabalahan niya. Sa halip na mag-mall kasama ang mga kaibigan ay pinili niyang mag-aral. Di naman iyon part ng report niya pero naging interesado siya dahil kay Jeyrick.
Nabulabog siya nang katukin ng pinsang si Bernardo at saka pumasok sa kuwarto niya. Kinse anyos na ito at nasa third year high school. Feel na feel nito ang suod na long sleeve floral dress. May headband ito na paru-paro sa semi-kalbo na buhok at namumula ang lipstick sa labi.
"Ate, ano ba naman 'yang music mo? Wala bang One Direction diyan?"
"Huwag kang maingay. Para sa report ko ito," saway niya dito.
Tumili ito nang makita ang pinapanood niya at tinakpan ang mga mata niya. "Ateeee, bakit ka nanonood ng mga nakabahag lang. May pagnanasa ka?"
Inalis niya ang pagkakatakip nito sa mata niya. "Malisyosong ito. Iyan talaga ang suot ng mga Igorot. Tumabi ka nga diyan."
Halos iduldol nito ang mukha sa monitor ng computer. "Ibig sabihin pwede kong makita ang crush ko na ganyan ang suot? Bet na bet."
"Ganito ang tradisyunal na kasuotan ng mga taga-Cordillera. Masanay na tayo pati sa mga kaugalian nila."
Umupo ito sa kama niya. "Bakit pa? Nasa city naman tayo."
"Kahit na. May kaugalian pa rin ang mga tao dito na kailangan nating irespeto. Dumayo lang tayo dito."
Bagama't apat na buwan na sila sa Baguio ay hindi pa rin nakukuha ang puso ng lugar na iyon. Sigurado dahil isang syudad ang trato niya sa Baguio. Wala halos kaibahan sa Manila ang buhay sa Baguio mula sa mall hanggang sa dami ng mga tao at sasakyan. Pero nang makilala niya si Jeyrick at makita niya ang kultura ng mga Igorot, parang nasilayan niya ang totoong puso ng lungsod.
"Masyado ka namang seryoso," saway ng pinsan.
"Seryoso naman talaga ako. Di mo lang pinapansin. Alam ko na sanay ka sa buhay sa Maynila pero kailangan natin mag-adjust."
"Magbabahag din ako? Gosh! Baka magyelo na ako. I cannot!" anito at sinapo ang noo.
"Kung pag-aaralan mo ang kultura nila, maa-appreciate mo rin."
"Yung totoo. Baka naman may crush kang Igorot kaya kuntodo pag-aaral ka sa mga customs and tradition nila. Si Gordon ba?"
"Nope. At hindi ko crush ang mayabang na iyon."
"E sino ang crush mo?" panghuhuli nito.
Isang kiming ngiti ang nabuo sa labi niya. "Wala. Fascinated lang talaga ako sa kultura ng mga Igorot. Kailangan ba may kinalaman ang lalaki?"
"Of course. I can see the sparkle in your eyes." Narinig nila ang ugong ng sasakyan sa labas. "Nandiyan na si Mama. Isusumbong kita." At nagtatakbo ito palabas.
. "Bumalik ka dito!" utos ni Paloma sa pinsan at hinabol ito.
"Tigilan ninyo ang paghahabulan ninyo. Para kayong mga bata," saway ng Tita Bevz. "At ano ba naman ang itsura mo, Bernardo? Ang sakit sa mata."
"Ibili mo ako ng gown para bongga, Mama."
"Magbihis ka at kailangan ko ng tauhan sa bar. May sakit ang isang waiter natin. Ikaw din, Paloma. Wala akong kahera ngayon. Tumulong ka muna."
"Opo. Gusto po ba ninyo ng miryenda?"
"Diet ako. Tumataba na nga ako." At tumagilid ito sa salamin at tiningnan ang flat namang sikmura. Mahigit treinta na ang tiyahin pero mukha pa rin itong nasa early twenties dahil sa makinis na mukha at balingkinitang katawan. Dati itong nagpe-perform sa mga bar dati hanggang makuha ang atensyon ng isang movie and TV direktor. "Ano nga pala itong nabalitaan ko na lagi mong tinatanggihan si Gordon kapag niyayaya kang lumabas? Kahapon daw di ka sumamang magsine at kanina naman di ka sumama na mag-roadtrip."
"Marami po akong assignment at may report po ako. Saka bata pa po ako para sumama sa date-date na ganyan," katwiran niya.
"Ano ngayon kung date? Kaysa naman magtampo si Gordon. Maging mabait ka sa kaklase mo na iyon. Malaki ang naitutulong ng nanay niya sa atin sila ang may-ari ng pwesto ng bar. Sa kanila tayo umuupa. Binigyan pa tayo ng discount dahil nalaman niyang gusto ka ni Gordon. Malay mo sa susunod mag-invest pa siya sa atin. Mahirap ang buhay, Paloma. Malaking tulong kung may mga mabubuting tao na pwedeng makatulong sa atin. Talk about having the right connections. So be nice to Gordon. Sige ka, baka sa kaiiwas mo sa iba na siya magkagusto. Sayang naman ang chance. Mayaman ang pamilya nila at solong anak pa. Jackpot ka na sa kanya."
"Naiintindihan ko po, Tita," aniya at yumuko. "Sa susunod po sasama ako kay Gordon." Kapag wala siyang gagawin sa school. Tutal ay wala rin namang mangyayari kung kokontrahin niya ang tiyahin. Ang kailangan lang nman ay sabihin niya ang gusto nitong marinig.
Isa sa dahilan kung bakit ayaw niya kay Gordon ay dahil ipinagduduldulan ito sa kanya. And she hated that feeling. Kailangan niyang makisama dahil may hihingin silang pabor. Pero wala siyang magagawa dahil kailangan niyang tulungan ang tiyahin. Malaki ang utang na loob niya dito. Alam din niya na hindi siya nito ipapahamak.
Pero umaasa siya na dumating ang panahon na di na niya kailangang magipit. Na makakapagdesisyo siya nang malaya - malayang mamili kung sino ang kakaibiganin at kung sino ang pwedeng pakisamahan.
Sana lang ay dumating na ang pagkakataong iyon sa kanya.