"Eeee! Manonood na ako ng sine. Kasama si Jericho Eusebio, 'yung crush ko noong high school. Malayong pinsan pala siya ni Gordon. Di man lang ako na-inform."
Halos mabingi si Paloma sa tili ng kaibigang si Jimarah. Ngumiwi siya at natigilan sa pagdampi ng powder sa mukha. Nasa restroom sila para mag-ayos bago magkanya-kanya ng lakad.
"Akala ko ba sasama ka sa akin na mag-library. Aaralin pa natin 'yung Algebra. Gagawa pa tayo ng assignment," paalala niya sa kaibigan.
Pinisil ng kaibigan ang braso niya. "Bukas na lang 'yan. Liza Soberano at Enrique Gil ang bida dito. Hindi na daw 'yung horror ang panonoorin nila. Sama ka rin."
Umiling siya. "Kayo na lang. Sa library na lang ako," sabi niya at lumabas ng restroom.
Sumunod sa kanya si Jimarah. "Library? There's Google already. Just a few clicks and you will get whatever you want. Kung inaalala mo si Tita Bevz, I will call her up. Sasabihin ko na manonood tayo ng sine at ihahatid kita."
"Mas gusto ko sa library," giit niya at humalik sa pisngi ng kaibigan.
"Sigurado ka?"
Tumango ang dalaga. "Enjoy, guys."
Napansin niya ang pagkadismaya nito. Nang malaman ni Jimarah na galing siya sa Maynila, kinaibigan agad siya nito. Ang alam nito ay cool siya, mahilig sa night life at designer clothes, mahilig sa mall at mga mamahaling kainan. Mas gusto niya ang simple at tahimik lang na pamumuhay. At nag-aalala siya na baka nadidismaya na ang mga kaibigan niya dahil iba na siya sa inaasahan ng mga ito.
Pagdating sa library ay hinanap agad niya ang reference book na kailangan para sa report niya sa Humanities. Laking dismaya niya nang I-check sa computer na nasa hiraman ang nag-iisang kopya ng libro.
Lumapit siya sa student librarian. "Kailangan ko ang librong ito. Pwede bang malaman kung sino ang humiram?" tanong niya. Tungkol sa pag-aaral iba't ibang ethnic tribe ang libro na iyon.
"Miss, ano... kasi confidential ito..."
Matamis siyang ngumiti sa lalaki. "Baka naman pwedeng malaman kung sino. Baka kasi matagalan pa siya na ibalik. Kailangan ko kasi. Please?"
Saglit itong natigagal at kinuha ang record. "Jeyrick. Jeyrick Sigmaton. Heto ang library card niya. Ibabalik din niya iyan dahil dito lang siya lagi sa library."
Nagulat niya nang makita ang may-ari ng library card. Si Mr. Hoodie. Mabuti naman at hindi na iba sa kanya ang humiram ng libro. Siguro ay may report din ang lalaki sa Humanities.
Matapos magpasalamat ay hinanap agad niya ang kaklase. Nakailang ikot siya bago makita nakita ang lalaki. Naabutan niya itong nakayukyok sa mesa sa dulo ng library. Nang lapitan niya ito ay narinig niya ang mahina nitong paghihilik. "Hay naku! Tutulog-tulog na naman." Hindi niya alam kung gigisingin ito dahil mukhang pagod na pagod ito. Ano ba ang ginagawa nito at parang hapong-hapo ito? Hahayaan na sana niya ito pero kailangan niya ang libro. Magaan niyang tinapik ang balikat ng lalaki. "Excuse me, Jeyrick."
Napapitlag ang lalaki at tumuwid ng upo. "Sorry di na po ako matutulog dito. Mag-aaral na po ulit ako. Pasensiya na po."
"Relax lang. Hindi ako kalaban," natatawa niyang sabi at itinaas ang dalawang kamay.
Kinusot nito ang mata. "Sana huwag mo akong isumbong na natutulog ako. Nag-aaral naman talaga ako."
"Pasensiya na kung nagising kita. Itatanong ko lang sana kung gagamitin mo ang libro sa Humanities?" At itinuro niya ang libro na nakapatong sa ibabaw ng talaksan nito ng libro. "Kailangan ko sana sa report ko. Nag-iisa lang kasing kopya 'yan."
Inabot nito ang libro sa kanya. "S-Sige. Ikaw muna ang gumamit. May iba pa naman akong gagawin."
"Salamat." Umupo siya sa tapat nito. Binuklat nito ang libro sa World Literature. "Ang dami mo namang libro diyan. Lahat ito inaaral mo?"
"Ah! Tinutulungan kong mag-research ang kaibigan ko."
"Ang bait mo namang kaibigan. Ikaw pa nagre-research para sa friend mo."
Ngumiti lang ito sa kanya. "Busy kasi siya."
"Pare-pareho lang naman tayong busy."
"Okay lang. Mahalaga nakakatulong ako."
"Huwag kang masyadong mabait. Baka maabuso ka."
"Basta para sa mga taong mahalaga sa akin, walang problema. Nandiyan din naman sila kapag kailangan ko," sabi nito at luminga sa paligid. "Mag-isa ka lang yata. Nasaan ang mga kaibigan mo?"
"Nanood sila ng sine."
"Bakit hindi ka sumama sa kanila?"
Nagkibit-balikat siya. "Marami akong gagawin. Saka di naman panonood ng sine at malling ang priority ko. Ikaw, di ka manonood ng sine?"
"Wala naman akong pampanood. Ipangkakain ko na lang iyon. Estudyante pa lang naman ako. Di pa ako nagtatrabaho."
Natawa siya. "Tama iyan!"
Hindi na siya lumipat ng upuan. Di na niya iniwan si Jeyrick. Magaan ang loob niya na nag-take down ng notes para sa report niya. Paminsan-minsan niyang sinusulyapan ang lalaki. Nakatutok lang ito sa binabasa. Ni wala itong pakialam kung magulo ang buhok nito. Ni hindi ito nahihiya kung wala itong pangsine. Hindi ito pa-cool. At nakaka-relate siya.
Matapos ang research niya ay ibinalik din niya ang libro dito. Saka niya hinarap ang workbook sa Algebra. Pero bumalik na naman ang dilemma niya. "Naku naman! Paano ba ito?" aniya at sinabunutan ang sarili.
"May problema ba?" tanong ng lalaki.
"Ang hirap kasi nitong Algebra. Naiiyak na ako. Di naman ito major subject pero kailangan kong pagdusahan."
"Ano ba ang mahirap para sa iyo? May formula naman."
"Nahihilo ako kapag nakikita ko na ang numbers at letters na magkasama."
Umupo ito sa tabi niya. "Una, mag-focus ka muna. Huminga ng malalim." Sinunod niya ito. "Saka mo sundin ang rules para di ka mataranta."
Matiyaga nitong ipinaliwanag sa kanya ang step by step na pagko-compute sa lesson nila. Moreno si Jeyrick at di mapustura kaya ito nasasabihan ni Laurada ng dugyot pero malinis naman ito. He had that clean scent. Hindi kailangan ng matapang na pabango na ginagamit ng ibang kaklase niya na masakit sa ilong.
And he looked better up close. Mapungay ang mga mata nito na may mahahabang pilik-mata. Maamo din ang mukha nito at matangos ang ilong. Hindi nga niya masabi na guwapo ito. Maganda itong lalaki. Pwedeng ma-insecure dito kahit ang magagandang babae gaya niya.
At habang namomoroblema siya gaya ng ibang normal na teenager sa pagkakaroon ng pimples, makinis na makinis naman si Jeyrick kahit na moreno ang balat nito. It was not fair. Nasaan ang hustisya para sa gaya niya na conscious sa kagandahan?
"Nakuha mo ba?" tanong ni Jeyrick at inangat ang tingin sa kanya. Nagulat pa ito nang makitang nakatitig siya sa mukha nito. "Wala ka yatang naintindihan sa sinabi ko. Paseniya na. Hindi ako magaling magpaliwanag."
Ilang beses pang kumurap si Paloma bago bumalik sa huwisyo. "H-Hindi. N-Nakukuha ko naman. Pwede pakiulit? Promise makukuha ko na." Promise magfo-focus na ako. Hindi na kita masyadong tititigan.