Iyon din ang araw na sinabi ng tatay niya na hindi na siya makakapag-aral sa kolehiyo gaya ng pangarap niya. Parang tumigil ang panahon sa kanya sa limang taon niyang pananatili sa isla. Hindi. Ngayong nakikita niya ang makabagong gamit ni Alvaro, pakiramdam niya ay umurong ang panahon. Umuusad ang mundo pero napag-iiwanan sila.
"Minsan mas okay na masiyahan ka kung ano ang mayroon ka. Nakakalunod din kapag sobra-sobra," sabi nito at tumingin sa malayo. Napansin niya ang lungkot sa mga mata nito saka niya naisip na wala pala siyang alam tungkol sa edad nito at may isa itong kapatid na nasa ibang bansa ngayon.
Lumabi siya. Kung magsalita ito, parang sobra-sobra na ang biyayang dumating sa buhay nito. May tao bang tumatanggi sa biyaya? "Ano ulit ang trabaho mo?"
"Kung anu-ano," anang binata. "Depende kung anong meron. Depende kung ano ang kaya kong gawin."
Napatitig na lang siya dito. "Jack of all trades? Ano iyon? Minsan tubero, minsan magsasaka o kaya dance instructor? Parang si Jose Rizal?"
Bigla itong humalakhak. "Hindi ko alam na naging dance instructor o tubero dati si Jose Rizal."
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Hindi ka namimili ng trabaho basta kaya mong gawin. Ang dami mo sigurong alam. Siguro kung magbibiyahe ka, hindi ka mahihirapan na maghanap ng trabaho."
Iniwas nito ang mata sa kanya. "Saka na natin pag-usapan ang trabaho ko. Nandito ako para magbakasyon. Ang gusto ko lang ay maging malaya at walang masyadong intindihin."
"Sana magawa ko rin iyan," aniya at inunat ang mga paa sa ilalim ng mahabang palda.
"Bakit? Hindi mo ba magagawa iyon?"
Tumingala siya sa asul na langit at pinagmasdan ang mga ibong lumilipad. "Nakita mo naman ang tatay ko, hindi ba? Hindi niya ako basta-basta mapakawalan dahil natatakot siyang mawawala ako sa kanya, Ako na lang kasi ang natitira sa kanya."
"Ang nanay mo?"
Iniwas niya ang tingin dito. "Wala na siya."
"I am sorry. It is tough to lose a parent. Ulila na rin kami ng kapatid ko nang sabay mawala ang magulang namin nang lumubog ang sinasakyan niyang bangka. Maswerte ka pa rin dahil may tatay ka."
Di lang niya masabi dito na hindi niya alam kung nasaan ang nanay niya. Kung sensitibo para sa binata na pag-usapan ang trabaho nito, ayaw naman niyang pag-usapan ang tungkol sa kanyang ina.
Suminghap siya at pinagkiskis ang mga kamay. "Madami ka na bang iba't ibang lugar na napuntahan?"
"May mangilan-ngilan ding lugar sa Pilipinas at sa ibang bansa."
Bumagsak ang panga niya. "Ibang bansa? Ibig sabihin nakasakay ka na ng eroplano?"
Tumango ang binata na parang normal lang dito ang makasakay ng eroplano. "Oo."
"Anong pakiramdam? Para bang lumilipad?" Pinagsalikop ni Aurora ang mga kamay. Kahit na sabihin pang may paliparan na sa Calbayog ay wala pa rin siyang taong nakikilala na nakasakay na ng eroplano. Dati pa siya interesado sa eroplano dahil hanggang tanaw lang siya kapag may dumadaan sa isla nila. "Nakakasabay mo bang lumipad ang mga ibon? Pwede bang mahawakan ang mga ulap?"
Napaubo ang binata. "Ang pagsakay sa eroplano ay iba sa paglipad na katulad ni Superman. You see, I usually ride on commercial flights. The cabin is pressurized. Hindi mo pwedeng buksan ang bintana para hawakan ang mga ulap dahil delikado iyon para sa mga pasahero. Nakaupo ka lang sa eroplano halos buong biyahe mo. It is very boring."
"Ay! Nakakainip sumakay ng eroplano?" malungkot niyang usal.
"Pero pwede ka namang manood ng movie, makinig ng mga kanta o kaya ay maglaro ng games. Pwede ka rin magbasa ng libro."
Bumagsak ang balikat niya sa pagkadismaya. "Akala ko mahahawakan ko ang ulap o kaya makakalipad ako na parang ibon."
"Iba pa rin iyon sa totoong paglipad."
"May isa akong alam na paraan para maramdaman mo na nakakalipad ka."
"Paano? Bibigyan mo pa ako ng bato para maging si Darna?"
Magaan itong tumawa. "Hindi. Hindi mo kailangan ng pakpak o ng superpowers para lang makalipad. Kailangan mo lang gamitan ng imahinasyon."
"Sige. Paano iyan?"
Tumayo ito at dali-dali niya itong inalalayan. "Doon tayo sa dulo ng cliff."
Nagtataka man ay sumunod siya dito. Ilang pulgada mula sa dulo ng talampas ay tumigil ito. Tumigil siya sa tabi nito at bahagyang umurong dahil sa lakas ng hangin. Pakiramdam niya ay tatangayin siya.
"Anong nakikita mo?" tanong nito sa kanya.
"Malawak na karagatan na parang walang katapusan," sagot niya.
Naglakad ito paikot sa kanya at tumigil sa likuran niya. "Alam mo ba na sa kabila ng dagat na iyan ay maraming mga isla, maraming bansa at marami kang pwedeng madiskubre? Gusto mo bang makarating doon?"
Tiningala niya ito. "Alam mong imposible..."
"Gusto mo bang makarating doon?" tanong ng binata sa mas matatag na boses. "Hindi na mahalaga kung ano ang posible at imposible. Ang mahalaga kung ano ang gusto mo. Gusto mo bang makita kung ano ang nasa kabila ng dagat na iyan?"
"Oo," aniya at itinuwid ang tingin sa harap ng dagat. "Gusto ko." Pero di niya alam kung anong kinalaman niyon sa paglipad.
"Spread your arms," utos nito sa kanya. Ibinuka niya ang mga bisig. Hinawakan ng binata ang baywang niya. "Now close your eyes."
"Bakit?"
"Close your eyes and listen to my voice." Huminga siya ng malalim at sinunod ito. "Pakiramdaman mo ang hangin. Isipin mo na isa kang ibon na kayang makalipad sa himpapawid. Sumasakay ka sa hangin habang ikinakampay mo ang pakpak mo."
Dumilat siya at saka humalakhak. Sinalubong niya ang hangin na humahampas sa mukha niya at pumailanlang sa hangin ang halakhak niya. Ganoon lang pala kasimpleng lumipad at pakiramdam niya ay totoo siyang nakakalipad.
"Ganito ba ang pakiramdam na maging malaya?" tanong niya. Kahit na imahinasyon lang ay masaya na siya.
"Kung hahayaan mo lang ang sarili mo, pwede mong gawin ang lahat ng gusto mo."
"Kahit na di ako umalis dito?"
"Huwag mong hayaan ang sarili mo na hindi mangarap o isipin ang mga bagay na magpapasaya sa iyo. Kapag hindi mo ginawa iyon, hindi ka totoong magiging malaya."
Huminga siya ng malalim. "Ganito pala ang pakiramdam."
"Ng lumipad?"
"Na maging katulad nina Rose at Jack sa Titanic," nakangisi niyang sabi. "Napanood ko kasi iyon dati kasama ang nanay ko. Hindi ko makakalimutan ng pelikula na iyon. Sana pala ginawa natin ito noong nasa bangka tayo." At humagikgik siya.
"No. That is too dangerous," protesta nito.
"Akala ko ba matapang ka? Akala ko pwede mong gawin ang kahit anong gusto mo. Nagawa ko na ang akin. Anong gusto mong gawin?"
Tinitigan siya nito at tumutok sa mga labi niya. Parang gusto siya nitong halikan. Kumibot ang labi niya. Mistulang pinapaso niya ng titig nito. Parang nagbabadya sa kanya sa intensyon ng binata. Hinigit ni Aurora ang hininga. Kailangan niyang ihanda ang sarili sa halik nito. Ano ba ang dapat niyang gawin sa una niyang halik?
Tama ba iyon? Gusto kong halikan ako ni Alvaro? Hindi ko naman siya nobyo. Pero bakit pakiramdam ko tama lang ito? Hindi ko magawang tumutol.
"Masyado nang mainit dito. Mabuti pa bumalik na tayo sa bahay." At humakbang ito paurong saka inallayan siya palayo sa dulo ng talampas. "Kung gusto mong maramdaman kung paano lumipad, pwede kang pumunta lagi dito. Sasamahan kita kung gusto mo."
"Talaga? Maraming salamat. Alam mo, di ko na alam paano makakabawi sa iyo." Kapag nalaman pa nito na may malisya siya dito, mas malaking kahihiyan sa kanya.
"Ipagluto mo ako ng miryenda mamayang hapon. Bawi ka na noon."