Pagdating kay Omar, ayaw ni Aurora ng pakiramdam na parang napipilitan lang silang pakisamahan ang isa't isa. Di naman kaila sa kanya na gusto silang pagkasunduin ng mga ama nila para magpakasal. Noon, iniisip niya na marahil ay di siya tatanggi sa ama niya. Wala namang ibang nakakakuha ng interes niya sa isla at si Omar naman ang pinakabagay sa kanya. Pero ngayon ay nag-iba na ang pananaw niya. Dati ay wala na siyang ibang mapagpipilian. Ngayon ay parang di na siya kailangang magtiis at magpasalamat na lang na may Omar sa islang iyon. May iba pa siyang pwedeng pagpilian. At pasimple na nilingon ni Aurora ang direksyon ni Alvaro na nakikinig sa payabangan ng mga kababaihan.
"Sa susunod isama mo si Omar. Tiyak na walang magnanakaw na basta-basta lalapit sa iyo dahil kaya silang patumbahin ng anak ko. Kahit sampu pa sila," anang si Kapitan Robredo at akmang sumuntok na gaya ni FPJ.
"Kumpadre, bakit di natin hayaan ang mga bata na magkasarilinan? Sigurado ako na may importanteng pag-uusapan ang mga bata," sabi naman ng ama niyang si Manoy Gener at naglakad palayo ang ama niya. Sumunod naman ang kapitan dito.
Ganoon lagi ang ginagawa ng mga ama nila pero madalas silang napapanisan ng laway ni Omar kapag silang dalawa lang. Madalas ay siya ang nag-e-effort na makipag-kwentuhan pero ngayon ay wala siyang maisip na sabihin sa lalaki. Nakakapagod pala talaga na kapag magkasama sila, siya ang laging nagpapakita ng interes na kausapin ito dahil iyon ang bilin sa kanya ng ama niya. Dahil kung wala itong sasabihin sa kanya, mas gusto na lang niyang bulabugin ang mga babaeng pumuputakti kay Alvaro.
Tumikhim si Aurora. "Omar, ayos lang ba na pumunta muna ako sa..."
"Pwede ba tayong mamasyal bukas?" biglang putol ng binata sa sasabihin niya.
"Huh?" usal niya. Himala. Niyaya siya nitong mamasyal. Dati nga ay siya ang nagyayaya dito pero lagi itong tumatanggi dahil abala daw sa trabaho. Ano kayang nakain nito at bigla siyang niyayang mamayasl?
Nang lumingon siya ay nakita niyang nakangiti ang amang si Manoy Gener sa direksyon nila. Marahil ay suhestiyon nito na yayain siya ni Omar na mamasyal.
"Namulaklak na ang mga orchids sa bundok. Baka gusto mong mamili ng mga bulaklak na itatanim," suhestiyon nito.
"Salamat, Omar. Pero kawawa naman ang mga bulaklak kung ipapaalaga mo sa akin. Alam mo naman na namamatayan ako ng mga halaman. Mainit ang kamay ko. Saka malapit na ang pista natin. Magiging abala tayo sa dula at sa pag-aayos sa baranggay. Wala na siguro tayong oras para mamasyal."
"Pero baka naman pwede mong subukan. Noong isang taon nga niyaya mo pa akong mamasyal at ganoon din naman kadami ng trabaho mo sa pista," paalala ng lalaki.
Mariing nagdikit ang mga labi ng dalaga. Kailangan ba talagang isampal nito sa kanya kung paano niya kinapalan ang mukha niya na yayain itong mamasyal para lang tanggihan nito? Napagalitan pa siya noon ng tatay niya dahil parang di daw niya inayos ang pagsasabi kay Omar kaya tinanggihan siya nito.
Ngumiti lang siya. "Tingnan natin kapag hindi na ako abala."
Lumapit sa kanya si Alvaro. "Aurora, gusto mo ba ng buko juice? Ikinuha na kita." At inabot sa kanya ang baso.
"Salamat," sabi niya at napansin niya na mataman ang tingin nito kay Omar. "Si Omar pala. Kababata ko siya at anak ni Kapitan Robredo."
"Ako si Alvaro. Nice meeting you," sabi ni Alvaro at nakangiting kinamayan ang lalaki.
Tumango naman si Omar. "Salamat sa pagsagip kay Aurora. Alam mo importante siya sa akin. Siya ang mutya namin dito sa Juventus."
"Mutya ng Juventus?" natatawang sabi Aurora.
"Oo. Dahil ikaw ang pinakamagandang dilag dito," anang si Omar. Ano bang sumapi dito? Kakatwa kasi ang ikinikilos nito. Hindi siya nito pinupuri. Pakiramdam nga niya noon ay baka napapangitan ito sa kanya kaya ayaw siya nitong ligawan.
"Masaya akong makatulong lalo na kay Aurora," sabi naman ni Alvaro habang nakatitig sa kanya. "At kung kailangang gawin ko ulit iyon kahit malagay ang buhay ko sa panganib, gagawin ko pa rin."
Naririnig niyang kumakanta ang puso niya sa sinabi ni Alvaro. Parang pagkahaba-haba ng buhok niya. Heto ang isang guwapo at makisig na lalaki na handang ibuwis ang buhay para sa kanya nang paulit-ulit. Parang isang pangarap si Alvaro na nagkatotoo.
"Maiwan ko na kayo, Aurora. Pag-isipan mo ang pinag-usapan natin," anang si Omar at tumango kay Alvaro. "Kapag may kailangan ka, huwag kang mahihiyang magsabi sa amin ni Tatay. Ituring mong parang tahanan mo na rin ang Juventus."
Hinaplos ni Alvaro ang baba habang nakatingin kay Omar na masaya nang kausap ang kaibigan nitong si Mando. "Iyon pala si Omar."
"Parang may iba kang ibig sabihin."
"Wala. Hindi ba talaga siya nanliligaw sa iyo?"
"Hindi. Niyaya lang akong mamasyal," paglilinaw ni Aurora.
"Ah!" anang binata at tumango lang.
"Pero di ko tinanggap kasi marami akong kailangang asikasuhin. Kailangan ko rin tiyakin ang paggaling mo para maipasyal na kita."
Biglang nawala ang agam-agam ng lalaki. "Sinabi mo sa kanya?"
"Hindi." Hindi na kailangang malaman ni Omar na mas uunahin niya ngayon si Alvaro kaysa sa ibang bagay. Bisita niya ito. Nakataas ang kilay niyang nilingon ang binata. "Himala yata na nakawala ka sa mga tagahanga mo."
"Sabi ko gusto ko nang magpahinga," anang binata at pinigil ang paghikab. "Kailangan ko kasing magpagaling agad para maipasyal mo na ako."
"Ayaw mo bang isa sa kanila ang magpasyal sa iyo?" nakangusong tanong niya sa binata.
"Ikaw ang mutya ng Juventus kaya dapat ikaw ang magpasyal sa akin. Pero kung mas gusto mo na sumamang mamasyal kay Omar..."
Kumapit siya sa braso nito at pasimpleng pinisil iyon. "Ikaw na ang gusto kong makasamang mamasyal."
"Pakiulit nga. Hindi ko narinig," anito at inilapit ang tainga sa bibig niya.
Nahigit ni Aurora ang hininga. Animo'y may malaking kamay na tumampal sa dibdib niya nang malanghap niya ang panlalaking bango nito. Awtomatiko niyang binasa ng dila ang labi niya. "Ikaw ang gusto ko at hindi si Omar."
"Talaga? Ako ang gusto mo?"
Saka lang niya naisip kung anong ibang pwedeng ipakahulugan sa sinabi niya. Baka isipin nito na may gusto siya dito. "Ang ibig kong sabihin, kung mamasyal siyempre ikaw ang dapat na kasama ko. Mabuti pa umuwi na tayo para makapagpahinga ka na."
Marami silang sabay-sabay na naglakad pauwi na may tanglaw na lampara pero di siya nawala sa tabi ni Alvaro. At nang bago siya matulog nang gabing iyon ay tinanaw pa niya ang kuwarto nito mula sa kuwarto niya bago siya matulog.
Nasasabik na siya sa pagdating ng bukas dahil makikita muli niya ang binata.