"MAGHAPON ako sa koprahan dahil hindi ako nakadalaw doon nang umalis ako. Ikaw na muna ang bahala dito sa bahay," bilin ni Manoy Gener sa kanya
"Opo, Amay," sagot ni Aurora sa ama habang kumakain ng agahan. Malinis naman ang bahay nila dahil kay Manay Soling kaya wala siyang masyadong aalalahanin. Balik na sa trabaho ang ama niya lalo na't maganda naman ang pangangatawan nito ayon kay Doc Tagle.
"At huwag mong lalagyan ng bulaklak. Ayoko ng bulaklak."
Puro opo na lang at ngiti ang sagot ng dalaga sa ama habang nag-aagahan. Di pa man sumisikat ang araw ay gising na siya gaya ng nakagawian niya. May kakaibang sigla lang siyang nararamdaman ngayon.
"Mukhang maaliwalas ang mukha mo ngayon at masaya ka," puna ng ama. "Anong oras ka pala susunduin ni Omar? Nagpaalam siyang ipapasyal ka sa koprahan nila."
"Hindi po muna ako pwedeng mamasyal dahil marami pa po akong gagawin." Humalik siya sa pisngi ng ama. "Nandiyan na po ang sundo ninyo at huwag kayong gaanong magpapagod. Si Manay Soling na po ang magdadala ng tanghalian sa inyo."
"S-Sandali. Pero paano naman si Omar? Wala ka namang gaanong gagawin kaya pwede kang sumama sa kanyang mamasyal..."
"Tay, mainit na sa daan kapag di pa po kayo lumakad ngayon. Kayo din ang mahihirapan," pagtataboy niya sa ama at ihinatid sa labas ng bahay kung saan naghihintay ang isang trabahador na magsasakay sa ama niya sa karitela na hila ng kabayo.
Nakangisi siyang pumasok ng bahay si Aurora at ipinusod ang buhok. Saka siya nangapit-bahay para kumustahin si Alvaro. Alam niyang sanay ito sa buhay sa lungsod kung saan may kuryente. "Si Alvaro?" tanong agad niya sa pinsang si Kenzo na nagwawalis sa harapan ng bahay.
"Nandoon sa talampas. Mamamasyal daw siya at sabi ko maganda doon."
"Bakit hinayaan mo siyang mag-isa. Alam mo naman na di pa siya magaling. Paano kung may masamang mangyari doon?" sermon ni Aurora sa pinsan.
"Ate, malaki na siya. Kaya na niyang mag-isa. Saka sa talampas lang naman siya. Ano naman ang pwedeng mangyari sa kanyang masama?"
Pinanlakihan niya ito ng mata. "Kapag nadisgrasya siya, may pingot ka sa akin. At sasabihin ko sa nililigawan mo na bastedin ka."
"Huwag naman. Ihinatid ko naman si Kuya Alvaro sa talampas bago ako bumalik dito. Sabi niya babalikan ko na lang siya doon matapos ang isang oras."
"Pupuntahan ko na siya," aniya at nagmartsa papunta sa talampas.
"Ate, dalhan mo na rin siya ng tinapay at kape. Ayaw kasi niyang kumain kanina bago umalis," anito at inabot sa kanya ang termos at plato na may lamang Spanish bread at pan de coco.
"Ako pa talaga ang pagdadalhin mo niyan?" angal niya.
"Ayaw mo no'n? Parang magde-date kayo. Sige ka. Baka maunahan ka pa ng ibang babae na maka-date niya sa talampas. Alam mo naman na maraming gustong masolo siya."
Napipilan siya. Oo nga naman. Kung may ibang babaeng aaligid kay Alvaro, maganda nang may sandata siya. Ayon sa tiyahin niya, the best way to man's heart is through his stomach. Ngayon kung ayaw naman ng mga babae na tantanan si Alvaro kahit na nandoon na siya, pwede naman niyang hampasin ng termos.
Pagdating sa talampas ay maingat siyang umakyat. Sa gitna ng talampas na puro mga damo at namumulaklak na halaman ay nakatayo si Alvaro habang ginagamit ang cellphone nito. Ayos! Walang ibang babae doon at solo nila ang lugar. Hindi niya alam kung bakit parang paikot-ikot ito doon.
"Kahit anong ikot ang gawin mo, mahihirapan kang humanap ng signal."
Humarap ito sa kanya at pinindot nito ang hawak nito. "Hi! Hindi naman ako naghahanap ng signal."
"Anong ginagawa mo?" tanong niya nang may marinig na click.
"Kinuhanan ka ng picture," sabi nito at ipinakita ang cellphone sa kanya.
Namangha siya nang makita ang imahe niya sa cellphone nito. Parang siya pero parang hindi rin siya. Maaliwalas ang mukha niya doon at mukhang makinis. "Ang ganda ko naman diyan. Ako ba talaga iyan? May daya pala iyan." Hindi niya alam na may camera na rin pala ang cellphone ngayon. Ang alam lang niya ay pan-text at pantawag lang iyon.
Humalakhak ang binata. "It enhances the image but you are really beautiful." Ipinasok nito ang cellphone sa bulsa. "Ano 'yang dala mo?"
"Kape at tinapay. Ang sabi ni Kenzo hindi ka pa daw nag-aagahan."
"Gusto ko kasi agad mamasyal nang mag-isa." Kinuha ng binata sa kanya ang tasa at ang termos. "Salamat pala dito."
Sumalampak ito sa damuhan at tinabihanito. "Wala iyon."
"Hindi ka ba nahirapan matulog kagabi?"
"Hindi naman. Presko ang hangin at walang lamok. Naririnig ko pa ang alon sa dagat. Kaya nga nang gumising ako kanina gusto ko na agad kuhanan ng picture. Maganda siguro dito kapag sunset."
"May isang beach sa kabila ng isla na maganda kapag lumulubog ang araw. Marami kang makukuhanang magandang tanawin dito. Di ko nga alam na ganyan na kanipis ang cellphone at ganyan kaganda ang camera. Mahal siguro ang ganyan." Ang kaibigan niyang si Crisanta ay may cellphone din pero di ganoon kaganda ang camera at makapal pa.
Nagkibit-balikat ito. "Ang cellphone ay cellphone. Wala naman sa presyo iyan," kaswal na sabi nito at humigop ng kape.
"Kaso paano mo naman magagamit iyan? Wala namang kuryente dito," aniya at kumagat ng tinapay.
"May solar charger ako," anang binata at tinapik ang bag nito. "Kukuha ito ng enerhiya mula sa araw para gawing kuryente."
"Ahhhh! Ganyan din ang sinasabi ko kay Amay nang napag-aralan namin dati. Kaso ayaw niya. Masiyahan na daw ako kung ano ang mayroon sa isla," sabi niya.